Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

KABANATA 3

“Napuspos ng Banal na Espiritu”

“Napuspos ng Banal na Espiritu”

Ang mga resulta ng pagbubuhos ng banal na espiritu noong Pentecostes

Batay sa Gawa 2:1-47

1. Ilarawan ang Kapistahan ng Pentecostes.

 HINDI magkamayaw sa pananabik ang mga tao sa mga lansangan ng Jerusalem. a Pumapailanlang ang usok mula sa altar sa templo habang inaawit ng mga Levita ang Hallel (Awit 113 hanggang 118), malamang na sa istilong antiphony, o awit na may sagutan. Punong-puno ng tao ang mga lansangan. Galing sila sa malalayong lugar gaya ng Elam, Mesopotamia, Capadocia, Ponto, Ehipto, at Roma. b Ano ba ang okasyon? Kapistahan ng Pentecostes, na tinatawag ding “araw ng mga unang hinog na bunga.” (Bil. 28:26) Ang taunang kapistahang ito ay palatandaan ng pagtatapos ng pag-aani ng sebada at pagsisimula naman ng pag-aani ng trigo. Napakasaya ng araw na ito!

2. Anong kamangha-manghang mga pangyayari ang naganap noong Pentecostes 33 C.E.?

2 Mga alas-nuwebe noon ng umaga ng tagsibol ng 33 C.E. nang maganap ang isang di-malilimutang pangyayari. Biglang nagkaroon ng “hugong mula sa langit na gaya ng malakas na bugso ng hangin,” o “tulad ng ugong ng malakas na hangin.” (Gawa 2:2; Magandang Balita Biblia) Dumagundong iyon sa bahay na pinagtitipunan ng mga 120 alagad ni Jesus. Pagkatapos, isang kamangha-manghang bagay ang naganap. Nakakita sila ng parang mga liyab ng apoy na dumapo sa bawat isa sa mga alagad. c At sila ay “napuspos ng banal na espiritu” at nagsalita ng iba’t ibang wika! Paglabas nila ng bahay, nagulat ang mga nasasalubong nila sa mga lansangan ng Jerusalem dahil nakakausap sila ng mga alagad! Oo, naririnig nila na “sinasalita . . . ang sariling wika ng bawat isa sa kanila.”​—Gawa 2:1-6.

3. (a) Bakit masasabing isang mahalagang pangyayari sa kasaysayan ng tunay na pagsamba ang Pentecostes 33 C.E.? (b) Paano tumutugma ang pahayag ni Pedro sa paggamit ng “mga susi ng Kaharian”?

3 Ang kagila-gilalas na ulat na ito ay naglalarawan ng isang mahalagang pangyayari sa tunay na pagsamba—ang pagkatatag ng espirituwal na bansang Israel, ang kongregasyon ng mga pinahirang Kristiyano. (Gal. 6:16) Hindi lang iyan. Nang magpahayag si Pedro sa harap ng mga tao nang araw na iyon, ginamit niya ang una sa tatlong “susi ng Kaharian,” na bawat isa’y magbubukas ng pantanging mga pribilehiyo sa isang partikular na grupo ng mga tao. (Mat. 16:18, 19) Ang unang susi ay nagbigay ng pagkakataon sa mga Judio at mga proselitang Judio na tanggapin ang mabuting balita at mapahiran ng banal na espiritu ng Diyos. d Kaya naging bahagi sila ng espirituwal na Israel, at nagkaroon ng pag-asang mamahala bilang mga hari at saserdote sa Mesiyanikong Kaharian. (Apoc. 5:9, 10) Nang maglaon, nagkaroon din ng ganitong pribilehiyo ang mga Samaritano at pagkaraan ay ang mga Gentil. Ano ang matututuhan ng mga Kristiyano ngayon mula sa mahahalagang pangyayari noong Pentecostes 33 C.E.?

“Magkakasama sa Isang Lugar” (Gawa 2:1-4)

4. Bakit masasabing ang kongregasyong Kristiyano sa ngayon ay pagpapatuloy lamang ng lumagong kongregasyon na itinatag noong 33 C.E.?

4 Sa simula, ang kongregasyong Kristiyano ay binubuo ng mga 120 alagad na “magkakasama sa isang lugar”—sa isang silid sa itaas—at pinahiran ng banal na espiritu. (Gawa 2:1) Sa pagtatapos ng araw na iyon, libo-libo na ang nabautismuhang mga miyembro ng kongregasyong iyon. Simula lang iyan ng pagsulong ng isang organisasyong patuloy na lumalago hanggang ngayon! Oo, isang pamayanan ng mga lalaki at babaeng may takot sa Diyos—ang kongregasyong Kristiyano sa ngayon—ang ginagamit upang ‘ang mabuting balita tungkol sa Kaharian ay maipangaral sa buong lupa para marinig ng lahat ng bansa’ bago dumating ang wakas.​—Mat. 24:14.

5. Anong pagpapala ang idudulot ng pakikisama sa kongregasyong Kristiyano, noong unang siglo at maging sa ngayon?

5 Ang kongregasyong Kristiyano ay pinagkukunan din ng espirituwal na kalakasan ng mga miyembro nito, kapuwa ng mga pinahiran at ng “ibang mga tupa” nang maglaon. (Juan 10:16) Pinahalagahan ni Pablo ang pagtutulungan ng mga kapatid sa loob ng kongregasyon nang sumulat siya sa mga Kristiyano sa Roma: “Nananabik akong makita kayo para makapagbahagi sa inyo ng pagpapala mula sa Diyos na magpapatatag sa inyo; o sa ibang salita, para makapagpatibayan tayo ng pananampalataya.”​—Roma 1:11, 12.

6, 7. Paano tinutupad ng kongregasyong Kristiyano sa ngayon ang atas ni Jesus sa kanila na mangaral sa lahat ng bansa?

6 Ang tunguhin ng kongregasyong Kristiyano sa ngayon ay katulad din ng tunguhin ng mga Kristiyano noong unang siglo. Binigyan ni Jesus ang kaniyang mga alagad ng isang mahirap ngunit kapana-panabik na gawain. Sinabi niya sa kanila: “Gumawa [kayo] ng mga alagad mula sa mga tao ng lahat ng bansa, na binabautismuhan sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng banal na espiritu, at itinuturo sa kanila na tuparin ang lahat ng iniutos ko sa inyo.”​—Mat. 28:19, 20.

7 Ang kongregasyong Kristiyano ng mga Saksi ni Jehova ang ginagamit para sa gawaing iyan ngayon. Hindi madaling mangaral sa mga taong iba ang wika. Pero nakapaglabas ang mga Saksi ni Jehova ng mga salig-Bibliyang materyal sa mahigit 1,000 wika. Kung regular kang dumadalo sa mga pulong, nangangaral tungkol sa Kaharian, at gumagawa ng mga alagad, may dahilan ka para magsaya. Kabilang ka sa iilan sa lupa ngayon na may pribilehiyong lubusang magpatotoo tungkol sa pangalan ni Jehova!

8. Anong tulong ang natatanggap natin mula sa kongregasyong Kristiyano?

8 Para matulungan kang magtiis nang may kagalakan sa mapanganib na mga panahong ito, inilaan ng Diyos na Jehova ang pandaigdig na kapatiran. Sumulat si Pablo sa mga Kristiyanong Hebreo: “Isipin natin ang isa’t isa para mapasigla natin ang bawat isa na magpakita ng pag-ibig at gumawa ng mabuti, at huwag nating pabayaan ang pagtitipon natin, gaya ng nakaugalian ng iba, kundi patibayin natin ang isa’t isa, at gawin natin ito nang higit pa habang nakikita nating papalapit na ang araw.” (Heb. 10:24, 25) Inilaan ni Jehova ang kongregasyong Kristiyano upang ikaw ay mapatibay at makapagpatibay rin naman sa iba. Manatiling malapít sa mga kapatid. Huwag na huwag mong pababayaan ang pagdalo sa mga pulong!

‘Narinig ng Bawat Isa sa Kanila ang Sarili Niyang Wika’ (Gawa 2:5-13)

“Naririnig nating nagsasalita sila sa wika natin tungkol sa makapangyarihang mga gawa ng Diyos.”​—Gawa 2:11

9, 10. Ano ang ginawa ng ilan para mapaabutan ng mabuting balita ang mga taong iba ang wika?

9 Isip-isipin na lang ang pananabik ng magkakasamang Judio at proselita noong Pentecostes 33 C.E. Malamang na marami sa mga naroroon ay gumagamit ng wikang karaniwan noon, marahil Griego o Hebreo. Pero ngayon, “narinig nilang sinasalita ng mga alagad ang sariling wika ng bawat isa sa kanila.” (Gawa 2:6) Tiyak na naantig sila nang marinig nila ang mabuting balita sa wika nila. Sa ngayon, hindi makahimalang pinagkalooban ang mga Kristiyano ng kakayahang magsalita ng ibang wika. Pero marami ang nagsikap na maipalaganap ang mensahe ng Kaharian sa mga tao mula sa iba’t ibang bansa. Paano? Ang ilan ay nag-aral ng ibang wika para makapaglingkod sa karatig na kongregasyong banyaga ang wika o lumipat pa nga sa ibang bansa. Madalas na hinahangaan ng mga nakakausap nila ang kanilang pagsisikap.

10 Tingnan natin ang halimbawa ni Christine na nag-aral ng wikang Gujarati kasama ng pito pang Saksi. Nang masalubong niya ang isang katrabaho na Gujarati ang wika, binati niya ito sa wikang Gujarati. Humanga ang babae at gusto niyang malaman kung bakit pinagsisikapan ni Christine na matuto ng mahirap na wikang ito. Nakapagbigay si Christine ng mainam na patotoo. Ganito ang sinabi ng babae kay Christine: “Tiyak na importante nga ang gusto n’yong sabihin.”

11. Paano tayo magiging handa na ipangaral ang mensahe ng Kaharian sa mga taong iba ang wika?

11 Siyempre pa, hindi lahat ay makapag-aaral ng ibang wika. Gayunman, puwede pa rin nating ipangaral ang mensahe ng Kaharian sa mga taong iba ang wika. Paano? Ang isang paraan ay ang paggamit ng app na JW Language® para matuto ng simpleng pagbati sa wika na karaniwang ginagamit sa lugar ninyo. Puwede ka ring matuto ng ilang pananalita sa wikang iyon para makuha ang interes ng mga nagsasalita nito. Sabihin sa kanila ang tungkol sa jw.org, at baka puwede mo ring ipakita sa kanila ang iba’t ibang video at publikasyon na available sa wika nila. Kapag ginamit natin ang mga tool na iyan sa ating ministeryo, magiging masaya rin tayo gaya ng mga kapatid noong unang siglo, nang humanga ang mga tao mula sa iba’t ibang bansa dahil narinig ng ‘bawat isa sa kanila sa sarili niyang wika’ ang mabuting balita.

“Tumayo si Pedro” (Gawa 2:14-37)

12. (a) Paano inihula ni Joel ang makahimalang pangyayaring naganap noong Pentecostes 33 C.E.? (b) Bakit inaasahang magkakaroon ng katuparan noong unang siglo ang hula ni Joel?

12 “Tumayo si Pedro” para magsalita sa harap ng mga tao mula sa iba’t ibang bansa. (Gawa 2:14) Ipinaliwanag niya sa lahat na makahimalang ipinagkaloob ng Diyos ang kakayahang magsalita sa iba’t ibang wika bilang katuparan ng hula ni Joel: “Ibubuhos ko ang espiritu ko sa bawat uri ng tao.” (Joel 2:28) Bago umakyat si Jesus sa langit, sinabi niya sa mga alagad: “Hihiling ako sa Ama at bibigyan niya kayo ng ibang katulong,” na tinukoy ni Jesus bilang “ang espiritu.”​—Juan 14:16, 17.

13, 14. Paano sinikap ni Pedro na maabot ang puso ng kaniyang mga tagapakinig, at paano natin matutularan ang kaniyang pamamaraan?

13 Mariin ang huling pananalita ni Pedro sa mga tao: “Hindi dapat mag-alinlangan ang buong bayang Israel na si Jesus na ipinako ninyo sa tulos ay ginawa ng Diyos na Panginoon at Kristo.” (Gawa 2:36) Mangyari pa, hindi lahat ng tagapakinig ni Pedro ay nakasaksi sa pagpatay kay Jesus sa pahirapang tulos. Pero bilang isang bansa, may pananagutan din sila rito. Gayunman, pansinin na kinausap ni Pedro ang kaniyang kapuwa mga Judio sa magalang na paraan at inantig niya ang kanilang puso. Tunguhin ni Pedro na pakilusin ang kaniyang mga tagapakinig na magsisi, at hindi para hatulan sila. Minasama ba ng mga tagapakinig ang sinabi ni Pedro? Hindi. Sa halip, “parang sinaksak ang puso nila.” Nagtanong sila: “Ano ang dapat naming gawin?” Malamang na nakatulong ang pagiging magalang ni Pedro kung kaya naabot niya ang puso ng marami at sila ay napakilos na magsisi.​—Gawa 2:37.

14 Matutularan natin ang paraan ni Pedro ng pag-antig sa puso. Kapag nagpapatotoo tayo, hindi natin kailangang gawing isyu ang bawat di-makakasulatang pananaw ng may-bahay. Sa halip, makakabuti kung maghahanap tayo ng mga puntong mapagkakasunduan natin ng may-bahay. Kapag nagawa natin iyan, makapangangatuwiran tayo mula sa Salita ng Diyos sa mataktikang paraan. Kadalasan nang kapag ipinapakipag-usap sa positibong paraan ang mga katotohanan mula sa Bibliya, mas madali itong tanggapin ng mga may matuwid na puso.

“Magpabautismo ang Bawat Isa sa Inyo” (Gawa 2:38-47)

15. (a) Ano ang sinabi ni Pedro, at ano ang naging resulta? (b) Bakit kuwalipikadong bautismuhan nang araw ding iyon ang libo-libo na nakarinig ng mabuting balita noong Pentecostes?

15 Noong kapana-panabik na araw ng Pentecostes 33 C.E., sinabi ni Pedro sa mga Judio at proselitang handang makinig: “Magsisi kayo, at magpabautismo ang bawat isa sa inyo.” (Gawa 2:38) Bilang resulta, mga 3,000 ang nabautismuhan, malamang na sa mga imbakan ng tubig sa Jerusalem o sa karatig nito. e Bugso lang ba ito ng damdamin? Ipinapakita ba ng ulat na ito na puwedeng madaliin ng mga estudyante ng Bibliya at ng mga anak ng mga magulang na Kristiyano ang pagpapabautismo kahit hindi pa sila handa? Hindi. Tandaan na ang mga Judio at proselitang Judiong iyon na nabautismuhan noong araw ng Pentecostes 33 C.E. ay masusugid na estudyante ng Salita ng Diyos at bahagi ng isang bansang nakaalay kay Jehova. Bukod dito, ipinakita na nila ang kanilang sigasig—halimbawa, sa paglalakbay nang malayo para makadalo sa taunang kapistahang ito. Matapos tanggapin ang napakahahalagang katotohanan tungkol sa papel ni Jesu-Kristo sa pagsasakatuparan ng layunin ng Diyos, handa na nilang ipagpatuloy ang paglilingkod sa Diyos—pero sa pagkakataong ito, bilang mga bautisadong tagasunod ni Kristo.

16. Paano nagpakita ng mapagsakripisyong espiritu ang unang-siglong mga Kristiyano?

16 Kitang-kita ang pagpapala ni Jehova sa kanila. Ang sabi ng ulat: “Magkakasama ang lahat ng naging mananampalataya, at ibinabahagi nila sa isa’t isa ang anumang taglay nila, ibinebenta ang mga pag-aari nila, at ipinamamahagi sa lahat ang napagbentahan, ayon sa pangangailangan ng bawat isa.” f (Gawa 2:44, 45) Tiyak na gustong tularan ng mga tunay na Kristiyano ang gayong pag-ibig at pagsasakripisyo.

17. Ano-anong hakbang ang kailangan para maging kuwalipikado sa bautismo ang isang indibidwal?

17 Bago mag-alay at magpabautismo ang isa, may ilang hakbang sa Kasulatan na dapat munang sundin. Ang indibidwal ay dapat munang kumuha ng kaalaman sa Salita ng Diyos. (Juan 17:3) Dapat siyang manampalataya at magsisi mula sa dati niyang landasin, anupat nagpapamalas ng tunay na kalungkutan sa kaniyang mga ginawa noon. (Gawa 3:19) Pagkatapos, dapat siyang makumberte, o manumbalik, at magsimulang gumawa ng tama ayon sa kalooban ng Diyos. (Roma 12:2; Efe. 4:23, 24) Kasunod ng mga hakbang na ito ang kaniyang pag-aalay sa Diyos sa panalangin at pagkatapos, ang pagpapabautismo.​—Mat. 16:24; 1 Ped. 3:21.

18. Anong pribilehiyo ang bukás sa bautisadong mga alagad ni Kristo?

18 Isa ka bang nakaalay at bautisadong alagad ni Jesu-Kristo? Kung oo, dapat mong ipagpasalamat ang pribilehiyong ipinagkatiwala sa iyo. Gaya ng unang-siglong mga alagad na napuspos ng banal na espiritu, magagamit ka rin sa pambihirang paraan upang lubusang magpatotoo at gumawa ng kalooban ni Jehova!

a Tingnan ang kahong “ Jerusalem—Ang Sentro ng Judaismo.”

c Pansinin na ang nakita nila ay “parang mga liyab ng apoy.” Ipinapahiwatig nito na nang ibuhos ang banal na espiritu sa bawat isa sa mga alagad, mukha itong apoy, pero hindi ito literal na apoy.

d Tingnan ang kahong “ Sino ang mga Proselita?

e Hindi ito ang pinakamalaking bilang ng nabautismuhan. Noong Agosto 7, 1993, sa isang internasyonal na kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova sa Kiev, Ukraine, 7,402 ang binautismuhan sa anim na pool, o imbakan ng tubig. Inabot nang dalawang oras at labinlimang minuto ang bautismo.

f Nakatulong ang pansamantalang kaayusang ito para mapaglaanan ang mga panauhing kinailangang manatili sa Jerusalem para higit pang matuto tungkol sa kanilang bagong pananampalataya. Ito’y boluntaryong pagtutulungan at hindi dapat mapagkamalang isang anyo ng komunismo.​—Gawa 5:1-4.