Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

KABANATA 1

“Humayo Kayo at Gumawa ng mga Alagad”

“Humayo Kayo at Gumawa ng mga Alagad”

Sumaryo ng Mga Gawa ng mga Apostol at ang kaugnayan nito sa ating panahon

1-6. Magkuwento ng isang karanasan ng mga Saksi na nangaral sa iba’t ibang kalagayan.

 PARA kay Rebecca, isang kabataang Saksi ni Jehova noon sa Ghana, ang teritoryo niya sa pangangaral ay ang kaniyang paaralan. Palagi siyang may dalang mga literatura sa Bibliya. Kapag recess, humahanap siya ng mga pagkakataong makapagpatotoo sa kaniyang mga kaeskuwela. Nakapagpasimula si Rebecca ng mga pag-aaral sa Bibliya sa ilang kaklase niya.

2 Sa isla ng Madagascar, malapit sa silangang baybayin ng Africa, dalawang payunir ang regular na naglalakad noon nang mga 25 kilometro sa kainitan ng panahon para makarating sa isang liblib na nayon. Nagdaos sila roon ng ilang pag-aaral sa Bibliya sa mga interesado.

3 Para marating ang mga nakatira sa may pampang ng ilog ng Paraguay at ng Paraná, gumawa ng isang bangka ang mga Saksi sa Paraguay at ang mga boluntaryo mula sa 15 iba pang bansa. Ang 45-toneladang bangkang ito ay puwedeng tirhan ng hanggang 12 katao. Gamit ang bangkang ito, naipalaganap ng masisigasig na mángangarál ng Kaharian ang mabuting balita sa mga lugar na hindi nararating kung walang bangka.

4 Sa hilagang bahagi ng kontinente ng North America, sinamantala ng mga Saksi sa Alaska ang isang pambihirang pagkakataon na makapangaral sa dumarating na mga turista kung tag-araw. Kapag dumadaong ang malalaking pampasaherong barko na may sakay na mga turista mula sa iba’t ibang bansa, nakaabang na ang mga Saksi sa daungan at mayroon silang naka-display na magagandang literatura sa Bibliya sa iba’t ibang wika. Sa lugar ding iyon, napakalaking bagay ang eroplano para marating ang liblib na mga nayon, anupat napalalaganap ang mabuting balita sa mga pamayanang Aleut, Athabascan, Tsimshian, at Tlingit.

5 Si Larry na taga-Texas, U.S.A., ay may espesyal na teritoryo—ang nursing home na tinitirhan niya noon. Kahit naka-wheelchair siya dahil sa aksidente, naghanap pa rin si Larry ng pagkakataong mangaral. Ibinahagi niya sa iba ang mensahe ng Kaharian at ang kaniyang salig-Bibliyang pag-asa na sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian, makalalakad na siyang muli.​—Isa. 35:5, 6.

6 Para makadalo sa isang asamblea sa hilagang Myanmar, tatlong araw na naglakbay ang isang grupo ng mga Saksi sakay ng bangka mula sa Mandalay. Sabik na sabik silang maipangaral ang mabuting balita kaya nagdala sila ng mga literatura sa Bibliya at inialok ang mga ito sa mga kasama nilang pasahero. Sa tuwing dadaong ang bangka sa isang bayan o sa isang nayon, ang masisigasig na mángangarál ay bumababa at agad na pumupunta sa pamayanan para mag-alok ng mga literatura. Samantala, may mga bagong pasahero naman na nagsasakayan sa bangka, at ito ang nagiging “bagong teritoryo” ng mga mamamahayag ng Kaharian pagbalik nila sa bangka.

7. Sa ano-anong paraan nagpapatotoo tungkol sa Kaharian ng Diyos ang mga mananamba ni Jehova, at ano ang kanilang tunguhin?

7 Gaya ng mga kapatid na binanggit sa mga halimbawang ito, ang masisigasig na mananamba ni Jehova sa buong mundo ay ‘lubusang nagpapatotoo tungkol sa Kaharian ng Diyos.’ (Gawa 28:23) Sila ay nagbabahay-bahay, lumalapit sa mga tao sa lansangan, gumagawa ng mga sulat, at nakikipag-usap sa telepono. Sila man ay nasa bus, nasa parke, o kapag break time sa trabaho, sabik silang humahanap ng mga pagkakataon na makapagpatotoo tungkol sa Kaharian ng Diyos. Maaaring iba’t iba ang paraan, pero iisa lang ang tunguhin—ipangaral ang mabuting balita saanman may tao.​—Mat. 10:11.

8, 9. (a) Bakit masasabing isang himala ang paglawak ng pangangaral tungkol sa Kaharian? (b) Anong tanong ang bumabangon, at ano ang kailangan nating gawin para malaman ang sagot?

8 Ikaw, mahal naming mambabasa, kabilang ka ba sa maraming aktibong tagapaghayag ng Kaharian sa mahigit 235 lupain? Kung oo, may bahagi ka sa kapana-panabik at malawakang pangangaral tungkol sa Kaharian! Masasabing isang himala ang paglawak ng pangangaral sa buong daigdig. Sa kabila ng malalaking hadlang at mahihirap na hamon—maging ng pagbabawal ng pamahalaan at tahasang pag-uusig—ang mga Saksi ni Jehova ay patuloy sa lubusang pagpapatotoo tungkol sa Kaharian ng Diyos sa mga tao ng lahat ng bansa.

9 Pero ito ang tanong: Bakit walang makapigil, kahit si Satanas, sa pagsulong ng pangangaral tungkol sa Kaharian? Para masagot ang tanong na iyan, kailangan nating balikan ang panahon noong unang siglo C.E. Tutal, ipinagpapatuloy lang naman nating mga Saksi ni Jehova sa ngayon ang gawaing pinasimulan noon.

Isang Malaking Atas

10. Sa anong gawain nakapokus si Jesus, at ano ang alam niya tungkol sa gawaing ito na sinimulan niya?

10 Nakapokus si Jesu-Kristo, ang Tagapagtatag ng kongregasyong Kristiyano, sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos; ito ang naging buhay niya. Minsan ay ipinaliwanag niya: “Dapat ko ring ihayag sa ibang lunsod ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos dahil isinugo ako para dito.” (Luc. 4:43) Alam ni Jesus na hindi niya matatapos mag-isa ang gawaing sinisimulan niya. Ilang araw bago siya mamatay, inihula niya na ang mensahe ng Kaharian ay ipangangaral “sa lahat ng bansa.” (Mar. 13:10) Pero paano kaya ito maisasagawa, at sino ang gagawa?

“Humayo kayo at gumawa ng mga alagad mula sa mga tao ng lahat ng bansa.”​—Mateo 28:19

11. Anong mahalagang atas ang ibinigay ni Jesus sa kaniyang mga alagad, at anong suporta ang ibibigay sa kanila para maisagawa ito?

11 Nang buhaying muli si Jesus, nagpakita siya sa mga alagad niya at nagbigay sa kanila ng mahalagang atas: “Humayo kayo at gumawa ng mga alagad mula sa mga tao ng lahat ng bansa, na binabautismuhan sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng banal na espiritu, at itinuturo sa kanila na tuparin ang lahat ng iniutos ko sa inyo. At makakasama ninyo ako sa lahat ng araw hanggang sa katapusan ng sistemang ito.” (Mat. 28:19, 20) Ang pananalitang “makakasama ninyo ako” ay nagpapahiwatig na susuportahan niya ang kaniyang mga alagad sa pangangaral at paggawa ng alagad. Kailangan nila ang gayong suporta kasi inihula ni Jesus na “kapopootan [sila] ng lahat ng bansa.” (Mat. 24:9) May makatutulong pa sa mga alagad. Bago umakyat sa langit, sinabi ni Jesus sa kanila na palalakasin sila ng banal na espiritu upang maging mga saksi niya “hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa.”​—Gawa 1:8.

12. Anong mahahalagang tanong ang bumabangon, at bakit napakahalagang malaman natin ang mga sagot?

12 May ilang mahahalagang tanong ngayon na bumabangon: Isinapuso kaya ng mga apostol ni Jesus at ng iba pang mga alagad noong unang siglo ang atas na ibinigay sa kanila? Ang maliit na grupo bang ito ng mga Kristiyano ay lubusang nagpatotoo tungkol sa Kaharian ng Diyos sa kabila ng matinding pag-uusig? Talaga nga kayang may tinanggap silang suporta mula sa langit at sa banal na espiritu ni Jehova sa kanilang paggawa ng mga alagad? Ang mga ito at ang iba pang kaugnay na mga tanong ay sasagutin sa aklat ng Bibliya na Mga Gawa. Napakahalagang malaman natin ang mga sagot. Bakit? Nangako si Jesus na ang gawaing iniatas niya ay magpapatuloy “hanggang sa katapusan ng sistemang ito.” Samakatuwid, ang atas na ito ay kapit sa lahat ng tunay na Kristiyano, pati na sa atin na nabubuhay sa panahong ito ng kawakasan. Kaya naman interesadong-interesado tayong malaman ang mga ulat ng kasaysayan sa aklat ng Mga Gawa.

Sumaryo ng Aklat ng Mga Gawa

13, 14. (a) Sino ang sumulat ng aklat ng Mga Gawa, at paano nakuha ng manunulat nito ang kaniyang mga impormasyon? (b) Ano ang nilalaman ng aklat ng Mga Gawa?

13 Sino ang sumulat ng aklat ng Mga Gawa? Walang binabanggit sa mismong aklat kung sino ang sumulat nito, pero maliwanag sa pambungad na pananalita na ang sumulat ng Mga Gawa ay siya ring sumulat ng Ebanghelyo ni Lucas. (Luc. 1:1-4; Gawa 1:1, 2) Kaya mula’t sapol, itinuturing nang si Lucas, isang “minamahal na doktor” at maingat na istoryador, ang siyang sumulat ng Mga Gawa. (Col. 4:14) Mga 28 taon ang yugto ng panahong saklaw ng aklat, mula sa pag-akyat ni Jesus sa langit noong 33 C.E. hanggang sa pagkabilanggo ni apostol Pablo sa Roma noong mga 61 C.E. Ipinahihiwatig ng ulat ni Lucas na naroroon siya sa maraming pangyayaring isinasalaysay niya. (Gawa 16:8-10; 20:5; 27:1) Dahil si Lucas ay isang napakaingat na mananaliksik, tiyak na mismong sina Pablo, Bernabe, Felipe, at iba pang nabanggit sa ulat ang pinagkunan niya ng mga impormasyon.

14 Ano ba ang nilalaman ng aklat ng Mga Gawa? Sa unang bahagi ng Ebanghelyo ni Lucas, isinulat niya ang tungkol sa mga sinabi at ginawa ni Jesus. Pero sa aklat ng Mga Gawa, iniulat naman ni Lucas ang sinabi at ginawa ng mga tagasunod ni Jesus. Kung gayon, ang Mga Gawa ay tungkol sa mga tao na nagsagawa ng isang pambihirang gawain, bagaman karamihan sa kanila ay itinuturing ng iba na “hindi nakapag-aral at pangkaraniwan.” (Gawa 4:13) Sa maikli, sinasabi sa atin ng ulat kung paano itinatag ang kongregasyong Kristiyano at kung paano ito sumulong. Ipinapakita sa Mga Gawa kung paano nangangaral ang mga Kristiyano noong unang siglo—ang kanilang mga pamamaraan at saloobin. (Gawa 4:31; 5:42) Itinatampok nito ang papel ng banal na espiritu sa pagpapalaganap ng mabuting balita. (Gawa 8:29, 39, 40; 13:1-3; 16:6; 18:24, 25) Idiniriin sa aklat ng Mga Gawa ang tema ng Bibliya, na may kinalaman sa pagpapabanal sa pangalan ng Diyos sa pamamagitan ng kaniyang Kaharian sa ilalim ng pamamahala ni Kristo, at ipinapakita nito ang matagumpay na paglaganap ng mensahe ng Kaharian sa harap ng matinding pagsalansang.​—Gawa 8:12; 19:8; 28:30, 31.

15. Sa ano-anong paraan makatutulong sa atin ang pagsusuri ng aklat ng Mga Gawa?

15 Tunay ngang nakapagpapatibay ng pananampalataya at nakapananabik suriin ang aklat ng Bibliya na Mga Gawa! Maaantig ang ating puso kung aalalahanin natin ang kasigasigan at katapangan ng mga tagasunod ni Kristo noon. Mauudyukan tayong tularan ang pananampalataya ng ating mga kapatid noong unang siglo. Kaya naman mas magiging handa tayong tuparin ang atas na “humayo . . . at gumawa ng mga alagad.” Ang publikasyong binabasa mo ngayon ay dinisenyo upang tulungan kang pag-aralang mabuti ang aklat ng Mga Gawa.

Isang Pantulong sa Pag-aaral ng Bibliya

16. Ano ang tatlong layunin ng publikasyong ito?

16 Ano ba sa kabuoan ang layunin ng publikasyong ito? Ang tatlong layunin ng aklat na ito ay upang (1) patibayin ang ating pananalig na sinusuportahan ni Jehova, sa pamamagitan ng kaniyang banal na espiritu, ang pangangaral ng Kaharian at paggawa ng mga alagad, (2) paningasin ang ating sigasig sa ministeryo sa pamamagitan ng pagsusuri sa halimbawa ng mga tagasunod ni Kristo noong unang siglo, at (3) pasidhiin ang ating paggalang sa organisasyon ni Jehova at sa mga nangunguna sa gawaing pangangaral at pangangasiwa sa mga kongregasyon.

17, 18. Paano isinaayos ang nilalaman ng publikasyong ito, at anong mga tampok nito ang makatutulong sa iyong personal na pag-aaral ng Bibliya?

17 Paano isinaayos ang nilalaman ng publikasyong ito? Mapapansin mong nahahati ito sa walong seksiyon, na bawat isa’y sumasaklaw sa isang bahagi ng aklat ng Mga Gawa. Ang layunin ng kasunod na mga kabanata ay hindi para maglaan ng talata-por-talatang pagtalakay sa Mga Gawa, kundi para makakuha ng mga aral mula sa mga pangyayaring isinasalaysay sa aklat na ito ng Bibliya. Tutulungan din tayo nitong makita kung paano natin maikakapit sa ating sarili ang mga puntong natututuhan natin. Binabanggit sa pasimula ng bawat kabanata ang pinakatema ng kabanatang iyon at may teksto sa Kasulatan na tumutukoy sa tatalakaying bahagi ng Mga Gawa.

18 May iba pang tampok ang publikasyong ito na makatutulong sa personal na pag-aaral ng Bibliya. Ang magagandang larawan na nagpapakita ng kapana-panabik na mga pangyayari sa aklat ng Mga Gawa ay tutulong sa iyo na mailarawan sa isip ang nangyayari habang binubulay-bulay ang ulat ng Bibliya. Karamihan sa mga kabanata ay may mga kahon at doon makikita ang pantulong na mga karagdagang impormasyon. Makikita sa ilang kahon ang maikling talambuhay ng isang tauhan sa Bibliya na may pananampalatayang karapat-dapat tularan. Ang ilan naman ay may karagdagang detalye tungkol sa mga lugar, pangyayari, kostumbre, o iba pang mga tauhang binabanggit sa Mga Gawa.

Gumawa nang apurahan sa iyong atas na teritoryo

19. Anong pagsusuri sa sarili ang dapat nating gawin sa pana-panahon?

19 Ang publikasyong ito ay makatutulong sa iyo na tapatang suriin ang iyong sarili. Kahit napakatagal mo nang naglilingkod bilang mamamahayag ng Kaharian, makakabuti pa ring suriin sa pana-panahon ang iyong mga priyoridad sa buhay at pananaw sa ministeryong Kristiyano. (2 Cor. 13:5) Tanungin ang iyong sarili: ‘Palagi ba akong nakadarama ng pagkaapurahan sa ministeryo? (1 Cor. 7:29-31) Ipinangangaral ko ba ang mabuting balita nang may kombiksiyon at sigasig? (1 Tes. 1:5, 6) Lubusan ba akong nakikibahagi sa pangangaral at paggawa ng mga alagad?’—Col. 3:23.

20, 21. Bakit napakaapurahan ng ating atas, at ano ang dapat na maging determinasyon natin?

20 Palagi nating tandaan na tayo’y inatasan sa isang mahalagang gawain—ang mangaral at gumawa ng mga alagad. Habang lumilipas ang mga araw, lalong nagiging apurahan ang atas na iyan. Mabilis na dumarating ang katapusan ng sistemang ito. Ngayon, higit kailanman, nanganganib ang napakaraming buhay. Hindi natin alam kung ilan pang indibidwal na wastong nakaayon ang tutugon sa ating mensahe. (Gawa 13:48) Pero pananagutan nating tulungan sila bago maging huli ang lahat.​—1 Tim. 4:16.

21 Kung gayon, dapat nating tularan ang masisigasig na mamamahayag ng Kaharian noong unang siglo. Sa iyong maingat na pag-aaral ng publikasyong ito, mapakilos ka sanang maging higit na masigasig at matapang sa gawaing pangangaral. At mapatibay ka sana sa iyong determinasyong magpatuloy sa “lubusang pagpapatotoo tungkol sa Kaharian ng Diyos.”​—Gawa 28:23.