ARAL 61
Hindi Sila Yumukod
Ilang panahon matapos mapanaginipan ni Haring Nabucodonosor ang tungkol sa estatuwa, nagpagawa siya ng isang napakalaking imaheng ginto. Ipinalagay niya ito sa kapatagan ng Dura at ipinatawag ang lahat ng importanteng tao sa lupain, kasama na sina Sadrac, Mesac, at Abednego, para magsama-sama sa harap ng estatuwa. Iniutos ng hari: ‘Kapag narinig n’yo ang tunog ng trumpeta, alpa, at pipa, yumukod kayo sa estatuwa! Ang hindi yumukod ay ihahagis sa nag-aapoy na hurno.’ Yuyukod kaya sa estatuwa ang tatlong Hebreo, o si Jehova lang ang sasambahin nila?
Iniutos ng hari na patugtugin ang musika. Yumukod ang lahat at sumamba sa estatuwa, pero hindi yumukod sina Sadrac, Mesac, at Abednego. Napansin ito ng ilang lalaki at nagsumbong sila sa hari: ‘Ang tatlong Hebreong iyon ay ayaw sumamba sa estatuwa.’ Ipinatawag sila ni Nabucodonosor at sinabi: ‘Bibigyan ko kayo ng isa pang pagkakataon na sumamba sa estatuwa. Kapag hindi kayo sumunod, ipapahagis ko kayo sa hurno. Walang diyos na makakapagligtas sa inyo.’ Sumagot sila: ‘Hindi na po namin kailangan ng isa pang pagkakataon. Maililigtas kami ng aming Diyos. At kung hindi man, O mahal na hari, hindi pa rin kami sasamba sa estatuwa.’
Galít na galít si Nabucodonosor. Sinabihan niya ang kaniyang mga tauhan: ‘Pitong beses n’yo pang painitin ang hurno!’ Pagkatapos, inutusan niya ang mga sundalo: ‘Talian sila, at ihagis sa hurno!’ Sa
sobrang init ng hurno, namatay agad ang mga sundalo nang mapalapit sila dito. Bumagsak sa apoy ang tatlong Hebreo. Pero nang silipin sila ni Nabucodonosor, apat na lalaki ang nakita niyang naglalakad sa loob ng hurno imbes na tatlo. Natakot siya at tinanong ang mga opisyal: ‘Tatlo lang ang ipinahagis ko, ’di ba? E, bakit apat ang nakikita ko? At y’ong isa, parang anghel!’Lumapit pa nang kaunti si Nabucodonosor at sumigaw: ‘Lumabas kayo, mga lingkod ng Kataas-taasang Diyos!’ Gulát na gulát ang lahat nang makita nilang lumalabas sina Sadrac, Mesac, at Abednego na parang walang nangyari. Hindi nasunog ang kanilang balat, buhok, at damit, at hindi man lang sila nangamoy sunóg.
Sinabi ni Nabucodonosor: ‘Talagang makapangyarihan ang Diyos nina Sadrac, Mesac, at Abednego. Nagpadala siya ng anghel para iligtas sila. Walang katulad ang Diyos nila.’
Gaya ng tatlong Hebreo, desidido ka bang maging tapat kay Jehova kahit ano’ng mangyari?
“Si Jehova na iyong Diyos ang dapat mong sambahin, at siya lang ang dapat mong paglingkuran.”—Mateo 4:10