Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

KABANATA 5

“Dapat Naming Sundin ang Diyos Bilang Tagapamahala”

“Dapat Naming Sundin ang Diyos Bilang Tagapamahala”

Ang paninindigan ng mga apostol na dapat tularan ng lahat ng tunay na Kristiyano

Batay sa Gawa 5:12–6:7

1-3. (a) Bakit dinala ang mga apostol sa harap ng Sanedrin, at ano ba talaga ang isyu? (b) Bakit talagang interesado tayo sa paninindigan ng mga apostol?

 KUMUKULO ang dugo ng mga hukom ng Sanedrin dahil sa galit! Kasalukuyang nililitis ang mga apostol ni Jesus sa mataas na hukumang ito. Ang dahilan? Pagalit na sinabi ni Jose Caifas, ang mataas na saserdote at presidente ng Sanedrin: “Mahigpit namin kayong pinagbawalan na magturo tungkol sa pangalang ito.” Hindi man lang mabanggit ng galit na presidenteng ito ang pangalan ni Jesus. Nagpatuloy siya: “Pinalaganap ninyo sa buong Jerusalem ang turo ninyo! At gusto talaga ninyong isisi sa amin ang pagkamatay ng taong ito.” (Gawa 5:28) Maliwanag ang ibig niyang sabihin: Tigilan ninyo ang pangangaral kung ayaw n’yong makatikim ng parusa!

2 Ano kaya ang magiging reaksiyon ng mga apostol? Ang nag-atas sa kanila na mangaral ay si Jesus, na ang awtoridad ay galing sa Diyos. (Mat. 28:18-20) Matatakot kaya sa tao ang mga apostol at mananahimik na lamang? O magkakalakas-loob sila na manindigang matatag at patuloy na mangaral? Ito talaga ang isyu: Sino ang susundin nila, ang Diyos o ang tao? Hindi nag-atubiling magsalita si apostol Pedro para sa lahat ng apostol. Matatag at tahasan ang kaniyang mga salita.

3 Bilang mga tunay na Kristiyano, talagang interesado tayo sa reaksiyon ng mga apostol sa banta ng Sanedrin. Kapit din sa atin ang atas na mangaral. Sa pagsasagawa ng bigay-Diyos na atas na ito, posibleng salansangin din tayo. (Mat. 10:22) Baka tangkain ng mga sumasalansang na higpitan o ipagbawal ang ating gawain. Ano ang gagawin natin? Makatutulong sa atin ang pagsasaalang-alang sa paninindigan ng mga apostol at sa mga sitwasyong naging dahilan para litisin sila sa harap ng Sanedrin. a

“Binuksan ng Anghel ni Jehova ang mga Pinto” (Gawa 5:12-21a)

4, 5. Bakit “inggit na inggit” si Caifas at ang mga Saduceo?

4 Alalahanin natin na noong unang utusan sina Pedro at Juan na itigil na ang pangangaral, ganito ang naging sagot nila: “Hindi namin kayang tumigil sa pagsasalita tungkol sa mga bagay na nakita namin at narinig.” (Gawa 4:20) Pagkatapos ng pakikipagharap na iyon sa Sanedrin, sina Pedro at Juan, kasama ang iba pang mga apostol, ay nagpatuloy sa pangangaral sa templo. Gumawa ang mga apostol ng dakilang mga tanda, gaya ng pagpapagaling sa mga maysakit at pagpapalayas ng mga demonyo. Ginawa nila iyon sa “Kolonada ni Solomon,” isang portiko na may bubong at nasa silangang bahagi ng templo, kung saan nagtitipon-tipon ang mga Judio. Aba, lumilitaw na anino pa lamang ni Pedro ay nakapagpapagaling na! Marami sa mga napagaling sa pisikal ang tumugon sa mga salita ng katotohanan. Dahil dito, ‘patuloy na dumami ang nananampalataya sa Panginoon, at napakaraming lalaki at babae ang naging alagad.’—Gawa 5:12-15.

5 Si Caifas at ang mga Saduceo, ang sektang kinaaniban niya, ay “inggit na inggit” kaya ipinabilanggo nila ang mga apostol. (Gawa 5:17, 18) Bakit nga ba galit na galit ang mga Saduceo? Itinuturo kasi ng mga apostol na si Jesus ay binuhay-muli, pero hindi naniniwala ang mga Saduceo sa pagkabuhay-muli. Sinasabi ng mga apostol na makaliligtas lamang ang isa kung mananampalataya siya kay Jesus, pero natatakot ang mga Saduceo na buweltahan sila ng mga Romano kung si Jesus ang kikilalaning Lider ng mga tao. (Juan 11:48) Hindi nga kataka-takang maging determinado ang mga Saduceo na patahimikin ang mga apostol!

6. Sino sa ngayon ang karaniwang pasimuno sa pag-usig sa mga lingkod ni Jehova, at bakit hindi na natin ito dapat pagtakhan?

6 Sa ngayon, ang mga relihiyosong mananalansang pa rin ang karaniwang pasimuno sa pag-usig sa mga lingkod ni Jehova. Madalas nilang gamitin ang kanilang impluwensiya sa gobyerno at media para patahimikin tayo sa pangangaral. Magtataka pa ba tayo? Hindi na. Inilalantad kasi ng ating mensahe ang kamalian ng huwad na relihiyon. Kung tatanggapin ng mga tapat-puso ang mga katotohanan mula sa Bibliya, mapalalaya sila mula sa mga paniniwala at gawaing labag sa Kasulatan. (Juan 8:32) Pagtatakhan pa ba natin kung bakit pinag-iinitan tayo ng mga lider ng relihiyon dahil sa ating mensahe?

7, 8. Ano ang malamang na naging epekto sa mga apostol ng utos ng anghel, at ano ang makakabuting itanong natin sa ating sarili?

7 Habang nasa bilangguan at naghihintay ng paglilitis, maaaring iniisip din ng mga apostol na baka ito na ang huling sandali ng kanilang buhay. (Mat. 24:9) Pero nang gumabi na, isang di-inaasahang pangyayari ang naganap—“binuksan ng anghel ni Jehova ang mga pinto ng bilangguan.” b (Gawa 5:19) Pagkatapos ay tinagubilinan sila ng anghel: “Pumunta kayo sa templo, at patuloy ninyong sabihin sa mga tao ang lahat ng pananalita tungkol sa buhay.” (Gawa 5:20) Dahil sa utos na iyan, natiyak ng mga apostol na tama ang kanilang ginagawa. Ang mga salita ng anghel ay malamang na nagpatibay sa kanila na manatiling matatag anuman ang mangyari. Taglay ang matibay na pananampalataya at lakas ng loob, “pumasok [ang mga apostol] sa templo nang magbukang-liwayway at nagsimulang magturo.”​—Gawa 5:21.

8 Makakabuting tanungin natin ang ating sarili, ‘Mayroon ba akong pananampalataya at lakas ng loob na kailangan para patuloy akong makapangaral sa harap ng gayunding kalagayan?’ Mapapatibay tayo kung alam natin na ang napakahalagang gawaing ito ng “lubusang pagpapatotoo tungkol sa Kaharian ng Diyos” ay sinusuportahan at pinapatnubayan ng mga anghel.​—Gawa 28:23; Apoc. 14:6, 7.

“Dapat Naming Sundin ang Diyos Bilang Tagapamahala sa Halip na mga Tao” (Gawa 5:21b-33)

“Kaya dinala nila ang mga ito at pinatayo sa harap ng Sanedrin.”​—Gawa 5:27

9-11. Ano ang tugon ng mga apostol sa utos ng Sanedrin na itigil ang pangangaral, at anong halimbawa ang naipakita nito sa mga tunay na Kristiyano?

9 Alam na ngayon ni Caifas at ng iba pang mga hukom ng Sanedrin kung ano ang gagawin nila sa mga apostol. Palibhasa’y walang kamalay-malay sa naganap sa bilangguan, inutusan ng hukuman ang mga guwardiya na sunduin ang mga bilanggo. Isip-isipin na lamang ang pagkagulat ng mga guwardiya nang matuklasan nilang wala na roon ang mga bilanggo kahit na nakakandadong mabuti ang bilangguan at “nakatayo sa pinto ang mga bantay.” (Gawa 5:23) Di-nagtagal, nalaman ng kapitan ng templo na bumalik ang mga apostol sa templo at nagpapatotoo na naman tungkol kay Jesu-Kristo—ang mismong gawaing ikinabilanggo nila! Dali-daling pumunta sa templo ang kapitan at ang mga guwardiya niya para hulihin ang mga bilanggo at dalhin sa Sanedrin.

10 Gaya ng sinabi sa pasimula ng kabanatang ito, pinatitigil ng galit na galit na mga lider ng relihiyon ang mga apostol sa kanilang pangangaral. Ang tugon ng mga apostol? Bilang tagapagsalita, buong tapang na sinabi ni Pedro: “Dapat naming sundin ang Diyos bilang tagapamahala sa halip na mga tao.” (Gawa 5:29) Sa gayon ay naipakita ng mga apostol ang halimbawang dapat tularan ng lahat ng tunay na Kristiyano. Nawawalan ng awtoridad ang mga tagapamahalang tao kapag ipinagbabawal nila ang mga ipinag-uutos ng Diyos o ipinag-uutos nila ang mga ipinagbabawal ng Diyos. Kaya sa ngayon, kung ipagbawal man ng “nakatataas na mga awtoridad” ang ating gawaing pagpapatotoo, hindi natin maaatim na huwag sundin ang atas sa atin ng Diyos na ipangaral ang mabuting balita. (Roma 13:1) Sa halip, magiging mataktika tayo upang lubusan pa rin tayong makapagpatotoo tungkol sa Kaharian ng Diyos.

11 Hindi nga kataka-takang magngitngit sa galit ang mga hukom sa walang-takot na sagot ng mga apostol. Determinado silang “patayin” ang mga apostol. (Gawa 5:33) Sa pagkakataong ito, waring wala nang ligtas sa tiyak na kamatayan ang matatapang at masisigasig na saksing iyon. Pero teka, sa isang pambihirang paraan, darating sa kanila ang tulong!

“Hindi Ninyo Sila Maibabagsak” (Gawa 5:34-42)

12, 13. (a) Ano ang ipinayo ni Gamaliel sa mga kasama niyang hukom, at ano ang ginawa nila? (b) Paano posibleng mamagitan si Jehova para sa bayan niya ngayon, at ano ang matitiyak natin sakali mang ipahintulot niya na tayo ay “magdusa . . . alang-alang sa katuwiran”?

12 Nagsalita si Gamaliel, “isang guro ng Kautusan at iginagalang ng lahat.” c Tiyak na malaki ang respeto ng mga hukom sa lalaking ito na dalubhasa sa batas, dahil nang “iniutos niyang ilabas muna sandali ang mga apostol,” sinunod nila siya. (Gawa 5:34) Sa pagbanggit niya sa mga nakaraang pag-aalsang nabigo agad pagkamatay ng mga lider nito, hinimok ni Gamaliel ang hukuman na maging matiisin at mapagparaya sa mga apostol, na ang Lider, si Jesus, ay kamamatay pa lang. Nakakakumbinsi ang pangangatuwiran niya: “Huwag ninyong pakialaman ang mga taong ito; pabayaan ninyo sila. Dahil kung galing lang sa tao ang turo o gawain nila, hindi ito magtatagumpay; pero kung galing ito sa Diyos, hindi ninyo sila maibabagsak. At baka ang Diyos pa nga ang maging kalaban ninyo.” (Gawa 5:38, 39) Sinunod siya ng mga hukom. Pero pinagpapalo pa rin ang mga apostol at inutusang “huwag nang magsalita tungkol sa pangalan ni Jesus.”​—Gawa 5:40.

13 Tulad noon, posible ring maglaan si Jehova ngayon ng mga prominenteng tao na gaya ni Gamaliel para mamagitan alang-alang sa Kaniyang bayan. (Kaw. 21:1) Puwedeng gamitin ni Jehova ang kaniyang espiritu upang ang maiimpluwensiyang tagapamahala, hukom, o mambabatas ay kumilos ayon sa kaniyang kalooban. (Neh. 2:4-8) Pero sakali mang ipahintulot niyang tayo ay “magdusa . . . alang-alang sa katuwiran,” dalawang bagay ang tiyak. (1 Ped. 3:14) Una, kaya ng Diyos na bigyan tayo ng lakas para makapagtiis. (1 Cor. 10:13) Ikalawa, “hindi . . . maibabagsak” ng mga mananalansang ang gawain ng Diyos.​—Isa. 54:17.

14, 15. (a) Ano ang naging reaksiyon ng mga apostol sa mga palong tinanggap nila, at bakit? (b) Maglahad ng karanasang nagpapakitang masayang nagtitiis ang bayan ni Jehova.

14 Nabawasan ba ang sigasig ng mga apostol o humina ang kanilang loob dahil sa mga palong tinanggap nila? Hinding-hindi! “Ang mga apostol ay umalis sa harap ng Sanedrin nang masayang-masaya.” (Gawa 5:41) “Masayang-masaya”—bakit? Tiyak na hindi dahil sa nasaktan sila sa mga palo. Nagsasaya sila dahil alam nilang pinag-usig sila sa kanilang pananatiling tapat kay Jehova at pagsunod sa mga yapak ng kanilang Huwaran, si Jesus.​—Mat. 5:11, 12.

15 Gaya ng ating mga kapatid noong unang siglo, masaya tayong nagtitiis kapag nagdurusa tayo alang-alang sa mabuting balita. (1 Ped. 4:12-14) Hindi naman sa natutuwa tayo sa mga pagbabanta, pag-uusig, o pagkabilanggo. Kundi nakadarama lamang tayo ng tunay na kasiyahan dahil nakapananatili tayong tapat. Tingnan natin ang halimbawa ni Henryk Dornik, na ilang taóng dumanas ng malupit na pagtrato sa ilalim ng mga totalitaryong rehimen. Naaalaala pa niya nang siya at ang kaniyang kapatid ay dalhin sa isang kampong piitan noong Agosto 1944. Sinabi ng mga mananalansang: “Napakahirap nilang kumbinsihin. Mamatamisin pa nilang magpakamartir.” Ganito ang paliwanag ni Brother Dornik: “Hindi ko naman gustong magpakamartir, pero masaya ako dahil nagdurusa ako nang may lakas ng loob at dangal alang-alang sa aking katapatan kay Jehova.”​—Sant. 1:2-4.

Gaya ng mga apostol, tayo ay nangangaral “sa bahay-bahay”

16. Paano ipinakita ng mga apostol na determinado silang lubusang magpatotoo, at paano natin sinusunod ang paraan ng pangangaral na pinasimulan nila?

16 Walang inaksayang panahon ang mga apostol sa kanilang muling pagpapatotoo. Buong tapang nilang ipinagpatuloy “araw-araw sa templo at sa bahay-bahay” ang gawaing “paghahayag ng mabuting balita tungkol sa Kristo.” d (Gawa 5:42) Determinado ang masisigasig na mángangarál na ito na lubusang magpatotoo. Pansinin na dinala nila ang mensahe sa bahay ng mga tao, gaya ng itinagubilin ni Jesu-Kristo. (Mat. 10:7, 11-14) Tiyak na sa ganiyang paraan nila pinalaganap sa Jerusalem ang turo nila. Sa ngayon, kilala ang mga Saksi ni Jehova sa pagsunod sa paraang iyan ng pangangaral na pinasimulan ng mga apostol. Sa pagpunta sa bawat bahay sa ating teritoryo, maliwanag nating ipinapakita na gusto rin nating lubusang magpatotoo, anupat binibigyan ng pagkakataon ang bawat isa na marinig ang mabuting balita. Pinagpapala ba ni Jehova ang ating ministeryo sa bahay-bahay? Oo! Milyon-milyon ang tumutugon sa mensahe ng Kaharian sa panahong ito ng kawakasan, at marami ang noon lamang nakarinig ng mabuting balita nang kumatok sa kanilang pinto ang isang Saksi.

Mga Kuwalipikadong Lalaki na Nag-aasikaso sa ‘Mahalagang Gawain’ (Gawa 6:1-6)

17-19. Anong isyu ang bumangon na madaling pagmulan ng pagkakabaha-bahagi, at ano ang iniutos ng mga apostol para malutas ito?

17 Napaharap ang bagong-tatag na kongregasyon sa isang di-nakikitang panganib mula mismo sa loob ng kongregasyon. Ano iyon? Marami sa mga nabautismuhang alagad ay mga panauhin sa Jerusalem at gusto nilang matuto pa bago umuwi. Ang mga alagad namang taga-Jerusalem ay kusang-loob na nag-aabuloy para masapatan ang pangangailangan sa pagkain at iba pang mga suplay. (Gawa 2:44-46; 4:34-37) Sa pagkakataong ito, bumangon ang isang maselan na problema. “Sa araw-araw na pamamahagi ng pagkain,” ang mga biyuda na nagsasalita ng Griego “ay napapabayaan.” (Gawa 6:1) Pero ang mga biyuda na nagsasalita ng Hebreo ay hindi napapabayaan. Lumilitaw na ang problema ay may kinalaman sa diskriminasyon, isang isyu na madaling pagmulan ng pagkakabaha-bahagi.

18 Inisip ng mga apostol, ang nagsisilbing lupong tagapamahala ng lumalaking kongregasyon, na hindi nila puwedeng “pabayaan . . . ang salita ng Diyos para mamahagi ng pagkain.” (Gawa 6:2) Kaya inutusan nila ang mga alagad na humanap ng pitong lalaki na “puspos ng espiritu at karunungan” at puwedeng atasan ng mga apostol na mag-asikaso sa “mahalagang gawaing ito.” (Gawa 6:3) Mga kuwalipikadong lalaki ang kailangan dito dahil malamang na hindi lang ito basta pagpapakain, kundi kasama na rin ang paghawak ng pera, pagbili ng suplay, at pag-iingat ng rekord. Ang mga pinili ay may mga pangalang Griego, kaya posibleng napagaan nito ang loob ng mga biyuda. Matapos isaalang-alang ang mga inirekomenda at ipanalangin ang bagay na ito, inatasan ng mga apostol ang pitong lalaki na mag-asikaso sa “mahalagang gawaing ito.” e

19 Nangangahulugan ba ito na wala nang pananagutang mangaral ng mabuting balita ang pitong lalaking ito yamang sila naman ang nag-aasikaso sa pamamahagi ng pagkain? Hinding-hindi! Kasama sa mga pinili si Esteban, na naging matapang at mabisang tagapagpatotoo. (Gawa 6:8-10) Isa rin si Felipe sa pitong pinili, at tinawag siyang “ebanghelisador.” (Gawa 21:8) Kaya maliwanag na nagpatuloy ang pitong lalaking ito sa pagiging masisigasig na mángangarál ng Kaharian.

20. Paano sinusunod ng bayan ng Diyos sa ngayon ang kaayusang pinasimulan ng mga apostol noon?

20 Sinusunod ng bayan ni Jehova sa ngayon ang kaayusang ito na pinasimulan ng mga apostol. Ang mga lalaking inirerekomendang humawak ng pananagutan sa kongregasyon ay dapat kakitaan ng makadiyos na karunungan at ng katibayan na kumikilos sa kanila ang banal na espiritu. Sa ilalim ng patnubay ng Lupong Tagapamahala, ang mga lalaking nakaaabot sa mga kahilingan ng Kasulatan ay inaatasang maglingkod bilang mga elder o ministeryal na lingkod sa kongregasyon. f (1 Tim. 3:1-9, 12, 13) Ang mga nakaabot sa mga kahilingan ay masasabing inatasan ng banal na espiritu. Nag-aasikaso ang masisipag na lalaking ito ng maraming mahahalagang gawain. Halimbawa, maaaring nagsasaayos ang mga elder ng praktikal na tulong para sa tapat na mga may-edad na talagang nangangailangan. (Sant. 1:27) Ang ilang elder ay may malaking pananagutan sa pagtatayo ng mga Kingdom Hall, pag-oorganisa ng mga kombensiyon, o pakikipagtulungan sa Hospital Liaison Committee sa lugar nila. Ang mga ministeryal na lingkod naman ang nag-aasikaso ng maraming tungkulin na walang tuwirang kinalaman sa pagpapastol o pagtuturo. Dapat na maging timbang ang lahat ng lalaking ito sa atas ng Diyos na ipangaral ang mabuting balita ng Kaharian at sa mga pananagutan nila sa kongregasyon at organisasyon.​—1 Cor. 9:16.

“Patuloy na Lumaganap ang Salita ng Diyos” (Gawa 6:7)

21, 22. Bakit masasabing pinagpala ni Jehova ang bagong-tatag na kongregasyon?

21 Sa tulong ni Jehova, nalampasan ng bagong-tatag na kongregasyon ang pag-uusig mula sa labas ng kongregasyon at ang panganib ng pagkakabaha-bahagi mula mismo sa loob nito. Kitang-kita ang pagpapala ni Jehova, dahil sinasabi sa atin: “Patuloy na lumaganap ang salita ng Diyos at tuloy-tuloy ang pagdami ng alagad sa Jerusalem; marami ring saserdote ang nanampalataya.” (Gawa 6:7) Isa lamang ito sa maraming ulat ng pagsulong na makikita sa aklat ng Mga Gawa. (Gawa 9:31; 12:24; 16:5; 19:20; 28:31) Sa ngayon, hindi ba’t sumisigla tayo kapag naririnig natin ang mga ulat ng pagsulong ng gawaing pangangaral tungkol sa Kaharian sa ibang panig ng daigdig?

22 Sa pagbabalik-tanaw sa unang siglo C.E., ang nagngingitngit na mga lider ng relihiyon ay nagpatuloy sa kanilang pang-uusig. Sunod-sunod na pag-uusig ang nakaabang sa mga Kristiyano. Di-nagtagal, naging puntirya ng marahas na pagsalansang si Esteban, gaya ng makikita natin sa susunod na kabanata.

b Ito ang una sa mga 20 tuwirang pagbanggit sa mga anghel sa aklat ng Mga Gawa. Sa Gawa 1:10, di-tuwirang tinukoy ang mga anghel bilang mga “lalaki na nakaputing damit.”

c Tingnan ang kahong “ Si Gamaliel—Iginagalang na Rabbi.”

d Tingnan ang kahong “ Pangangaral ‘sa Bahay-bahay.’

e Malamang na nakaabot ang mga lalaking ito sa mga kuwalipikasyon para sa matatanda, yamang isang mabigat na bagay ang pangangasiwa sa “mahalagang gawaing ito.” Pero hindi binabanggit sa Kasulatan kung kailan talaga nagsimula ang pag-aatas ng mga lalaki bilang matatanda o mga tagapangasiwa sa kongregasyong Kristiyano.

f Noong unang siglo, may awtoridad ang ilang kuwalipikadong lalaki na mag-atas ng matatanda sa kongregasyon. (Gawa 14:23; 1 Tim. 5:22; Tito 1:5) Sa ngayon, ang Lupong Tagapamahala ang nag-aatas ng mga tagapangasiwa ng sirkito, at ang mga tagapangasiwang ito naman ang may responsibilidad na mag-atas ng mga elder at ministeryal na lingkod.