Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

BAHAGI 1

Isang Kasiya-siyang Buhay—Isa Ba Lamang Guniguni?

Isang Kasiya-siyang Buhay—Isa Ba Lamang Guniguni?

SA ISANG maunlad na bansa, ang isang bahay na may lahat ng luho sa buhay ay maaaring magmukhang maginhawa at masagana. Gayunman, pumasok ka sa kanilang tahanan, at ano ang iyong makikita? Isang mahirap at malungkot na kapaligiran. Ang mga anak na tin-edyer ay sumasagot sa kanilang mga magulang ng “Oo,” o “Hindi,” taglay ang pagmamaktol. Ang ina ay naghahangad ng atensiyon ng kaniyang asawa. At ayaw naman ng ama na maistorbo. Palibhasa’y namumuhay nang sarili, ang tumatandang mga magulang ng mag-asawang ito ay nananabik na makasama ang pamilya, na ilang buwan na nilang hindi nakikita. Sa kabilang panig, ang mga pamilyang napapaharap sa gayunding kaigtingan ay nagtagumpay sa paglutas sa kanilang mga suliranin at naging tunay na maligaya. Nagtataka ba kayo kung bakit?

2 Isaalang-alang ang isang pamilya sa isang papaunlad na bansa, marahil ay sa iba namang sulok ng daigdig. Ang lahat ng pitong miyembro ng pamilya ay nakatira sa isang barungbarong na malapit nang magiba. Hindi nila matiyak kung kailan sila makakakuha ng susunod na pagkain​—isang malungkot na paalaala na hindi pa naaalis ng tao ang gutom at karalitaan sa daigdig. Subalit, hinaharap ng maraming pamilya sa lupa ang kahirapan taglay ang isang maligayang espiritu. Bakit?

3 Kahit na sa mayayamang lupain, maaaring lumitaw ang pinansiyal na mga suliranin. Isang pamilya sa Hapon ang bumili ng kanilang bahay noong nasa kasukdulan ang paglago ng ekonomiya na parang “bula.” Sa paniniwalang tiyak na tataas ang suweldo sa hinaharap, sila’y nagpasiyang mangutang nang malaki ang hulog. Gayunman, nang ang “bula” ay pumutok, hindi na sila makabayad anupat kailangang ipagbili nila ang kanilang bahay sa isang halagang mas mababa kaysa sa kanilang pagkakabili. Bagaman hindi na sila nakatira sa bahay na iyon, ang pamilya ay nagbabayad pa rin ng utang para doon. Dagdag pa sa pasanin, sila ay nagkukumayod sa pagbabayad ng utang dahil sa di-matalinong paggamit ng mga credit card. Ang ama ay tumataya sa karera ng kabayo, at ang pamilya ay lalong nababaon sa utang. Gayunman, maraming pamilya ang gumawa ng mga pagbabago na nagdulot ng kaligayahan. Nais mo bang malaman kung paano?

4 Saan ka man nakatira, ang mga relasyong pantao ay maaaring pagmulan ng patuloy na kabalisahan, anupat ang buhay ay lalong nagiging di-kasiya-siya. Sa trabaho ay maaaring maging puntirya ka ng talikurang paninira. Ang iyong mga nagagawa ay maaaring pumukaw sa iba na manibugho at gawin kang biktima ng di-makatuwirang pamumuna. Maaaring mainis ka sa isang tao na kailangan mong pakitunguhan sa araw-araw dahil sa kaniyang dominanteng personalidad. Sa paaralan ang iyong anak ay maaaring takutin, ligaligin, o hindi pansinin. Kung ikaw ay isang nagsosolong magulang, batid mong hindi nito pinabubuti ang kalagayan mo sa buhay kung tungkol sa iyong relasyon sa iba. Ang lahat ng mga suliraning ito sa ngayon ay nagpapalaki ng kaigtingan sa buhay ng maraming lalaki at mga babae.

5 Ang mga epekto ng kaigtingan ay maaaring dumami nang hindi namamalayan sa loob ng isang yugto ng panahon hanggang sa ito’y sumambulat nang walang babala. Kaya, ang kaigtingan ay tinatawag na tahimik na mamamatay-tao, at ang malubhang kaigtingan bilang isang mabagal na lason. “Sa ngayon, ang kaigtingan at ang idinudulot nitong karamdaman ay nagsisilbing dagok sa mga manggagawa sa halos bawat sulok ng daigdig,” sabi ni Propesor Robert L. Veninga ng University of Minnesota. Sinasabing dahil sa mga sakit na kaugnay ng kaigtingan, nalulugi ang ekonomiya ng Estados Unidos nang $200 bilyon sa isang taon. Ang kaigtingan ay tinatawag pa ngang pinakabagong pagluluwas (export) ng Amerika, at ang mga pagbanggit sa salitang “kaigtingan” ay maririnig sa maraming pangunahing mga wika sa daigdig. Kapag ikaw ay nasa kaigtingan at nabigong tapusin ang mga bagay na nakaiskedyul, maaari kang makadama ng pagkukulang. Isang pag-aaral kamakailan ang nag-uulat na ang karaniwang tao ay nakagugugol ng dalawang oras sa isang araw samantalang nakadarama ng pagkukulang. Subalit, nagawang harapin ng ilan ang kaigtingan at naging matagumpay sa kanilang buhay.

6 Paano mo mahaharap ang gayong pang-araw-araw na mga suliranin at magkaroon ng isang kasiya-siyang buhay? Ang ilan ay kumukonsulta sa mga aklat para sa sariling-sikap at mga manwal ng mga espesyalista. Maaasahan ba ang gayong mga aklat? Si Dr. Benjamin Spock, na ang aklat hinggil sa pag-aaruga sa anak ay naisalin na sa 42 wika at may sirkulasyong halos 50 milyon, minsan ay nagsabi na “ang kawalan ng katatagan ang . . . karaniwang suliranin ng mga magulang sa Amerika sa ngayon.” Pagkatapos ay nagpatuloy siya sa pagsasabing ang mga propesyonal, lakip na ang kaniyang sarili, ang dapat na sisihin. “Hindi namin nababatid, hanggang sa maging huli na ang lahat,” ang pag-amin niya, “kung paanong ang aming alam-ang-lahat na saloobin ay nagpaparupok sa pagtitiwala sa sarili ng mga magulang.” Kaya, makabubuting itanong natin: ‘Kaninong payo ang maaari nating sundin nang ligtas upang magkaroon ng isang kasiya-siyang buhay ngayon at sa hinaharap?’