KABANATA 9
“Hindi Nagtatangi ang Diyos”
Nabuksan sa mga di-tuling Gentil ang gawaing pangangaral
Batay sa Gawa 10:1–11:30
1-3. Anong pangitain ang nakita ni Pedro, at bakit kailangan nating maunawaan ang ibig sabihin nito?
NOON ay taglagas ng taóng 36 C.E. Nasisikatan ng araw si Pedro habang nananalangin sa bubong ng isang bahay, malapit sa dagat sa daungang lunsod ng Jope. Ilang araw na siyang nakikituloy sa bahay na ito. Ang pagtuloy niya rito ay nagpapakitang hindi siya, sa paanuman, nagtatangi. Ang may-ari ng bahay, isang lalaking nagngangalang Simon, ay gumagawa ng katad, at hindi lahat ng Judio ay papayag na makituloy sa sinumang may gayong uri ng trabaho. a Gayunman, isang napakahalagang aral tungkol sa kawalang-pagtatangi ni Jehova ang matututuhan ngayon ni Pedro.
2 Habang nananalangin si Pedro, nakakita siya ng isang pangitain. Tiyak na hindi magugustuhan ng sinumang Judio ang kasalukuyang nakikita niya sa pangitain. Isang tulad ng tela ang ibinababa mula sa langit at may laman itong mga hayop na ayon sa Kautusan ay marumi. Nang sabihan si Pedro na magkatay siya at kumain, sumagot siya: “Kahit kailan, hindi pa ako kumain ng anumang marumi at ipinagbabawal.” Hindi lamang minsan, kundi tatlong beses na sinabi sa kaniya: “Huwag mo nang tawaging marumi ang mga bagay na nilinis na ng Diyos.” (Gawa 10:14-16) Naguluhan si Pedro sa pangitaing ito, pero di-magtatagal, mauunawaan din niya ito.
3 Ano kaya ang kahulugan ng pangitain ni Pedro? Mahalagang maunawaan natin ang ibig sabihin nito, dahil nasa pangitaing ito ang isang mahalagang katotohanan tungkol sa pananaw ni Jehova sa mga tao. Bilang mga tunay na Kristiyano, hindi tayo lubusang makapagpapatotoo tungkol sa Kaharian ng Diyos kung hindi natin tutularan ang pananaw na ito ng Diyos sa mga tao. Para malaman ang kahulugan ng pangitain ni Pedro, suriin muna natin ang mahahalagang pangyayaring kaugnay nito.
Gawa 10:1-8)
“Laging Nagsusumamo sa Diyos” (4, 5. Sino si Cornelio, at ano ang nangyari habang nananalangin siya?
4 Walang kamalay-malay si Pedro na isang araw bago ang pangitaing iyon, nagkaroon din ng pangitain mula sa Diyos ang isang lalaking nagngangalang Cornelio sa Cesarea, mga 50 kilometro sa gawing hilaga. Si Cornelio, na isang senturyon sa hukbong Romano, ay “relihiyoso.” b Isa rin siyang huwarang padre de pamilya, dahil siya’y “may takot sa Diyos, pati na ang buong sambahayan niya.” Si Cornelio ay hindi isang proselitang Judio; isa siyang di-tuling Gentil. Pero maawain siya sa mga nangangailangang Judio at tinutulungan niya sila sa materyal. Ang taimtim na lalaking ito ay “laging nagsusumamo sa Diyos.”—Gawa 10:2.
5 Noong mga alas-tres ng hapon, nananalangin si Cornelio nang makita niya sa pangitain ang isang anghel na nagsasabi: “Ang iyong mga panalangin at kabutihang ginagawa sa mahihirap ay nakarating sa Diyos at nagsilbing alaala para sa iyo sa harap Niya.” (Gawa 10:4) Sa utos ng anghel, nagsugo si Cornelio ng mga lalaki para tawagin si apostol Pedro. Bilang isang di-tuling Gentil, may pagkakataon na si Cornelio na pumasok sa isang pintong ngayon lang mabubuksan sa kaniya. Maririnig na niya ang mensahe ng kaligtasan.
6, 7. (a) Maglahad ng isang karanasan na nagpapakitang sinasagot ng Diyos ang panalangin ng taimtim na mga indibidwal na gustong matuto ng katotohanan tungkol sa kaniya. (b) Ano ang masasabi natin sa gayong mga karanasan?
6 Sinasagot ba ng Diyos ang panalangin ng taimtim na mga indibidwal sa ngayon na gustong matuto ng katotohanan tungkol sa kaniya? Tingnan ang isang karanasan. Isang babae sa Albania ang tumanggap ng kopya ng Bantayan na may isang artikulo tungkol sa pagpapalaki ng mga anak. c Sinabi niya sa Saksing kumatok sa pinto nila: “Alam mo bang nananalangin ako sa Diyos na sana’y matulungan ako sa pagpapalaki sa aking mga anak na babae? Ikaw ang isinugo niya! Nasagot mo ang mismong problema ko!” Nagsimula nang mag-aral ng Bibliya ang babae at ang kaniyang mga anak, at nang maglaon, sumali na rin ang kaniyang asawa sa pag-aaral.
7 Nagkataon lang ba ito? Hinding-hindi! Paulit-ulit itong nangyayari sa buong daigdig—napakaraming beses para sabihing nagkataon lamang. Kung gayon, ano ang masasabi natin tungkol dito? Una, sinasagot ni Jehova ang panalangin ng taimtim na mga indibidwal na humahanap sa kaniya. (1 Hari 8:41-43; Awit 65:2) Ikalawa, sinusuportahan tayo ng mga anghel sa ating pangangaral.—Apoc. 14:6, 7.
“Naguguluhan . . . si Pedro” (Gawa 10:9-23a)
8, 9. Ano ang isiniwalat ng espiritu kay Pedro, at paano siya tumugon?
8 Nasa bubong pa si Pedro at “naguguluhan” kung ano ang ibig sabihin ng pangitain nang dumating ang mga isinugo ni Cornelio. (Gawa 10:17) Sasama kaya si Pedro sa mga lalaking ito at papasok sa bahay ng isang Gentil gayong tatlong ulit niyang sinabi na hindi siya kakain ng pagkaing ayon sa Kautusan ay marumi? Sa paanuman, isiniwalat ng banal na espiritu ang kalooban ng Diyos sa bagay na ito. Sinabi kay Pedro: “Tingnan mo! May tatlong lalaki na naghahanap sa iyo. Bumaba ka at huwag kang magdalawang-isip na sumama sa kanila, dahil isinugo ko sila.” (Gawa 10:19, 20) Walang pagsalang dahil sa pangitain tungkol sa telang nakita ni Pedro, naging handa siyang magpaakay sa banal na espiritu.
9 Nang malaman ni Pedro na galing sa Diyos ang utos na ipatawag siya ni Cornelio, inanyayahan niya sa bahay ang mga mensaherong Gentil “at hindi muna pinaalis.” (Gawa 10:23a) Sinimulan na ng masunuring apostol na iayon ang kaniyang saloobin sa mga bagong liwanag may kinalaman sa pagsasakatuparan ng kalooban ng Diyos.
10. Paano inaakay ni Jehova ang bayan niya, at ano ang puwede nating itanong sa sarili?
10 Sa ngayon, pasulong na inaakay ni Jehova ang kaniyang bayan. (Kaw. 4:18) Sa pamamagitan ng kaniyang banal na espiritu, pinapatnubayan niya “ang tapat at matalinong alipin.” (Mat. 24:45) Paminsan-minsan, maaaring tumanggap tayo ng mga bagong liwanag sa ating pagkaunawa sa Salita ng Diyos o ng mga pagbabago sa ilang kaayusan ng organisasyon. Puwede nating itanong sa ating sarili: ‘Paano ako tumutugon sa ganitong mga pagbabago? Nagpapaakay ba ako sa espiritu ng Diyos pagdating sa ganitong mga bagay?’
‘Iniutos ni Pedro na Bautismuhan ang mga Ito’ (Gawa 10:23b-48)
11, 12. Ano ang ginawa ni Pedro pagdating niya sa Cesarea, at ano ang natutuhan niya?
11 Kinabukasan, si Pedro at ang siyam na kasama niya—ang tatlong isinugo ni Cornelio at ang “anim na kapatid” na Judio mula sa Jope—ay pumunta sa Cesarea. (Gawa 11:12) Dahil inaasahan na ni Cornelio ang pagdating ni Pedro, tinipon niya “ang mga kamag-anak niya at malalapít na kaibigan”—na lumilitaw na pawang mga Gentil. (Gawa 10:24) Pagdating ni Pedro, ginawa niya ang isang bagay na hindi niya akalaing magagawa niya: Pumasok siya sa bahay ng isang di-tuling Gentil! Ipinaliwanag ni Pedro: “Alam na alam ninyo na ipinagbabawal sa isang Judio na makisama o lumapit sa taong iba ang lahi, pero ipinakita sa akin ng Diyos na hindi ko dapat ituring na marumi ang sinuman.” (Gawa 10:28) Sa pagkakataong ito, naunawaan ni Pedro na ang pangitaing nakita niya ay mayroon pang itinuturong aral bukod sa mga uri ng pagkaing dapat kainin ng isa. Hindi niya dapat “ituring na marumi ang sinuman,” maging ang isang Gentil.
12 Handang-handa nang makinig kay Pedro ang mga naroroon. “Nagkakatipon kaming lahat sa harap ng Diyos para pakinggan ang lahat ng iniutos ni Jehova na sabihin mo,” ang sabi ni Cornelio. (Gawa 10:33) Ano kaya ang madarama mo kung ikaw ang nakarinig ng gayong mga salita mula sa isang interesado? Nagsimula si Pedro sa pamamagitan ng mapuwersang pananalitang ito: “Lubusan ko nang naiintindihan ngayon na hindi nagtatangi ang Diyos, kundi tinatanggap niya ang tao na natatakot sa kaniya at gumagawa ng tama, saanmang bansa ito nagmula.” (Gawa 10:34, 35) Natutuhan ni Pedro na ang pananaw ng Diyos sa mga tao ay hindi nasusukat ng lahi, nasyonalidad, o anupamang bagay. Nagpatotoo si Pedro tungkol sa ministeryo, kamatayan, at pagkabuhay-muli ni Jesus.
13, 14. (a) Palatandaan ng ano ang pagkakumberte ni Cornelio at ng iba pang mga Gentil noong 36 C.E.? (b) Bakit hindi natin dapat husgahan ang mga tao dahil lang sa hitsura nila?
13 Isang bagay ang naganap ngayon sa kauna-unahang pagkakataon: “Habang nagsasalita si Pedro,” ibinuhos ang banal na espiritu “sa mga tao ng ibang mga bansa.” (Gawa 10:44, 45) Ito lamang ang tanging ulat sa Kasulatan na nagsasabing ibinuhos ang espiritu bago ang bautismo. Bilang pagkilala sa tandang ito ng pagsang-ayon ng Diyos, “iniutos [ni Pedro na] bautismuhan” ang grupong iyon ng mga Gentil. (Gawa 10:48) Ang pagkakumberte ng mga Gentil na ito noong 36 C.E. ay palatandaang nagtapos na ang panahon ng pagbibigay ng pantanging pabor sa mga Judio. (Dan. 9:24-27) Sa pangunguna ni Pedro sa pagkakataong ito, ginamit niya ang ikatlo at huling “susi ng kaharian.” (Mat. 16:19) Ang susing ito ay nagbukas ng pinto sa mga di-tuling Gentil para maging pinahiran-ng-espiritung mga Kristiyano.
14 Bilang mga tagapaghayag ng Kaharian sa ngayon, kinikilala natin na “hindi nagtatangi ang Diyos.” (Roma 2:11) Gusto niyang “maligtas ang lahat ng uri ng tao.” (1 Tim. 2:4) Kaya huwag na huwag nating huhusgahan ang mga tao dahil lamang sa kanilang hitsura. Inatasan tayo na lubusang magpatotoo tungkol sa Kaharian ng Diyos, at nangangahulugan iyan na mangangaral tayo sa lahat ng tao, anuman ang kanilang lahi, nasyonalidad, hitsura, o relihiyon.
“Hindi Na Sila Tumutol, at Niluwalhati Nila ang Diyos” (Gawa 11:1-18)
15, 16. Bakit nakipagtalo kay Pedro ang ilang Judiong Kristiyano, at paano niya ipinaliwanag ang kaniyang ginawa?
15 Tiyak na gusto nang ibalita ni Pedro ang nangyari kaya pumunta siya sa Jerusalem. Pero bago pa man siya makarating doon, kalát na ang balitang ‘tumanggap ng salita ng Diyos’ ang mga di-tuling Gentil. Pagdating ni Pedro, “pinuna siya ng mga tagapagtaguyod ng pagtutuli.” Hindi nila nagustuhan na pumasok siya “sa bahay ng mga taong di-tuli at kumaing kasama nila.” (Gawa 11:1-3) Ang isyu ay hindi kung puwedeng maging mga tagasunod ni Kristo ang mga Gentil. Sa halip, iginigiit ng mga Judiong alagad na iyon na kailangang sumunod ang mga Gentil sa Kautusan—pati na ang tungkol sa pagtutuli—para tanggapin ni Jehova ang pagsamba nila. Hindi pa rin mabitaw-bitawan ng ilang Judiong alagad ang Kautusang Mosaiko.
16 Paano ipinaliwanag ni Pedro ang kaniyang ginawa? Ayon sa Gawa 11:4-16, ipinaliwanag niya ang apat na katibayan na ito’y may patnubay mula sa langit: (1) ang nakita niyang pangitain mula sa Diyos (Talata 4-10); (2) ang utos ng espiritu (Talata 11, 12); (3) ang pagdalaw ng anghel kay Cornelio (Talata 13, 14); at (4) ang pagbubuhos ng banal na espiritu sa mga Gentil. (Talata 15, 16) Hindi matututulan ang naging konklusyon ni Pedro: “Kung ibinigay rin ng Diyos sa kanila [sa sumasampalatayang mga Gentil] ang walang-bayad na regalo [na banal na espiritu] na ibinigay niya sa atin [na mga Judio] na naniniwala sa Panginoong Jesu-Kristo, sino ako para mahadlangan ang Diyos?”—Gawa 11:17.
17, 18. (a) Anong pagsubok ang napaharap sa mga Judiong Kristiyano dahil sa testimonya ni Pedro? (b) Bakit posibleng maging hamon ang pagpapanatili ng pagkakaisa sa kongregasyon, at ano ang dapat nating itanong sa ating sarili?
17 Naging malaking pagsubok sa mga Judiong Kristiyanong iyon ang patotoo ni Pedro. Maaalis kaya nila ang anumang bahid ng pagtatangi at matatanggap ang mga bagong bautisadong Gentil bilang mga kapuwa nila Kristiyano? Sinasabi sa atin ng ulat: “Pagkarinig nito, hindi na sila [ang mga apostol at ang iba pang mga Judiong Kristiyano] tumutol, at niluwalhati nila ang Diyos at sinabi: ‘Kung gayon, ang mga tao ng ibang mga bansa ay binigyan din ng Diyos ng pagkakataong magsisi para tumanggap ng buhay.’” (Gawa 11:18) Dahil sa positibong saloobing iyan, napanatili ang pagkakaisa ng kongregasyon.
18 Posible ring maging isang hamon ang pagpapanatili ng pagkakaisa sa ngayon, dahil ang mga tunay na mananamba ay “mula sa lahat ng bansa at tribo at bayan at wika.” (Apoc. 7:9) Kaya naman sa maraming kongregasyon, makikita natin ang iba’t ibang lahi, kultura, at kinalakhan. Dapat nating tanungin ang ating sarili: ‘Naalis ko na ba sa aking puso ang anumang bahid ng pagtatangi? Determinado ba akong huwag mabahiran ng mga ugali ng sanlibutan na nagdudulot ng pagkakabaha-bahagi—lakip na ang pagtatangi ng bansa, rehiyon, kultura, at lahi—pagdating sa pakikitungo ko sa aking mga kapatid na Kristiyano?’ Balikan natin ang nangyari kay Pedro (Cefas) ilang taon matapos makumberte ang unang mga Gentil. Dahil nagpaapekto si Pedro sa iba, “iniwasan” niya ang mga Kristiyanong Gentil anupat kinailangan siyang ituwid ni Pablo. (Gal. 2:11-14) Dapat tayong patuloy na mag-ingat laban sa silo ng pagtatangi.
“Napakaraming Naging Mananampalataya” (Gawa 11:19-26a)
19. Kanino nagsimulang mangaral ang mga Judiong Kristiyano sa Antioquia, at ano ang naging resulta?
19 Nagsimula bang mangaral sa mga di-tuling Gentil ang mga tagasunod ni Jesus? Pansinin ang nangyari nang maglaon sa Antioquia ng Sirya. d Bagaman maraming Judio sa lunsod na ito, walang gaanong iringan sa pagitan ng mga Judio at mga Gentil. Kaya isang magandang teritoryo ang Antioquia para mangaral sa mga Gentil. Dito sinimulang ihayag ng mga alagad na Judio ang mabuting balita sa “mga taong nagsasalita ng Griego.” (Gawa 11:20) Nangaral sila hindi lamang sa mga Judiong nagsasalita ng Griego kundi gayundin sa mga di-tuling Gentil. Pinagpala ni Jehova ang gawaing ito, at “napakaraming naging mananampalataya.”—Gawa 11:21.
20, 21. Paano ipinakita ni Bernabe na kinikilala niya ang kaniyang limitasyon, at paano natin matutularan ang katangiang ito sa pagganap ng ating ministeryo?
20 Yamang hinog na ang teritoryo ng Antioquia, si Bernabe ay isinugo roon ng kongregasyon sa Jerusalem. Napakaraming interesado roon at hindi niya ito kakayaning mag-isa. Sino pa nga ba ang higit na makatutulong sa kaniya kundi si Saul, na siyang magiging apostol noon para sa ibang mga bansa? (Gawa 9:15; Roma 1:5) Ituturing kaya ni Bernabe na karibal si Saul? Sa kabaligtaran, kinilala ni Bernabe ang kaniyang limitasyon. Siya na ang nagkusang pumunta sa Tarso upang hanapin si Saul at isamang pabalik sa Antioquia para makatulong sa kaniya. Isang taon silang magkatulong sa pagpapatibay sa mga alagad sa kongregasyon doon.—Gawa 11:22-26a.
21 Paano natin maipapakitang kinikilala natin ang ating limitasyon sa pagganap ng ating ministeryo? Tayong lahat ay may iba’t ibang kakayahan at katangian. Halimbawa, may mahuhusay magpatotoo nang di-pormal o mangaral sa bahay-bahay pero nahihirapan namang dumalaw-muli o magpasimula ng pag-aaral sa Bibliya. Kung gusto mong mapasulong ang isang bahagi ng iyong ministeryo, bakit hindi ka humingi ng tulong? Kung gagawin mo ito, posibleng maging mabunga ka at magkaroon ng malaking kagalakan sa ministeryo.—1 Cor. 9:26.
‘Pagbibigay ng Tulong sa mga Kapatid’ (Gawa 11:26b-30)
22, 23. Paano ipinakita ng mga kapatid sa Antioquia na nagmamahalan sila bilang magkakapatid, at bakit walang ipinagkaiba ang bayan ng Diyos sa ngayon?
22 Sa Antioquia unang “tinawag na mga Kristiyano ang mga alagad sa pamamagitan ng patnubay ng Diyos.” (Gawa 11:26b) Tamang-tama ang bigay-Diyos na pangalang iyan sa mga tagatulad ni Kristo. Nang maging Kristiyano ang mga tao ng ibang mga bansa, itinuring ba ng mga mananambang Judio at Gentil ang isa’t isa bilang magkakapatid? Tingnan natin ang nangyari nang magkaroon ng malaking taggutom noong 46 C.E. e Apektadong-apektado noon ng taggutom ang mahihirap na walang ekstrang pera o pagkain. Sa panahong iyon ng taggutom, ang mga Judiong Kristiyano na naninirahan sa Judea, na karamiha’y mahihirap, ay nangailangan ng pagkain at iba pang suplay. Nang malaman ito ng mga kapatid sa Antioquia—pati na ng mga Kristiyanong Gentil—‘nagbigay sila ng tulong sa mga kapatid sa Judea.’ (Gawa 11:29) Talagang nagmahalan sila bilang magkakapatid!
23 Walang ipinagkaiba ang bayan ng Diyos sa ngayon. Kapag nababalitaan natin na ang ating mga kapatid—sa ibang lupain man o sa ating lugar mismo—ay nangangailangan, ginagawa natin ang ating makakaya para matulungan sila. Ang mga Komite ng Sangay ay agad na bumubuo ng mga Disaster Relief Committee para asikasuhin ang mga kapatid na nasalanta ng likas na mga sakuna, gaya ng bagyo, lindol, at tsunami. Ang lahat ng pagsisikap na ito na makatulong ay nagpapakita na talagang magkakapatid tayo.—Juan 13:34, 35; 1 Juan 3:17.
24. Paano natin maipapakitang isinasapuso natin ang kahulugan ng pangitaing nakita ni Pedro?
24 Bilang mga tunay na Kristiyano, isinasapuso natin ang kahulugan ng pangitaing nakita ni Pedro sa isang bubong sa Jope noong unang siglo. Ang sinasamba natin ay isang Diyos na hindi nagtatangi. Kalooban niya na lubusan tayong magpatotoo tungkol sa Kaharian, na nangangahulugang mangangaral tayo sa iba anuman ang kanilang lahi, nasyonalidad, o katayuan sa lipunan. Kung gayon, maging determinado sana tayo na mabigyan ng pagkakataong tumugon sa mabuting balita ang lahat ng makikinig.—Roma 10:11-13.
a Minamaliit ng ilang Judio ang mga gumagawa ng katad dahil humahawak ang mga ito ng mga balat at bangkay ng hayop at ng nakapandidiring mga materyales na ginagamit nila sa kanilang trabaho. Sinasabi nilang hindi karapat-dapat sa templo ang mga gumagawa ng katad, at ang lugar ng kanilang negosyo ay dapat na di-kukulangin sa 50 siko, o mga 22 metro, mula sa bayan. Maaaring isa ito sa mga dahilan kung bakit “nasa tabing-dagat” ang bahay ni Simon.—Gawa 10:6.
b Tingnan ang kahong “ Si Cornelio at ang Hukbong Romano.”
c Ang artikulong “Maaasahang Payo sa Pagpapalaki ng mga Anak” ay nasa Nobyembre 1, 2006 na isyu ng Bantayan, pahina 4-7.
d Tingnan ang kahong “ Ang Antioquia ng Sirya.”
e Binanggit ng Judiong istoryador na si Josephus ang “malaking taggutom” na ito noong panahon ni Emperador Claudio (41-54 C.E.).