Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARAL 77

Isang Babae sa Tabi ng Balon

Isang Babae sa Tabi ng Balon

Pagkatapos ng Paskuwa, si Jesus at ang mga alagad niya ay dumaan sa Samaria pauwi sa Galilea. Malapit sa lunsod ng Sicar, huminto si Jesus sa lugar na tinatawag na balon ni Jacob. Habang nagpapahinga siya doon, ang mga alagad naman ay pumunta sa lunsod para bumili ng pagkain.

Isang babae ang dumating para umigib ng tubig sa balon. Sinabi ni Jesus sa babae: ‘Puwede bang makahingi ng maiinom?’ Sinabi ng babae: ‘Bakit ka nakikipag-usap sa akin? Samaritana ako. Hindi nakikipag-usap sa amin ang mga Judio.’ Sinabi ni Jesus: ‘Kung alam mo kung sino ako, hihingi ka sa akin ng tubig at bibigyan kita ng tubig na buháy.’ ‘Ano’ng ibig mong sabihin?’ tanong ng babae. ‘Wala ka namang timba.’ Sinabi ni Jesus: ‘Ang sinumang uminom ng tubig na ibibigay ko ay hindi na muling mauuhaw.’ Sinabi ng babae: ‘Bigyan n’yo po ako ng tubig na iyon.’

Pagkatapos ay sinabi ni Jesus: ‘Isama mo dito ang asawa mo.’ Sinabi ng babae: ‘Wala po akong asawa.’ Sinabi ni Jesus: ‘Nagsasabi ka ng totoo. Limang beses kang nag-asawa, at ang lalaking kasama mo sa ngayon ay hindi mo asawa.’ Sinabi ng babae: ‘Siguro propeta kayo. Naniniwala kami na puwede naming sambahin ang Diyos sa bundok na ito, pero sinasabi ng mga Judio na sa Jerusalem lang kami puwedeng sumamba. Alam kong kapag dumating ang Mesiyas, ituturo niya sa amin ang tamang pagsamba.’ Pagkatapos, may sinabi si Jesus na hindi pa niya sinasabi kahit kanino: ‘Ako ang Mesiyas.’

Nagmadaling umuwi sa lunsod nila ang babae at sinabi sa mga Samaritano: ‘Sa tingin ko, alam ko na kung sino ang Mesiyas. Alam niya ang lahat ng tungkol sa akin. Tara, puntahan natin siya!’ Sumama sila sa kaniya pabalik sa balon at nakinig sa mga turo ni Jesus.

Niyaya ng mga Samaritano si Jesus sa lunsod nila. Dalawang araw siyang nagturo doon at marami ang naniwala sa kaniya. Sinabi nila sa Samaritana: ‘Matapos naming mapakinggan ang lalaking ito, masasabi naming siya nga ang magliligtas sa mundo.’

“‘Halika!’ at ang sinumang nauuhaw ay lumapit; ang sinumang may gusto ng tubig ng buhay na walang bayad ay kumuha nito.”​—Apocalipsis 22:17