KABANATA 22
“Mangyari Nawa ang Kalooban ni Jehova”
Dahil determinado si Pablo na gawin ang kalooban ng Diyos, nagpunta siya sa Jerusalem
Batay sa Gawa 21:1-17
1-4. Bakit papunta si Pablo sa Jerusalem, at ano ang naghihintay sa kaniya roon?
NAGING emosyonal ang pagpapaalaman sa Mileto. Napakahirap para kina Pablo at Lucas na iwanan ang matatanda sa Efeso na napamahal na sa kanila! Nakatayo ang dalawang misyonero sa may kubyerta ng barko. Marami silang dalang panustos para sa kanilang paglalayag. Dala rin nila ang nalikom na abuloy para sa mahihirap na Kristiyano sa Judea at gustong-gusto na nila itong maihatid doon.
2 Habang itinutulak ng banayad na hangin ang mga layag, unti-unti nang umusad ang barko palayo sa maingay na daungan. Minamasdan ng dalawang lalaki, at ng pito pa nilang kasama, ang malulungkot na mukha ng mga kapatid na nasa dalampasigan. (Gawa 20:4, 14, 15) Patuloy na kumakaway ang mga manlalakbay sa kanilang mga kaibigan hanggang sa hindi na nila matanaw ang mga ito.
3 Mga tatlong taon ding nakasama ni Pablo sa gawain ang matatanda sa Efeso. Pero ngayon, inuutusan siya ng banal na espiritu na pumunta sa Jerusalem. May ideya na siya kung ano ang naghihintay sa kaniya roon. Hindi pa natatagalan, sinabi niya sa matatanda sa Efeso: “Dahil itinutulak ako ng espiritu, pupunta ako sa Jerusalem, kahit hindi ko alam kung ano ang mangyayari sa akin doon. Ang alam ko lang, pagkabilanggo at mga kapighatian ang naghihintay sa akin, gaya ng paulit-ulit na sinasabi sa akin ng banal na espiritu sa bawat lunsod.” (Gawa 20:22, 23) Kahit mapanganib, itinuring ni Pablo na “itinutulak [siya] ng espiritu”—obligado siyang sumunod sa utos ng banal na espiritu na pumunta sa Jerusalem, at handa niyang gawin ito. Mahalaga sa kaniya ang buhay niya, pero ang gawin ang kalooban ng Diyos ang pinakamahalaga sa kaniya.
4 Ganiyan din ba ang nadarama mo? Nang ialay natin ang ating buhay kay Jehova, taimtim tayong nangako na magiging pinakamahalaga sa ating buhay ang paggawa ng kaniyang kalooban. Makikinabang tayo sa tapat na halimbawa ni apostol Pablo.
Gawa 21:1-3)
Nadaanan ang “Isla ng Ciprus” (5. Sa anong ruta naglayag si Pablo at ang kaniyang mga kasama patungong Tiro?
5 Ang barkong sinasakyan ni Pablo at ng kaniyang mga kasama ay “naglayag nang tuloy-tuloy.” Ibig sabihin, maganda ang lagay ng panahon at walang naging aberya, kaya naman nakarating sila sa Cos nang araw ding iyon. (Gawa 21:1) Lumilitaw na dumaong muna nang isang gabi roon ang barko bago naglayag patungong Rodas at Patara. Mula sa Patara, sa timugang baybayin ng Asia Minor, sumakay ang mga kapatid sa isang barkong pangkargamento deretso sa Tiro, sa Fenicia. Habang naglalayag, nadaanan nila ang “isla ng Ciprus sa gawing kaliwa.” (Gawa 21:3) Bakit kaya binanggit ni Lucas ang detalyeng ito sa kaniyang ulat?
6. (a) Bakit malamang na napatibay si Pablo nang matanaw niya ang Ciprus? (b) Habang iniisip mo ang mga pagpapala at tulong ni Jehova, ano ang nadarama mo?
6 Itinuro marahil ni Pablo ang islang iyon at ikinuwento ang naging karanasan niya roon. Sa unang paglalakbay ni Pablo bilang misyonero kasama sina Bernabe at Juan Marcos mga siyam na taon na noon ang nakalilipas, nakita nila roon ang mangkukulam na si Elimas, na kontra sa kanilang pangangaral. (Gawa 13:4-12) Nang matanaw ni Pablo ang isla at maalaala ang karanasan niya roon, malamang na napatibay siya at napalakas na harapin ang anumang naghihintay sa kaniya. Makikinabang din tayo kapag iniisip natin kung paano tayo pinagpapala ng Diyos at tinutulungang magtiis ng mga pagsubok. Sa paggawa nito, madarama rin natin ang nadama ni David, na nagsabi: “Maraming paghihirap ang matuwid, pero inililigtas siya ni Jehova sa lahat ng ito.”—Awit 34:19.
‘Hinanap Namin ang mga Alagad at Natagpuan Namin Sila’ (Gawa 21:4-9)
7. Ano ang ginawa ng mga manlalakbay pagdating nila sa Tiro?
7 Mahalaga kay Pablo ang pakikihalubilo sa mga kapuwa Kristiyano at gustong-gusto niyang makasama ang kaniyang mga kapananampalataya. Pagdating nila sa Tiro, sinabi ni Lucas: “Hinanap namin ang mga alagad, at [natagpuan] namin sila.” (Gawa 21:4) Alam nilang may mga Kristiyano rin sa Tiro, kaya hinanap nila ang mga ito at malamang na sa bahay ng mga ito sila nakituloy. Bilang mga mananamba ni Jehova, nakakatuwang malaman na saanman tayo pumunta, may matatagpuan tayong mga kapananampalataya na magpapatuloy sa atin. Ang mga umiibig sa Diyos at nagsasagawa ng tunay na pagsamba ay may mga kaibigan sa buong daigdig.
8. Paano natin dapat unawain ang Gawa 21:4?
8 Sa paglalarawan ni Lucas sa pitong araw na pamamalagi nila sa Tiro, may iniulat siyang medyo nakakalito sa simula: “Dahil sa ipinaalám ng espiritu, paulit-ulit nilang sinabihan [ng mga kapatid sa Tiro] si Pablo na huwag pumunta sa Jerusalem.” (Gawa 21:4) Nagbago ba ang isip ni Jehova? Ayaw na ba niyang papuntahin si Pablo sa Jerusalem? Hindi. Ipinahihiwatig lang ng espiritu na daranas si Pablo ng malupit na pagtrato sa Jerusalem; hindi siya nito inuutusang huwag nang tumuloy sa lunsod. Dahil sa pahiwatig ng banal na espiritu, nabatid ng mga kapatid sa Tiro na talagang mapapahamak si Pablo sa Jerusalem. Kaya naman pinipilit nila siyang huwag nang pumunta sa lunsod. Siyempre, ayaw nilang may masamang mangyari kay Pablo. Pero dahil determinado si Pablo na gawin ang kalooban ni Jehova, tumuloy pa rin siya sa Jerusalem.—Gawa 21:12.
9, 10. (a) Nang pigilan ng mga kapatid sa Tiro si Pablo, ano ang malamang na naalaala niya? (b) Ano ang karaniwang kaisipan ng mga tao sa ngayon, at bakit salungat ito sa pananalita ni Jesus?
9 Habang pinipigilan ng mga kapatid si Pablo, malamang na naalaala niya ang nangyari kay Jesus nang sabihin niya sa mga tagasunod niya na pupunta siya sa Jerusalem, magdurusa nang husto, at papatayin. Dala ng emosyon, nasabi ni Pedro kay Jesus: “Maging mabait ka sa sarili mo, Panginoon; hindi iyan kailanman mangyayari sa iyo.” Sumagot si Jesus: “Diyan ka sa likuran ko, Satanas! Hinahadlangan mo ako sa dapat kong gawin, dahil hindi kaisipan ng Diyos ang iniisip mo, kundi kaisipan ng tao.” (Mat. 16:21-23) Determinado si Jesus na magsakripisyo at tuparin ang kalooban ng Diyos para sa kaniya. Gayundin si Pablo. Maganda naman ang intensiyon ng mga kapatid sa Tiro, gaya ng intensiyon ni apostol Pedro, pero hindi nila naunawaan ang kalooban ng Diyos para kay Pablo.
10 Mas gusto ng mga tao sa ngayon na maging mabait sa sarili nila o sundin ang pinakamadali para sa kanila. Karaniwan nang mas pinipili ng mga tao ang relihiyong walang bawal at hindi mahigpit. Pero salungat ang kaisipang ito sa sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Kung gusto ng isa na sumunod sa akin, dapat niyang itakwil ang kaniyang sarili at buhatin ang kaniyang pahirapang tulos at patuloy akong sundan.” (Mat. 16:24) Ang pagsunod kay Jesus ang tamang landasin, pero hindi ito madali.
11. Paano nagpakita ng pagmamahal at pagsuporta kay Pablo ang mga alagad sa Tiro?
11 Oras na para magpatuloy sa paglalakbay sina Pablo, Lucas, at ang iba pang kasama nila. Nakakaiyak ang eksena nang magpaalam sila. Kitang-kitang mahal ng mga kapatid sa Tiro si Pablo at buo ang suporta nila sa ministeryo niya. Ang mga lalaki, babae, at mga bata ay sama-samang naghatid kina Pablo hanggang dalampasigan. Lumuhod sila at nanalangin, at nagpaalam. Pagkatapos, sumakay na sina Pablo, Lucas, at mga kasama nila sa isang barkong patungo sa Tolemaida, kung saan nakipagtagpo sila sa mga kapatid doon at nakituloy nang isang araw.—Gawa 21:5-7.
12, 13. (a) Anong rekord ng tapat na paglilingkod ang ipinakita ni Felipe? (b) Bakit isang magandang halimbawa si Felipe para sa mga Kristiyanong ama sa ngayon?
12 Kinabukasan, ayon sa ulat ni Lucas, nagpunta ang grupo ni Pablo sa Cesarea. Pagdating doon, “tumuloy [sila] sa bahay ni Felipe na ebanghelisador.” a (Gawa 21:8) Tiyak na tuwang-tuwa silang makita si Felipe. Mga 20 taon na noon ang nakalilipas, inatasan siya ng mga apostol upang tumulong sa pamamahagi ng pagkain sa bagong-tatag na kongregasyong Kristiyano sa Jerusalem. Matagal nang isang masigasig na mángangarál si Felipe. Nang mangalat ang mga alagad dahil sa pag-uusig, si Felipe ay nagpunta sa Samaria at nangaral doon. Nang maglaon, nangaral siya sa mataas na opisyal na Etiope at binautismuhan ito. (Gawa 6:2-6; 8:4-13, 26-38) Napakainam na rekord nga ng tapat na paglilingkod!
13 Hindi nawala ang sigasig ni Felipe sa ministeryo. Ngayong naninirahan na siya sa Cesarea, abala pa rin siya sa pangangaral. Sa katunayan, “ebanghelisador” ang itinawag sa kaniya ni Lucas. Nalaman din natin na si Felipe ay mayroon nang apat na dalagang anak na nanghuhula, na nagpapakitang tinularan nila ang halimbawa ng kanilang ama. b (Gawa 21:9) Talagang sinikap ni Felipe na patibayin ang espirituwalidad ng kaniyang pamilya. Magandang tularan ng mga Kristiyanong ama sa ngayon ang kaniyang halimbawa, anupat nangunguna sa ministeryo at tinutulungan ang kanilang mga anak na mahalin ang gawaing pangangaral.
14. Ano ang tiyak na naging resulta ng pagdalaw ni Pablo sa kaniyang mga kapananampalataya, at anong mga pagkakataon ang bukás din sa atin ngayon?
14 Sa bawat lugar na pinuntahan ni Pablo, hinanap niya ang mga kapatid at gumugol ng panahon kasama nila. Walang alinlangan, tuwang-tuwa ang mga kapatid na patuluyin sa kanilang bahay ang misyonerong ito at ang kaniyang mga kasama. Tiyak na ‘nagpatibayan’ sila. (Roma 1:11, 12) Bukás din sa atin ngayon ang ganitong mga pagkakataon. Makikinabang ka nang husto sa pagpapatuloy sa tagapangasiwa ng sirkito at sa kaniyang asawa, maliit man ang bahay ninyo.—Roma 12:13.
“Handa Akong . . . Mamatay” (Gawa 21:10-14)
15, 16. Anong mensahe ang dala ni Agabo, at ano ang naging epekto nito sa mga nakarinig nito?
15 Habang nakikituloy si Pablo sa bahay ni Felipe, isa pang iginagalang na bisita ang dumating—si Agabo. Alam ng mga nagkakatipon sa bahay ni Felipe na propeta si Agabo; siya ang humula sa malaking taggutom na nangyari noong panahon ng pamamahala ni Claudio. (Gawa 11:27, 28) Baka nagtataka sila: ‘Bakit nandito si Agabo? Ano kaya ang dala niyang mensahe?’ Habang nakamasid ang lahat, kinuha ni Agabo ang sinturon ni Pablo—isang mahabang tela na itinatali sa baywang at puwedeng paglagyan ng pera at iba pang bagay. Iginapos ni Agabo ang mga kamay at paa niya gamit ang sinturon. Saka niya sinabi ang mabigat na mensaheng dala niya: “Ganito ang sabi ng banal na espiritu, ‘Ang lalaking may-ari ng sinturong ito ay igagapos sa ganitong paraan ng mga Judio sa Jerusalem, at ibibigay nila siya sa kamay ng mga tao ng ibang mga bansa.’”—Gawa 21:11.
16 Ipinapakita ng hulang ito na talagang dapat pumunta si Pablo sa Jerusalem. Ipinahihiwatig din nito na ang pangangaral niya sa mga Judio doon ang magdadala sa kaniya “sa kamay ng mga tao ng ibang mga bansa.” Malaki ang epekto ng hulang ito sa mga nakarinig. Isinulat ni Lucas: “Nang marinig namin ito, kami at ang mga naroon ay nagsimulang makiusap sa kaniya na huwag pumunta sa Jerusalem. Sumagot si Pablo: ‘Bakit kayo umiiyak, at bakit ninyo pinahihina ang loob ko? Handa akong maigapos at mamatay pa nga sa Jerusalem alang-alang sa pangalan ng Panginoong Jesus.’”—Gawa 21:12, 13.
17, 18. Paano ipinakita ni Pablo ang kaniyang katatagan, at ano ang naging reaksiyon ng mga kapatid?
17 Gunigunihin ang eksena. Si Pablo ay pinakikiusapan ng mga kapatid, pati na ni Lucas, na huwag nang tumuloy sa Jerusalem. Bumaha ang mga luha. Damang-dama ni Pablo ang pagmamalasakit nila sa kaniya anupat magiliw niyang sinabi sa kanila na ‘pinahihina nila ang loob niya’ o sa ibang salin, ‘dinudurog nila ang puso niya.’ Pero matatag pa rin si Pablo, at gaya ng nangyari sa Tiro, hindi mababago ng anumang pakiusap o pagtangis ang kaniyang pasiya. Sa halip, ipinaliwanag niya sa kanila kung bakit dapat siyang tumuloy. Napakalakas ng kaniyang loob at napakatatag ng kaniyang determinasyon! Tulad ni Jesus noon, buo ang pasiya ni Pablo na tumuloy sa Jerusalem. (Heb. 12:2) Hindi naman sa gusto niyang magpakamartir. Pero kung talagang hinihingi ng pagkakataon, ituturing niyang isang karangalan ang mamatay bilang tagasunod ni Kristo Jesus.
18 Ano ang naging reaksiyon ng mga kapatid? Iginalang nila ang pasiya ni Pablo. Mababasa natin: “Nang ayaw niyang magpapigil, hindi na kami tumutol at sinabi namin: ‘Mangyari nawa ang kalooban ni Jehova.’” (Gawa 21:14) Hindi naman ipinagpilitan ng mga kumukumbinsi kay Pablo ang gusto nila na huwag na siyang pumunta sa Jerusalem. Nakinig sila kay Pablo at iginalang nila ang kaniyang pasiya. Tinanggap nila kung ano ang kalooban ni Jehova, kahit na hindi ito madaling gawin. Isang landasing hahantong sa kaniyang kamatayan ang pinipili ni Pablo. Naging mas madali sana kay Pablo na gawin ito kung hindi siya tinangkang pigilan ng mga nagmamahal sa kaniya.
19. Anong mahalagang aral ang natutuhan natin sa nangyari kay Pablo?
19 Isang mahalagang aral ang natutuhan natin dito: Hinding-hindi natin pipigilan ang mga gustong magsakripisyo alang-alang sa paglilingkod sa Diyos. Maikakapit natin ang aral na ito hindi lamang sa mga sitwasyong nagsasangkot ng buhay o kamatayan. Halimbawa, bagaman mahirap para sa mga Kristiyanong magulang na mawalay ang kanilang mga anak upang maglingkod kay Jehova sa malalayong lupain, determinado silang huwag pahinain ang loob ng mga ito. Tandang-tanda pa ni Phyllis, na taga-England, ang nadama niya nang maglingkod sa Africa bilang misyonera ang kaisa-isa niyang anak na babae. “Hindi ko maintindihan ang naramdaman ko noon,” ang sabi ni Phyllis. “Ang hirap tanggaping mapapalayo na siya sa akin. Magkahalong lungkot at tuwa ang nadarama ko. Maraming beses ko itong ipinanalangin. Pero desisyon niya iyon, at hindi ko iyon tinangkang baguhin. Tutal, ako rin naman ang nagturo sa kaniya na laging unahin ang Kaharian! Sa nakalipas na 30 taon, nakapaglingkod na siya sa iba’t ibang lupain, at araw-araw kong pinasasalamatan si Jehova sa pananatiling tapat ng aking anak.” Napakainam ngang patibayin ang ating mapagsakripisyong mga kapananampalataya!
Gawa 21:15-17)
“Malugod Kaming Tinanggap ng mga Kapatid” (20, 21. Ano ang nagpapakitang gustong-gusto ni Pablo na makasama ang mga kapatid, at bakit mga kapananampalataya ang gusto niyang makasama?
20 Matapos maihanda ang lahat, nagpatuloy na si Pablo sa paglalakbay, kasama ang mga kapatid na nagpakita ng kanilang buong-pusong pagsuporta. Sa bawat lugar na hinintuan nila sa kanilang paglalakbay patungong Jerusalem, hinanap ni Pablo at ng kaniyang mga kasama ang mga kapatid na Kristiyano. Sa Tiro, natagpuan nila ang mga alagad at nakituloy sa mga ito nang pitong araw. Sa Tolemaida, kinumusta nila ang mga kapatid at nakituloy roon nang isang araw. Pagdating naman sa Cesarea, nakituloy sila nang ilang araw sa bahay ni Felipe. Pagkatapos, inihatid ng ilang alagad mula sa Cesarea si Pablo at ang kaniyang mga kasama sa paglalakbay patungong Jerusalem. Nang makarating na sila sa lunsod na iyon, pinatuloy sila ni Minason, isa sa mga unang alagad. Iniulat ni Lucas: “Malugod kaming tinanggap ng mga kapatid.”—Gawa 21:17.
21 Maliwanag na gustong-gusto ni Pablo na makasama ang kaniyang mga kapananampalataya. Napatibay nila si Pablo noon, at napapatibay din tayo ng mga kapatid sa ngayon. Tiyak na napalakas si Pablo na harapin ang galit na mga mananalansang na gustong magpapatay sa kaniya.
a Tingnan ang kahong “ Cesarea—Kabisera ng Romanong Lalawigan ng Judea.”
b Tingnan ang kahong “ Puwede Bang Maging Ministrong Kristiyano ang mga Babae?”