ARAL 47
Pinalakas ni Jehova si Elias
Nabalitaan ni Jezebel ang nangyari sa mga propeta ni Baal, at galít na galít siya. Nagpadala siya ng mensahe kay Elias: ‘Bukas, mamamatay ka ring gaya ng mga propeta ni Baal.’ Takót na takót si Elias kaya tumakas siya papunta sa disyerto. Nanalangin siya: ‘Diyos na Jehova, hindi ko na po kaya. Gusto ko nang mamatay.’ Dahil sa pagod, nakatulog si Elias sa ilalim ng puno.
Ginising siya ng isang anghel at sinabi: ‘Bumangon ka at kumain.’ Nakita ni Elias ang isang bilog na tinapay sa ibabaw ng pinainit na mga bato at isang banga na may tubig. Kumain siya at uminom at natulog ulit. Ginising siya ulit ng anghel at sinabi: ‘Kumain ka. Kailangan mo ng lakas para sa paglalakbay.’ Kaya kumain ulit si Elias. Pagkatapos, naglakbay siya nang 40 araw at 40 gabi, hanggang sa makarating siya sa Bundok Horeb. Pumasok si Elias sa isang kuweba doon para matulog. Pero kinausap siya ni Jehova: ‘Ano’ng ginagawa mo dito, Elias?’ Sumagot si Elias: ‘Hindi tinupad ng mga Israelita ang pangako nila sa iyo. Sinira nila ang iyong mga altar at pinatay ang iyong mga propeta. At ngayon, ako naman ang gusto nilang patayin.’
Sinabi ni Jehova sa kaniya: ‘Lumabas ka at tumayo sa bundok.’ Una, humangin nang napakalakas. Pagkatapos, lumindol at nagkaroon ng apoy. Pinakahuli, nakarinig si Elias ng kalmado at mababang boses. Itinakip niya sa kaniyang mukha ang damit niya at tumayo sa labas ng kuweba. ’Tapos tinanong siya ni Jehova kung bakit siya tumakas. Sinabi ni Elias: ‘Nag-iisa na lang ako.’ Pero sinabi ni Jehova: ‘Hindi ka nag-iisa. May 7,000 pa sa Israel na sumasamba sa akin. Puntahan mo si Eliseo at atasan siya bilang propeta kapalit mo.’ Agad na sinunod ni Elias ang utos ni Jehova. Tutulungan ka rin kaya ni Jehova kapag sinunod mo ang utos niya? Oo. Tingnan natin ang nangyari noong panahon ng tagtuyot.
“Huwag kayong mag-alala sa anumang bagay; sa halip, ipaalam ninyo ang lahat ng pakiusap ninyo sa Diyos sa pamamagitan ng panalangin at pagsusumamo na may kasamang pasasalamat.”—Filipos 4:6