KABANATA 6
Si Esteban—“Talagang Kalugod-lugod sa Diyos at Puspos ng Kapangyarihan”
Matuto mula sa buong-tapang na pagpapatotoo ni Esteban sa harap ng Sanedrin
Batay sa Gawa 6:8–8:3
1-3. (a) Napaharap si Esteban sa anong nakakatakot na sitwasyon, pero ano ang naging reaksiyon niya? (b) Anong mga tanong ang tatalakayin natin?
NAKATAYO si Esteban sa harap ng hukuman. Sa isang napakalaking bulwagan, marahil malapit sa templo sa Jerusalem, naroon ang 71 lalaking bumubuo sa hukumang ito ng Sanedrin, para hatulan si Esteban. Makapangyarihan sila at maimpluwensiya, na karamihan ay walang respeto sa alagad na ito ni Jesus. Ang totoo, ang nagpatawag sa mga hukom ay ang mataas na saserdoteng si Caifas, na nangasiwa rin sa Sanedrin nang hatulan nito ng kamatayan si Jesu-Kristo ilang buwan pa lang ang nakalilipas. Natakot ba si Esteban?
2 Kapansin-pansin ang mukha ni Esteban sa pagkakataong ito. Nakatitig sa kaniya ang mga hukom at napansin nilang “parang anghel ang mukha niya.” (Gawa 6:15) Ang dalang mensahe ng mga anghel ay mula sa Diyos na Jehova, kaya kalmado sila, hindi natatakot, at mahinahon. Ganiyan din ang nadarama ni Esteban—at napansin iyan maging ng galit na galit na mga hukom na iyon. Bakit kaya kalmadong-kalmado pa rin siya?
3 Ang mga Kristiyano sa ngayon ay maraming matututuhan sa sagot sa tanong na iyan. Kailangan din nating malaman kung bakit nalagay sa ganitong kritikal na sitwasyon si Esteban. Paano niya ipinagtanggol ang kaniyang pananampalataya? At paano natin siya matutularan?
“Sinulsulan Nila ang mga Tao” (Gawa 6:8-15)
4, 5. (a) Bakit malaking tulong si Esteban sa kongregasyon? (b) Sa anong paraan “talagang kalugod-lugod sa Diyos at puspos ng kapangyarihan” si Esteban?
4 Nalaman natin na si Esteban ay malaking tulong sa bagong-tatag na kongregasyong Kristiyano. Sa naunang kabanata, nakita natin na kabilang siya sa pitong mapagpakumbabang lalaki na handang tumulong sa mga apostol nang mangailangan ang kongregasyon. Lalong lilitaw ang kaniyang kapakumbabaan kapag isinaalang-alang natin ang mga kaloob na taglay ng lalaking ito. Sa Gawa 6:8, mababasa natin na siya ay binigyan ng kapangyarihang magsagawa ng “kamangha-manghang mga bagay at mga tanda,” gaya ng isinagawa ng mga apostol. Nalaman din natin na siya ay “talagang kalugod-lugod sa Diyos at puspos ng kapangyarihan.” Ano ang ibig sabihin nito?
5 Ang salitang Griego na isinaling “kalugod-lugod sa Diyos” ay puwede ring isaling “kagandahang-loob.” Lumilitaw na si Esteban ay mabait at mahinahon, kaya gusto siya ng mga tao. Dahil sa paraan niya ng pagsasalita, marami ang nahihikayat niya, anupat nakukumbinsi silang siya’y taimtim at kapaki-pakinabang ang itinuturo niya. Puspos siya ng kapangyarihan dahil kumikilos sa kaniya ang espiritu ni Jehova at mapagpakumbaba siyang nagpapaakay rito. Sa halip na magyabang dahil sa kaniyang mga kaloob at kakayahan, iniukol niya ang lahat ng papuri kay Jehova at nagmalasakit siya sa mga taong kausap niya. Hindi nga kataka-takang itinuring siyang isang banta ng mga mananalansang!
6-8. (a) Ano ang dalawang paratang ng mga mananalansang kay Esteban, at bakit? (b) Bakit makikinabang ang mga Kristiyano sa ngayon sa halimbawa ni Esteban?
6 May ilang lalaking lumapit kay Esteban para makipagtalo, pero “wala silang laban sa karunungan niya at sa espiritung gumagabay sa kaniya sa pagsasalita.” a Dahil hindi sila manalo kay Esteban, “palihim nilang inudyukan” ang mga tao na akusahan ang inosenteng tagasunod na ito ni Kristo. “Sinulsulan [din] nila ang mga tao,” ang matatandang lalaki, at ang mga eskriba, kaya puwersahang dinala si Esteban sa Sanedrin. (Gawa 6:9-12) Dalawang bagay ang ipinaratang sa kaniya: Namusong siya kapuwa sa Diyos at kay Moises. Sa ano-anong paraan?
7 Sinabi ng huwad na mga tagapag-akusa na si Esteban ay namusong sa Diyos dahil nagsalita siya laban sa “banal na lugar na ito”—ang templo sa Jerusalem. (Gawa 6:13) Pinaratangan siyang namusong kay Moises sa dahilang nagsalita siya laban sa Kautusang Mosaiko, anupat binabago ang mga kaugaliang ipinamana ni Moises. Napakabigat ng mga paratang na ito dahil noong panahong iyon, sobra-sobra ang pagpapahalaga ng mga Judio sa templo, sa mga detalye ng Kautusang Mosaiko, at sa maraming bibigang tradisyon na idinagdag nila sa Kautusan. Sa madaling salita, isang mapanganib na tao si Esteban at nararapat siyang mamatay!
8 Nakalulungkot, laging ginagamit ng mga panatiko sa relihiyon ang gayong mga paraan para pahirapan ang mga lingkod ng Diyos. Hanggang ngayon, sinusulsulan pa rin ng relihiyosong mga mananalansang ang mga gobyerno para pag-usigin ang mga Saksi ni Jehova. Paano tayo dapat tumugon kapag napapaharap tayo sa pilipit at maling mga paratang? Marami tayong matututuhan kay Esteban.
Buong Tapang na Nagpatotoo Tungkol sa “Maluwalhating Diyos” (Gawa 7:1-53)
9, 10. Bakit tinutuligsa ng mga kritiko ang pahayag ni Esteban sa harap ng Sanedrin, at ano ang kailangan nating tandaan?
9 Gaya ng binanggit sa pasimula, ang mukha ni Esteban ay kalmado, parang anghel, habang pinapakinggan niya ang mga paratang laban sa kaniya. Bumaling ngayon si Caifas sa kaniya at nagsabi: “Totoo ba ang mga ito?” (Gawa 7:1) Pagkakataon na ni Esteban na magsalita. At nagsalita nga siya!
10 Tinutuligsa ng ilang kritiko ang pahayag ni Esteban. Sinasabi nila na sa hinaba-haba ng kaniyang pahayag, hindi man lang nito nasagot ang mga paratang laban sa kaniya. Pero ang totoo, nagbigay si Esteban ng isang napakahusay na halimbawa para sa atin kung paano ‘ipagtatanggol’ ang mabuting balita. (1 Ped. 3:15) Tandaan na pinaratangan si Esteban ng pamumusong sa Diyos dahil nagsalita raw siya laban sa templo at ng pamumusong kay Moises dahil nagsalita siya diumano laban sa Kautusan. Ang sagot ni Esteban ay sumaryo ng tatlong yugto ng kasaysayan ng Israel, na may ilang puntong idiniin sa mataktikang paraan. Isa-isahin natin ang tatlong yugtong ito ng kasaysayan.
11, 12. (a) Paano mabisang ginamit ni Esteban ang halimbawa ni Abraham? (b) Bakit binanggit ni Esteban si Jose sa pahayag niya?
11 Ang panahon ng mga patriyarka. (Gawa 7:1-16) Nagsimula si Esteban sa pamamagitan ng pagtalakay tungkol kay Abraham, na iginagalang ng mga Judio dahil sa pananampalataya nito. Habang tinatalakay ang mahalagang paksang ito na pare-pareho nilang pinaniniwalaan, idiniin ni Esteban na si Jehova, ang “maluwalhating Diyos,” ay unang nagpakita kay Abraham sa Mesopotamia. (Gawa 7:2) Sa katunayan, ang lalaking ito ay isang naninirahang dayuhan sa Lupang Pangako. Noong panahon ni Abraham, wala pang templo, ni Kautusang Mosaiko. Kaya bakit nila igigiit na ang katapatan sa Diyos ay dapat na laging nakadepende sa gayong mga kaayusan?
12 Malaki rin ang paggalang ng mga tagapakinig ni Esteban kay Jose na inapo ni Abraham. Gayunman, ipinaalaala ni Esteban na ang matuwid na si Jose ay inusig ng mismong mga kapatid niya, ang mga ama ng mga tribo ng Israel, at ipinagbili pa nga siya para maging alipin. Pero siya ang naging instrumento ng Diyos upang iligtas ang Israel mula sa taggutom. Tiyak na nakita ni Esteban ang pagkakatulad ni Jose at ni Jesu-Kristo, pero hindi niya ito ibinangon para patuloy pa silang makinig sa kaniya.
13. Paano nasagot ng pagtalakay tungkol kay Moises ang mga paratang laban kay Esteban, at anong tema ang napalitaw dahil dito?
13 Ang panahon ni Moises. (Gawa 7:17-43) Maraming tinalakay si Esteban tungkol kay Moises—na angkop naman, yamang marami sa mga miyembro ng Sanedrin ay mga Saduceo, na walang ibang tinatanggap na aklat ng Bibliya maliban sa mga isinulat ni Moises. Alalahanin din ang paratang na si Esteban ay namusong kay Moises. Tuwirang nasagot ng mga pananalita ni Esteban ang paratang na iyan, yamang ipinakita niyang napakalaki ng paggalang niya kay Moises at sa Kautusan. (Gawa 7:38) Ayon sa kaniya, itinakwil din si Moises ng mga taong sinikap niyang iligtas. Itinakwil nila siya noong 40 anyos siya. Pagkalipas ng mahigit 40 taon, ilang ulit naman nilang hinamon ang kaniyang pamumuno. b Sa ganitong paraan, unti-unting pinalitaw ni Esteban ang isang mahalagang tema: Paulit-ulit na itinakwil ng bayan ng Diyos ang mga inaatasan ni Jehova na mangasiwa sa kanila.
14. Anong mga punto ang napalitaw ni Esteban sa kaniyang pahayag nang gamitin niya ang halimbawa ni Moises?
14 Ipinaalaala ni Esteban sa mga tagapakinig niya na inihula ni Moises na pipili ang Diyos ng isang propeta na gaya ni Moises mula sa Israel. Sino ito, at ano ang magiging pagtanggap sa kaniya? Sinagot ito ni Esteban sa konklusyon niya. Samantala, isa pang mahalagang punto ang pinalitaw niya: Natutuhan ni Moises na anumang lugar ay maaaring maging banal, tulad ng lugar ng nagliliyab na halaman, kung saan nakipag-usap sa kaniya si Jehova. Kaya sa isang gusali lamang ba puwedeng sambahin si Jehova, gaya ng templo sa Jerusalem? Tingnan natin.
15, 16. (a) Bakit mahalaga ang tabernakulo sa argumentong inihaharap ni Esteban? (b) Paano ginamit ni Esteban ang templo ni Solomon sa kaniyang pagtalakay?
15 Ang tabernakulo at ang templo. (Gawa 7:44-50) Ipinaalaala ni Esteban sa hukuman na bago nagkaroon ng templo sa Jerusalem, inutusan ng Diyos si Moises na magtayo ng isang tabernakulo—isang naililipat, tulad-toldang kayarian para sa pagsamba. Sino ang maglalakas-loob na sabihing ang tabernakulo ay mas mababang uri kaysa sa templo, yamang si Moises mismo ay sumamba roon?
16 Nang maglaon, nang itayo ni Solomon ang templo sa Jerusalem, isang napakahalagang aral ang sinabi niya sa panalangin. Gaya nga ng sabi ni Esteban, “ang Kataas-taasan ay hindi naninirahan sa mga bahay na gawa ng mga kamay.” (Gawa 7:48; 2 Cro. 6:18) Maaaring gamitin ni Jehova ang isang templo para matupad ang layunin niya, pero hindi nangangahulugang doon lamang siya puwedeng sambahin. Kung gayon, bakit iisipin ng mga mananamba na ang dalisay na pagsamba ay nakasalalay sa isang gusaling gawa ng tao? Mapuwersang tinapos ni Esteban ang argumentong ito sa pamamagitan ng pagsipi sa aklat ng Isaias: “Ang langit ang trono ko, at ang lupa ang tuntungan ko. Anong bahay ang maitatayo ninyo para sa akin? ang sabi ni Jehova. O saan ako magpapahinga? Kamay ko ang gumawa ng lahat ng bagay na ito, hindi ba?”—Gawa 7:49, 50; Isa. 66:1, 2.
17. Sa pahayag ni Esteban, paano niya (a) pinalitaw ang maling saloobin ng kaniyang mga tagapakinig at (b) sinagot ang mga paratang sa kaniya?
17 Habang nirerepaso mo ang pahayag ni Esteban sa Sanedrin hanggang sa puntong ito, hindi ba’t sasang-ayon ka na buong husay niyang napalitaw ang maling saloobin ng mga tagapag-akusa niya? Ipinakita niyang ang layunin ni Jehova ay pasulong, umaangkop sa kalagayan, at hindi nakatali sa tradisyon. Ang mga nagbibigay ng sobrang pagpapahalaga sa magandang gusaling iyon sa Jerusalem at sa mga tradisyong may kaugnayan sa Kautusang Mosaiko ay hindi nakauunawa sa layunin ng Kautusan at ng templo! Sa diwa, ibinangon ng pahayag ni Esteban ang isang mahalagang tanong: Hindi ba’t wala nang hihigit pang paraan para parangalan ang Kautusan at ang templo kundi ang sundin si Jehova? Sa mga sinabi ni Esteban, pinatunayan niyang tama lang ang ginawa niya, dahil sinunod niya si Jehova sa abot ng kaniyang makakaya.
18. Sa ano-anong paraan dapat nating tularan si Esteban?
18 Ano ang matututuhan natin sa pahayag ni Esteban? Pamilyar na pamilyar siya sa Kasulatan. Tulad niya, kailangan din nating maging masugid na mga estudyante ng Salita ng Diyos kung nais nating magamit “nang tama ang salita ng katotohanan.” (2 Tim. 2:15) May matututuhan din tayo kay Esteban tungkol sa kagandahang-loob at pagiging mataktika. Kahit galit na galit ang mga tagapakinig niya, sinikap pa rin niyang ituon ang kaniyang pahayag sa mga bagay na pinaniniwalaan at lubhang pinahahalagahan ng kaniyang mga tagapakinig. Kinausap din niya sila nang may paggalang, anupat tinatawag ang matatandang lalaki na “mga ama.” (Gawa 7:2) Dapat din nating iharap ang mga katotohanan ng Salita ng Diyos “nang mahinahon at may matinding paggalang.”—1 Ped. 3:15.
19. Paano buong tapang na inihayag ni Esteban sa Sanedrin ang kahatulan ni Jehova?
19 Pero hindi tayo nag-aatubiling ibahagi ang mga katotohanan ng Salita ng Diyos dahil lang sa natatakot tayong magalit ang mga tao; ni pinagagaan man natin ang mga mensahe ng kahatulan ni Jehova. Magandang halimbawa rito si Esteban. Tiyak na nakita niyang hindi tumatalab sa manhid na mga hukom na iyon ang mga patotoong sinabi niya sa Sanedrin. Kaya sa tulong ng banal na espiritu, tinapos niya ang pahayag sa pamamagitan ng walang-takot na pagsasabing tulad din sila ng mga ninuno nilang nagtakwil kay Jose, kay Moises, at sa lahat ng propeta. (Gawa 7:51-53) Ang totoo, pinatay ng mga hukom na ito ng Sanedrin ang Mesiyas, na ang pagdating mismo ay inihula ni Moises at ng lahat ng propeta. Wala nang mas masahol pa sa ginawa nilang paglabag sa Kautusang Mosaiko!
“Panginoong Jesus, Tanggapin Mo ang Buhay Ko” (Gawa 7:54–8:3)
20, 21. Ano ang naging reaksiyon ng Sanedrin sa mga pananalita ni Esteban, at paano siya pinatibay ni Jehova?
20 Dahil sa di-maikakailang katotohanan ng mga pananalita ni Esteban, nagpuyos sa galit ang mga hukom na iyon. Hindi pa nga sila nahiyang ipakita na nagngangalit ang mga ngipin nila. Malamang na natanto ng tapat na lalaking ito na, tulad ng kaniyang Panginoong si Jesus, wala siyang maaasahang awa mula sa mga hukom na iyon.
21 Kinailangan ni Esteban ng lakas ng loob upang harapin ang mangyayari sa kaniya, at tiyak na napatibay siya nang husto sa pangitaing may kabaitang ibinigay sa kaniya ni Jehova. Nakita ni Esteban ang kaluwalhatian ng Diyos, at nakita rin niya si Jesus na nakatayo sa kanan ni Jehova! Habang inilalarawan ni Esteban ang pangitain, tinatakpan naman ng mga hukom ang kanilang mga tainga. Bakit? Hindi pa natatagalan nang sabihin ni Jesus sa hukuman ding ito na siya ang Mesiyas at na malapit na siyang umupo sa kanan ng kaniyang Ama. (Mar. 14:62) Pinatunayan ng pangitain ni Esteban na totoo ang sinabi ni Jesus. Na siya nga ang Mesiyas na ipinagkanulo at ipinapatay ng Sanedrin. Dahil dito, agad nilang ipinag-utos na pagbabatuhin si Esteban hanggang mamatay. c
22, 23. Sa anong paraan magkatulad ang kamatayan ni Esteban at ng kaniyang Panginoon, at bakit makapagtitiwala ang mga Kristiyano sa ngayon gaya ni Esteban?
22 Gaya ng Panginoon niya, namatay si Esteban na may kalmadong puso na punô ng tiwala kay Jehova at pagpapatawad sa mga pumatay sa kaniya. Dahil posibleng nakikita pa niya ang pangitain ng Anak ng tao na kasama ni Jehova, sinabi niya: “Panginoong Jesus, tanggapin mo ang buhay ko.” Tiyak na naalaala ni Esteban ang nakakapagpatibay na pananalita ni Jesus: “Ako ang pagkabuhay-muli at ang buhay.” (Juan 11:25) Nang dakong huli, nanalangin siya sa Diyos sa malakas na tinig: “Jehova, huwag mong singilin sa kanila ang kasalanang ito.” Pagkasabi nito, namatay siya.—Gawa 7:59, 60.
23 Sa gayon, si Esteban ang pinakaunang naiulat na martir na tagasunod ni Kristo. (Tingnan ang kahong “ ‘Martir’ sa Anong Diwa?”) Pero nakalulungkot, hindi siya ang huli. Hanggang sa ngayon, may ilang tapat na lingkod ni Jehova na ipinapapatay ng mga panatiko sa relihiyon, panatiko sa politika, at ng iba pang malulupit na mananalansang. Sa kabila nito, may dahilan tayo para magtiwalang gaya ni Esteban. Naghahari na ngayon si Jesus, taglay ang napakalakas na kapangyarihang ipinagkaloob sa kaniya ng kaniyang Ama. Walang makapipigil sa kaniya sa pagbuhay-muli sa tapat na mga tagasunod niya.—Juan 5:28, 29.
24. Ano ang naging papel ni Saul sa pagiging martir ni Esteban, at ano ang ilang namamalaging epekto ng kamatayan ng tapat na lalaking ito?
24 Nakita ng lalaking si Saul ang lahat ng ito. Pabor siya sa pagpatay kay Esteban, at binantayan pa nga ang balabal ng mga bumabato kay Esteban. Di-nagtagal, pinangunahan niya ang sunod-sunod na malulupit na pag-uusig sa mga Kristiyano. Subalit mag-iiwan ng namamalaging epekto ang kamatayan ni Esteban. Dahil sa kaniyang halimbawa, lalong napatibay ang ibang mga Kristiyano na manatiling tapat at magtagumpay gaya ni Esteban. Karagdagan pa, tiyak na sising-sisi si Saul—na nang maglao’y mas nakilala bilang Pablo—sa tuwing maaalaala niya ang kaniyang naging papel sa kamatayan ni Esteban. (Gawa 22:20) Tumulong siya sa pagpatay kay Esteban, pero nang maglaon ay natanto niya: “Dati akong mamumusong, mang-uusig, at walang galang.” (1 Tim. 1:13) Malinaw na hindi kailanman nalimutan ni Pablo si Esteban at ang kaniyang mapuwersang pahayag noong araw na iyon. Sa katunayan, ang ilan sa mga pahayag at akda ni Pablo ay may kaugnayan sa mga temang nakapaloob sa pahayag ni Esteban. (Gawa 7:48; 17:24; Heb. 9:24) Sa paglipas ng panahon, lubusang natularan ni Pablo ang halimbawa ng pananampalataya at lakas ng loob na ipinakita ni Esteban, isang lalaking “talagang kalugod-lugod sa Diyos at puspos ng kapangyarihan.” Ang tanong ay, Matutularan din ba natin si Esteban?
a Ang ilan sa mga mananalansang na ito ay kabilang sa “Sinagoga ng mga Pinalaya.” Posibleng nabihag sila ng mga Romano at pinalaya nang maglaon, o mga pinalayang alipin sila na naging proselitang Judio. Ang ilan ay mula sa Cilicia, gaya rin ni Saul ng Tarso. Hindi sinasabi ng ulat kung si Saul ay kasama sa mga taga-Cilicia na walang laban kay Esteban.
b Sa pahayag ni Esteban, may mga impormasyon tungkol kay Moises na hindi natin matatagpuan sa iba pang bahagi ng Bibliya, gaya ng edukasyong tinanggap ni Moises sa Ehipto, edad niya nang una siyang tumakas mula sa Ehipto, at tagal ng paglagi niya sa Midian.
c Sa ilalim ng batas Romano, malamang na walang awtoridad ang Sanedrin na maglapat ng hatol na kamatayan. (Juan 18:31) Sa paanuman, namatay si Esteban dahil pinaslang siya ng galit na mga mang-uumog, at hindi dahil iginawad sa kaniya ang hatol na kamatayan.