Liham Mula sa Lupong Tagapamahala
Mahal Naming Tagapaghayag ng Kaharian:
Isipin mong isa ka sa mga apostol na nakatayo sa Bundok ng mga Olibo. Nagpakita sa iyo si Jesus. Nang paakyat na siya sa langit, sinabi niya: “Tatanggap kayo ng kapangyarihan kapag dumating sa inyo ang banal na espiritu, at magiging mga saksi ko kayo sa Jerusalem, sa buong Judea at Samaria, at hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa.” (Gawa 1:8) Ano kaya ang mararamdaman mo?
Baka isipin mong napakahirap ng atas na iyan. Baka itanong mo sa iyong sarili, ‘Paano kaya kami makapagpapatotoo hanggang sa “pinakamalayong bahagi ng lupa” kung iilan lang kami?’ Marahil ay maiisip mo ang babalang sinabi ni Jesus noong gabing bago siya mamatay: “Ang alipin ay hindi mas dakila kaysa sa panginoon niya. Kung pinag-usig nila ako, pag-uusigin din nila kayo; kung sinunod nila ang mga sinabi ko, susundin din nila ang sa inyo. Pero gagawin nila ang lahat ng ito laban sa inyo dahil sa pangalan ko, dahil hindi nila kilala ang nagsugo sa akin.” (Juan 15:20, 21) Habang iniisip mo ang mga salitang iyan, baka itanong mo sa iyong sarili, ‘Paano kaya ako makapagpapatotoo kung sinasalansang kami at inuusig?’
Bumabangon pa rin ang mga tanong na iyan ngayon. Bilang mga Saksi ni Jehova, may atas din tayong magpatotoo hanggang sa “pinakamalayong bahagi ng lupa,” sa “mga tao ng lahat ng bansa.” (Mat. 28:19, 20) Paano kaya ito maisasagawa, lalo na’t inihulang sasalansangin ang gawaing ito?
Isang nakapagpapasiglang ulat ang mababasa natin sa Mga Gawa ng mga Apostol kung paanong sa tulong ni Jehova ay naisagawa ng mga apostol at ng kanilang mga kapananampalataya noong unang siglo C.E. ang kanilang atas. Ang publikasyong binabasa mo ngayon ay dinisenyo sa paraang makatutulong sa iyo para masuri ang rekord na iyan at masubaybayan ang kapana-panabik na takbo ng mga pangyayari sa ulat ng Mga Gawa. Magugulat ka sa dami ng pagkakatulad ng mga lingkod ng Diyos noong unang siglo at ng kaniyang bayan sa ngayon, hindi lamang sa gawaing isinasagawa natin kundi pati na rin sa pagkakaorganisa sa gawaing iyan. Habang binubulay-bulay mo ang mga ito, tiyak na mapapatibay ang iyong paniniwalang patuloy na ginagabayan ng Diyos na Jehova ang makalupang bahagi ng kaniyang organisasyon.
Sa pagsusuri mo sa aklat ng Mga Gawa, dalangin namin na sana’y mapatibay ang iyong pagtitiwala na tutulungan ka ni Jehova at palalakasin ng kaniyang banal na espiritu. Nawa’y mapakilos kang patuloy na ‘lubusang magpatotoo’ tungkol sa Kaharian ng Diyos at tulungan ang iba na lumakad sa landas ng kaligtasan.—Gawa 28:23; 1 Tim. 4:16.
Ang iyong mga kapatid,
Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova