KABANATA 20
‘Lumalaganap at Nagtatagumpay’ Kahit Sinasalansang
Kung paano nakatulong sina Apolos at Pablo sa paglaganap ng mabuting balita
Batay sa Gawa 18:23–19:41
1, 2. (a) Anong panganib ang napaharap kay Pablo at sa kaniyang mga kasama noong sila’y nasa Efeso? (b) Ano ang tatalakayin natin sa kabanatang ito?
NAGTATAKBUHAN at nagkakaingay ang mga tao sa lansangan ng Efeso. Kinakaladkad ng mga mang-uumog ang dalawa sa mga kasamahan ni apostol Pablo. Naglahong parang bula ang mga tao sa mga tindahan, at galit na galit silang nagsuguran papunta sa malaking ampiteatro ng lunsod, na kasya ang 25,000 mánonoód. Karamihan sa kanila ay wala man lamang ideya kung ano ang pinagmumulan ng gulo. Basta ang suspetsa nila, nanganganib ang kanilang templo at ang kanilang pinakamamahal na diyosang si Artemis. Kaya paulit-ulit silang sumigaw: “Dakila si Artemis ng mga taga-Efeso!”—Gawa 19:34.
2 Gumamit na naman si Satanas ng pang-uumog para pahintuin ang paglaganap ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. Siyempre pa, hindi lang karahasan ang ginagamit ni Satanas. Sa kabanatang ito, tatalakayin natin ang ilan sa mga pakanang ginamit ni Satanas para pahintuin ang gawain at sirain ang pagkakaisa ng mga Kristiyano noong unang siglo. Bukod diyan, makikita rin natin na nabigo ang lahat ng kaniyang pakana, sapagkat “sa makapangyarihang paraan, patuloy na lumaganap at nagtagumpay ang salita ni Jehova.” (Gawa 19:20) Oo, nagtagumpay ang mga Kristiyanong iyon, kung paanong nagtatagumpay rin tayo sa ngayon. Mangyari pa, kay Jehova ang tagumpay, at hindi sa atin. Pero gaya ng mga Kristiyano noong unang siglo, mayroon din tayong dapat gawin. Sa tulong ng espiritu ni Jehova, puwede nating malinang ang mga katangiang tutulong sa atin para magtagumpay sa ministeryo. Tingnan muna natin ang halimbawa ni Apolos.
‘Marami Siyang Alam sa Kasulatan’ (Gawa 18:24-28)
3, 4. Ano ang napansin nina Aquila at Priscila na kulang sa nalalaman ni Apolos, at ano ang ginawa nila para matulungan siya?
3 Habang papunta si Pablo sa Efeso sa kaniyang ikatlong paglalakbay bilang misyonero, isang Judiong nagngangalang Apolos ang dumating sa lunsod na iyon. Nagmula siya sa tanyag na lunsod ng Alejandria, sa Ehipto. May mga kahanga-hangang katangian si Apolos. Mahusay siyang magpahayag. Bukod diyan, ‘marami siyang alam sa Kasulatan’ at “nag-aalab ang sigasig niya dahil sa espiritu.” Palibhasa’y nag-aalab sa sigasig, buong tapang na nagpahayag si Apolos sa harap ng mga Judio sa sinagoga.—Gawa 18:24, 25.
4 Narinig nina Aquila at Priscila ang pahayag ni Apolos. Tiyak na tuwang-tuwa sila nang mapakinggan nila siya dahil “nagtuturo [siya] nang tama tungkol kay Jesus.” Pero di-nagtagal, napansin ng mag-asawang Kristiyanong ito na may kulang sa nalalaman ni Apolos kasi “bautismo lang ni Juan ang alam niya.” Hindi natakot ang mag-asawang ito, mga hamak na manggagawa ng tolda, sa husay ni Apolos sa pagsasalita o sa kaniyang pinag-aralan. Sa halip, “isinama nila siya at ipinaliwanag sa kaniya nang mas malinaw ang daan ng Diyos.” (Gawa 18:25, 26) Paano kaya tumugon ang edukadong lalaking ito? Lumilitaw na naipakita niya ang isa sa pinakamahalagang katangian na puwedeng linangin ng isang Kristiyano—kapakumbabaan.
5, 6. Ano ang nakatulong kay Apolos para maging mas mahusay na lingkod ni Jehova, at ano ang matututuhan natin sa kaniyang halimbawa?
5 Naging mas mahusay na lingkod ni Jehova si Apolos dahil tinanggap niya ang tulong nina Aquila at Priscila. Nagpunta siya sa Acaya, kung saan “malaki ang naitulong” niya sa mga mananampalataya. Mabisa siyang nakapagpatotoo maging sa mga Judiong tagaroon na pilit na nagsasabing hindi raw si Jesus ang inihulang Mesiyas. Iniulat ni Lucas: “Buong sigasig niyang pinatunayan na mali ang mga Judio at ipinakita mula sa Kasulatan na si Jesus ang Kristo.” (Gawa 18:27, 28) Isa ngang pagpapala si Apolos! Sa diwa, isa siya sa mga dahilan kung bakit “ang salita ni Jehova” ay patuloy na nagtatagumpay. Ano ang matututuhan natin sa halimbawa ni Apolos?
6 Talaga ngang napakahalagang magpakita ng kapakumbabaan ang mga Kristiyano. May kani-kaniya tayong kaloob—ito man ay likas na kakayahan, karanasan, o kaalaman. Gayunman, dapat pa rin tayong maging mapagpakumbaba. Kung hindi, sa halip na makabuti, baka makasamâ pa nga ang mga kaloob na taglay natin. Baka maging mapagmataas tayo dahil sa mga ito. (1 Cor. 4:7; Sant. 4:6) Kung talagang mapagpakumbaba tayo, sisikapin nating ituring ang iba bilang nakatataas sa atin. (Fil. 2:3) Hindi sasamâ ang loob natin kapag itinutuwid tayo, ni maiinis man kapag tinuturuan ng iba. Hindi natin ipagpipilitan ang sarili nating ideya, lalo’t hindi na ito kaayon ng mga bagong liwanag mula sa banal na espiritu. Hangga’t nananatili tayong mapagpakumbaba, patuloy tayong gagamitin ni Jehova at ng kaniyang Anak.—Luc. 1:51, 52.
7. Paano naging halimbawa ng kapakumbabaan sina Pablo at Apolos?
7 Nakakatulong din ang kapakumbabaan para maiwasan ang kompetisyon. Talagang gustong-gusto ni Satanas na magkabaha-bahagi ang unang-siglong mga Kristiyano! Laking tuwa niya siguro kung naging magkaribal ang dalawang mahuhusay na indibidwal gaya nina Apolos at apostol Pablo at nag-agawan sa pabor ng mga kapatid! At madali sana nilang nagawa ito, yamang sa Corinto, may ilang Kristiyanong nagsasabi, “Kay Pablo ako,” ngunit sinasabi naman ng iba, “Kay Apolos ako.” Pinatulan ba nina Pablo at Apolos ang magkasalungat na saloobing iyon? Hindi! Sa katunayan, kinilala ni Pablo ang naitulong ni Apolos sa gawain, at binigyan pa nga niya ito ng karagdagang pribilehiyo sa paglilingkod. At si Apolos naman ay naging masunurin kay Pablo. (1 Cor. 1:10-12; 3:6, 9; Tito 3:12, 13) Isa nga itong napakagandang halimbawa ng kapakumbabaan at pakikipagtulungan para sa atin sa ngayon!
‘Nangangatuwiran Para Hikayatin ang mga Tao Tungkol sa Kaharian ng Diyos’ (Gawa 18:23; 19:1-10)
8. Saan dumaan si Pablo pabalik sa Efeso, at bakit?
8 Nangako si Pablo na babalik siya sa Efeso, at tinupad niya ito. a (Gawa 18:20, 21) Subalit pansinin kung paano siya bumalik. Nasa Antioquia ng Sirya siya noon. Para makarating agad sa Efeso, puwede sana siyang pumunta sa Seleucia, at mula roon ay sumakay ng barko deretso sa kaniyang patutunguhan. Pero “naglakbay si Pablo sa daang malayo sa dagat.” Ayon sa isang pagtantiya, kung tutuntunin ang mga lugar na dinaanan ni Pablo gaya ng nakaulat sa Gawa 18:23 at 19:1, aabot nang mga 1,600 kilometro ang kaniyang nilakbay! Bakit naman nagpakahirap pa si Pablo? Kasi gusto niyang ‘patibayin ang lahat ng alagad.’ (Gawa 18:23) Gaya ng naunang dalawang paglalakbay, malaking sakripisyo rin sa kaniya ang ikatlong paglalakbay. Pero para sa kaniya, sulit na sulit iyon. Sa ngayon, ganiyan din ang saloobin ng mga tagapangasiwa ng sirkito at ng kani-kanilang asawa. Pinahahalagahan ba natin ang kanilang mapagsakripisyong pag-ibig?
9. Bakit kinailangang mabautismuhan muli ang ilang alagad, at anong aral ang matututuhan natin sa kanila?
9 Pagdating sa Efeso, mga 12 alagad ni Juan na Tagapagbautismo ang nadatnan ni Pablo. Nabautismuhan na sila ni Juan, pero wala na itong bisa. Bukod diyan, kaunti lang ang alam nila o wala silang kaalam-alam tungkol sa banal na espiritu. Kaya pinaliwanagan sila ni Pablo, at tulad ni Apolos, sila’y naging mapagpakumbaba at handang matuto. Matapos mabautismuhan sa pangalan ni Jesus, tumanggap sila ng banal na espiritu at ng ilang makahimalang kaloob. Kung gayon, maliwanag na nagdudulot ng pagpapala ang pagsunod sa mga tagubilin ng sumusulong na teokratikong organisasyon ni Jehova.—Gawa 19:1-7.
10. Bakit lumipat si Pablo sa awditoryum, at anong halimbawa sa ministeryo ang ipinapakita nito sa atin?
10 Isa pang halimbawa ng espirituwal na pagsulong ang makikita natin ngayon. Buong tapang na nangaral si Pablo sa sinagoga sa loob ng tatlong buwan. Bagaman siya’y ‘nangangatuwiran para hikayatin ang mga tao tungkol sa Kaharian ng Diyos,’ nagmatigas pa rin ang ilan at tahasang sumalansang. Sa halip na mag-aksaya ng panahon sa mga taong iyon na ‘patuloy na sinisiraan ang Daan,’ gumawa si Pablo ng mga kaayusan upang makapagpahayag sa isang awditoryum ng paaralan. (Gawa 19:8, 9) Para sa mga gustong sumulong sa espirituwal, kailangan nilang lumipat sa awditoryum mula sa sinagoga. Gaya ni Pablo, hindi rin tayo mag-aaksaya ng panahon sa pakikipag-usap sa isang taong ayaw namang makinig o gusto lang makipagtalo. Marami pang tulad-tupang mga tao ang kailangang mapaabutan ng ating nakapagpapasiglang mensahe!
11, 12. (a) Paano naging halimbawa si Pablo pagdating sa kasipagan at pakikibagay? (b) Paano sinisikap ng mga Saksi ni Jehova na makibagay sa mga tao at maging masipag sa kanilang ministeryo?
11 Marahil ay araw-araw na nagpahayag si Pablo sa awditoryum na iyon, posibleng mula 11:00 n.u. hanggang mga 4:00 n.h. (Tingnan ang study note sa Gawa 19:9, nwtsty.) Malamang na iyon ang mga oras na pinakatahimik at pinakamainit, at marami ang nanananghalian at nagpapahinga. Kung ganito ang naging iskedyul ni Pablo sa loob ng dalawang taon, siguradong mahigit 3,000 oras ang ginugol niya sa pagtuturo! b Isa na naman itong dahilan kung bakit patuloy na lumago at nanaig ang salita ni Jehova. Si Pablo ay masipag at marunong makibagay. Iniangkop niya ang iskedyul niya sa iskedyul ng mga tao sa lugar na iyon. Ang resulta? “Narinig ng lahat ng naninirahan sa lalawigan ng Asia ang salita ng Panginoon, kapuwa ng mga Judio at Griego.” (Gawa 19:10) Lubusan nga siyang nakapagpatotoo!
12 Ang mga Saksi ni Jehova sa ngayon ay masisipag din at marunong makibagay. Sinisikap nating makausap ang mga tao saanmang lugar at anumang oras na matatagpuan natin sila. Nagpapatotoo tayo sa mga lansangan, pamilihan, at mga paradahan. Nagpapatotoo rin tayo sa pamamagitan ng telepono o ng liham. At kapag nagbabahay-bahay, sinisikap nating puntahan ang mga tao sa mga oras na posibleng nasa bahay sila.
Gawa 19:11-22)
‘Lumalaganap at Nagtatagumpay’ Kahit Sinasalansang ng Masasamang Espiritu (13, 14. (a) Tinulungan ni Jehova si Pablo na gumawa ng ano? (b) Saan nagkamali ang mga anak na lalaki ni Esceva, at paanong nakakatulad nila ang marami sa Sangkakristiyanuhan sa ngayon?
13 Pagkatapos, iniulat ni Lucas na tinulungan ni Jehova si Pablo na gumawa ng “pambihirang mga himala.” Maging ang mga tela at damit na ginagamit ni Pablo ay nakapagpapagaling ng mga may sakit at nakapagpapalayas din ng masasamang espiritu. c (Gawa 19:11, 12) Balitang-balita ang mga tagumpay na ito laban sa mga kampon ni Satanas, pero hindi lahat ay natuwa.
14 Tinangka ng “mga Judiong lumilibot para magpalayas ng mga demonyo” na gayahin ang mga himala ni Pablo. Sinubukan pa nga ng ilan na gamitin ang pangalan ni Jesus at ni Pablo para magpalayas ng demonyo. Ayon sa ulat ni Lucas, ilan sa mga nagtangkang gumawa nito ay ang pitong anak na lalaki ni Esceva—kabilang sa isang pamilya ng mga saserdote. Sinabi sa kanila ng demonyo: “Kilala ko si Jesus at si Pablo; pero sino kayo?” Pagkasabi nito, parang mabangis na hayop na umatake ang sinanibang lalaki sa mga impostor na iyon, anupat hubad at sugatán silang nagtakbuhan. (Gawa 19:13-16) Isa nga itong malaking tagumpay para sa “salita ni Jehova,” yamang kitang-kitang walang binatbat ang mga tagapagtaguyod na iyon ng huwad na relihiyon kung ihahambing sa kapangyarihang ipinagkaloob kay Pablo. Milyon-milyon sa ngayon ang nag-aakalang sapat na ang basta pagtawag lamang sa pangalan ni Jesus o ang matawag silang “Kristiyano.” Subalit nilinaw ni Jesus na ang gumagawa lang ng kalooban ng kaniyang Ama ang may tunay na pag-asa sa hinaharap.—Mat. 7:21-23.
15. Pagdating sa espiritismo at sa mga gamit na may kaugnayan dito, paano natin matutularan ang halimbawa ng mga taga-Efeso?
15 Dahil sa kahihiyang inabot ng mga anak na lalaki ni Esceva, marami ang natakot sa Diyos, anupat iniwan nila ang kanilang espiritistikong mga gawain at naging mga mananampalataya. Bahagi na ng buhay ng mga taga-Efeso ang mahika. Pangkaraniwan na ang pangkukulam, mga bulong, at paggamit ng mga agimat. Napakilos ngayon ang mga taga-Efeso na ilabas at sunugin sa harap ng madla ang kanilang mga aklat sa mahika—bagaman lumilitaw na sa kabuoan, nagkakahalaga ang mga ito ng sampu-sampung libong dolyar, ayon sa kasalukuyang pagtantiya. d Iniulat ni Lucas: “Kaya sa makapangyarihang paraan, patuloy na lumaganap at nagtagumpay ang salita ni Jehova.” (Gawa 19:17-20) Isa ngang malaking tagumpay laban sa kasinungalingan at demonismo! Ang mga tapat na taga-Efeso ay nag-iwan ng magandang halimbawa para sa atin ngayon. Laganap din ang espiritismo sa ating panahon. Kung may makita tayong isang bagay sa mga gamit natin na may kaugnayan sa espiritismo, dapat nating tularan ang mga taga-Efeso—agad itong sirain, itapon, o sunugin! Iwasan natin at huwag panghinayangan ang gayong kasuklam-suklam na mga bagay.
“Nagkaroon ng Malaking Gulo” (Gawa 19:23-41)
16, 17. (a) Paano nagpasimula ng gulo si Demetrio sa Efeso? (b) Paano ipinakita ng mga taga-Efeso ang kanilang pagkapanatiko?
16 May panibagong taktika na naman si Satanas. Ito ang inilarawan ni Lucas nang isulat niya na “nagkaroon ng malaking gulo dahil sa Daan.” Ano kayang gulo ang tinutukoy rito? e (Gawa 19:23) Isang panday-pilak na nagngangalang Demetrio ang nagpasimula ng gulo. Nakuha niya ang atensiyon ng kaniyang kapuwa mga manggagawa nang ipaalaala niya sa kanila na malaki ang kinikita nila sa pagbebenta ng mga idolo. Pagkatapos, pinalabas niyang malulugi ang kanilang negosyo kapag nakinig ang mga tao sa mensahe ni Pablo, yamang hindi gumagamit ng idolo ang mga Kristiyano sa kanilang pagsamba. Saka niya sinamantala ang pagkamakabayan ng mga taga-Efeso sa pamamagitan ng pagbibigay-babala na ang kanilang diyosang si Artemis at ang kanilang bantog na templo ay nanganganib na “mabale-wala.”—Gawa 19:24-27.
17 Nasunod ang gustong mangyari ni Demetrio. Nagsisigaw ang mga panday-pilak, “Dakila si Artemis ng mga taga-Efeso!” Napuno ng kalituhan ang lunsod, na umakay sa kaguluhang binanggit sa pasimula ng kabanatang ito. f Palibhasa’y malakas ang loob ni Pablo at mapagsakripisyo, gusto sana niyang pumasok sa ampiteatro para kausapin ang mga tao, pero pinigilan siya ng mga alagad. Isang nagngangalang Alejandro ang tumayo sa harapan at nagtangkang magsalita. Dahil isang Judio, malamang na gusto niyang ipaliwanag ang pagkakaiba ng mga Judio at ng mga Kristiyanong ito. Pero bale-wala na rin iyon dahil hindi naman pakikinggan ng mga taong iyon ang paliwanag niya. Nang makita nilang isa siyang Judio, paulit-ulit silang sumigaw ng “Dakila si Artemis ng mga taga-Efeso!” sa loob ng mga dalawang oras. Ganiyang-ganiyan din ang mga panatiko sa relihiyon ngayon. Hindi sila nakikinig sa katuwiran.—Gawa 19:28-34.
18, 19. (a) Paano napatahimik ng pinuno ng lunsod ang mga tao sa Efeso? (b) Paano pinoprotektahan ng mga nasa kapangyarihan ang bayan ni Jehova kung minsan, at anong papel ang maaari nating gampanan para mabigyan ng gayong proteksiyon?
18 Sa wakas, napatahimik din ng pinuno ng lunsod ang mga tao. Buti na lang at bukás ang isip ng opisyal na ito. Tiniyak niya sa mga taong naroroon na hindi naman panganib ang mga Kristiyanong ito sa kanilang templo at sa kanilang diyosa, na walang ginawang masama si Pablo at ang kaniyang mga kasama laban sa templo ni Artemis, at na may legal na proseso para sa paglutas ng ganitong mga isyu. At tuluyang natauhan ang mga tao nang sabihin niya na sa batas ng Roma, puwede silang makasuhan dahil sa ilegal at magulong pagtitipong iyon. Pagkatapos, pinaalis niya ang mga tao. Dahil sa makatuwirang pananalitang ito, parang biglang binuhusan ng malamig na tubig ang nag-aapoy na galit ng mga tao.—Gawa 19:35-41.
19 Hindi ito ang unang pagkakataon na namagitan ang isang makatuwirang opisyal ng pamahalaan para protektahan ang mga tagasunod ni Jesus, at hindi rin naman ito ang huli. Sa katunayan, nakita ni apostol Juan sa isang pangitain na sa mga huling araw na ito, kikilos ang lupa, o ang mga nasa kapangyarihan, para ipagtanggol ang mga tagasunod ni Jesus mula sa matinding pag-uusig ni Satanas. (Apoc. 12:15, 16) At nangyayari nga ito. Maraming beses nang kinilala ng makatarungang mga hukom ang karapatan ng mga Saksi ni Jehova na magdaos ng mga pulong at mangaral ng mabuting balita sa iba. Siyempre pa, may papel na ginagampanan ang atin mismong paggawi. Ang paggawi ni Pablo ang malamang na naging dahilan kung kaya nakuha niya ang respeto ng ilang opisyal ng pamahalaan sa Efeso. Sa katunayan, ayaw nilang may mangyaring masama sa kaniya. (Gawa 19:31) Nawa’y mag-iwan din ng magandang impresyon sa iba ang ating tapat at magalang na paggawi. Malay natin, baka maganda ang maging epekto nito sa iba.
20. (a) Ano ang epekto sa iyo ng tagumpay ng salita ni Jehova noong unang siglo at maging sa ngayon? (b) Ano ang determinado mong gawin may kinalaman sa mga tagumpay ni Jehova sa ngayon?
20 Hindi ba’t nakapagpapatibay isipin kung paanong “patuloy na lumaganap at nagtagumpay ang salita ni Jehova” noong unang siglo? Nakapagpapatibay ring makita kung paanong si Jehova ay kumikilos para magtagumpay ang kaniyang bayan sa ating panahon. Gusto mo bang magkaroon ng bahagi sa tagumpay na ito, gaanuman ito kaliit? Kung gayon, ikapit ang mga natutuhan natin sa mga halimbawang tinalakay natin. Manatiling mapagpakumbaba, sundin ang mga tagubilin ng sumusulong na organisasyon ni Jehova, maging masipag, itakwil ang espiritismo, at gawin ang buong makakaya para makapagbigay ng mainam na patotoo sa pamamagitan ng iyong tapat at magalang na paggawi.
a Tingnan ang kahong “ Efeso—Kabisera ng Asia.”
b Isinulat din ni Pablo ang 1 Corinto habang siya’y nasa Efeso.
c Ang mga telang ito ay posibleng mga panyo na itinali ni Pablo sa noo niya para hindi tumulo ang pawis niya sa mata. Ang damit naman ay tumutukoy sa epron, at dahil nakasuot ng ganito si Pablo, ipinapakita nito na gumagawa siya ng tolda sa libreng oras niya, posibleng habang maagang-maaga pa.—Gawa 20:34, 35.
d Nabanggit ni Lucas ang halagang 50,000 pirasong pilak. Kung ito ay denario, katumbas ito ng suweldo noon ng isang manggagawa na nagtrabaho nang 50,000 araw—mga 137 taon—pitong araw kada linggo.
e Sinasabi ng ilan na ang pangyayaring ito ang tinutukoy ni Pablo nang sabihin niya sa mga taga-Corinto na ‘iniisip nilang mamamatay na sila.’ (2 Cor. 1:8) Pero posible rin namang isang mas mapanganib na sitwasyon ang tinutukoy niya. Nang isulat ni Pablo na “nakipaglaban [siya] sa mababangis na hayop sa Efeso,” maaaring ang tinutukoy niya ay ang mababangis na hayop sa isang arena o ang mismong pagsalansang ng mga tao. (1 Cor. 15:32) Alinman dito ay posible.
f Malakas din talaga ang puwersa ng gayong unyon ng mga manggagawa. Halimbawa, mga isang siglo pagkalipas ng pangyayaring iyon, nagpasimula rin ng malaking gulo ang unyon ng mga panadero sa Efeso.