KABANATA 11
“Masayang-masaya at . . . Napuspos ng Banal na Espiritu”
Ang halimbawa ni Pablo sa pakikitungo sa mga taong salansang at hindi tumutugon
Batay sa Gawa 13:1-52
1, 2. Bakit naiiba ang paglalakbay na gagawin nina Bernabe at Saul, at paano makatutulong ang kanilang gawain sa katuparan ng Gawa 1:8?
ISANG kapana-panabik na araw ito para sa kongregasyon ng Antioquia. Sa lahat ng propeta at gurong naroroon, sina Bernabe at Saul ang pinili ng banal na espiritu para magdala ng mabuting balita sa malalayong lugar. a (Gawa 13:1, 2) Nakapagsugo na rin naman ng mga kuwalipikadong lalaki noon. Pero karaniwan nang sa mga lugar na tinatanggap na ang Kristiyanismo. (Gawa 8:14; 11:22) Sa pagkakataong ito, sina Bernabe at Saul—kasama si Juan Marcos, na magsisilbing tagapaglingkod—ay ipadadala sa mga lupaing karamihan sa mga tao’y hindi pa nakaririnig ng mabuting balita.
2 Mga 14 na taon bago nito, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod: “Magiging mga saksi ko kayo sa Jerusalem, sa buong Judea at Samaria, at hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa.” (Gawa 1:8) Ang pag-aatas kina Bernabe at Saul na maglingkod bilang mga misyonero ay makatutulong sa katuparan ng makahulang mga salita ni Jesus! b
Ibinukod “Para sa Isang Gawain” (Gawa 13:1-12)
3. Bakit mahirap maglakbay nang malayo noong unang siglo?
3 Sa ngayon, dahil sa mga imbensiyong gaya ng kotse at eroplano, nakapaglalakbay na ang mga tao tungo sa malalayong lugar sa loob lang ng isa o dalawang oras. Hindi ganito noong unang siglo C.E. Noon, ang pangunahing paraan ng paglalakbay ay paglalakad—karaniwan nang sa mahihirap na daan. Ang maghapong paglalakad, na umaabot lang marahil nang mga 30 kilometro, ay talagang nakakapagod! c Kaya bagaman tiyak na sabik na sabik sina Bernabe at Saul sa atas nila, siguradong alam din nilang malaking pagsisikap at sakripisyo ang kakailanganin dito.—Mat. 16:24.
4. (a) Ano ang gumabay sa pagpili kina Bernabe at Saul, at paano tumugon ang kanilang mga kapananampalataya sa pag-aatas na ito? (b) Paano natin masusuportahan ang mga nabibigyan ng teokratikong mga atas?
4 Pero bakit kaya partikular na pinili ng banal na espiritu sina Bernabe at Saul para ibukod “sa isang gawain”? (Gawa 13:2) Hindi binabanggit ng Bibliya ang dahilan. Basta ang alam natin, ginabayan ng banal na espiritu ang pagpili sa mga lalaking ito. Walang pahiwatig na tinutulan ng mga propeta at ng mga guro sa Antioquia ang desisyong ito. Sa halip, lubos nilang sinuportahan ang pag-aatas. Isip-isipin na lamang ang nadama nina Bernabe at Saul nang ang kanilang espirituwal na mga kapatid ay mag-ayuno at manalangin at ‘ipatong sa kanila ang mga kamay ng mga ito at isugo’ sila nang walang halong pagkainggit. (Gawa 13:3) Dapat din nating suportahan ang mga nabibigyan ng teokratikong mga atas, pati na ang mga lalaking hinihirang na maging mga tagapangasiwa sa kongregasyon. Sa halip na kainggitan sila, dapat na “mahalin [natin] sila at maging mas makonsiderasyon sa kanila dahil sa ginagawa nila.”—1 Tes. 5:13.
5. Ilarawan kung ano ang kinailangang gawin para makapangaral sa isla ng Ciprus.
5 Matapos maglakad hanggang Seleucia, isang daungang malapit sa Antioquia, naglayag sina Bernabe at Saul patungo sa isla ng Ciprus, isang paglalakbay na may layong mga 200 kilometro. d Dahil taga-Ciprus si Bernabe, tiyak na sabik na sabik siyang dalhin ang mabuting balita sa mga kababayan niya. Pagdating nila sa Salamis, isang lunsod sa silangang baybayin ng isla, walang inaksayang panahon ang mga lalaking ito. Agad na “sinimulan nilang ihayag ang salita ng Diyos sa mga sinagoga ng mga Judio.” e (Gawa 13:5) Naglakbay sina Bernabe at Saul hanggang sa kabilang dulo ng Ciprus, anupat malamang na nangangaral sa mga pangunahing lunsod na nadaraanan nila. Depende sa rutang dinaanan nila, posibleng mga 160 kilometro ang nilakad ng mga misyonerong ito!
6, 7. (a) Sino si Sergio Paulo, at bakit tinangka ni Bar-Jesus na pigilan siyang makinig sa mabuting balita? (b) Paano nilabanan ni Saul ang pagsalansang ni Bar-Jesus?
6 Noong unang siglo, ang Ciprus ay punô ng huwad na pagsamba. Kitang-kita ito nang marating nina Bernabe at Saul ang Pafos, na nasa kanlurang baybayin ng isla. Nakilala nila roon “si Bar-Jesus, isang lalaking Judio na mangkukulam at huwad na propeta.” At “kasama siya ng proconsul na si Sergio Paulo, isang matalinong lalaki.” f Noong unang siglo, maraming edukadong Romano—kahit si Sergio Paulo na “isang matalinong lalaki”—ang madalas na sumasangguni sa mangkukulam o astrologo kapag gumagawa ng mahahalagang desisyon. Pero nagkainteres si Sergio Paulo sa mensahe ng Kaharian at “gustong-gusto nitong marinig ang salita ng Diyos.” Hindi ito nagustuhan ni Bar-Jesus, na kilala rin sa propesyonal niyang titulo na Elimas, na nangangahulugang “Mangkukulam.”—Gawa 13:6-8.
7 Salansang si Bar-Jesus sa mensahe ng Kaharian. Kaya para hindi mawala ang impluwensiya niya bilang tagapayo ni Sergio Paulo, ang tanging paraan lang ay ang “pigilan na maging mananampalataya ang proconsul.” (Gawa 13:8) Pero hindi makapapayag si Saul na basta na lang niya panoorin ang mahiko ng palasyo habang inililihis nito ang interes ni Sergio Paulo. Kaya ano ang ginawa ni Saul? Sinasabi ng ulat: “Tinitigan siya [si Bar-Jesus] ni Saul, na tinatawag ding Pablo, na napuspos ng banal na espiritu; sinabi nito: ‘O taong punô ng bawat uri ng pandaraya at kasamaan, ikaw na anak ng Diyablo at kaaway ng bawat bagay na matuwid, hindi mo ba titigilan ang pagpilipit sa matuwid na mga daan ni Jehova? Tingnan mo! Kikilos laban sa iyo ang kamay ni Jehova, at mabubulag ka; pansamantala kang hindi makakakita ng liwanag ng araw.’ At biglang lumabo at dumilim ang paningin niya, at naghanap siya ng taong aakay sa kaniya.” g Ang resulta? “Pagkakita sa nangyari, naging mananampalataya ang proconsul, dahil namangha siya sa turo ni Jehova.”—Gawa 13:9-12.
8. Paano natin matutularan ang katapangan ni Pablo?
8 Hindi natakot si Pablo kay Bar-Jesus. Sa katulad na paraan, hindi rin tayo dapat matakot sa mga mananalansang na nagtatangkang sumira sa pananampalataya ng mga nagpapakita ng interes sa mensahe ng Kaharian. Mangyari pa, dapat tayong “laging maging mabait sa [ating] pananalita, na tinitimplahan ito ng asin.” (Col. 4:6) Pero hindi rin naman natin basta pababayaan na lamang ang espirituwal na kapakanan ng isang interesado para lang makaiwas sa komprontasyon. At hindi rin tayo dapat matakot na ilantad ang huwad na relihiyon, na patuloy sa “pagpilipit sa matuwid na mga daan ni Jehova” gaya ng ginawa ni Bar-Jesus. (Gawa 13:10) Tulad ni Pablo, buong tapang din sana nating ihayag ang katotohanan at tulungan ang tapat-pusong mga tao. Gayunman, di-gaya ni Pablo, hindi tayo binibigyan ng Diyos ng kapangyarihang gumawa ng himala. Pero makakatiyak tayong gagamitin ni Jehova ang banal na espiritu niya para ilapit ang mga karapat-dapat.—Juan 6:44.
Isang ‘Mensaheng Nakapagpapatibay’ (Gawa 13:13-43)
9. Bakit isang magandang halimbawa sina Pablo at Bernabe para sa mga nangunguna sa kongregasyon sa ngayon?
9 Lumilitaw na nagkaroon ng pagbabago nang ang mga lalaki ay umalis sa Pafos at maglayag patungong Perga, sa baybayin ng Asia Minor, mga 250 kilometro ang layo. Sa Gawa 13:13, tinukoy sila bilang “si Pablo at ang mga kasama niya.” Kaya lumilitaw na si Pablo na ngayon ang nangunguna sa grupo. Gayunman, wala namang indikasyon na nainggit si Bernabe kay Pablo. Sa katunayan, magkasama pa rin ang dalawang lalaking ito sa paggawa ng kalooban ng Diyos. Isang magandang halimbawa sina Pablo at Bernabe para sa mga nangunguna sa kongregasyon sa ngayon. Sa halip na makipagkompetensiya sa iba, tinatandaan ng mga Kristiyano ang mga salita ni Jesus: “Lahat kayo ay magkakapatid.” Idinagdag pa niya: “Sinumang nagtataas ng kaniyang sarili ay ibababa, at sinumang nagbababa ng kaniyang sarili ay itataas.”—Mat. 23:8, 12.
10. Ilarawan ang paglalakbay mula sa Perga hanggang sa Antioquia ng Pisidia.
10 Pagdating sa Perga, iniwan ni Juan Marcos sina Pablo at Bernabe at bumalik sa Jerusalem. Walang binabanggit na dahilan kung bakit siya biglang umalis. Mula sa Perga, nagpatuloy sina Pablo at Bernabe sa paglalakbay patungo sa Antioquia ng Pisidia, isang lunsod sa lalawigan ng Galacia. Hindi madali ang paglalakbay na ito, dahil ang Antioquia ng Pisidia ay mga 1,100 metro ang taas mula sa lebel ng dagat. Balitang-balita rin na delikado ang matatarik na daan at maraming bandido roon. Bukod diyan, malamang na may problema na rin noon si Pablo sa kaniyang kalusugan. h
11, 12. Nang magsalita si Pablo sa sinagoga sa Antioquia ng Pisidia, paano niya pinukaw ang interes ng kaniyang mga tagapakinig?
11 Sa Antioquia ng Pisidia, pumasok sina Pablo at Bernabe sa sinagoga noong Sabbath. Ganito ang sabi ng ulat: “Pagkatapos ng pangmadlang pagbabasa ng Kautusan at mga Propeta, ipinasabi sa kanila ng mga punong opisyal ng sinagoga: ‘Mga kapatid, kung may mensahe kayong magpapatibay sa amin, sabihin ninyo.’” (Gawa 13:15) Tumayo si Pablo para magsalita.
12 Bilang pasimula, tinawag ni Pablo ang kaniyang mga tagapakinig nang ganito: “Mga Israelita at kayong iba pa na natatakot sa Diyos.” (Gawa 13:16) Ang mga tagapakinig ni Pablo ay mga Judio at mga proselita. Paano nangatuwiran si Pablo sa kaniyang mga tagapakinig, na hindi kumikilala sa papel ni Jesus sa layunin ng Diyos? Binuod muna ni Pablo ang kasaysayan ng bansang Judio. Ipinaliwanag niya na ang bayan ay “dinakila [ni Jehova] habang naninirahan sila bilang dayuhan sa Ehipto” at na matapos silang palayain ay mga 40 taon silang “pinagtiisan [ng Diyos] sa ilang.” Isinaysay rin ni Pablo kung paano nakuha ng mga Israelita ang Lupang Pangako at kung paano “hinati-hati [ni Jehova] ang lupain at ipinamana sa mga tribo ng Israel.” (Gawa 13:17-19) Ipinapalagay na binanggit ni Pablo sa kaniyang pahayag ang ilang talata sa Kasulatan na kababasa pa lamang noon nang malakas bilang bahagi ng pagdiriwang ng Sabbath. Kung totoo ito, isa na naman itong halimbawa na nagpapakitang alam ni Pablo kung paano maging “lahat ng bagay sa lahat ng uri ng tao.”—1 Cor. 9:22.
13. Paano natin maaabot ang puso ng ating mga kausap?
13 Dapat din tayong magsikap na gawing kaakit-akit ang ating mensahe sa mga nakakausap natin sa ministeryo. Halimbawa, kung alam natin ang relihiyosong paniniwala ng isang tao, makatutulong ito para mapili natin ang mga paksang magugustuhan niya. Puwede rin tayong sumipi ng ilang teksto sa Bibliya na pamilyar sa kaniya. Maaaring mas mabisa kung ipababasa natin ito mula sa kaniyang sariling Bibliya. Humanap ng mga paraan para maabot ang puso ng iyong kausap.
14. (a) Paano iniharap ni Pablo ang mabuting balita tungkol kay Jesus, at anong babala ang ibinigay niya? (b) Ano ang naging pagtugon ng mga tao sa pahayag ni Pablo?
14 Pagkatapos, tinalakay naman ni Pablo kung paanong ang talaangkanan ng mga haring Israelita ay umabot hanggang sa “isang tagapagligtas, si Jesus,” at na si Juan na Tagapagbautismo ang maghahanda ng daan para sa kaniya. Saka inilarawan ni Pablo kung paanong si Jesus ay pinatay at binuhay-muli. (Gawa 13:20-37) “Kaya ipinaaalam ko sa inyo ngayon,” ang sabi ni Pablo, “na sa pamamagitan ng isang ito ay mapatatawad ang mga kasalanan ninyo. . . . Ang bawat isa na naniniwala ay ipinahahayag na walang-sala.” Pagkatapos ay nagbabala ang apostol sa kaniyang mga tagapakinig: “Mag-ingat kayo para hindi mangyari sa inyo ang nakasulat sa mga Propeta: ‘Tingnan ninyo iyon, ninyong mga mapanghamak, at mamamangha kayo at mamamatay, dahil may isinasakatuparan akong gawain sa panahon ninyo, isang gawaing hindi ninyo paniniwalaan kahit pa may magkuwento nito sa inyo nang detalyado.’” Nakakatuwa ang naging pagtugon sa pahayag ni Pablo. “Pinakiusapan sila ng mga tao na magsalita ulit tungkol dito sa susunod na Sabbath,” ang iniulat ng Bibliya. Bukod diyan, pagkatapos ng pagtitipon sa sinagoga, “marami sa mga Judio at proselita na sumasamba sa Diyos ang sumunod kina Pablo at Bernabe.”—Gawa 13:38-43.
“Babaling Kami sa Ibang mga Bansa” (Gawa 13:44-52)
15. Ano ang nangyari nang sumunod na Sabbath?
15 Nang sumunod na Sabbath, “halos buong lunsod” ang nagkatipon para makinig kay Pablo. Hindi ito nagustuhan ng ilang Judio at “sinimulan nilang kontrahin nang may pamumusong ang mga sinasabi ni Pablo.” Buong tapang na sinabi nina Pablo at Bernabe sa kanila: “Sa inyo unang kinailangang sabihin ang salita ng Diyos. Pero dahil itinakwil ninyo iyon at ipinakitang hindi kayo karapat-dapat sa buhay na walang hanggan, babaling kami sa ibang mga bansa. Dahil ibinigay ni Jehova ang utos na ito sa amin: ‘Inatasan kita bilang liwanag ng mga bansa, para maghatid ng kaligtasan hanggang sa mga dulo ng lupa.’”—Gawa 13:44-47; Isa. 49:6.
16. Ano ang naging reaksiyon ng mga Judio sa maririing salita ng mga misyonero, at ano ang naging tugon nina Pablo at Bernabe sa pagsalansang?
16 Natuwa ang mga Gentil na tagapakinig, at “naging mananampalataya ang lahat ng nakaayon sa buhay na walang hanggan.” (Gawa 13:48) Di-nagtagal, lumaganap sa buong lupain ang salita ni Jehova. Iba naman ang naging reaksiyon ng mga Judio. Sa diwa, sinabi sa kanila ng mga misyonero na bagaman sa kanila unang sinabi ang salita ng Diyos, tinanggihan naman nila ang Mesiyas kung kaya nararapat lamang na hatulan sila ng Diyos. Sinulsulan ng mga Judio ang mga babaeng kilala sa lipunan at mga prominenteng lalaki, “kaya pinag-usig sina Pablo at Bernabe at itinapon sila sa labas ng hangganan.” Ano ang naging tugon nina Pablo at Bernabe? “Ipinagpag nila ang alikabok mula sa mga paa nila bilang patotoo laban sa mga ito, at pumunta sila sa Iconio.” Diyan ba nagtapos ang Kristiyanismo sa Antioquia ng Pisidia? Hinding-hindi! Ang naiwang mga alagad ay “masayang-masaya at patuloy na napuspos ng banal na espiritu.”—Gawa 13:50-52.
17-19. Paano natin matutularan ang magandang halimbawa nina Pablo at Bernabe, at paano makapagpapagalak sa atin ang paggawa nito?
17 Ang paraan ng pagtugon ng mga tapat na ito sa pagsalansang ay naglalaan ng napakahalagang aral. Hindi tayo humihinto sa pangangaral, kahit hadlangan pa ito ng mga kilalang tao sa sanlibutan. Pansinin din na nang tanggihan ng mga taga-Antioquia ang mensahe nina Pablo at Bernabe, “ipinagpag nila ang alikabok mula sa mga paa nila.” Hindi naman ito nangangahulugang nagalit sila sa mga tagaroon. Ipinapakita lang nito na wala na silang pananagutan sa mangyayari sa mga ito. Natanto ng mga misyonerong ito na hindi nila kayang kontrolin ang kalooban ng iba. Ang kaya nilang kontrolin ay kung itutuloy nila ang pangangaral o hindi. At itinuloy nga nila ang pangangaral hanggang sa Iconio!
18 Kumusta naman ang mga alagad na naiwan sa Antioquia? Oo, matigas ang kanilang teritoryo. Pero hindi naman nakadepende sa positibong pagtugon ng mga tao ang kanilang kagalakan. Sinabi ni Jesus: “Maligaya ang mga nakikinig sa salita ng Diyos at tumutupad nito!” (Luc. 11:28) At iyan mismo ang ipinasiyang gawin ng mga alagad sa Antioquia ng Pisidia.
19 Tulad nina Pablo at Bernabe, palaging tandaan na ang pananagutan natin ay ang ipangaral ang mabuting balita. Nasa mga tao na kung tatanggapin nila o hindi ang ating mensahe. Kung waring hindi interesado ang ating kausap, alalahanin natin ang isang aral mula sa mga alagad noong unang siglo. Magagalak pa rin tayo sa harap ng pagsalansang kapag pinahahalagahan natin ang katotohanan at nagpapaakay tayo sa banal na espiritu.—Gal. 5:18, 22.
a Tingnan ang kahong “ Si Bernabe—‘Anak ng Kaaliwan.’”
b Nang panahong iyon, mayroon nang mga kongregasyon hanggang sa Antioquia ng Sirya—mga 550 kilometro sa hilaga ng Jerusalem.
c Tingnan ang kahong “ Ang Paglalakbay Noon.”
d Noong unang siglo, ang isang barko ay nakakapaglayag nang mga 160 kilometro sa isang araw kung maganda ang panahon. Pero kung masama ang panahon, nagtatagal ang paglalayag.
e Tingnan ang kahong “ Sa mga Sinagoga ng mga Judio.”
f Ang Ciprus ay sakop ng Senado ng Roma. Ang punong administrador ng isla ay ang gobernador ng lalawigan na may ranggong proconsul.
g Mula sa pagkakataong ito, tinawag nang Pablo si Saul. Sinasabi ng ilan na ginamit niya ang kaniyang Romanong pangalan para parangalan si Sergio Paulo. Pero ang paggamit niya ng pangalang Pablo kahit wala na siya sa Ciprus ay nagpapahiwatig na ipinasiya na ni Pablo, “isang apostol para sa ibang mga bansa,” na gamitin na ang kaniyang Romanong pangalan. May isa pang posibleng dahilan. Ginamit na niya ang pangalang Pablo dahil ang bigkas ng mga Griego sa kaniyang Hebreong pangalang Saul ay katunog ng isang Griegong salita na may masamang kahulugan.—Roma 11:13.