Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

KABANATA 27

“Lubusang Pagpapatotoo”

“Lubusang Pagpapatotoo”

Kahit nakabilanggo sa Roma, patuloy pa ring nangaral si Pablo

Batay sa Gawa 28:11-31

1. Ano ang natitiyak nina Pablo, at bakit?

 ISANG barko na may simbolo ng “Mga Anak ni Zeus,” malamang na isang malaking barko na kinakargahan ng butil, ang naglalayag mula sa isla ng Malta sa Mediteraneo patungong Italya. Noon ay mga 59 C.E. Nakasakay sa barko si apostol Pablo—isang bilanggong binabantayan—at ang mga kapananampalataya niyang sina Lucas at Aristarco. (Gawa 27:2) Di-gaya ng mga mandaragat ng barko, ang mga ebanghelisador na ito ay hindi umaasang ipagsasanggalang sila ng mga anak ng Griegong diyos na si Zeus—ang kambal na sina Castor at Pollux. (Tingnan ang study note sa Gawa 28:11, nwtsty.) Sa halip, naglilingkod sila kay Jehova, na nagsabing magpapatotoo si Pablo sa Roma at haharap kay Cesar.​—Gawa 23:11; 27:24.

2, 3. Ano ang naging ruta ng barkong sinasakyan ni Pablo, at sino ang sumusuporta kay Pablo mula pa sa pasimula?

2 Tatlong araw pagkadaong sa Siracusa, isang magandang lunsod sa Sicilia na kilala rin gaya ng Atenas at Roma, ang barko ay naglayag patungong Regio sa gawing timog ng Italya. Pagkaraan ng isang araw sa Regio, humihip ang hangin mula sa timog kaya mabilis na nakapaglayag ang barko nang 320 kilometro, at sa ikalawang araw ay nakarating sa daungan ng Puteoli sa Italya (malapit sa Naples ngayon).​—Gawa 28:12, 13.

3 Nasa huling bahagi na ngayon si Pablo ng kaniyang paglalakbay patungong Roma para humarap kay Emperador Nero. Sa buong paglalakbay na ito, hindi siya pinabayaan ng “Diyos na nagbibigay ng kaaliwan.” (2 Cor. 1:3) Gaya ng makikita natin, hindi man lamang nabawasan ang suportang iyon; ni ang sigasig ni Pablo bilang misyonero.

‘Nagpasalamat si Pablo sa Diyos at Lumakas ang Loob Niya’ (Gawa 28:14, 15)

4, 5. (a) Paano tinanggap ng mga kapatid sa Puteoli sina Pablo, at bakit kaya siya pinagkalooban ng pantanging kalayaan? (b) Kahit nakabilanggo, paano nakikinabang ang mga Kristiyano mula sa kanilang mabuting paggawi?

4 Sa Puteoli, ‘may nakita sina Pablo na mga kapatid at hiniling nila na manatili sila nang pitong araw.’ (Gawa 28:14) Isang napakagandang halimbawa ng Kristiyanong pagkamapagpatuloy! Tiyak na napakalaking pagpapala naman para sa mapagpatuloy na mga kapatid na iyon ang pampatibay nina Pablo. Pero bakit kaya pagkakalooban ng ganoong pantanging kalayaan ang isang bilanggong binabantayan? Posibleng dahil nakuha ni Pablo ang tiwala ng kaniyang mga bantay na Romano.

5 Sa ngayon, ang mga lingkod ni Jehova na nakabilanggo ay madalas ding pinagkakalooban ng pantanging kalayaan at konsiderasyon dahil sa kanilang Kristiyanong paggawi. Halimbawa, sa Romania, isang lalaking may sentensiyang 75-taóng pagkabilanggo dahil sa pagnanakaw ang nagsimulang mag-aral ng Salita ng Diyos at nagbagong-buhay. Bilang resulta, siya ang pinagkatiwalaan ng mga guwardiya na pumunta sa bayan—nang walang bantay—para bumili ng mga suplay sa bilangguan! Siyempre pa, si Jehova ang naluluwalhati dahil sa ating mabuting paggawi.​—1 Ped. 2:12.

6, 7. Paano nagpakita ng pambihirang pag-ibig ang mga kapatid sa Roma?

6 Mula sa Puteoli, malamang na 50 kilometro ang nilakad nina Pablo papuntang Capua sa Daang Apio, ang daan papuntang Roma. Ang kilalang daang ito na may malalaking bato mula sa bulkan ay may magagandang tanawin ng mga bukid sa Italya at ng Dagat Mediteraneo. Habang naglalakad sila sa Daang Apio, nadaanan nila ang Pontine Marshes, isang maputik na lugar na mga 60 kilometro mula sa Roma, kung saan makikita ang Pamilihan ng Apio. Isinulat ni Lucas na “nang mabalitaan ng mga kapatid sa Roma” ang tungkol sa kanila, sinalubong sila ng ilan sa Pamilihan, samantalang ang iba ay naghintay sa Tatlong Taberna, isang pahingahan na mga 50 kilometro ang layo mula sa Roma. Pambihirang pag-ibig nga!—Gawa 28:15.

7 Hindi magandang lugar ang Pamilihan ng Apio para pagpahingahan ng isang pagod na manlalakbay. Inilarawan ng makatang Romanong si Horace na sa Pamilihan, “siksikan ang mga mandaragat at mga walang-modong may-ari ng bahay-tuluyan.” Isinulat niya na “napakabaho ng tubig” doon. Hindi nga siya makakain sa lugar na iyon! Pero kahit napakahirap ng paglalakbay, masayang sinalubong si Pablo at ang mga kasama niya ng ilang kapatid mula sa Roma para samahan sila sa paglalakbay at siguraduhing ligtas silang makakarating sa destinasyon nila.

8. Bakit nagpasalamat si Pablo sa Diyos “nang makita” niya ang mga kapatid?

8 Ayon sa ulat, nang makita ni Pablo ang mga kapatid, “nagpasalamat siya sa Diyos at lumakas ang loob niya.” (Gawa 28:15) Oo, natanaw pa lang niya ang minamahal na mga kapatid na ito, na ang ilan ay malamang na kilala ng apostol, lumakas na agad ang loob niya at naaliw. Bakit nagpasalamat si Pablo sa Diyos? Alam niyang isa sa katangian na bunga ng espiritu ang mapagsakripisyong pag-ibig. (Gal. 5:22) Sa ngayon, pinakikilos din ng banal na espiritu ang mga Kristiyano na magsakripisyo para sa isa’t isa at patibayin ang mga nangangailangan.​—1 Tes. 5:11, 14.

9. Paano natin matutularan ang saloobin ng mga kapatid na sumalubong kina Pablo?

9 Halimbawa, inuudyukan ng banal na espiritu ang mapagpatuloy na mga kapatid na paglaanan ang mga tagapangasiwa ng sirkito, mga misyonero, at iba pang buong-panahong ministro, na nagsasakripisyo nang malaki para higit pang makapaglingkod kay Jehova. Tanungin ang sarili: ‘May magagawa pa kaya ako para masuportahan ang dalaw ng tagapangasiwa ng sirkito? Paano ko maipapakita ang pagiging mapagpatuloy sa kaniya at sa asawa niya, kung mayroon? Puwede kaya akong maglaan ng panahon para sumama sa kanila sa ministeryo?’ Kapag ginawa mo iyan, maaari kang tumanggap ng saganang pagpapala. Halimbawa, tiyak na tuwang-tuwa ang mga kapatid sa Roma nang marinig nila ang mga nakapagpapatibay na karanasan nina Pablo.​—Gawa 15:3, 4.

“Masama ang Sinasabi ng mga Tao Saanmang Lugar” (Gawa 28:16-22)

10. Ano ang kalagayan ni Pablo sa Roma, at ano ang ginawa ng apostol mga ilang araw pagdating niya roon?

10 Pagdating sa Roma, “pinayagan si Pablo na tumirang mag-isa sa bahay niya pero may sundalong magbabantay sa kaniya.” (Gawa 28:16) Ang mga bilanggong sa bahay lang nakakulong ay kailangang itanikala sa kanilang bantay para hindi makatakas. Pero si Pablo ay isang tagapaghayag ng Kaharian, at walang tanikalang makahahadlang sa kaniya. Kaya nang makabawi-bawi na siya ng lakas pagkalipas ng tatlong araw, ipinatawag niya ang mga prominenteng lalaking Judio sa Roma para ipakilala ang kaniyang sarili at makapagpatotoo sa kanila.

11, 12. Paano sinikap ni Pablo na alisin ang anumang maling akala sa kaniya ng kausap niyang mga Judio?

11 “Mga kapatid,” ang sabi ni Pablo, “bagaman wala akong ginawang laban sa bayan o sa kaugalian ng mga ninuno natin, ibinigay ako sa mga Romano bilang isang bilanggo mula sa Jerusalem. At pagkatapos nila akong pagtatanungin, gusto nila akong palayain, dahil wala silang makitang dahilan para patayin ako. Pero nang tumutol ang mga Judio, napilitan akong umapela kay Cesar, pero hindi dahil sa may reklamo ako sa aking bansa.”​—Gawa 28:17-19.

12 Tinawag ni Pablo na “mga kapatid” ang kausap niyang mga Judio para maging palagay sila sa kaniya at maalis ang anumang maling akala nila sa kaniya. (1 Cor. 9:20) Nilinaw rin niya na naroroon siya, hindi para akusahan ang kaniyang mga kapuwa Judio, kundi para umapela kay Cesar. Pero noon lang nabalitaan ng mga Judiong nasa Roma ang pag-apela ni Pablo. (Gawa 28:21) Bakit kaya hindi ito agad naibalita sa kanila ng mga Judiong nasa Judea? Sinasabi ng isang reperensiyang akda: “Malamang na ang barkong sinakyan ni Pablo ang isa sa mga unang dumating sa Italya pagkatapos ng taglamig, at malamang na wala pang dumarating na kinatawan ng mga Judiong awtoridad sa Jerusalem, o liham tungkol sa kaso.”

13, 14. Paano iniharap ni Pablo ang paksa ng Kaharian, at paano natin siya matutularan?

13 Iniharap ngayon ni Pablo ang paksa ng Kaharian sa pamamagitan ng mga salitang siguradong aantig sa interes ng kaniyang mga panauhing Judio. Sinabi niya: “Iyan ang dahilan kung bakit ko kayo gustong makita at makausap. Nakatanikala ako dahil sa kaniya na hinihintay ng Israel.” (Gawa 28:20) Siyempre pa, hindi matutupad ang pag-asang iyan kung wala ang Mesiyas at ang kaniyang Kaharian, gaya ng inihahayag ng kongregasyong Kristiyano. “Gusto rin naming marinig ang sasabihin mo,” ang sagot ng matatandang lalaki ng mga Judio, “dahil masama ang sinasabi ng mga tao saanmang lugar tungkol sa sektang ito.”​—Gawa 28:22.

14 Kapag may pagkakataon tayong ibahagi sa iba ang mabuting balita, matutularan natin si Pablo sa pamamagitan ng paggamit ng mga salita o tanong na makakaantig sa interes ng mga tagapakinig. Makakakita tayo ng magagandang mungkahi sa mga publikasyong gaya ng Nangangatuwiran Mula sa Kasulatan, Makinabang sa Edukasyon Mula sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo, at Maging Mahusay sa Pagbabasa at Pagtuturo. Ginagamit mo ba ang mga pantulong na ito sa pag-aaral ng Bibliya?

Isang Huwaran ng “Lubusang Pagpapatotoo” (Gawa 28:23-29)

15. Anong mga aral ang matututuhan natin sa pagpapatotoo ni Pablo?

15 Pagsapit ng napagkasunduan nilang araw, “mas marami” pang Judio sa Roma ang nagpunta sa tinutuluyan ni Pablo. Ipinaliwanag ni Pablo sa kanila ang Kasulatan “mula umaga hanggang gabi . . . sa pamamagitan ng lubusang pagpapatotoo tungkol sa Kaharian ng Diyos at hinikayat niya silang maniwala kay Jesus gamit ang Kautusan ni Moises at ang mga Propeta.” (Gawa 28:23) May matututuhan tayo sa pagpapatotoo ni Pablo. Una, nagtuon siya ng pansin sa Kaharian ng Diyos. Ikalawa, nagpatotoo siya sa pamamagitan ng panghihikayat. Ikatlo, nangatuwiran siya mula sa Kasulatan. Ikaapat, naging mapagsakripisyo siya, anupat nagpatotoo “mula umaga hanggang gabi.” Isa ngang napakagandang halimbawa! Ang resulta? “Naniwala ang ilan,” pero ang iba ay hindi. Nang hindi sila magkasundo, “umalis sila,” ang sabi ni Lucas.​—Gawa 28:24, 25a.

16-18. Bakit hindi na bago kay Pablo ang negatibong reaksiyon ng mga Judio sa Roma, at paano tayo dapat tumugon kapag tinatanggihan ang ating mensahe?

16 Hindi na bago kay Pablo ang gayong reaksiyon dahil inihula ito ng Bibliya at marami na siyang nakausap na ganoon ang reaksiyon. (Gawa 13:42-47; 18:5, 6; 19:8, 9) Sinabi ni Pablo sa manhid na mga panauhing paalis na: “Tama ang sinabi ng banal na espiritu sa inyong mga ninuno sa pamamagitan ni Isaias na propeta, ‘Pumunta ka sa bayang ito, at sabihin mo: “Maririnig ninyo iyon pero hindi ninyo mauunawaan, at titingin kayo pero wala kayong makikita. Dahil ang puso ng bayang ito ay naging manhid.”’” (Gawa 28:25b-27) Ang orihinal na salitang isinaling “manhid” ay nagpapahiwatig ng pusong “makapal,” o “mataba,” kaya hindi makatagos ang mensahe ng Kaharian. (Gawa 28:27) Napakasaklap nga!

17 Bilang pagtatapos, sinabi ni Pablo na ang ‘ibang mga bansa ay tiyak na makikinig,’ di-gaya ng kaniyang mga tagapakinig na Judio. (Gawa 28:28; Awit 67:2; Isa. 11:10) Hindi matututulan ang sinabing iyon ng apostol, dahil nasaksihan niya mismo ang pagtugon ng maraming Gentil sa mensahe ng Kaharian!—Gawa 13:48; 14:27.

18 Gaya ni Pablo, hindi tayo dapat mainis kapag tinatanggihan ng mga tao ang mabuting balita. Tutal, alam nating kakaunti lang talaga ang makakahanap sa daan ng buhay. (Mat. 7:13, 14) Samantala, kapag nakikisama na sa tunay na pagsamba ang mga nakaayon sa buhay na walang hanggan, dapat tayong magsaya at mainit silang tanggapin.​—Luc. 15:7.

“Ipinangangaral . . . ang Kaharian ng Diyos” (Gawa 28:30, 31)

19. Ano ang ginawa ni Pablo kahit na nakakulong siya sa isang bahay sa Roma?

19 Talagang nakapagpapatibay ang konklusyon ni Lucas sa aklat ng Mga Gawa. Sinabi niya: “Dalawang taon siyang [si Pablo] nanatili sa inuupahan niyang bahay, at malugod niyang tinatanggap ang lahat ng pumupunta sa kaniya; ipinangangaral niya sa kanila ang Kaharian ng Diyos at itinuturo ang tungkol sa Panginoong Jesu-Kristo nang may buong kalayaan sa pagsasalita, nang walang hadlang.” (Gawa 28:30, 31) Isa ngang napakagandang halimbawa ng pagkamapagpatuloy, pananampalataya, at kasigasigan!

20, 21. Bumanggit ng ilan sa mga nakinabang sa ministeryo ni Pablo sa Roma.

20 Ang isa sa malugod na tinanggap ni Pablo ay ang lalaking nagngangalang Onesimo, isang takas na alipin mula sa Colosas. Tinulungan ni Pablo si Onesimo na maging Kristiyano, at si Onesimo naman ay naging isang ‘tapat at minamahal na kapatid’ kay Pablo. Tinawag pa nga ni Pablo na ‘anak si Onesimo dahil naging ama siya nito.’ (Col. 4:9; Flm. 10-12) Tiyak na isang pampatibay si Onesimo kay Pablo! a

21 May iba pang nakinabang sa magandang halimbawa ni Pablo. Sumulat siya sa mga taga-Filipos: “Nakatulong pa sa ikasusulong ng mabuting balita ang sitwasyon ko, dahil nalaman ng mga Guwardiya ng Pretorio at ng lahat ng iba pa na nakagapos ako bilang bilanggo alang-alang kay Kristo. At dahil sa mga gapos ko sa bilangguan, lumakas ang loob ng karamihan sa mga kapatid na kaisa ng Panginoon, at lalo pa nilang inihahayag ang salita ng Diyos nang walang takot.”​—Fil. 1:12-14.

22. Ano ang sinamantalang gawin ni Pablo habang nakabilanggo sa Roma?

22 Habang nakabilanggo, sinamantala ni Pablo na sumulat ng mahahalagang liham, na bahagi ngayon ng Kristiyanong Griegong Kasulatan. b Nakatulong ang mga liham na iyon sa mga Kristiyano noong unang siglo. Nakikinabang din tayo sa mga liham na ito ni Pablo dahil mula sa Diyos ang mga isinulat niya at kapaki-pakinabang pa rin ito sa ngayon.​—2 Tim. 3:16, 17.

23, 24. Gaya ni Pablo, paano nagpapakita ng positibong saloobin ang maraming Kristiyano sa ngayon kahit di-makatarungang ibinibilanggo?

23 Bagaman hindi binabanggit sa Mga Gawa kung kailan nakalaya si Pablo, ipinapakita ng ulat na apat na taon din siyang nabilanggo—dalawa sa Cesarea at dalawa sa Roma. c (Gawa 23:35; 24:27) Pero hindi nawala ang kaniyang kagalakan at patuloy siyang nangaral, na ginagawa ang kaniyang buong makakaya sa paglilingkod sa Diyos. Marami ring lingkod ni Jehova sa ngayon ang nananatiling masaya at patuloy pa ring nangangaral kahit di-makatarungang ibinibilanggo. Tingnan ang halimbawa ni Adolfo, na nabilanggo sa Spain dahil sa kaniyang Kristiyanong neutralidad. “Hanga kami sa iyo,” ang sabi ng isang opisyal. “Kahit ginagawa naming kalbaryo ang buhay mo dito sa bilangguan, nakangiti ka pa rin at mabait pa rin sa amin.”

24 Nang maglaon, sa laki ng tiwala ng mga opisyal kay Adolfo, hinahayaan na nilang bukás ang kaniyang selda. Pinupuntahan siya ng mga sundalo na gustong magtanong tungkol sa Bibliya. May isa pa ngang guwardiya na pumapasok sa selda ni Adolfo para magbasa ng Bibliya, samantalang nakabantay si Adolfo sa labas. Kaya ang guwardiya ang siya na ngayong ginuguwardiyahan! Mapakilos sana tayo ng magandang halimbawa ng gayong tapat na mga Saksi at ‘lalo pang ihayag ang salita ng Diyos nang walang takot,’ kahit sa mahihirap na kalagayan.

25, 26. Makalipas ang wala pang 30 taon, anong kamangha-manghang hula ang nakita ni Pablo na natupad, at paano rin ito natutupad sa ating panahon?

25 Isang apostol ni Kristo na nakabilanggo sa bahay pero patuloy na “ipinangangaral . . . ang Kaharian ng Diyos” sa lahat ng dumadalaw sa kaniya—isa ngang nakakaantig na eksena sa pagtatapos ng aklat ng Mga Gawa na punong-puno ng aksiyon! Sa unang kabanata, mababasa natin ang atas na ibinigay ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod nang sabihin niya: “Tatanggap kayo ng kapangyarihan kapag dumating sa inyo ang banal na espiritu, at magiging mga saksi ko kayo sa Jerusalem, sa buong Judea at Samaria, at hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa.” (Gawa 1:8) Makalipas ang wala pang 30 taon, ang mensahe ng Kaharian ay ‘naipangaral na sa lahat ng nilalang sa buong lupa.’ d (Col. 1:23) Isa ngang malaking katibayan ng kapangyarihan ng espiritu ng Diyos!—Zac. 4:6.

26 Sa ngayon, ang espiritu ring iyan ang nagpapalakas sa natitirang mga kapatid ni Kristo, pati na sa kanilang kasamang “ibang mga tupa,” para ‘lubusang magpatotoo tungkol sa Kaharian ng Diyos’ sa 240 lupain! (Juan 10:16; Gawa 28:23) Lubusan ka bang nakikibahagi sa gawaing iyan?

a Gusto sana ni Pablo na manatili na lamang sa kaniya si Onesimo, pero paglabag ito sa batas ng Roma at sa karapatan ng amo ni Onesimo, ang Kristiyanong si Filemon. Kaya bumalik si Onesimo kay Filemon, dala-dala ang liham mula kay Pablo na nagpapayo kay Filemon na tanggapin ang kaniyang alipin nang may kabaitan, gaya ng isang espirituwal na kapatid.​—Flm. 13-19.

c Tingnan ang kahong “ Si Pablo Makalipas ang 61 C.E.