KABANATA 21
“Ako ay Malinis sa Dugo ng Lahat ng Tao”
Ang sigasig ni Pablo sa ministeryo at ang payo niya sa matatanda
Batay sa Gawa 20:1-38
1-3. (a) Ilarawan ang mga pangyayari noong gabing mamatay si Eutico. (b) Ano ang ginawa ni Pablo, at ano ang ipinapakita ng insidenteng ito tungkol kay Pablo?
SI Pablo ay nasa lunsod ng Troas, sa isang silid sa itaas na punô ng tao. Palibhasa’y ito na ang huling gabing makakasama niya ang mga kapatid, inabot siya ng hatinggabi sa pagbibigay ng pahayag. May ilang nakasinding lampara sa loob ng silid kaya naging mausok at mas mainit ang paligid. Nakaupo sa isang bintana roon ang kabataang lalaki na si Eutico. Habang nagpapahayag si Pablo, nakatulog si Eutico at nahulog mula sa ikatlong palapag!
2 Palibhasa’y doktor, malamang na isa si Lucas sa mga unang tumakbo palabas para tingnan ang kabataan. Tulad ng kanilang pinangangambahan, “namatay” si Eutico. (Gawa 20:9) Pero may himalang naganap! Dumapa si Pablo sa kabataan at sinabi niya sa mga tao: “Huwag na kayong mag-alala, dahil buháy siya.” Binuhay-muli ni Pablo si Eutico!—Gawa 20:10.
3 Nakita sa insidenteng iyon ang kapangyarihan ng banal na espiritu ng Diyos. Hindi masisisi si Pablo sa pagkamatay ni Eutico. Gayunman, ayaw niyang pagmulan ng kalungkutan o katitisuran ang mahalagang okasyong iyon dahil sa pagkamatay ng kabataan. Sa pamamagitan ng pagbuhay-muli ni Pablo kay Eutico, iniwan niyang masayang-masaya ang kongregasyon anupat handa na silang ipagpatuloy ang kanilang ministeryo. Maliwanag na para kay Pablo, may malaking pananagutan siya sa buhay ng iba. Maaalaala natin ang kaniyang mga salita: “Ako ay malinis sa dugo ng lahat ng tao.” (Gawa 20:26) Tingnan natin kung paano makatutulong sa atin ang halimbawa ni Pablo.
‘Siya ay Naglakbay Papuntang Macedonia’ (Gawa 20:1, 2)
4. Anong napakahirap na karanasan ang pinagdaanan ni Pablo?
4 Gaya ng tinalakay sa naunang kabanata, napakahirap ng pinagdaanan ni Pablo. Lumikha ng malaking kaguluhan sa Efeso ang kaniyang ministeryo. Sa katunayan, nakisangkot sa kaguluhan ang mga panday-pilak na ang negosyo ay nakadepende sa pagsamba kay Artemis! Sinasabi sa Gawa 20:1: “Nang humupa ang kaguluhan, ipinatawag ni Pablo ang mga alagad. Pinatibay niya sila at nagpaalam, saka siya naglakbay papuntang Macedonia.”
5, 6. (a) Gaano kaya katagal namalagi si Pablo sa Macedonia, at ano ang ginawa niya para sa mga kapatid doon? (b) Paano pinakitunguhan ni Pablo ang kaniyang mga kapananampalataya?
5 Sa pagpunta ni Pablo sa Macedonia, dumaan muna siya sa daungan ng Troas at sandaling namalagi roon sa pag-asang magkikita sila ni Tito, na pinapunta niya noon sa Corinto. (2 Cor. 2:12, 13) Pero nang matiyak ni Pablo na hindi darating si Tito, tumuloy na siya sa Macedonia at marahil ay namalagi roon nang isang taon o higit pa habang “[nagbibigay] ng maraming pampatibay sa mga naroon.” a (Gawa 20:2) Nang dakong huli, sumunod si Tito sa Macedonia, dala ang magandang balita tungkol sa naging tugon ng mga taga-Corinto sa unang liham ni Pablo. (2 Cor. 7:5-7) Ito ang nag-udyok kay Pablo para sumulat muli sa kanila, at iyon nga ang 2 Corinto.
6 Pansinin na ginamit ni Lucas ang mga salitang “pinatibay” at “pampatibay” para ilarawan ang pagdalaw ni Pablo sa mga kapatid sa Efeso at Macedonia. Kitang-kita sa pananalitang ito na talagang may malasakit si Pablo sa mga kapananampalataya niya! Ibang-iba si Pablo sa mga Pariseo na ang tingin sa pangkaraniwang mga tao ay napakababa. Para sa kaniya, ang mga tupa ay kamanggagawa niya. (Juan 7:47-49; 1 Cor. 3:9) Hindi nagbago ang tingin ni Pablo sa kaniyang mga kapatid kahit may mga pagkakataong kailangan niya silang bigyan ng mapuwersang payo.—2 Cor. 2:4.
7. Paano tinutularan ng mga tagapangasiwang Kristiyano sa ngayon si Pablo?
7 Sa ngayon, sinisikap ng mga elder sa kongregasyon at ng mga tagapangasiwa ng sirkito na tularan si Pablo. Kahit sinasaway nila ang mga nangangailangan ng pagtutuwid, ang tunguhin pa rin nila ay ang palakasin ang mga ito. Ang mga tagapangasiwa ay nagpapatibay nang may empatiya, at hindi lamang basta humahatol. Sinabi ng isang makaranasang tagapangasiwa ng sirkito: “Karaniwan nang gustong gawin ng mga kapatid kung ano ang tama, pero nadaraig sila ng mga kabiguan at takot, at pakiramdam nila’y wala na silang magagawa.” Malaki ang magagawa ng mga tagapangasiwa para mapalakas ang mga kapatid na ito.—Heb. 12:12, 13.
“May Pakana . . . Laban sa Kaniya” (Gawa 20:3, 4)
8, 9. (a) Bakit biglang nagbago ang plano ni Pablo na pumunta sa Sirya? (b) Bakit kaya may kinikimkim na galit ang mga Judio laban kay Pablo?
8 Pagkagaling sa Macedonia, nagpunta si Pablo sa Corinto. b Matapos gumugol ng tatlong buwan doon, nagplano siyang sumakay ng barko sa Cencrea papuntang Sirya. Mula sana sa Sirya, pupunta siya ng Jerusalem para dalhin ang mga abuloy para sa mahihirap na kapatid doon. c (Gawa 24:17; Roma 15:25, 26) Pero biglang nagbago ang plano ni Pablo, dahil ayon sa Gawa 20:3, “nalaman niyang may pakana ang mga Judio laban sa kaniya”!
9 Hindi nga kataka-takang magkimkim ng galit ang mga Judio kay Pablo dahil para sa kanila, isa siyang apostata. Kailan lang ay nakumberte niya si Crispo—isang kilalang tao sa sinagoga sa Corinto. (Gawa 18:7, 8; 1 Cor. 1:14) Sa isa namang pagkakataon, nagsampa ng reklamo ang mga Judio sa Corinto laban kay Pablo sa harap ni Galio, ang proconsul ng Acaya. Pero ibinasura ni Galio ang kaso—isang desisyong labis na ikinagalit ng mga kaaway ni Pablo. (Gawa 18:12-17) Malamang na natunugan ng mga Judio sa Corinto na sasakay ng barko si Pablo sa Cencrea, kaya nagplano silang tambangan siya roon. Ano kaya ang gagawin ni Pablo?
10. Masasabi bang duwag si Pablo dahil hindi siya tumuloy sa Cencrea? Ipaliwanag.
10 Para makaiwas sa panganib—at para maingatan ang dalang abuloy—hindi na tumuloy si Pablo sa Cencrea at bumalik na lang sa Macedonia. Mapanganib din ang paglalakbay sa daan. Laging may nakaabang na mga magnanakaw. At hindi rin ligtas ang mga bahay-tuluyan. Pero minabuti pa ni Pablo na suungin ang panganib sa daan, kaysa harapin ang nakaabang sa kaniya sa Cencrea. Buti na lang at hindi siya nag-iisa. Kasama niyang naglalakbay noon sina Aristarco, Gayo, Segundo, Sopatro, Timoteo, Tiquico, at Trofimo.—Gawa 20:3, 4.
11. Paano nag-iingat ang mga Kristiyano sa ngayon, at anong halimbawa ang ipinakita ni Jesus may kinalaman dito?
11 Gaya ni Pablo, nag-iingat din ang mga Kristiyano sa ngayon kapag nasa ministeryo. Sa ilang lugar, grupo-grupo—o dala-dalawa—silang nagpupunta sa teritoryo sa halip na maglakbay nang nag-iisa. Kumusta naman kapag may pag-uusig? Alam ng mga Kristiyano na mangyayari’t mangyayari ang pag-uusig. (Juan 15:20; 2 Tim. 3:12) Pero hindi naman nila kusang isinasapanganib ang kanilang sarili. Tingnan ang halimbawa ni Jesus. May pagkakataong “nagtago si Jesus at lumabas sa templo” nang makita niyang babatuhin siya ng mga mananalansang sa Jerusalem. (Juan 8:59) Di-nagtagal, tinangka ng mga Judio na patayin siya. Kaya sinabi ng ulat: “Patago nang naglakbay si Jesus para hindi siya makita ng mga Judio. Umalis siya roon papunta sa isang lugar malapit sa ilang.” (Juan 11:54) Sinikap ni Jesus na protektahan ang kaniyang sarili, lalo’t hindi naman ito salungat sa kalooban ng Diyos para sa kaniya. Ganiyan din ang ginagawa ng mga Kristiyano sa ngayon.—Mat. 10:16.
“Masayang-masaya Sila” (Gawa 20:5-12)
12, 13. (a) Ano ang nadama ng kongregasyon nang buhaying muli si Eutico? (b) Anong salig-Bibliyang pag-asa ang nagbibigay-kaaliwan sa mga namamatayan ng mahal sa buhay sa ngayon?
12 Si Pablo at ang mga kasama niya ay lumibot sa Macedonia, at saka sila naghiwa-hiwalay. Lumilitaw na nagkasama-sama silang muli sa Troas. d Sinasabi ng ulat: “Nagkita-kita kami sa Troas makalipas ang limang araw.” e (Gawa 20:6) Dito binuhay-muli ang kabataang lalaking si Eutico, gaya ng isinalaysay sa pasimula ng kabanatang ito. Tiyak na tuwang-tuwa ang mga kapatid nang makita nilang nabuhay-muli ang kanilang kasamang si Eutico! Gaya ng sinasabi ng ulat, “masayang-masaya sila.”—Gawa 20:12.
13 Siyempre pa, wala nang gayong mga himala sa ngayon. Pero dahil sa salig-Bibliyang pag-asa na pagkabuhay-muli, ‘masaya’ pa rin ang mga namamatayan ng mahal sa buhay. (Juan 5:28, 29) Pansinin: Palibhasa’y di-perpekto, namatay ulit si Eutico nang maglaon. (Roma 6:23) Pero ang mga bubuhaying muli sa bagong sanlibutan ng Diyos ay may pag-asang mabuhay nang walang hanggan! At ang mga bubuhaying muli naman para makasama ni Jesus sa paghahari sa langit ay bibigyan ng imortalidad. (1 Cor. 15:51-53) Ang mga Kristiyano sa ngayon—pinahiran man o “ibang mga tupa”—ay may mabuting dahilan para maging “masayang-masaya.”—Juan 10:16.
“Nang Hayagan at sa Bahay-bahay” (Gawa 20:13-24)
14. Ano ang sinabi ni Pablo sa matatanda sa Efeso nang magkita sila sa Mileto?
14 Si Pablo at ang kaniyang mga kasama ay naglakbay mula sa Troas patungo sa Asos, pagkatapos ay sa Mitilene, Kios, Samos, at Mileto. Gusto ni Pablo na makabalik agad sa Jerusalem para maabutan ang Kapistahan ng Pentecostes. Dahil nagmamadali siya, sumakay siya ng barkong hindi na dadaan ng Efeso. Pero yamang gustong makausap ni Pablo ang matatanda sa Efeso, hiniling niyang magkita sila sa Mileto. (Gawa 20:13-17) Pagdating nila, sinabi ni Pablo sa kanila: “Alam na alam ninyo kung paano ako namuhay kasama ninyo mula nang unang araw na dumating ako sa lalawigan ng Asia. Nagpaalipin ako sa Panginoon nang buong kapakumbabaan, na may mga luha at pagsubok dahil sa mga pakana ng mga Judio; hindi rin ako nag-atubiling sabihin sa inyo ang anumang bagay na kapaki-pakinabang o turuan kayo nang hayagan at sa bahay-bahay. Kundi lubusan akong nagpatotoo kapuwa sa mga Judio at Griego tungkol sa pagsisisi at pagbaling sa Diyos at pananampalataya sa ating Panginoong Jesus.”—Gawa 20:18-21.
15. Ano-ano ang bentaha ng pagpapatotoo sa bahay-bahay?
15 Maraming paraan para mapaabutan ng mabuting balita ang mga tao sa ngayon. Gaya ni Pablo, sinisikap nating puntahan ang mga tao saanman sila naroroon, halimbawa’y sa mga istasyon ng bus, mataong lansangan, o mga pamilihan. Pero ang pangunahing pamamaraan pa rin ng mga Saksi ni Jehova ay ang pagbabahay-bahay. Bakit? Una, nabibigyan natin ng pagkakataon ang lahat ng tao na marinig nang regular ang mensahe ng Kaharian, na nagpapakitang hindi nagtatangi ang Diyos. Personal din nating natutulungan ang tapat-pusong mga tao. Bukod diyan, napapatibay nito ang ating pananampalataya at natututo tayong magtiis. Sa katunayan, ang mga Kristiyano sa ngayon ay kilala sa kanilang sigasig sa pagpapatotoo “nang hayagan at sa bahay-bahay.”
16, 17. Paano ipinakita ni Pablo na siya’y walang takot, at paano tinutularan ng mga Kristiyano sa ngayon ang kaniyang halimbawa?
16 Sinabi ni Pablo sa matatanda sa Efeso na hindi niya alam kung anong mga panganib ang nakaabang sa kaniya sa Jerusalem. “Gayunman, hindi ko itinuturing na mahalaga ang sarili kong buhay,” ang sabi niya sa kanila, “matapos ko lang ang aking takbuhin at ang ministeryong tinanggap ko mula sa Panginoong Jesus, na lubusang magpatotoo tungkol sa mabuting balita ng walang-kapantay na kabaitan ng Diyos.” (Gawa 20:24) Walang takot si Pablo at hindi niya hinayaang makahadlang ang anumang sitwasyon—pagkakasakit man o matinding pagsalansang—sa pagtupad niya sa kaniyang atas.
17 Sa ngayon, ang mga Kristiyano ay napapaharap din sa iba’t ibang mahihirap na sitwasyon. Ang ilan ay dumaranas ng pag-uusig at pagbabawal mula sa pamahalaan. Ang iba naman ay pinahihirapan ng pisikal o emosyonal na karamdaman. Nagiging problema ng mga kabataang Kristiyano ang panggigipit ng mga kaeskuwela. Anumang sitwasyon ang mapaharap sa mga Saksi ni Jehova, nananatili silang matatag gaya ni Pablo. Determinado sila na “lubusang magpatotoo tungkol sa mabuting balita.”
“Bigyang-Pansin Ninyo ang Inyong Sarili at ang Buong Kawan” (Gawa 20:25-38)
18. Paano nanatiling walang pagkakasala sa dugo si Pablo, at paano ito matutularan ng matatanda sa Efeso?
18 Matapos ipahayag ni Pablo ang kaniyang determinasyong magpatuloy sa kaniyang ministeryo sa kabila ng mahihirap na kalagayan, sinabi niya sa matatanda sa Efeso na baka iyon na ang huli nilang pagkikita. Pagkatapos, tuwiran niya silang pinayuhan batay sa kaniyang sariling halimbawa. Sinabi niya: “Ako ay malinis sa dugo ng lahat ng tao, dahil hindi ko ipinagkait na sabihin sa inyo ang lahat ng kalooban ng Diyos.” Paano kaya matutularan ng matatanda sa Efeso si Pablo, anupat maituturing din silang walang pagkakasala sa dugo? Sinabi niya sa kanila: “Bigyang-pansin ninyo ang inyong sarili at ang buong kawan; inatasan kayo ng banal na espiritu para maging mga tagapangasiwa nila, para magpastol sa kongregasyon ng Diyos, na binili niya ng dugo ng sarili niyang Anak.” (Gawa 20:26-28) Nagbabala si Pablo na maaaring makapasok sa kawan ang “malulupit na lobo” na “pipilipit sa katotohanan para ilayo ang mga alagad at pasunurin sa kanila.” Ano ang dapat gawin ng matatanda? “Manatili kayong gisíng,” ang babala ni Pablo, “at isaisip ninyo na sa loob ng tatlong taon, gabi at araw, walang-sawa kong pinaalalahanan ang bawat isa sa inyo nang may pagluha.”—Gawa 20:29-31.
19. Anong apostasya ang lumitaw sa pagtatapos ng unang siglo, at saan humantong ang apostasyang ito sa paglipas ng mga siglo?
19 Lumitaw ang “malulupit na lobo” sa pagtatapos ng unang siglo. Noong mga 98 C.E., sumulat si apostol Juan: “Marami na ngang lumitaw na antikristo . . . Lumabas sila mula sa atin, pero hindi natin sila kauri; dahil kung kauri natin sila, nanatili sana silang kasama natin.” (1 Juan 2:18, 19) Pagsapit ng ikatlong siglo, lumitaw naman ang uring klero ng Sangkakristiyanuhan dahil sa apostasya, at noong ikaapat na siglo, opisyal na kinilala ni Emperador Constantino ang tiwaling anyong ito ng “Kristiyanismo.” Ang totoo, nang isama ng mga lider ng relihiyon sa “Kristiyanismo” ang mga paganong ritwal, ‘pinilipit nila ang katotohanan.’ Nakikita pa rin hanggang ngayon ang impluwensiya ng apostasyang iyan sa mga turo at kostumbre ng Sangkakristiyanuhan.
20, 21. Paano naging mapagsakripisyo si Pablo, at paano siya matutularan ng mga Kristiyanong elder sa ngayon?
20 Ibang-iba si Pablo sa mga lider na pinagsasamantalahan ang kawan sa paglipas ng panahon. Naghanapbuhay siya para tustusan ang kaniyang sarili at hindi maging pabigat sa kongregasyon. Ang mga pagsisikap niya alang-alang sa mga kapananampalataya ay hindi para sa materyal na pakinabang. Hinimok ni Pablo ang matatanda sa Efeso na maging mapagsakripisyo. Sinabi niya sa kanila: “Kailangan ninyong magpagal sa pagtulong sa mahihina. At lagi ninyong tandaan ang sinabi mismo ng Panginoong Jesus: ‘May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.’”—Gawa 20:35.
21 Gaya ni Pablo, mapagsakripisyo rin ang mga Kristiyanong elder sa ngayon. Hindi nila ginagawa ang ‘pagpapastol sa kongregasyon ng Diyos’ para sa sarili nilang pakinabang—malayong-malayo sa klero ng Sangkakristiyanuhan na pinagsasamantalahan ang kawan nila. Walang lugar sa kongregasyong Kristiyano ang mga mapagmataas at ambisyoso, yamang sa bandang huli, ang mga naghahanap ng “sariling karangalan” ay mabibigo. (Kaw. 25:27) Ang kapangahasan ay hahantong lang sa kahihiyan.—Kaw. 11:2.
22. Bakit napamahal si Pablo sa matatanda sa Efeso?
22 Minahal ni Pablo ang kaniyang mga kapatid, kaya naman napamahal din siya sa kanila. Sa katunayan, nang paalis na siya, “nag-iyakan silang lahat, at niyakap nila si Pablo at hinalikan.” (Gawa 20:37, 38) Talaga ngang pinahahalagahan at minamahal ng mga Kristiyano ang mga gaya ni Pablo na nagsasakripisyo alang-alang sa kawan. Matapos isaalang-alang ang napakagandang halimbawa ni Pablo, malamang na sasang-ayon kang hindi siya nagyayabang ni nagmamalabis man nang sabihin niya: “Ako ay malinis sa dugo ng lahat ng tao.”—Gawa 20:26.
a Tingnan ang kahong “ Mga Liham ni Pablo Habang Nasa Macedonia.”
b Malamang na nasa Corinto si Pablo nang isulat niya ang kaniyang liham sa Mga Taga-Roma.
c Tingnan ang kahong “ Nagdala si Pablo ng mga Abuloy.”
d Ipinapakita ng paggamit ni Lucas ng panghalip na “kami” sa Gawa 20:5, 6 na nagkasama sila ulit ni Pablo sa Filipos; nagkahiwalay kasi sila noon sa Filipos nang ilang panahon.—Gawa 16:10-17, 40.
e Kung ihahambing sa naunang paglalakbay na inabot lamang ng dalawang araw, sa pagkakataong ito, umabot nang limang araw ang paglalakbay mula sa Filipos hanggang Troas, maaaring dahil sa malalakas na hangin.—Gawa 16:11.