Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

KABANATA 10

“Ang Salita ni Jehova ay Patuloy na Lumalaganap”

“Ang Salita ni Jehova ay Patuloy na Lumalaganap”

Iniligtas si Pedro, at hindi napahinto ng pag-uusig ang paglaganap ng mabuting balita

Batay sa Gawa 12:1-25

1-4. Sa anong mahirap na sitwasyon napapaharap si Pedro, at ano ang madarama mo kung ikaw ang nasa gayong sitwasyon?

 KUMALAMPAG nang napakalakas ang pagkalaki-laking bakal na pintuang-daan na isinara sa likuran ni Pedro. Habang nakatanikala sa gitna ng dalawang guwardiyang Romano, dinala siya sa selda niya. Pagkatapos, naghintay siya nang maraming oras, marahil mga araw pa nga, kung ano ang mangyayari sa kaniya. Wala siyang ibang nakikita kundi mga pader at rehas ng bilangguan, mga tanikala niya, at mga bantay niya.

2 Dumating ang malagim na balita. Determinado si Haring Herodes Agripa I na makitang patay na si Pedro. a Sa katunayan, ipapapatay niya si Pedro sa harap ng mga tao pagkatapos ng Paskuwa para matuwa ang mga ito. Hindi ito pananakot lamang. Kamakailan lang, ipinapatay rin ng tagapamahalang ito ang isa sa mga kapuwa apostol ni Pedro, si Santiago.

3 Kinabukasan ay nakatakda nang patayin si Pedro. Ano kaya ang iniisip niya sa kaniyang madilim na selda? Naaalaala kaya niya na mga ilang taon bago nito, isiniwalat ni Jesus na balang-araw ay igagapos si Pedro at sapilitang dadalhin—tungo sa kaniyang kamatayan? (Juan 21:18, 19) Marahil ay iniisip ni Pedro na ito na siguro ang oras na iyon.

4 Kung ikaw si Pedro, ano ang madarama mo? Marami ang mawawalan na ng pag-asa. Pero para sa isang tunay na tagasunod ni Jesu-Kristo, talaga bang may sitwasyong maituturing na wala nang pag-asa? Ano ang matututuhan natin sa naging reaksiyon ni Pedro at ng mga kapuwa niya Kristiyano sa dinanas nilang pag-uusig? Tingnan natin.

“Ang Kongregasyon ay Nananalangin Nang Marubdob” (Gawa 12:1-5)

5, 6. (a) Bakit at paano pinagmalupitan ni Haring Herodes Agripa I ang kongregasyong Kristiyano? (b) Bakit isang pagsubok para sa kongregasyon ang kamatayan ni Santiago?

5 Gaya ng nalaman natin sa naunang kabanata, isang kapana-panabik na pangyayari para sa kongregasyong Kristiyano ang pagkakumberte ng Gentil na si Cornelio at ng pamilya nito. Pero tiyak na nagitla ang mga di-mananampalatayang Judio nang malaman nilang malaya na ngayong sumasamba kasama ng maraming Judiong Kristiyano ang mga di-Judio.

6 Para sa tusong politikong si Herodes, isang pagkakataon ito upang pabanguhin ang kaniyang pangalan sa mga Judio, kaya sinimulan niyang pagmalupitan ang mga Kristiyano. Walang alinlangang nabalitaan niyang malapít si apostol Santiago kay Jesu-Kristo. Kaya “pinatay [ni Herodes] si Santiago na kapatid ni Juan gamit ang espada.” (Gawa 12:2) Isa nga itong malaking pagsubok para sa kongregasyon! Isa si Santiago sa tatlong nakasaksi sa pagbabagong-anyo ni Jesus at sa iba pang mga himala na hindi nakita ng ibang mga apostol. (Mat. 17:1, 2; Mar. 5:37-42) Tinawag ni Jesus si Santiago at ang kapatid nitong si Juan na “Mga Anak ng Kulog” dahil sa kanilang nag-aalab na sigasig. (Mar. 3:17) Kaya naman nawalan ang kongregasyon ng isang matapang at tapat na saksi at minamahal na apostol.

7, 8. Ano ang ginawa ng kongregasyon nang mabilanggo si Pedro?

7 Gaya ng inaasahan ni Agripa, ikinatuwa nga ng mga Judio ang pagpatay kay Santiago. Lalo tuloy lumakas ang loob niya, kaya ngayon, si Pedro naman ang gusto niyang isunod. Tulad ng binanggit sa pasimula, ipinaaresto niya si Pedro. Pero malamang na naalaala ni Agripa na makahimalang nakalaya noon sa bilangguan ang mga apostol, gaya ng ipinakita sa Kabanata 5 ng aklat na ito. Para makasiguro, iniutos ni Herodes na itanikala si Pedro sa pagitan ng 2 guwardiya, at 16 na guwardiya ang magpapalitan sa pagbabantay araw at gabi. Kapag nakatakas si Pedro, sa mga guwardiyang ito mismo ilalapat ang sentensiya sa apostol. Sa ilalim ng gayong mahirap na kalagayan, ano kaya ang magagawa ng mga kapuwa Kristiyano ni Pedro?

8 Alam na alam ng kongregasyon kung ano ang gagawin. Ganito ang sabi ng Gawa 12:5: “Nanatili si Pedro sa bilangguan, pero ang kongregasyon ay nananalangin nang marubdob sa Diyos para sa kaniya.” Oo, taos-puso silang nanalangin para sa minamahal nilang kapatid. Kahit namatay si Santiago, hindi sila nawalan ng pag-asa ni itinuring na walang saysay ang panalangin. Napakahalaga kay Jehova ng ating mga panalangin. Kung ito ay ayon sa kalooban niya, sasagutin niya ito. (Heb. 13:18, 19; Sant. 5:16) Isa itong mahalagang aral para sa mga Kristiyano sa ngayon.

9. Ano ang matututuhan natin sa halimbawang ipinakita ng mga kapuwa Kristiyano ni Pedro pagdating sa panalangin?

9 May mga kilala ka bang kapatid na dumaranas ng pagsubok? Baka nagtitiis sila dahil sa pag-uusig, pagbabawal ng pamahalaan, o likas na sakuna. Puwede mo silang ipanalangin. Baka may kilala ka ring dumaranas naman ng pagsubok na di-gaanong napapansin, gaya ng problema sa pamilya, panghihina ng loob, o isang partikular na hamon sa kanilang pananampalataya. Kung magbubulay-bulay ka bago manalangin, baka makaisip ka ng mga taong mababanggit mo sa pakikipag-usap mo kay Jehova, ang “Dumirinig ng panalangin.” (Awit 65:2) Tutal, kailangan mo rin ang panalangin ng iyong mga kapatid kapag ikaw naman ang dumaranas ng mga pagsubok sa buhay.

Ipinapanalangin natin ang ating mga kapatid na nabilanggo dahil sa kanilang pananampalataya

“Sundan Mo Ako” (Gawa 12:6-11)

10, 11. Ilahad kung paano iniligtas ng anghel ni Jehova si Pedro mula sa bilangguan.

10 Nabahala ba si Pedro sa panganib na napapaharap sa kaniya? Hindi natin masasabi nang may katiyakan, pero noong huling gabi niya sa bilangguan, tulog na tulog siya sa pagitan ng kaniyang dalawang gising na gising na guwardiya. Tiyak na alam ng may-pananampalatayang lalaking ito na anuman ang mangyari bukas, si Jehova ang bahala sa kaniya. (Roma 14:7, 8) Sa paanuman, malamang na walang ideya si Pedro sa kamangha-manghang mga pangyayaring magaganap nang oras na iyon. Bigla na lang nagliwanag ang kaniyang selda. Isang anghel ang nakatayo roon, pero hindi ito nakikita ng mga guwardiya. Dali-dali nitong ginising si Pedro. At ang mga tanikalang iyon na nakagapos sa kaniyang mga kamay—mga tanikalang tila di-makakalag—ay basta na lang natanggal!

“Nakarating sila sa bakal na pintuang-daan ng bilangguan na papunta sa lunsod; kusa itong bumukas.”​—Gawa 12:10

11 Sunod-sunod ang utos ng anghel kay Pedro: “Dali, bumangon ka! . . . Magbihis ka at isuot mo ang sandalyas mo. . . . Isuot mo ang iyong balabal.” Sumunod agad si Pedro. Pinakahuli, sinabi ng anghel: “Sundan mo ako,” at gayon nga ang ginawa ni Pedro. Pagkalabas sa selda, nilampasan nila ang mga guwardiya at tahimik na binagtas ang daang papunta sa pagkalaki-laking bakal na pintuang-daan. Pero paano kaya sila makalalabas dito? Kung sumagi man iyan sa isip ni Pedro, nakita niya agad ang sagot. Nang papalapít na sila sa pintuang-daan, “kusa itong bumukas.” Hindi namalayan ni Pedro na nakalabas na pala sila at nasa lansangan na, at pagkatapos ay naglaho na ang anghel. Naiwan doon si Pedro, at noon niya naisip na totoong lahat ang mga nangyari. Hindi ito isang pangitain. Talagang malaya na siya!—Gawa 12:7-11.

12. Bakit nakaaaliw isipin ang pagliligtas ni Jehova kay Pedro?

12 Hindi ba’t nakaaaliw isipin na taglay ni Jehova ang walang-hanggang kapangyarihan upang iligtas ang mga lingkod niya? Ipinabilanggo si Pedro ng isang haring suportado ng pinakamalakas na kapangyarihang pandaigdig noon. Pero nakalabas ng bilangguan si Pedro nang walang kahirap-hirap! Totoo, hindi ginagawa ni Jehova ang gayong mga himala sa lahat ng lingkod niya. Hindi niya ito ginawa kay Santiago; ni kay Pedro man nang maglaon, nang matupad na ang hula ni Jesus tungkol sa sasapitin ng apostol na ito. Ang mga Kristiyano sa ngayon ay hindi umaasa na ililigtas sila sa makahimalang paraan. Pero alam nating hindi nagbabago si Jehova. (Mal. 3:6) At malapit na niyang gamitin ang kaniyang Anak para palayain ang milyon-milyong tao mula sa kamatayan, ang pinakamahigpit na bilangguan. (Juan 5:28, 29) Dahil sa ganitong mga pangako, lalo tayong nagkakaroon ng lakas ng loob kapag napapaharap tayo sa mga pagsubok sa ngayon.

“Nakita Nila Siya at Gulat na Gulat Sila” (Gawa 12:12-17)

13-15. (a) Ano ang naging reaksiyon ng mga miyembro ng kongregasyon na nasa bahay ni Maria nang dumating si Pedro? (b) Saan na ngayon nakapokus ang aklat ng Mga Gawa, pero anong tulong ang patuloy na ibinigay ni Pedro sa kaniyang espirituwal na mga kapatid?

13 Habang nakatayo si Pedro sa madilim na lansangan, iniisip niya kung saan siya pupunta. Nagpasiya siyang pumunta sa bahay ng isang Kristiyanong nagngangalang Maria na nakatira sa malapit. Lumilitaw na isa siyang maykayang biyuda, at mayroon siyang bahay na sapat ang laki para sa mga pagtitipon ng kongregasyon. Siya ang ina ni Juan Marcos, na binanggit sa ulat na ito ng Mga Gawa sa kauna-unahang pagkakataon at na itinuring ni Pedro bilang anak nang maglaon. (1 Ped. 5:13) Maghahating-gabi na noon, pero nasa bahay pa rin ni Maria ang marami sa kongregasyong iyon at marubdob na nananalangin. Walang pagsalang nananalangin sila para sa paglaya ni Pedro—pero hindi nila inaasahan ang magiging sagot ni Jehova!

14 Kumatok si Pedro sa pinto sa may bakuran ng bahay. Isang alilang babae na nagngangalang Roda—isang karaniwang pangalang Griego na nangangahulugang “Rosas”—ang pumunta sa pinto. Hindi siya makapaniwala sa kaniyang narinig. Boses iyon ni Pedro! Sa halip na pagbuksan si Pedro, patakbo siyang bumalik sa loob ng bahay, at pilit niyang kinumbinsi ang kongregasyon na nasa labas si Pedro. Sinabi nilang nababaliw siya, pero nagpumilit pa rin siya. Iginigiit pa rin niya na totoo ang sinasabi niya. Dahil inisip ng ilan na baka nga may narinig siya, sinabi nila na posibleng anghel iyon na kumakatawan kay Pedro. (Gawa 12:12-15) Katok pa rin nang katok si Pedro, hanggang sa wakas, lumabas sila at binuksan ang pinto.

15 Pagkabukas sa pinto, “nakita nila siya at gulat na gulat sila”! (Gawa 12:16) Kinailangan silang patahimikin ni Pedro para maikuwento niya ang nangyari sa kaniya, masabi sa kanila na ibalita ito sa alagad na si Santiago at sa mga kapatid, at makaalis agad para hindi siya maabutan ng mga sundalo ni Herodes. Umalis si Pedro para ipagpatuloy sa mas ligtas na lugar ang tapat niyang paglilingkod. Maliban sa papel na ginampanan niya sa paglutas sa isyu tungkol sa pagtutuli, gaya ng binanggit sa Gawa kabanata 15, hindi na siya muling binanggit sa ulat. Nakapokus na ngayon ang aklat ng Mga Gawa sa gawain at mga paglalakbay ni apostol Pablo. Gayunman, makakatiyak tayong pinatibay ni Pedro ang pananampalataya ng mga kapatid sa bawat lugar na pinuntahan niya. Tiyak na iniwan niyang napakasaya ang mga kapatid na iyon sa bahay ni Maria.

16. Bakit tiyak na magiging maligaya ang ating kinabukasan?

16 Kung minsan, higit pa sa inaasahan ng mga lingkod ni Jehova ang ibinibigay niya sa kanila, at nakapagdudulot ito ng nag-uumapaw na kagalakan. Ganiyan ang nadama ng espirituwal na mga kapatid ni Pedro noong gabing iyon. Ganiyan din marahil ang nadarama natin kapag nakatatanggap tayo ng mayamang pagpapala mula kay Jehova sa ngayon. (Kaw. 10:22) Sa hinaharap, makikita natin ang pangglobong katuparan ng lahat ng pangako ni Jehova, na hindi natin lubos-maisip sa ngayon. Kaya hangga’t nananatili tayong tapat, makaaasa tayong magiging maligaya ang ating kinabukasan.

‘Sinaktan Siya ng Anghel ni Jehova’ (Gawa 12:18-25)

17, 18. Anong mga pangyayari ang humantong sa labis na papuri ng mga tao kay Herodes?

17 Nanggilalas din si Herodes sa pagkakatakas ni Pedro—pero hindi niya ito ikinatuwa. Isang puspusang paghahanap ang agad na ipinag-utos ni Herodes. Pagkatapos, pinagtatanong ang mga guwardiyang nagbantay kay Pedro. Iniutos niya na “parusahan ang mga ito,” malamang na ibig sabihin, patayin ang mga ito. (Gawa 12:19) Talagang walang awa si Herodes Agripa. Mapaparusahan kaya ang malupit na lalaking ito?

18 Malamang na napahiya si Agripa dahil nabigo siyang ipapatay si Pedro, subalit di-nagtagal ay nakakita siya ng pagkakataong makabawi sa kaniyang kahihiyan. Sa isang okasyon, naroroon ang ilan sa kaniyang mga kaaway na gustong makipagpayapaan sa kaniya. Tiyak na sabik siya ngayong magtalumpati sa harap ng maraming tagapakinig. Iniulat ni Lucas na bilang paghahanda, “nagsuot si Herodes ng magarbong kasuotan.” Ayon sa Judiong istoryador na si Josephus, ang kasuotan ni Herodes ay yari sa pilak, anupat kapag tinatamaan ng liwanag ang hari, nagniningning siya sa kaluwalhatian. Nagtalumpati ang pasikat na politiko. Binola naman ng mga tao si Herodes sa pagsasabing: “Tinig ng isang diyos, at hindi ng tao!”—Gawa 12:20-22.

19, 20. (a) Bakit pinarusahan ni Jehova si Herodes? (b) Bakit nakaaaliw sa atin ang ulat tungkol sa biglang pagkamatay ni Herodes Agripa?

19 Para lang sa Diyos ang gayong kaluwalhatian, at nagmamasid ang Diyos! Maiiwasan sana ni Herodes ang kapahamakan kung sinaway niya ang mga tao o kung tinutulan man lang sana niya ang sinabi nila. Sa halip, siya ay naging buháy na halimbawa ng kawikaan: “Ang pagmamataas ay humahantong sa pagbagsak.” (Kaw. 16:18) “Agad siyang sinaktan ng anghel ni Jehova,” anupat naging sanhi ng kakila-kilabot na kamatayan ng ubod-yabang at mapagmataas na lalaking ito. Si Herodes ay “kinain . . . ng mga uod at namatay.” (Gawa 12:23) Iniulat din ni Josephus na bigla na lang nagkasakit si Agripa, at na inamin ng haring ito na buhay niya ang naging kapalit ng pagtanggap sa papuri ng mga tao. Isinulat ni Josephus na limang araw na naghirap si Agripa bago siya nalagutan ng hininga. b

20 Kung minsan, waring hindi naman napaparusahan ang di-makadiyos na mga taong gumagawa ng masama. Hindi natin ito dapat ikagulat, yamang “ang buong mundo ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng isa na masama.” (1 Juan 5:19) Subalit kung minsan, nababahala ang tapat na mga lingkod ng Diyos kapag tila nalulusutan ng masasama ang katarungan. Ito ang isang dahilan kung bakit nakaaaliw ang mga ulat na gaya nito. Sa diwa, nakikita nating kumikilos si Jehova, anupat ipinapaalaala sa lahat ng lingkod niya na siya ay maibigin sa katarungan. (Awit 33:5) Sa malao’t madali, mananaig ang kaniyang katarungan.

21. Ano ang pangunahing aral na makukuha natin sa Gawa kabanata 12, at bakit ito nakaaaliw sa atin sa ngayon?

21 Nagtatapos ang ulat na ito sa isang lalong nakapagpapatibay na aral: “Ang salita ni Jehova ay patuloy na lumalaganap at marami ang nagiging mananampalataya.” (Gawa 12:24) Ang ulat ng pagsulong na ito tungkol sa paglawak ng gawaing pangangaral ay nagpapaalaala sa atin kung paano pinagpapala ni Jehova ang gawaing ito sa makabagong panahon. Maliwanag na ang ulat sa Gawa kabanata 12 ay hindi lamang tungkol sa pagkamatay ng isang apostol at sa pagtakas naman ng isa pa. Ito’y pangunahin nang tungkol kay Jehova at sa paghadlang niya sa mga pagtatangka ni Satanas na lipulin ang kongregasyong Kristiyano at pahintuin ang masigasig na pangangaral nito. Nabigo ang mga pagsalakay na iyon, dahil ang lahat ng gayong pakana ay sadyang mabibigo. (Isa. 54:17) Sa kabilang dako naman, ang mga pumapanig kay Jehova at kay Jesu-Kristo ay bahagi ng isang gawaing hindi kailanman mabibigo. Hindi ba’t nakapagpapatibay ito sa atin? Isa ngang malaking pribilehiyo na tumulong sa pagpapalaganap ng “salita ni Jehova” sa ngayon!

a Tingnan ang kahong “ Si Haring Herodes Agripa I.”

b Isinulat ng isang doktor at awtor na ang mga sintomas na inilarawan ni Josephus at ni Lucas ay maaaring dulot ng mga roundworm na bumabara sa bituka at puwedeng ikamatay ng biktima. Ang gayong mga bulati ay isinusuka kung minsan o kaya’y gumagapang palabas ng katawan ng pasyente pagkamatay nito. Ganito ang sinabi ng isang reperensiya: “Dahil doktor si Lucas, nailarawan niyang mabuti ang kakila-kilabot na kamatayan [ni Herodes].”