KABANATA 8
“Nakaranas ng Isang Yugto ng Kapayapaan” ang Kongregasyon
Naging masigasig na ministro ang malupit na mang-uusig na si Saul
Batay sa Gawa 9:1-43
1, 2. Ano ang balak gawin ni Saul sa Damasco?
BAKAS na bakas sa mukha ng mga manlalakbay ang matinding galit habang papalapit sila sa Damasco, kung saan isasagawa nila ang kanilang maitim na balak. Kakaladkarin nila ang mga alagad ni Jesus palabas ng bahay ng mga ito. Gagapusin, hihiyain, at dadalhin nila ang mga ito sa Jerusalem upang matikman ang poot ng Sanedrin.
2 Si Saul, ang lider ng mga mang-uumog, ay nasangkot na sa pagpatay sa isang indibidwal. a Kamakailan lamang, pinanood niya ang pagbato ng kaniyang mga kapuwa panatiko sa isang tapat na alagad ni Jesus na si Esteban hanggang sa mamatay ito. (Gawa 7:57–8:1) Palibhasa’y hindi nakontento si Saul sa pag-usig sa mga tagasunod ni Jesus na nakatira sa Jerusalem, nagpasimuno siya ng isang malagim at malawakang pang-uusig. Gusto niyang sugpuin ang salot na sektang kilala bilang ang “Daan.”—Gawa 9:1, 2; tingnan ang kahong “ Ang Awtoridad ni Saul sa Damasco.”
3, 4. (a) Ano ang nangyari kay Saul? (b) Ano-anong tanong ang tatalakayin natin?
3 Walang ano-ano, isang nakasisilaw na liwanag ang suminag kay Saul. Nakikita ito ng kaniyang mga kasama pero dahil sa pagkabigla, hindi sila nakapagsalita. Nabulag si Saul at nabuwal sa lupa. Sa pagkakataong ito, nakarinig siya ng isang tinig mula sa langit na nagsasabi: “Saul, Saul, bakit mo ako inuusig?” Natigilan si Saul at nagtanong: “Sino ka, Panginoon?” Tiyak na nagimbal si Saul sa narinig niyang sagot: “Ako si Jesus, ang inuusig mo.”—Gawa 9:3-5; 22:9.
4 Ano ang matututuhan natin sa unang mga pananalita ni Jesus kay Saul? Paano tayo makikinabang sa pagrerepaso sa mga pangyayari noong makumberte si Saul? Ano-anong aral ang matututuhan natin sa ginawa ng kongregasyon noong makaranas sila ng isang yugto ng kapayapaan matapos makumberte si Saul?
Gawa 9:1-5)
“Bakit Mo Ako Inuusig?” (5, 6. Ano ang matututuhan natin sa mga pananalita ni Jesus kay Saul?
5 Nang patigilin ni Jesus si Saul habang nasa daan ito papunta sa Damasco, itinanong niya: “Bakit mo ako inuusig?” (Gawa 9:4) Pansinin na hindi niya sinabi: “Bakit mo pinag-uusig ang mga alagad ko?” Oo, damang-dama ni Jesus ang mga pagsubok na dinaranas ng kaniyang mga tagasunod.—Mat. 25:34-40, 45.
6 Kung sinisiil ka dahil sa pananampalataya mo kay Kristo, siguradong alam ni Jehova at ni Jesus ang kalagayan mo. (Mat. 10:22, 28-31) Baka hindi agad alisin ni Jehova ang pagsubok. Tandaan, nakita ni Jesus na sangkot si Saul sa pagpatay kay Esteban, at nakita rin niyang kinaladkad ni Saul ang tapat na mga alagad palabas ng kani-kanilang bahay sa Jerusalem. (Gawa 8:3) Pero hindi namagitan si Jesus nang panahong iyon. Gayunman, sa pamamagitan ni Kristo, binigyan ni Jehova si Esteban at ang iba pang mga alagad ng lakas na kailangan nila upang makapanatiling tapat.
7. Ano-ano ang dapat mong gawin upang matiis ang pag-uusig?
7 Matitiis mo rin ang pag-uusig kung gagawin mo ang sumusunod: (1) Magpasiyang manatiling tapat, anuman ang mangyari. (2) Humingi ng tulong kay Jehova. (Fil. 4:6, 7) (3) Ipaubaya kay Jehova ang paghihiganti. (Roma 12:17-21) (4) Magtiwalang bibigyan ka ni Jehova ng lakas upang makapagtiis hanggang sa alisin niya ang pagsubok.—Fil. 4:12, 13.
‘Saul, Kapatid, Isinugo Ako ng Panginoon’ (Gawa 9:6-17)
8, 9. Ano ang malamang na nadama ni Ananias hinggil sa kaniyang atas?
8 Nang sagutin ni Jesus ang tanong ni Saul, “Sino ka, Panginoon?” sinabi niya: “Tumayo ka at pumasok ka sa lunsod, at may magsasabi sa iyo ng dapat mong gawin.” (Gawa 9:6) Ang nabulag na si Saul ay inakay papunta sa tutuluyan niya sa Damasco, kung saan siya nangilin at nanalangin sa loob ng tatlong araw. Samantala, binanggit ni Jesus ang tungkol kay Saul sa isang alagad na nakatira sa lunsod na iyon, isang lalaking nagngangalang Ananias, na “may mabuting ulat mula sa lahat ng Judiong nakatira” sa Damasco.—Gawa 22:12.
9 Isipin na lang ang magkahalong emosyon na malamang na nadama ni Ananias! Dito, personal na nakikipag-usap sa kaniya ang Ulo ng kongregasyon, ang binuhay-muling si Jesu-Kristo, at pinili siya para sa isang pantanging atas. Napakalaking karangalan, pero napakabigat na atas! Nang sabihan si Ananias na dapat niyang kausapin si Saul, sumagot siya: “Panginoon, marami na akong narinig tungkol sa lalaking ito. Marami ang nagsabi kung paano niya ipinahamak ang mga alagad mo sa Jerusalem. May awtoridad din siya mula sa mga punong saserdote na arestuhin ang lahat ng tumatawag sa pangalan mo.”—Gawa 9:13, 14.
10. Ano ang matututuhan natin tungkol sa pakikitungo ni Jesus kay Ananias?
10 Hindi sinaway ni Jesus si Ananias sa pagkabahala nito. Pero nagbigay siya ng malinaw na tagubilin. At bilang konsiderasyon, ipinaliwanag niya kay Ananias kung bakit nais niyang ipagawa ang pambihirang atas na ito. Ganito ang sinabi ni Jesus tungkol kay Saul: “Ang taong ito ay pinili ko para dalhin ang pangalan ko sa mga bansa, gayundin sa mga hari at sa mga Israelita. Dahil ipapakita ko sa kaniya ang lahat ng paghihirap na daranasin niya dahil sa pangalan ko.” (Gawa 9:15, 16) Sumunod agad si Ananias kay Jesus. Nang masumpungan niya ang mang-uusig na si Saul, sinabi niya: “Saul, kapatid, isinugo ako ng Panginoong Jesus, na nagpakita sa iyo sa daan habang papunta ka rito, para makakita kang muli at mapuspos ng banal na espiritu.”—Gawa 9:17.
11, 12. Ano ang matututuhan natin sa mga pangyayaring nagsasangkot kina Jesus, Ananias, at Saul?
11 Malinaw nating makikita ang ilang katotohanan mula sa mga pangyayaring nagsasangkot kina Jesus, Ananias, at Saul. Halimbawa, si Jesus ang talagang nangangasiwa sa gawaing pangangaral, gaya ng ipinangako niya. (Mat. 28:20) Bagaman hindi siya tuwirang nakikipag-usap sa mga indibidwal sa ngayon, pinangangasiwaan ni Jesus ang gawaing pangangaral sa pamamagitan ng tapat na alipin, na inatasan niya sa kaniyang mga lingkod ng sambahayan. (Mat. 24:45-47) Sa ilalim ng pangangasiwa ng Lupong Tagapamahala, ang mga mamamahayag at payunir ay isinusugo upang hanapin ang mga nagnanais na matuto pa nang higit tungkol kay Kristo. Gaya ng binanggit sa naunang kabanata, marami sa gayong mga indibidwal ang natagpuan ng mga Saksi ni Jehova matapos manalangin sa Diyos.—Gawa 9:11.
12 Masunuring tinanggap ni Ananias ang atas at pinagpala naman siya. Sinusunod mo ba ang utos na lubusang magpatotoo, kahit na medyo mahirap ang atas na ito para sa iyo? Ang ilan ay nahihirapang magbahay-bahay at makipag-usap sa mga hindi nila kilala. Hamon naman para sa iba ang mangaral sa mga tao sa lansangan, lugar ng negosyo, o sa pamamagitan ng telepono o sulat. Napagtagumpayan ni Ananias ang kaniyang takot, at nagkapribilehiyo siyang tulungan si Saul na tanggapin ang banal na espiritu. b Nagtagumpay si Ananias dahil nagtiwala siya kay Jesus at itinuring niyang kapatid si Saul. Tulad ni Ananias, mapagtatagumpayan din natin ang ating takot kung magtitiwala tayong pinangangasiwaan ni Jesus ang gawaing pangangaral, magkakaroon tayo ng empatiya sa mga tao, at ituturing nating potensiyal na mga kapatid maging ang mga indibidwal na nakakatakot lapitan.—Mat. 9:36.
‘Nagsimula Siyang Mangaral Tungkol kay Jesus’ (Gawa 9:18-30)
13, 14. Kung nag-aaral ka ng Bibliya pero hindi pa bautisado, ano ang matututuhan mo sa halimbawa ni Saul?
13 Kumilos agad si Saul ayon sa kaniyang natutuhan. Matapos siyang mapagaling, nagpabautismo siya at nagsimulang makisama sa mga alagad sa Damasco. Pero hindi lang iyan ang kaniyang ginawa. “Agad siyang nagsimulang mangaral sa mga sinagoga tungkol kay Jesus, na ito ang Anak ng Diyos.”—Gawa 9:20.
14 Kung nag-aaral ka ng Bibliya pero hindi pa bautisado, matutularan mo ba si Saul at kikilos agad ayon sa iyong natututuhan? Totoo, nasaksihan mismo ni Saul ang isa sa mga himalang ginawa ni Kristo, at walang alinlangang naudyukan siya nitong kumilos. Pero nasaksihan din ng iba ang mga himalang ginawa ni Jesus. Halimbawa, nakita ng isang grupo ng mga Pariseo ang pagpapagaling niya sa tuyot na kamay ng isang lalaki, at alam ng karamihan sa mga Judio na binuhay-muli ni Jesus si Lazaro. Gayunman, marami sa kanila ang nanatiling walang interes, at naging salansang pa nga. (Mar. 3:1-6; Juan 12:9, 10) Pero iba naman si Saul dahil nagbago siya. Bakit tumugon si Saul samantalang ang iba naman ay hindi? Dahil mas takot siya sa Diyos kaysa sa tao at lubha niyang pinahalagahan ang awang ipinakita sa kaniya ni Kristo. (Fil. 3:8) Kung ang pagtugon mo ay gaya ng kay Saul, hindi mo hahayaang may pumigil sa iyo na makibahagi sa gawaing pangangaral at maging kuwalipikado sa bautismo.
15, 16. Ano ang ginawa ni Saul sa mga sinagoga, at paano tumugon ang mga Judio sa Damasco?
15 Isip-isipin na lamang ang pagkabigla, pangingilabot, at galit na nadama ng mga tao nang magsimulang mangaral si Saul tungkol kay Jesus sa mga sinagoga! “Hindi ba ito ang taong nagpahirap sa mga nasa Jerusalem na tumatawag sa pangalang ito?” ang tanong nila. (Gawa 9:21) Noong ipinapaliwanag ni Saul kung bakit siya nagbago ng saloobin tungkol kay Jesus, “[pinatunayan] niya sa lohikal na paraan na si Jesus ang Kristo.” (Gawa 9:22) Pero hindi lahat ng tao ay makukuha sa lohika. Hindi nito mababago ang isip ng mga mapagmataas o ng mga taong nakatali sa tradisyon. Pero hindi pa rin sumuko si Saul.
16 Pagkalipas ng tatlong taon, si Saul ay sinasalansang pa rin ng mga Judio sa Damasco. Nang dakong huli, binalak nilang patayin siya. (Gawa 9:23; 2 Cor. 11:32, 33; Gal. 1:13-18) Nang mabunyag ang kanilang balak, tumakas si Saul sa mataktikang paraan. Matapos siyang ilagay sa isang basket, idinaan ito sa isang butas sa pader ng lunsod para maibaba. Tinukoy ni Lucas ang mga tumulong kay Saul nang gabing iyon bilang “mga alagad niya [ni Saul].” (Gawa 9:25) Ipinahihiwatig ng pananalitang ito na may ilan din namang tumugon sa pangangaral ni Saul sa Damasco at naging mga tagasunod ni Kristo.
17. (a) Ano ang nagiging tugon ng mga tao sa katotohanan sa Bibliya? (b) Ano ang dapat na patuloy nating gawin, at bakit?
17 Nang una mong ikuwento sa iyong mga kapamilya, kaibigan, at iba pa ang tungkol sa mabubuting bagay na iyong natututuhan, maaaring inakala mong tatanggapin ng lahat ang maliwanag na lohika ng katotohanan sa Bibliya. Malamang na may mga tumanggap naman, pero marami ang hindi. Baka itinuring ka pa ngang kaaway ng sarili mong pamilya. (Mat. 10:32-38) Pero kung patuloy mong pasusulungin ang iyong kakayahang mangatuwiran mula sa Kasulatan at kung pananatilihin mo ang iyong Kristiyanong paggawi, maging ang mga sumasalansang sa iyo ay maaaring magbago ng saloobin.—Gawa 17:2; 1 Ped. 2:12; 3:1, 2, 7.
18, 19. (a) Ano ang naging resulta nang tiyakin ni Bernabe sa mga apostol ang pagiging alagad ni Saul? (b) Paano natin matutularan sina Bernabe at Saul?
18 Nang pumasok si Saul sa Jerusalem, natural lamang na magduda ang mga apostol nang sabihin niyang isa na siyang alagad. Pero nang tiyakin ito ni Bernabe sa kanila, si Saul ay tinanggap ng mga apostol at nanatili sa kanila ng ilang panahon. (Gawa 9:26-28) Naging maingat si Saul, pero hindi niya ikinahiya ang mabuting balita. (Roma 1:16) Buong tapang siyang nangaral sa Jerusalem, ang mismong lugar kung saan siya naglunsad ng malupit na pag-uusig laban sa mga alagad ni Jesu-Kristo. Hindi matanggap ng mga Judio sa Jerusalem na bumaligtad na ang lalaking inaakala nilang uubos sa mga Kristiyano, at gusto na nila siyang patayin ngayon. “Nang malaman ito ng mga kapatid,” ang sabi ng ulat, “dinala nila [si Saul] sa Cesarea at pinapunta sa Tarso.” (Gawa 9:30) Nagpasakop si Saul sa tagubiling ibinigay ni Jesus sa pamamagitan ng kongregasyon. Bunga nito, nakinabang kapuwa si Saul at ang kongregasyon.
19 Pansinin na nagkusa si Bernabe na tulungan si Saul. Tiyak na nakatulong ang kabaitang ito ni Bernabe upang maging malapít na magkaibigan ang dalawang masisigasig na lingkod na ito ni Jehova. Tulad ni Bernabe, ikaw ba ay handang tumulong sa mga baguhan sa kongregasyon, anupat sinasamahan sila sa paglilingkod sa larangan at tinutulungan silang sumulong sa espirituwal? Kung oo, saganang pagpapala ang tatamasahin mo. Kung ikaw naman ay isang bagong mamamahayag ng mabuting balita, tatanggapin mo ba, gaya ni Saul, ang tulong na ibinibigay sa iyo? Kung sasama ka sa mas makaranasang mga mamamahayag, susulong ang iyong kakayahan sa ministeryo, sisidhi ang iyong kagalakan, at magkakaroon ka ng mga tunay na kaibigan.
“Marami ang Nanampalataya” (Gawa 9:31-43)
20, 21. Paano sinamantala ng mga lingkod ng Diyos noon at ngayon ang mga “yugto ng kapayapaan”?
20 Matapos makumberte at makatakas si Saul, “ang lahat ng alagad sa buong Judea, Galilea, at Samaria ay nakaranas ng isang yugto ng kapayapaan.” (Gawa 9:31) Paano ginamit ng mga alagad ang magandang kalagayang ito? (2 Tim. 4:2) Sinasabi ng ulat na sila’y “napatibay.” Pinatibay ng mga apostol at ng iba pang may-pananagutang mga lalaki ang pananampalataya ng mga alagad. Nanguna rin sila sa mga alagad habang “namumuhay [ang mga ito] nang may takot kay Jehova at tumatanggap ng pampatibay mula sa banal na espiritu.” Halimbawa, sinamantala ni Pedro ang panahong iyon upang patibayin ang mga alagad sa bayan ng Lida, na nasa Kapatagan ng Saron. Dahil sa kaniyang pagsisikap, maraming naninirahan sa lugar na iyon ang “nanampalataya . . . sa Panginoon.” (Gawa 9:32-35) Hindi hinayaan ng mga alagad na mailihis sila ng personal na mga tunguhin. Sa halip, nagpagal sila sa pagtulong sa iba at sa pangangaral ng mabuting balita. Dahil dito, ang mga alagad ay ‘patuloy na dumami.’
21 Sa pagtatapos ng ika-20 siglo, ang mga Saksi ni Jehova sa maraming bansa ay nakaranas din ng “yugto ng kapayapaan” na gaya niyaong sa unang siglo. Ang mga rehimeng sumiil sa bayan ng Diyos sa loob ng maraming dekada ay bigla na lang bumagsak, at ang ilang pagbabawal sa gawaing pangangaral ay pinagaan o tuluyan nang inalis. Sinamantala ng libo-libong Saksi ang pagkakataon upang mangaral nang hayagan, at kamangha-mangha ang naging mga resulta.
22. Paano mo maaaring samantalahin ang kalayaang taglay mo?
22 Ginagamit mo bang mabuti ang kalayaang taglay mo? Kung naninirahan ka sa isang bansang may kalayaan sa relihiyon, gustong-gusto ni Satanas na tuksuhin kang magtaguyod ng materyal na mga kayamanan, hindi ng mga kapakanan ng Kaharian. (Mat. 13:22) Huwag mong hayaang mapalihis ka. Gawing makabuluhan ang anumang yugto ng kapayapaang tinatamasa mo sa ngayon. Ituring ito bilang mga pagkakataon para lubusang makapagpatotoo at makapagpatibay sa mga kapatid sa kongregasyon. Tandaan, maaaring biglang magbago ang mga kalagayan.
23, 24. (a) Anong mga punto ang matututuhan natin sa ulat tungkol kay Tabita? (b) Ano ang dapat na maging determinasyon natin?
23 Isaalang-alang ang nangyari sa isang alagad na nagngangalang Tabita, o Dorcas. Nakatira siya sa Jope, isang bayang hindi kalayuan sa Lida. May katalinuhang ginamit ng tapat na kapatid na ito ang kaniyang panahon at tinatangkilik, anupat “napakarami niyang ginagawang mabuti, at matulungin siya sa mahihirap.” Pero bigla na lang siyang nagkasakit at namatay. c Ang kaniyang kamatayan ay nagdulot ng matinding dalamhati sa mga alagad sa Jope, lalo na sa mga biyuda na pinagpakitaan niya ng kabaitan. Nang dumating si Pedro sa bahay kung saan inihahanda ang katawan ni Tabita para sa paglilibing, gumawa siya ng isang himalang hindi pa nagagawa ng ibang mga apostol ni Jesu-Kristo. Nanalangin si Pedro at pagkatapos, ibinangon niya si Tabita mula sa mga patay! Naguguniguni mo ba ang kagalakan ng mga biyuda at ng iba pang mga alagad nang pabalikin sila ni Pedro sa silid at iharap sa kanila ang buháy na si Tabita? Tiyak na napatibay sila ng mga pangyayaring ito para maharap ang nakaabang na mga pagsubok! Mangyari pa, ang himala ay “napabalita . . . sa buong Jope, at marami ang nanampalataya sa Panginoon.”—Gawa 9:36-42.
24 Dalawang mahalagang punto ang matututuhan natin sa nakakaantig na ulat na ito tungkol kay Tabita. (1) Napakaikli ng buhay. Kung gayon, napakahalaga ngang gumawa tayo ng magandang pangalan sa Diyos habang buháy pa tayo! (Ecles. 7:1) (2) Talagang may pagkabuhay-muli. Nakita ni Jehova ang saganang kabaitan ni Tabita, at ginantimpalaan Niya siya. Aalalahanin din niya ang ating pagsisikap at bubuhayin niya tayong muli sakali mang hindi tayo umabot nang buháy sa Armagedon. (Heb. 6:10) Kaya nakararanas man tayo ngayon ng ‘mahirap na kalagayan’ o ng “yugto ng kapayapaan,” magmatiyaga tayo sa lubusang pagpapatotoo tungkol kay Kristo.—2 Tim. 4:2.
a Tingnan ang kahong “ Si Saul na Pariseo.”
b Karaniwan nang ibinibigay ang mga kaloob ng banal na espiritu sa pamamagitan ng mga apostol. Pero sa pambihirang sitwasyong ito, lumilitaw na binigyan ni Jesus ng awtoridad si Ananias para ibigay ang mga kaloob ng espiritu kay Saul. Matapos siyang makumberte, matagal siyang walang pakikipag-ugnayan sa kaninuman sa 12 apostol. Pero malamang na aktibo pa rin siya sa buong panahong iyon. Kaya lumilitaw na tiniyak ni Jesus na taglay ni Saul ang kapangyarihang kailangan niya para maisakatuparan ang atas niyang mangaral.
c Tingnan ang kahong “ Si Tabita—‘Napakarami Niyang Ginagawang Mabuti.’”