KABANATA 2
“Magiging mga Saksi Ko Kayo”
Kung paano inihanda ni Jesus ang kaniyang mga apostol na manguna sa gawaing pangangaral
Batay sa Gawa 1:1-26
1-3. Paano nilisan ni Jesus ang kaniyang mga apostol, at ano-anong tanong ang bumabangon?
AYAW na sana ng mga apostol na matapos ang araw na iyon. Naging kapana-panabik para sa kanila ang nakalipas na mga linggo! Nang buhaying muli si Jesus, napalitan ng nag-uumapaw na kagalakan ang kanilang matinding kalungkutan. Sa loob ng 40 araw, paulit-ulit na nagpakita si Jesus sa mga tagasunod niya, anupat nagtuturo at nagpapatibay sa kanila. Pero ang araw na iyon ang huling pagkakataon na magpapakita siya sa kanila.
2 Habang nasa Bundok ng mga Olibo, nakikinig ang mga apostol kay Jesus. Gusto pa sana nilang makinig pero tapos na siyang magsalita. Itinaas niya ang mga kamay niya at pinagpala sila. Pagkatapos, nagsimula siyang umangat sa lupa! Tinitingnan siya ng mga tagasunod niya habang umaakyat siya sa langit. Bandang huli, natakpan siya ng ulap. Wala na siya, pero nakatitig pa rin sila sa langit.—Luc. 24:50; Gawa 1:9, 10.
3 Ang tagpong ito ay pasimula ng isang mahalagang pagbabago sa buhay ng mga apostol ni Jesus. Ano kaya ang gagawin nila ngayong umakyat na sa langit ang kanilang Panginoon, si Jesu-Kristo? Makakatiyak tayong inihanda sila ng kanilang Panginoon upang ipagpatuloy ang gawaing sinimulan niya. Paano niya inihanda ang kaniyang mga apostol sa mahalagang atas na ito, at paano sila tumugon? Ano naman ang epekto nito sa mga Kristiyano sa ngayon? Makikita natin sa unang kabanata ng Mga Gawa ang nakapagpapatibay na mga sagot.
“Maraming Nakakukumbinsing Katibayan” (Gawa 1:1-5)
4. Paano sinimulan ni Lucas ang kaniyang ulat sa aklat ng Mga Gawa?
4 Sa simula ng ulat ni Lucas sa Mga Gawa, makikitang para ito kay Teofilo, na siya ring sinulatan niya noon sa kaniyang Ebanghelyo. a Para ipakitang ang ulat na ito ay pagpapatuloy lang ng unang liham niya, binuod ni Lucas ang mga pangyayaring nakaulat sa katapusan ng kaniyang Ebanghelyo. Pero gumamit siya ng ibang mga salita at nagbigay ng bagong mga detalye.
5, 6. (a) Ano ang tutulong sa mga tagasunod ni Jesus para manatiling matibay ang pananampalataya nila? (b) Bakit masasabing nakasalig sa “maraming nakakukumbinsing katibayan” ang pananampalataya ng mga Kristiyano sa ngayon?
5 Ano kaya ang tutulong sa mga tagasunod ni Jesus upang manatiling matibay ang kanilang pananampalataya? Sa Gawa 1:3, mababasa natin tungkol kay Jesus: “Ipinakita niya sa kanila na buháy siya sa pamamagitan ng maraming nakakukumbinsing katibayan.” Sa Bibliya, ang “minamahal na doktor” lang na si Lucas ang gumamit sa salitang isinalin bilang “nakakukumbinsing katibayan.” (Col. 4:14) Ang terminong ito ay ginagamit sa teknikal na mga akda sa medisina, at nangangahulugan ng ebidensiyang maaasahan, mapananaligan, at di-mapag-aalinlanganan. Nagbigay si Jesus ng gayong ebidensiya. Maraming ulit siyang nagpakita sa kaniyang mga tagasunod, minsan ay sa isa o dalawa, minsan naman ay sa lahat ng apostol, at may pagkakataon pa ngang sa mahigit 500 mananampalataya. (1 Cor. 15:3-6) Talaga ngang nakakukumbinsi!
6 Ang pananampalataya din ng mga tunay na Kristiyano ngayon ay nakasalig sa “maraming nakakukumbinsing katibayan.” May ebidensiya ba na si Jesus ay nabuhay sa lupa, namatay para sa ating mga kasalanan, at binuhay-muli? Mayroon! Ang maaasahang salaysay ng mga nakasaksi na nakaulat sa Salita ng Diyos ay naglalaan ng lahat ng nakakukumbinsing ebidensiya na kailangan natin. Kung pag-aaralan natin ang mga ulat na ito at mananalangin para maintindihan iyon, mapapatibay nang husto ang ating pananampalataya. Tandaan, hindi sapat ang basta maniwala na lamang. Kailangan ang matibay na ebidensiya upang magkaroon ng tunay na pananampalataya. At napakahalaga ng tunay na pananampalataya sa pagkakamit ng buhay na walang hanggan.—Juan 3:16.
7. Anong halimbawa sa pagtuturo at pangangaral ang ipinakita ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod?
7 Nagsalita rin si Jesus “tungkol sa Kaharian ng Diyos.” Halimbawa, ipinaliwanag niya ang mga hulang nagpapakita na ang Mesiyas ay kailangang magdusa at mamatay. (Luc. 24:13-32, 46, 47) Nang ipaliwanag ni Jesus ang papel niya bilang Mesiyas, idiniin niya ang tema tungkol sa Kaharian ng Diyos, dahil siya ang Haring pinili ng Diyos. Ang Kaharian ang laging tema ng pangangaral ni Jesus, at ito rin ang ipinangangaral ng mga tagasunod niya ngayon.—Mat. 24:14; Luc. 4:43.
“Hanggang sa Pinakamalayong Bahagi ng Lupa” (Gawa 1:6-12)
8, 9. (a) Ano ang dalawang maling akala ng mga apostol ni Jesus? (b) Paano itinuwid ni Jesus ang pag-iisip ng kaniyang mga apostol, at anong aral ang makukuha rito ng mga Kristiyano sa ngayon?
8 Nang magtipon ang mga apostol sa Bundok ng mga Olibo, iyon na ang huling pagkakataon na nakausap nila si Jesus sa lupa. Sabik silang nagtanong: “Panginoon, ibabalik mo ba sa Israel ang kaharian sa panahong ito?” (Gawa 1:6) Isiniwalat ng tanong na ito na may dalawang maling akala ang mga apostol. Una, inakala nilang ibabalik ang Kaharian ng Diyos sa bansang Israel. Ikalawa, inisip nilang mamamahala na agad ang ipinangakong Kaharian, “sa panahong ito.” Paano sila tinulungan ni Jesus na ituwid ang kanilang pag-iisip?
9 Malamang na alam ni Jesus na malapit nang maituwid ang kanilang unang maling akala. Sa katunayan, 10 araw na lang at masasaksihan na ng mga tagasunod niya ang pasimula ng isang bagong bansa, ang espirituwal na Israel! Malapit nang putulin ng Diyos ang kaniyang pantanging kaugnayan sa bansang Israel. Hinggil naman sa ikalawang ideya, ganito ang mabait na paalaala sa kanila ni Jesus: “Hindi ninyo kailangang alamin ang mga panahon o kapanahunan na ang Ama lang ang may karapatang magpasiya.” (Gawa 1:7) Si Jehova ang Dakilang Tagapag-ingat ng Panahon. Nang nasa lupa pa si Jesus, sinabi niya mismo na kahit ang Anak ay walang kabatiran noon sa “araw at oras” kung kailan darating ang wakas, kundi “ang Ama lang.” (Mat. 24:36) Sa ngayon, kapag masyadong nag-aalala ang mga Kristiyano kung kailan ang wakas ng sistemang ito, sila ay nag-aalala tungkol sa isang bagay na hindi naman nila kailangang alamin.
10. Anong saloobin ng mga apostol ang dapat nating linangin, at bakit?
10 Pero hindi naman dapat bumaba ang tingin natin sa mga apostol ni Jesus. Ang totoo, matibay ang pananampalataya nila. Mapagpakumbaba silang tumanggap ng pagtutuwid. Bukod diyan, bagaman nag-ugat sa maling akala ang kanilang tanong, nagsiwalat naman ito ng isang mabuting saloobin. Paulit-ulit na pinayuhan ni Jesus ang mga tagasunod niya: “Patuloy kayong magbantay.” (Mat. 24:42; 25:13; 26:41) Nanatili silang gising sa espirituwal at sabik na hinihintay ang ebidensiyang malapit nang kumilos si Jehova. Iyan ang saloobing dapat nating linangin, lalo na ngayong nasa “mga huling araw” na tayo.—2 Tim. 3:1-5.
11, 12. (a) Anong atas ang ibinigay ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod? (b) Bakit angkop lamang na banggitin ni Jesus ang banal na espiritu may kaugnayan sa atas na mangaral?
11 Ipinaalaala ni Jesus sa kaniyang mga apostol kung saan nila dapat ituon ang isip nila. Sabi niya: “Tatanggap kayo ng kapangyarihan kapag dumating sa inyo ang banal na espiritu, at magiging mga saksi ko kayo sa Jerusalem, sa buong Judea at Samaria, at hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa.” (Gawa 1:8) Unang ihahayag ang pagkabuhay-muli ni Jesus sa Jerusalem, kung saan mismo siya pinatay. Mula roon, ipangangaral ang mensahe sa buong Judea, sa Samaria, at sa malalayo pang lugar.
12 Angkop naman na sinabi lamang ni Jesus ang tungkol sa atas na mangaral matapos niyang banggiting muli ang kaniyang pangako na ipadadala ang banal na espiritu upang tulungan ang kaniyang mga tagasunod. Isa ito sa mahigit 40 beses na paglitaw ng pananalitang “banal na espiritu” sa aklat ng Mga Gawa. Kaya paulit-ulit na nililiwanag ng kapana-panabik na aklat na ito ng Bibliya na hindi natin maisasagawa ang kalooban ni Jehova nang walang tulong ng banal na espiritu. Napakahalaga nga, kung gayon, na lagi nating hilingin sa panalangin ang espiritung ito! (Luc. 11:13) Kailangang-kailangan natin ito ngayon.
13. Gaano kalawak ang gawaing pangangaral na iniatas sa bayan ng Diyos sa ngayon, at bakit natin ito dapat tanggapin nang may pananabik?
13 Ang saklaw ng pananalitang “pinakamalayong bahagi ng lupa” ay mas malawak na ngayon kaysa noon. Pero gaya ng nakita natin sa naunang kabanata, buong pusong tinanggap ng mga Saksi ni Jehova ang atas na ito na magpatotoo, dahil alam nilang nais ng Diyos na marinig ng lahat ng uri ng tao ang mabuting balita ng Kaharian. (1 Tim. 2:3, 4) Puspusan ka bang nakikibahagi sa nagliligtas-buhay na gawaing ito? Wala nang mas kasiya-siya pang gawain kaysa rito! Bibigyan ka ni Jehova ng lakas na kailangan mo upang magawa ito. Sa tulong ng aklat ng Mga Gawa, matututuhan mo ang tamang mga pamamaraan na dapat gamitin at ang saloobin na dapat linangin upang maging mabisa sa gawaing ito.
14, 15. (a) Ano ang sinabi ng mga anghel tungkol sa pagbabalik ni Kristo, at ano ang ibig nilang sabihin? (Tingnan din ang talababa.) (b) Paanong ang pagbabalik ni Kristo ay naging “sa katulad na paraan” ng kaniyang paglisan?
14 Binanggit sa simula ng kabanatang ito na si Jesus ay umangat sa lupa at naglaho sa paningin. Pero nanatili pa ring nakatayo ang 11 apostol habang nakatingin sa langit. Sa wakas, dalawang anghel ang nagpakita sa kanila. Mabait nilang sinaway ang mga apostol: “Mga lalaki ng Galilea, bakit kayo nakatayo at nakatingin sa langit? Ang Jesus na ito na kasama ninyo noon at iniakyat sa langit ay darating din sa katulad na paraan kung paano ninyo siya nakitang umakyat sa langit.” (Gawa 1:11) Ang ibig ba nilang sabihin, babalik si Jesus taglay ang katawang laman niya, gaya ng itinuturo ng ilang relihiyon? Hindi. Paano natin nalaman?
15 Sinabi ng mga anghel na si Jesus ay babalik, hindi sa katulad na anyo, kundi “sa katulad na paraan.” b Paano ba siya lumisan? Naglaho na siya sa paningin ng kaniyang mga apostol nang magsalita ang mga anghel. Tanging ang iilang lalaking iyon, ang mga apostol, ang nakaunawa na nilisan na ni Jesus ang lupa at papunta na sa kaniyang Ama sa langit. Sa ganiyang paraan din babalik si Kristo. At gayon nga ang nangyari. Sa ngayon, tanging ang mga may espirituwal na kaunawaan lamang ang nakaaalam na si Jesus ay naghahari na. (Luc. 17:20) Kailangan nating unawain ang ebidensiya ng kaniyang presensiya at ipaliwanag ito sa iba upang makita rin naman nila ang pagkaapurahan ng panahon.
“Ipaalám Mo Kung Sino . . . ang Pinili Mo” (Gawa 1:13-26)
16-18. (a) Ano ang matututuhan natin sa Gawa 1:13, 14 tungkol sa mga pagtitipong Kristiyano para sa pagsamba? (b) Ano ang matututuhan natin sa halimbawang ipinakita ni Maria na ina ni Jesus? (c) Bakit napakahalaga ng mga Kristiyanong pagpupulong sa ngayon?
16 Ang mga apostol ay “bumalik sa Jerusalem na masayang-masaya.” (Luc. 24:52) Pero paano kaya sila tutugon sa patnubay at tagubilin ni Kristo? Sa talata 13 at 14 ng Gawa kabanata 1, sinasabing nagtipon sila sa isang “silid sa itaas,” at makikita natin ang ilang kapansin-pansing detalye tungkol sa gayong mga pagtitipon. Ang mga bahay noon sa Palestina ay karaniwan nang may isang nakabukod na silid sa itaas, at nasa labas ng bahay ang hagdanang paakyat dito. Ang “silid sa itaas” kayang ito ay yaong nasa itaas ng bahay na binabanggit sa Gawa 12:12, na pag-aari ng ina ni Marcos? Walang tuwirang binabanggit ang Bibliya. Pero ang punto, ito’y isang simpleng lugar na ginamit ng mga tagasunod ni Kristo sa kanilang pagtitipon. Pero sino-sino ang nagtipon, at ano ang kanilang ginawa?
17 Pansinin na hindi lang mga apostol, ni mga lalaki lang, ang dumalo sa pagtitipon. May “ilang babae” rin, kasama na ang ina ni Jesus na si Maria. Ito ang huling tuwirang pagbanggit sa kaniya sa Bibliya. Masasabing naroon siya, hindi para maitanyag bilang ina ni Jesus, kundi upang makipagtipon sa kaniyang mga kapatid na Kristiyano. Tiyak na isang kaaliwan sa kaniya na makasama sa pagsamba ang apat na iba pa niyang anak na lalaki, na hindi naging mananampalataya noong nasa lupa pa si Jesus. (Mat. 13:55; Juan 7:5) Nagbago ang kanilang saloobin nang mamatay at buhaying muli ang kanilang kapatid sa ina.—1 Cor. 15:7.
18 Pansinin din kung bakit nagtipon ang mga alagad na ito: “Silang lahat ay paulit-ulit na nanalangin nang may iisang kaisipan.” (Gawa 1:14) Noon pa ma’y mahalagang bahagi na ng Kristiyanong pagsamba ang mga pagtitipon. Nagtitipon tayo upang mapatibay ang isa’t isa, tumanggap ng mga tagubilin at payo, at higit sa lahat, makibahagi sa pagsamba sa ating Ama sa langit, si Jehova. Ang ating mga panalangin at awit ng papuri sa gayong mga pagkakataon ay talagang kalugod-lugod sa kaniya at malaking tulong din naman sa atin. Huwag na huwag sana nating pababayaan ang sagrado at nakapagpapatibay na mga pagtitipong ito!—Heb. 10:24, 25.
19-21. (a) Ano ang matututuhan natin sa malaking papel na ginampanan ni Pedro sa kongregasyon? (b) Bakit kinailangang palitan si Hudas, at ano ang matututuhan natin sa paraang ginamit ng mga apostol sa kanilang pagpili?
19 Ang mga tagasunod noon ni Kristo ay napaharap sa isang mahalagang pagpapasiya may kinalaman sa organisasyon, at si apostol Pedro ang nanguna sa paglutas nito. (Talata 15-26) Hindi ba’t nakaaaliw makitang ginagamit na ulit ni Jehova si Pedro kahit tatlong beses niyang ikinaila ang kaniyang Panginoon? (Mar. 14:72) Lahat tayo ay may tendensiyang magkasala, kaya naman napakahalagang mapaalalahanan tayo na si Jehova ay “mabuti at handang magpatawad” sa mga taimtim na nagsisisi.—Awit 86:5.
20 Natanto ni Pedro na dapat magkaroon ng kapalit si Hudas, ang apostol na nagtraidor kay Jesus. Pero sino? Dapat na nakasama ito ni Jesus sa buong ministeryo niya at nakasaksi sa kaniyang pagkabuhay-muli. (Gawa 1:21, 22) Kaayon ito ng pangako ni Jesus: “Kayo na sumunod sa akin ay uupo rin sa 12 trono para humatol sa 12 tribo ng Israel.” (Mat. 19:28) Lumilitaw na nilayon ni Jehova na ang 12 apostol na nakasama ni Jesus sa ministeryo niya sa lupa ang bubuo sa “12 batong pundasyon” ng Bagong Jerusalem sa hinaharap. (Apoc. 21:2, 14) Kaya naman tinulungan ng Diyos si Pedro na maunawaang kumakapit kay Hudas ang hulang “kunin nawa ng iba ang katungkulan niya bilang tagapangasiwa.”—Awit 109:8.
21 Paano ginawa ang pagpili? Sa pamamagitan ng palabunutan, isang kaugalian noong panahon ng Bibliya. (Kaw. 16:33) Gayunman, ito ang huling pagbanggit ng Bibliya hinggil sa paggamit ng palabunutan sa ganitong paraan. Lumilitaw na mula nang ibuhos ang banal na espiritu, hindi na ginamit ang pamamaraang ito. Pero pansinin kung bakit sila gumamit ng palabunutan. Nanalangin ang mga apostol: “Ikaw, O Jehova, ang nakababasa ng puso ng lahat, ipaalám mo kung sino sa dalawang lalaking ito ang pinili mo.” (Gawa 1:23, 24) Gusto nilang si Jehova ang pumili ng papalit sa puwesto ni Hudas. Si Matias, malamang na isa sa 70 alagad na isinugo ni Jesus upang mangaral, ang napili. Kaya si Matias ay naging isa sa “12 apostol.” c—Gawa 6:2.
22, 23. Bakit dapat tayong maging mapagpasakop at masunurin sa mga nangunguna sa kongregasyon sa ngayon?
22 Ipinapaalaala ng pangyayaring ito ang kahalagahan ng pagiging organisado ng bayan ng Diyos. Sa ngayon, pinipili rin ang responsableng mga lalaki na maglilingkod bilang mga tagapangasiwa sa kongregasyon. Maingat na isinasaalang-alang ng mga elder ang makakasulatang kuwalipikasyon ng mga tagapangasiwang ito, at nananalangin sila ukol sa patnubay ng banal na espiritu. Kaya itinuturing ng mga Kristiyano ang gayong mga lalaki bilang inatasan ng banal na espiritu. Ang bahagi naman natin ay ang manatiling mapagpasakop at masunurin sa kanilang pangunguna upang maitaguyod ang pagkakaisa sa kongregasyon.—Heb. 13:17.
23 Tiyak na napatibay ang mga alagad ni Jesus sa pagpapakita niya sa kanila matapos siyang buhaying muli at sa mga pagbabago sa paraan ng pangangasiwa sa kongregasyon. Handang-handa na sila para sa naghihintay sa kanila. Tatalakayin sa susunod na kabanata ang napakahalagang pangyayaring ito.
a Sa Ebanghelyo ni Lucas, tinawag niya ang lalaking ito bilang “kagalang-galang na Teofilo,” na nagpapahiwatig na si Teofilo ay isang prominenteng indibidwal na hindi pa mananampalataya noon. (Luc. 1:3) Pero sa Mga Gawa, tinukoy lang siya ni Lucas bilang “O Teofilo.” Ipinalalagay ng ilang iskolar na naging mananampalataya si Teofilo pagkatapos niyang mabasa ang Ebanghelyo ni Lucas; kaya ayon sa kanila, hindi na ginamit ni Lucas ang pananalitang “kagalang-galang na Teofilo,” at sa halip ay sumulat sa lalaking ito bilang espirituwal na kapatid.
b Dito, ginamit ng Bibliya ang salitang Griego na troʹpos, na nangangahulugang “paraan,” at hindi mor·pheʹ, na ang ibig sabihin ay “anyo.”
c Nang maglaon, inatasan si Pablo bilang “isang apostol para sa ibang mga bansa,” ngunit hindi siya kailanman napabilang sa 12 apostol. (Roma 11:13; 1 Cor. 15:4-8) Hindi siya naging kuwalipikado sa ganitong pantanging pribilehiyo dahil hindi siya nakasama ni Jesus sa kaniyang ministeryo sa lupa.