KABANATA 13
“Pagkatapos Magkaroon ng Mainitang Pagtatalo”
Iniharap sa lupong tagapamahala ang isyu ng pagtutuli
Batay sa Gawa 15:1-12
1-3. (a) Anong mga pangyayari ang muntik nang maging sanhi ng pagkakabaha-bahagi ng bagong-tatag na kongregasyong Kristiyano? (b) Paano tayo maaaring makinabang mula sa pag-aaral sa ulat na ito sa aklat ng Mga Gawa?
MASAYANG-MASAYA sina Pablo at Bernabe nang bumalik sila sa lunsod ng Antioquia sa Sirya mula sa kanilang unang paglalakbay bilang mga misyonero. Tuwang-tuwa sila dahil “binigyan [ni Jehova] ng pagkakataon ang ibang mga bansa na manampalataya.” (Gawa 14:26, 27) Sa katunayan, naging usap-usapan na sa buong Antioquia ang mabuting balita at “napakaraming” Gentil ang naparagdag sa kongregasyon doon.—Gawa 11:20-26.
2 Agad na nakarating sa Judea ang kapana-panabik na balita tungkol sa paglagong ito. Pero sa halip na ikatuwa ito ng lahat, naging dahilan pa ito para lalong lumaki ang isyu ng pagtutuli. Ano ba ang dapat na maging ugnayan sa pagitan ng mga mananampalatayang Judio at di-Judio, at ano ang dapat na maging pananaw ng mga di-Judio sa Kautusang Mosaiko? Lumala nang lumala ang isyu hanggang sa halos magkabaha-bahagi na ang kongregasyong Kristiyano. Paano kaya ito malulutas?
3 Habang tinatalakay natin ang ulat na ito sa aklat ng Mga Gawa, marami tayong matututuhang mahahalagang aral. Makatutulong ito sa atin na maging matalino sa pagpapasiya sakaling may bumangong mga isyung maaaring maging sanhi ng pagkakabaha-bahagi sa ngayon.
“Kung Tutuliin Kayo” (Gawa 15:1)
4. Anong maling pananaw ang isinusulong pa rin ng ilang mananampalataya, at anong tanong ang bumabangon dahil dito?
4 Isinulat ng alagad na si Lucas: “May ilang lalaking dumating [sa Antioquia] mula sa Judea at nagturo sa mga kapatid: ‘Maliligtas lang kayo kung tutuliin kayo ayon sa Kautusan ni Moises.’” (Gawa 15:1) Hindi binanggit kung dating mga Pariseo ang mga “lalaking [ito] mula sa Judea” bago nakumberte sa Kristiyanismo. Sa paanuman, lumilitaw na naimpluwensiyahan sila ng panatikong kaisipan ng sektang iyon ng mga Judio. Bukod diyan, posibleng ginamit lang nila ang pangalan ng mga apostol at ng matatandang lalaki sa Jerusalem. (Gawa 15:23, 24) Pero bakit nga ba isinusulong pa rin ng mga mananampalatayang Judio ang pagtutuli, gayong mga 13 taon na noon ang nakalilipas mula nang tanggapin ni apostol Pedro sa kongregasyong Kristiyano ang mga di-tuling Gentil bilang pagsunod sa utos ng Diyos sa kaniya? a—Gawa 10:24-29, 44-48.
5, 6. (a) Ano ang mga posibleng dahilan kung bakit sinusunod pa rin ng ilang Judiong Kristiyano ang kaayusan ng pagtutuli? (b) Bahagi ba ng Abrahamikong tipan ang tipan ng pagtutuli? Ipaliwanag. (Tingnan ang talababa.)
5 Posibleng maraming dahilan. Una sa lahat, kay Jehova mismo nanggaling ang kaayusan ng pagtutuli, at tanda ito ng isang pantanging kaugnayan sa kaniya. Ang pagtutuli ay nagsimula kay Abraham at sa kaniyang sambahayan. Umiiral na ito bago pa man magkaroon ng tipang Kautusan at nang maglaon ay naging bahagi na rin ito ng Kautusan. b (Lev. 12:2, 3) Ayon sa Kautusang Mosaiko, maging ang mga dayuhan ay dapat munang tuliin bago sila mabigyan ng ilang pribilehiyo, gaya ng pagkain sa hapunan ng Paskuwa. (Ex. 12:43, 44, 48, 49) Oo, para sa mga Judio, marumi at kasuklam-suklam ang isang lalaking di-tuli.—Isa. 52:1.
6 Kaya naman kailangan ang pananampalataya at kapakumbabaan sa bahagi ng mga mananampalatayang Judio para tanggapin ang isang bagong turo. Pinalitan na ng bagong tipan ang tipang Kautusan, kaya hindi na awtomatikong nagiging bahagi ng bayan ng Diyos ang isa dahil lamang sa ipinanganak siyang Judio. At para sa mga Judiong Kristiyano na naninirahan sa pamayanang Judio—gaya ng mga mananampalataya sa Judea—kailangan ang lakas ng loob para tanggapin si Kristo at para tanggapin bilang mga kapananampalataya ang mga di-tuling Gentil.—Jer. 31:31-33; Luc. 22:20.
7. Anong katotohanan ang hindi naunawaan ng mga “lalaking . . . mula sa Judea”?
7 Mangyari pa, hindi nagbabago ang mga pamantayan ng Diyos. Sa katunayan, inilakip sa bagong tipan ang pinakadiwa ng Kautusang Mosaiko. (Mat. 22:36-40) Halimbawa, may kinalaman sa pagtutuli, sumulat si Pablo nang maglaon: “Ang pagiging tunay na Judio ay nakabatay sa kung ano siya sa loob, at ang puso niya ay tinuli ayon sa espiritu at hindi sa nasusulat na Kautusan.” (Roma 2:29; Deut. 10:16) Hindi naunawaan ng mga “lalaking . . . mula sa Judea” ang katotohanang ito. Sa halip, tiniyak nilang hindi kailanman pinawalang-bisa ng Diyos ang kautusan ng pagtutuli. Makikinig kaya sila sa katuwiran?
“Pagtatalo at Di-pagkakasundo” (Gawa 15:2)
8. Bakit iniharap sa lupong tagapamahala sa Jerusalem ang isyu ng pagtutuli?
8 Nagpatuloy si Lucas: “Pagkatapos magkaroon ng mainitang pagtatalo at di-pagkakasundo sa pagitan nila [ang mga “lalaking dumating mula sa Judea”] at nina Pablo at Bernabe, napagpasiyahan na papuntahin sa Jerusalem sina Pablo at Bernabe at ang iba pa para iharap ang usaping ito sa mga apostol at matatandang lalaki.” c (Gawa 15:2) Ang pananalitang “pagtatalo at di-pagkakasundo” ay nagpapahiwatig na matibay at matatag ang paninindigan ng magkabilang panig, at hindi ito malutas ng kongregasyon sa Antioquia. Alang-alang sa kapayapaan at pagkakaisa, buong katalinuhang isinaayos ng kongregasyon na iharap ang problema sa “mga apostol at matatandang lalaki” sa Jerusalem, na bumubuo noon sa lupong tagapamahala. Ano ang matututuhan natin sa matatanda sa Antioquia?
9, 10. Paano nagpakita ng magandang halimbawa para sa atin sa ngayon ang mga kapatid sa Antioquia, gayundin sina Pablo at Bernabe?
9 Natutuhan natin dito na dapat tayong magtiwala sa organisasyon ng Diyos. Isipin ito: Alam ng mga kapatid sa Antioquia na puro mga Judiong Kristiyano ang bumubuo sa lupong tagapamahala. Pero ipinagkatiwala pa rin nila sa lupong iyon ang paglutas sa problema tungkol sa pagtutuli gamit ang Kasulatan. Bakit? Dahil may tiwala ang kongregasyon na isasaayos ni Jehova ang mga bagay-bagay sa pamamagitan ng kaniyang banal na espiritu at ng Ulo ng kongregasyong Kristiyano, si Jesu-Kristo. (Mat. 28:18, 20; Efe. 1:22, 23) Kapag may bumangong mabibigat na isyu sa ngayon, tularan natin ang magandang halimbawa ng mga mananampalataya sa Antioquia at magtiwala tayo sa organisasyon ng Diyos at sa Lupong Tagapamahala nito na binubuo ng mga pinahirang Kristiyano.
10 Ipinapaalaala rin sa atin ang kahalagahan ng pagpapakumbaba at pagkamatiisin. Bagaman ang banal na espiritu mismo ang nag-atas kina Pablo at Bernabe na pumunta sa mga bansa, hindi nila ginamit ang awtoridad na ito para lutasin doon din mismo sa Antioquia ang isyu ng pagtutuli. (Gawa 13:2, 3) Bukod diyan, isinulat ni Pablo: “Bumalik ako [sa Jerusalem] dahil sa isang pagsisiwalat”—na nagpapahiwatig ng patnubay ng Diyos hinggil sa bagay na iyon. (Gal. 2:2) Ang mga elder sa ngayon ay nagsisikap na magkaroon ng gayunding pagpapakumbaba at pagkamatiisin kapag nagkakaiba-iba ang kanilang opinyon sa mga isyung maaaring bumangon. Sa halip na igiit ang kani-kaniyang opinyon, umaasa sila kay Jehova sa pamamagitan ng Kasulatan at sa tagubilin at patnubay ng tapat na alipin.—Fil. 2:2, 3.
11, 12. Bakit mahalagang maghintay kay Jehova?
11 Sa ilang pagkakataon, baka kailangan muna tayong maghintay na liwanagin ni Jehova ang isang bagay. Tandaan natin na ang mga kapatid noong panahon ni Pablo ay kinailangang maghintay kay Jehova hanggang mga 49 C.E.—mga 13 taon mula nang pahiran si Cornelio noong 36 C.E.—bago nagkaroon ng resolusyon hinggil sa isyu ng pagtutuli sa mga Gentil. Bakit kaya umabot nang gayon katagal? Marahil, gusto ng Diyos na mabigyan ng sapat na panahon ang tapat na mga Judio na maiayon muna ang kanilang pag-iisip sa gayong malaking pagbabago. Kung sa bagay, hindi nga madaling tanggapin na nagwakas na ang 1,900-táong tipan ng pagtutuli na ibinigay sa kanilang pinakamamahal na ninunong si Abraham!—Juan 16:12.
12 Isa ngang malaking pribilehiyo na turuan at hubugin ng ating matiisin at mabait na Ama sa langit! Ang mga resulta nito’y palaging maganda at para sa ating kabutihan. (Isa. 48:17, 18; 64:8) Kaya hinding-hindi natin dapat ipilit ang ating mga ideya o kaya’y maging negatibo sa mga pagbabago sa organisasyon o sa mga bagong paliwanag sa ilang mga teksto. (Ecles. 7:8) Kapag napansin mong nagkakaroon ka ng gayong tendensiya, kahit bahagya lamang, makakabuting bulay-bulayin mo nang may pananalangin ang napapanahong mga simulaing masusumpungan sa Gawa kabanata 15. d
13. Paano natin matutularan sa ating ministeryo ang pagkamatiisin ni Jehova?
13 Maaaring kailanganin natin ang pagiging matiisin kapag nagtuturo tayo ng Bibliya sa mga taong hindi maiwan-iwan ang kanilang huwad na mga paniniwala o di-makakasulatang mga kaugalian. Sa ganitong mga kalagayan, baka higit pang panahon ang kailangan bago mapakilos ng espiritu ng Diyos ang puso ng estudyante. (1 Cor. 3:6, 7) Kailangan din nating ipanalangin ito. Sa paanuman, darating din ang tamang panahon na ituturo sa atin ng Diyos ang dapat nating gawin.—1 Juan 5:14.
Isinaysay Nila “Nang Detalyado” ang Nakapagpapatibay na mga Karanasan (Gawa 15:3-5)
14, 15. Paano pinarangalan ng kongregasyon sa Antioquia sina Pablo, Bernabe, at ang iba pang mga manlalakbay, at paano sila naging pagpapala sa mga kapatid?
14 Ganito pa ang salaysay ni Lucas: “Sinamahan sila ng kongregasyon sa simula ng paglalakbay. Pagkatapos, nagpatuloy sila at dumaan sa Fenicia at Samaria, at inilahad nila roon nang detalyado ang pagkakumberte ng mga tao ng ibang mga bansa, kaya tuwang-tuwa ang lahat ng kapatid.” (Gawa 15:3) Ang paghahatid ng kongregasyon kina Pablo, Bernabe, at sa iba pang mga manlalakbay ay tanda ng Kristiyanong pag-ibig at pagpaparangal sa kanila, anupat ipinapakita ng kongregasyon ang kanilang hangarin na sana’y pagpalain sila ng Diyos. Isa na naman itong magandang halimbawa ng mga kapatid sa Antioquia! Pinararangalan mo rin ba ang iyong mga kapatid na Kristiyano, “lalo na ang mga [elder na] nagsisikap nang husto sa pagsasalita at pagtuturo tungkol sa salita ng Diyos”?—1 Tim. 5:17.
15 Habang nasa daan pabalik sa Jerusalem, ang mga manlalakbay ay naging pagpapala sa kanilang mga kapuwa Kristiyano sa Fenicia at Samaria nang isaysay nila sa kanila “nang detalyado” ang mga karanasan nila tungkol sa gawain sa teritoryo ng mga Gentil. Posibleng kabilang sa mga nakikinig ang mga mananampalatayang Judio na tumakas patungo sa mga rehiyong iyon pagkamatay ni Esteban. Sa ngayon, ang mga ulat tungkol sa pagpapala ni Jehova sa paggawa ng mga alagad ay isa ring pampatibay sa mga kapatid, lalo na sa mga dumaranas ng mga pagsubok. Hindi ba’t nakikinabang ka nang husto sa ganitong mga ulat kapag dumadalo ka sa mga Kristiyanong pagpupulong, asamblea, at mga kombensiyon, pati na kapag nagbabasa ng mga karanasan at talambuhay sa ating mga publikasyon na nakaimprenta o nasa jw.org?
16. Ano ang nagpapakitang naging isang malaking isyu ang pagtutuli?
16 Matapos maglakbay nang mga 550 kilometro patimog, sa wakas ay nakarating din sa kanilang destinasyon ang delegasyon mula sa Antioquia. Sumulat si Lucas: “Pagdating sa Jerusalem, malugod silang tinanggap ng kongregasyon at ng mga apostol at ng matatandang lalaki, at ikinuwento nila ang maraming bagay na ginawa ng Diyos sa pamamagitan nila.” (Gawa 15:4) Pero bilang tugon, “ang ilan sa dating miyembro ng sekta ng mga Pariseo na naging mananampalataya ay tumayo at nagsabi: ‘Dapat silang tuliin at utusan na sundin ang Kautusan ni Moises.’” (Gawa 15:5) Maliwanag na ang usapin tungkol sa pagtutuli sa mga di-Judiong Kristiyano ay naging isang malaking isyu na dapat lutasin.
“Nagtipon ang mga Apostol at Matatandang Lalaki” (Gawa 15:6-12)
17. Sino ang bumubuo sa lupong tagapamahala sa Jerusalem, at bakit maaaring kabilang dito ang “matatandang lalaki”?
17 “Ang marurunong ay humihingi ng payo,” ang sabi sa Kawikaan 13:10. Kasuwato ng praktikal na simulaing iyan, “nagtipon ang mga apostol at matatandang lalaki para pag-usapan ang [isyu ng pagtutuli].” (Gawa 15:6) “Ang mga apostol at matatandang lalaki” ang nagpapasiya noon para sa buong kongregasyong Kristiyano, gaya rin ng ginagawa ng Lupong Tagapamahala sa ngayon. Bakit kaya kasama ng mga apostol ang “matatandang lalaki”? Tandaan natin na si apostol Santiago ay ipinapatay, at may panahon noon na si apostol Pedro ay nakabilanggo. Hindi kaya danasin din ito ng iba pang mga apostol? Yamang naroroon ang iba pang kuwalipikadong lalaking pinahiran, tiyak na magpapatuloy pa rin ang maayos na pangangasiwa.
18, 19. Anong mapuwersang pananalita ang sinabi ni Pedro, at ano sana ang naging konklusyon ng kaniyang mga tagapakinig?
18 Nagpatuloy pa si Lucas: “Pagkatapos ng mahaba at mainitang pag-uusap, tumayo si Pedro at nagsabi: ‘Mga kapatid, alam na alam ninyo na ako ang pinili noon ng Diyos sa gitna natin para sabihin sa mga tao ng ibang mga bansa ang salita ng mabuting balita, at sa gayon ay maniwala sila. At pinatotohanan ito ng Diyos, na nakababasa ng puso, sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng banal na espiritu, gaya rin ng ginawa niya sa atin. At pantay ang tingin niya sa atin at sa kanila, at dinalisay niya ang mga puso nila dahil sa kanilang pananampalataya.’” (Gawa 15:7-9) Ayon sa isang reperensiya, ang salitang Griego na isinaling “mahaba at mainitang pag-uusap” sa talata 7 ay nangangahulugan din ng “maghanap; magtanong.” Lumilitaw na magkakaiba ang naging opinyon ng mga kapatid, at malaya nila itong nasabi.
19 Ang mapuwersang pananalita ni Pedro ay nagpaalaala sa lahat na siya mismo ay naroroon nang ang unang mga di-tuling Gentil—si Cornelio at ang kaniyang sambahayan—ay pahiran ng banal na espiritu noong 36 C.E. Kaya kung si Jehova ay hindi gumagawa ng pagtatangi sa pagitan ng Judio at ng di-Judio, ano naman ang karapatan ng tao para tumutol? Isa pa, ang nagpapadalisay sa puso ng isang mananampalataya ay ang pananalig kay Kristo, hindi ang pagsunod sa Kautusang Mosaiko.—Gal. 2:16.
20. Paano “sinusubok [ng mga tagapagtaguyod ng pagtutuli] ang Diyos”?
20 Batay sa di-matututulang patotoo ng salita ng Diyos at ng banal na espiritu, ito ang naging konklusyon ni Pedro: “Kaya bakit ninyo sinusubok ang Diyos sa pamamagitan ng pagbibigay sa mga alagad ng mabigat na pasan na hindi natin kayang dalhin o ng mga ninuno natin? Kung paanong iniligtas tayo, nananampalataya tayo na maliligtas din sila sa pamamagitan ng walang-kapantay na kabaitan ng Panginoong Jesus.” (Gawa 15:10, 11) Sa katunayan, “sinusubok [ng mga tagapagtaguyod ng pagtutuli] ang Diyos,” o ‘sinasagad ang kaniyang pasensiya,’ ayon sa isa pang salin. Pilit nilang ipinapasunod sa mga Gentil ang isang alituntuning ni ang mga Judio mismo ay hindi lubusang makasunod kung kaya hinatulan sila ng kamatayan. (Gal. 3:10) Sa halip na igiit ang pagtutuli, dapat sana’y pinasalamatan ng mga Judiong tagapakinig ni Pedro ang walang-kapantay na kabaitan ng Diyos na inihayag sa pamamagitan ni Jesus.
21. Ano ang naitulong nina Bernabe at Pablo sa pag-uusap ng lupon?
21 Walang alinlangang natauhan ang mga tagapakinig ni Pedro sa kaniyang sinabi, dahil “natahimik ang buong grupo.” Pagkatapos, inilahad naman nina Bernabe at Pablo “ang maraming tanda at kamangha-manghang bagay na ginawa ng Diyos sa pamamagitan nila sa gitna ng ibang mga bansa.” (Gawa 15:12) Sa wakas, handa na ngayon ang mga apostol at matatandang lalaki na pagtimbang-timbangin ang lahat ng ebidensiya at magpasiya ayon sa kalooban ng Diyos may kinalaman sa isyu ng pagtutuli.
22-24. (a) Paano tinutularan ng Lupong Tagapamahala sa ngayon ang halimbawa ng sinaunang lupong tagapamahala? (b) Paano maipapakita ng lahat ng elder na iginagalang nila ang teokratikong awtoridad?
22 Sa ngayon, kapag nagpupulong ang mga miyembro ng Lupong Tagapamahala, kumokonsulta rin sila sa Salita ng Diyos ukol sa patnubay at nananalangin nang taimtim ukol sa banal na espiritu. (Awit 119:105; Mat. 7:7-11) Bilang paghahanda, ang bawat miyembro ng Lupong Tagapamahala ay patiunang binibigyan ng kopya ng mga pag-uusapan para mapaghandaan nilang mabuti ang mga iyon sa tulong ng panalangin. (Kaw. 15:28) Sa panahon ng kanilang pulong, malaya pero magalang na sinasabi ng mga pinahirang kapatid na ito ang kani-kanilang opinyon. Palagi nilang ginagamit ang Bibliya sa kanilang pag-uusap.
23 Dapat tularan ng mga elder sa kongregasyon ang halimbawang iyan. Sakali mang hindi pa rin malutas ang isang maselang isyu matapos itong pag-usapan sa pulong ng mga elder, maaari nila itong ikonsulta sa tanggapang pansangay o sa mga inatasang kinatawan nito, gaya ng mga tagapangasiwa ng sirkito. At kung kinakailangan, maaari itong isulat ng sangay sa Lupong Tagapamahala.
24 Oo, pinagpapala ni Jehova ang mga gumagalang sa teokratikong kaayusan at ang mga nagpapakita ng kapakumbabaan, katapatan, at pagkamatiisin. Gaya ng makikita natin sa susunod na kabanata, ang mga gantimpalang ibinibigay ng Diyos sa mga gumagawa nito ay tunay na kapayapaan, espirituwal na kasaganaan, at Kristiyanong pagkakaisa.
a Tingnan ang kahong “ Ang mga Turo ng mga Tagapagtaguyod ng Judaismo.”
b Ang tipan ng pagtutuli ay hindi bahagi ng Abrahamikong tipan, na may bisa pa rin hanggang ngayon. Nagkabisa ang Abrahamikong tipan noong 1943 B.C.E. nang tumawid si Abraham (noo’y Abram) sa Ilog Eufrates papuntang Canaan. Noon ay 75 taóng gulang siya. Ginawa naman ang tipan ng pagtutuli noong 1919 B.C.E., nang si Abraham ay 99 na.—Gen. 12:1-8; 17:1, 9-14; Gal. 3:17.
c Lumilitaw na kasama sa delegasyon si Tito, isang Kristiyanong Griego na nang maglaon ay naging pinagkakatiwalaang kasama at kinatawan ni Pablo. (Gal. 2:1; Tito 1:4) Ang lalaking ito ay isang magandang halimbawa ng di-tuling Gentil na pinahiran ng banal na espiritu.—Gal. 2:3.
d Tingnan ang kahong “ Nakasalig sa Bibliya ang Paniniwala ng mga Saksi ni Jehova.”