Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

KABANATA 24

“Lakasan Mo ang Loob Mo!”

“Lakasan Mo ang Loob Mo!”

Nakaligtas si Pablo sa pagtatangka sa kaniyang buhay at ipinagtanggol niya ang kaniyang sarili sa harap ni Felix

Batay sa Gawa 23:11–24:27

1, 2. Bakit hindi ikinagulat ni Pablo ang pag-uusig na sumalubong sa kaniya sa Jerusalem?

 HINDI pa man nakakahinga si Pablo mula sa pagkakaligtas sa galit na mga mang-uumog sa Jerusalem, heto’t nakakulong na naman siya. Hindi ikinagulat ng masigasig na apostol ang pag-uusig na sumalubong sa kaniya sa Jerusalem. Batid na niyang “pagkabilanggo at mga kapighatian” ang naghihintay sa kaniya sa lunsod na ito. (Gawa 20:22, 23) At bagaman hindi alam ni Pablo ang eksaktong mangyayari sa kaniya, alam niyang patuloy siyang daranas ng paghihirap dahil sa pangalan ni Jesus.​—Gawa 9:16.

2 May mga Kristiyanong propeta pa nga na nagbabala kay Pablo na gagapusin siya at dadalhin “sa kamay ng mga tao ng ibang mga bansa.” (Gawa 21:4, 10, 11) Kailan lang ay muntik na siyang mapatay ng mga Judio. Pagkatapos, sa tindi ng pagtatalo ng mga miyembro ng Sanedrin dahil sa mga sinabi ni Pablo, kulang na lang ay “mapatay” siya ng mga ito. Bihag siya ngayon ng mga sundalong Romano at nahaharap sa marami pang akusasyon at paglilitis. (Gawa 21:31; 23:10) Kaya talagang kailangan ni apostol Pablo ng pampatibay!

3. Saan tayo makakakuha ng pampatibay para magpatuloy sa ating gawaing pangangaral?

3 Sa panahong ito ng wakas, alam nating “pag-uusigin din ang lahat ng gustong mamuhay nang may makadiyos na debosyon bilang mga alagad ni Kristo Jesus.” (2 Tim. 3:12) Sa pana-panahon, kailangan din natin ng pampatibay upang makapagpatuloy sa ating gawaing pangangaral. Laking pasasalamat natin sa napapanahon at nakapagpapatibay na mga pananalita mula sa mga publikasyon at mga pagpupulong na isinasaayos ng “tapat at matalinong alipin”! (Mat. 24:45) Tinitiyak ni Jehova sa atin na hinding-hindi magtatagumpay ang mga kaaway ng mabuting balita. Hindi nila malilipol ang kaniyang mga lingkod bilang isang grupo ni mapahihinto man ang kanilang gawaing pangangaral. (Isa. 54:17; Jer. 1:19) Kumusta naman si apostol Pablo? May natanggap kaya siyang pampatibay para lubusang magpatotoo sa kabila ng pagsalansang? Kung mayroon, anong pampatibay iyon, at paano siya tumugon?

Nabigo ang ‘Sinumpaang Sabuwatan’ (Gawa 23:11-34)

4, 5. Anong pampatibay ang natanggap ni Pablo, at bakit iyon napapanahon?

4 Nang sumunod na gabi matapos mailigtas si apostol Pablo mula sa Sanedrin, nakatanggap siya ng kinakailangang pampatibay. Sinasabi ng ulat: “Tumayo sa tabi niya ang Panginoon at nagsabi: ‘Lakasan mo ang loob mo! Dahil kung paanong lubusan kang nagpapatotoo tungkol sa akin sa Jerusalem, gayon ka rin magpapatotoo sa Roma.’” (Gawa 23:11) Dahil sa nakapagpapatibay na pananalitang iyon mula kay Jesus, natiyak ni Pablo na makaliligtas siya. Alam niyang makakarating siya ng Roma at lubusang makapagpapatotoo tungkol kay Jesus.

“Mahigit 40 sa kanila ang mananambang sa kaniya.”​—Gawa 23:21

5 Napapanahon ang pampatibay na natanggap ni Pablo. Kinabukasan, mahigit 40 lalaking Judio ang “nagsabuwatan . . . at sumumpa na hindi sila kakain o iinom hangga’t hindi nila napapatay si Pablo.” Ang ‘sinumpaang sabuwatang’ ito ay nagpapakitang determinado talaga ang mga Judiong iyon na patayin ang apostol. Naniniwala silang may masamang mangyayari sa kanila kung hindi nila maisasagawa ang kanilang balak. (Gawa 23:12-15) Kasabuwat nila ang mga punong saserdote at matatandang lalaki. Ipapatawag si Pablo pabalik sa Sanedrin para kunwari ay susuriing mabuti ang kaso niya. Pero bago pa man makarating si Pablo sa Sanedrin, tatambangan na nila siya at papatayin.

6. Paano nabisto ang pakanang pagpatay kay Pablo, at paano matutularan ng mga kabataan sa ngayon ang halimbawa sa ulat na ito?

6 Pero narinig ng pamangking lalaki ni Pablo ang pakana at ibinalita niya ito kay Pablo. Sinabihan naman ni Pablo ang kaniyang pamangkin na ibalita ito kay Claudio Lisias, ang kumandante ng mga sundalong Romano. (Gawa 23:16-22) Tiyak na iniibig ni Jehova ang mga kabataang gaya ng pamangking lalaki ni Pablo, na buong tapang na inuuna ang kapakanan ng bayan ni Jehova kaysa sa kanilang sarili at may katapatang ginagawa ang kanilang makakaya alang-alang sa Kaharian.

7, 8. Ano ang ginawa ni Claudio Lisias upang mailigtas si Pablo?

7 Nang ang pakana laban kay Pablo ay maipagbigay-alam kay Claudio Lisias, kumandante ng 1,000 sundalo, nag-atas agad ito ng 470 lalaki—mga sundalo, maninibat, at mangangabayo—na maghahatid kay Pablo mula sa Jerusalem patungong Cesarea nang gabing iyon. Pagdating doon, dadalhin nila siya kay Gobernador Felix. a Bagaman maraming Judio sa Cesarea, ang kabisera ng Romanong lalawigan ng Judea, karamihan pa rin sa mga naninirahan doon ay mga Gentil. Mas mapayapa ang lugar na ito kaysa sa Jerusalem, kung saan marami ang galit sa ibang relihiyon at nanggugulo. Ang Cesarea rin ang punong-himpilan ng mga hukbong Romano sa Judea.

8 Ipinaliwanag ni Lisias kay Felix ang kaso ni Pablo sa pamamagitan ng isang liham, gaya ng kahilingan sa batas ng Roma. Binanggit ni Lisias na nang malaman niyang isa palang mamamayang Romano si Pablo, iniligtas niya ito nang “papatayin na sana” siya ng mga Judio. Sinabi ni Lisias na wala siyang nakitang ginawa ni Pablo na “nararapat sa kamatayan o pagkabilanggo.” Pero dahil sa pakana laban kay Pablo, ibinibigay na niya kay Felix ang kaso ng apostol upang dinggin ng gobernador ang akusasyon ng mga Judio laban kay Pablo at magbigay ito ng hatol.​—Gawa 23:25-30.

9. (a) Paano nalabag ang mga karapatan ni Pablo bilang mamamayang Romano? (b) Bakit may mga pagkakataong kailangan nating gamitin ang ating karapatan bilang mamamayan ng isang bansa?

9 Totoo naman ba ang mga isinulat ni Lisias? Hindi lahat. Lumilitaw na isinulat lang niya ang mga impormasyong magpapabango sa kaniyang pangalan. Iniligtas niya si Pablo hindi dahil nalaman niyang mamamayang Romano ang apostol. Isa pa, hindi binanggit ni Lisias na ipinag-utos niyang “igapos [si Pablo] ng dalawang tanikala” at “pagtatanungin habang hinahagupit.” (Gawa 21:30-34; 22:24-29) Paglabag iyan sa mga karapatan ni Pablo bilang isang mamamayang Romano. Sa ngayon, ginagamit pa rin ni Satanas ang pagkapanatiko ng mga mananalansang para lalong tumindi ang pag-uusig at para hadlangan ang ating kalayaan sa pagsamba sa Diyos. Pero gaya ni Pablo, maaari ding gamitin ng mga lingkod ng Diyos ang kanilang mga karapatan bilang mamamayan ng isang bansa at ang mga probisyon ng batas para ipaglaban ang mga karapatang iyon.

“Nalulugod Akong Magsalita Para Ipagtanggol ang Sarili Ko” (Gawa 23:35–24:21)

10. Anong mabibigat na akusasyon ang ibinangon laban kay Pablo?

10 Sa Cesarea, si Pablo ay ‘ibinilanggo sa palasyo ni Herodes’ habang hinihintay ang pagdating ng mga nag-aakusa mula sa Jerusalem. (Gawa 23:35) Dumating sila pagkalipas ng limang araw—ang mataas na saserdoteng si Ananias, isang tagapagsalitang nagngangalang Tertulo, at isang grupo ng matatandang lalaki. Pinapurihan muna ni Tertulo si Felix sa diumano’y nagagawa nito para sa mga Judio, na halata namang pambobola lang upang makuha ang loob nito. b Pagkatapos, iniharap na ni Tertulo ang mga akusasyon laban kay Pablo. Sinabi niya: “Salot ang taong ito; sinusulsulan niyang maghimagsik ang mga Judio sa buong lupa, at siya ay lider ng sekta ng mga Nazareno. Tinangka rin niyang lapastanganin ang templo kaya dinakip namin siya.” Nakisali rin ang ibang mga Judio at “iginiit nilang totoo ang mga ito.” (Gawa 24:5, 6, 9) Nanunulsol ng paghihimagsik, nangunguna sa isang mapanganib na sekta, at lumalapastangan sa templo—mabibigat na akusasyon na puwedeng mauwi sa sentensiyang kamatayan.

11, 12. Paano pinasinungalingan ni Pablo ang mga akusasyon sa kaniya?

11 Pinahintulutan ngayong magsalita si Pablo. Sinabi niya: “Nalulugod akong magsalita para ipagtanggol ang sarili ko.” Itinanggi niya ang lahat ng akusasyon laban sa kaniya. Hindi nilapastangan ng apostol ang templo, ni nagsulsol man siya ng paghihimagsik. Sinabi niya na “maraming taon” siyang wala sa Jerusalem at bumalik ngayon upang magdala ng “mga kaloob udyok ng awa”—mga abuloy para sa mga Kristiyanong naghihirap dahil sa taggutom at pag-uusig. Iginiit ni Pablo na bago siya pumasok sa templo, siya ay “malinis sa seremonyal na paraan” at pinagsikapan niyang “magkaroon ng malinis na konsensiya sa harap ng Diyos at mga tao.”​—Gawa 24:10-13, 16-18.

12 Gayunman, inamin ni Pablo na naglingkod siya sa Diyos ng kaniyang mga ninuno “ayon sa paraan ng tinatawag nilang sekta.” Pero iginiit niya na siya ay naniniwala sa “lahat ng nasa Kautusan at nakasulat sa mga Propeta.” At gaya ng mga nag-aakusa sa kaniya, siya ay naniniwala rin na “bubuhaying muli ng Diyos ang mga matuwid at di-matuwid.” Pagkatapos, hinamon ni Pablo ang mga nag-aakusa sa kaniya: “Hayaan natin ang mga narito na sabihin kung ano ang nakita nilang kasalanan ko noong nililitis nila ako sa harap ng Sanedrin, maliban sa sinabi ko sa gitna nila: ‘Hinahatulan ako ngayon sa harap ninyo dahil naniniwala ako sa pagkabuhay-muli ng mga patay!’”—Gawa 24:14, 15, 20, 21.

13-15. Bakit isang magandang halimbawa si Pablo pagdating sa pagpapatotoo nang may lakas ng loob sa harap ng mga awtoridad?

13 Nag-iwan si Pablo ng isang magandang halimbawa na maaari nating tularan sakaling iharap tayo sa mga awtoridad dahil sa ating pagsamba at akusahan ng pagpapasimuno ng gulo, pagsusulsol ng sedisyon, o ng pagiging miyembro ng isang “mapanganib na sekta.” Hindi binola ni Pablo ang gobernador para lang makuha ang loob nito, di-tulad ng ginawa ni Tertulo. Nanatiling kalmado at magalang si Pablo. Mataktika at malinaw niyang iniharap kung ano ang totoo. Binanggit ni Pablo na wala roon ang mga “Judio mula sa lalawigan ng Asia” na nag-akusa sa kaniya ng paglapastangan sa templo, at ayon sa batas, dapat na naroroon sila para masabi nila ang kanilang mga akusasyon sa harap niya.​—Gawa 24:18, 19.

14 Pero ang lalong kahanga-hanga kay Pablo ay ang hindi niya pagdadalawang-isip na magpatotoo tungkol sa kaniyang mga paniniwala. Buong katapangang inulit ng apostol ang kaniyang paniniwala sa pagkabuhay-muli, ang paksang lumikha ng kaguluhan noong siya ay nasa harap ng Sanedrin. (Gawa 23:6-10) Sa kaniyang pagtatanggol, idiniin ni Pablo ang pag-asang pagkabuhay-muli. Bakit? Sapagkat siya ay nagpapatotoo tungkol kay Jesus at sa kaniyang pagkabuhay-muli—isang bagay na hindi matanggap-tanggap ng mga mananalansang na iyon. (Gawa 26:6-8, 22, 23) Oo, ang isyu ay ang pagkabuhay-muli—at partikular na, ang paniniwala kay Jesus at sa kaniyang pagkabuhay-muli.

15 Tulad ni Pablo, makapagpapatotoo rin tayo nang may lakas ng loob at mapapatibay tayo ng mga salitang ito na sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Kapopootan kayo ng lahat ng tao dahil sa pangalan ko. Pero ang makapagtitiis hanggang sa wakas ay maliligtas.” Dapat ba tayong mag-alala kung ano ang sasabihin natin kapag dumating ang gayong mga pagkakataon? Hindi, sapagkat tiniyak ni Jesus: “Kapag inaresto nila kayo para litisin, huwag kayong mag-alala kung ano ang sasabihin ninyo; kundi anuman ang ibigay sa inyo sa oras na iyon, iyon ang sabihin ninyo, dahil hindi kayo ang magsasalita, kundi ang banal na espiritu.”​—Mar. 13:9-13.

“Natakot si Felix” (Gawa 24:22-27)

16, 17. (a) Paano dininig ni Felix ang kaso ni Pablo? (b) Bakit kaya natakot si Felix, pero bakit ipinapatawag pa rin niya si Pablo?

16 Hindi ito ang unang pagkakataon na narinig ni Gobernador Felix ang tungkol sa paniniwala ng mga Kristiyano. Sinasabi ng ulat: “Dahil alam na alam ni Felix ang totoo may kinalaman sa Daang ito [ang terminong ginagamit para tumukoy sa mga alagad ni Kristo bago sila tinawag na Kristiyano], pinaalis niya sila at sinabi: ‘Kapag pumunta rito si Lisias na kumandante ng militar, saka ako magpapasiya sa usaping ito.’ At iniutos niya sa opisyal ng hukbo na bantayan pa rin ang lalaki pero maging maluwag dito, at payagan ang mga kasamahan nito na asikasuhin ito.”​—Gawa 24:22, 23.

17 Pagkaraan ng ilang araw, si Pablo ay ipinatawag ni Felix at ng kaniyang asawang Judio na si Drusila, at sila’y “nakinig dito habang nagsasalita ito tungkol sa paniniwala kay Kristo Jesus.” (Gawa 24:24) Gayunman, nang talakayin ni Pablo ang tungkol sa “tamang paggawi, pagpipigil sa sarili, at darating na paghatol . . . , natakot si Felix.” Malamang na dahil sa mga narinig niya, nakonsensiya siya sa masasamang bagay na ginawa niya. Kaya pinatigil na niya si Pablo at sinabi: “Umalis ka na muna at ipapatawag ulit kita kapag may pagkakataon ako.” Maraming ulit pang ipinatawag ni Felix si Pablo, hindi dahil sa gusto niyang matuto ng katotohanan, kundi dahil umaasa siyang susuhulan siya ni Pablo.​—Gawa 24:25, 26.

18. Bakit ipinakipag-usap ni Pablo kay Felix at sa asawa nito ang tungkol sa “tamang paggawi, pagpipigil sa sarili, at darating na paghatol”?

18 Bakit ipinakipag-usap ni Pablo kay Felix at sa asawa nito ang tungkol sa “tamang paggawi, pagpipigil sa sarili, at darating na paghatol”? Tandaan, gusto nilang malaman kung ano ang nasasangkot sa “paniniwala kay Kristo Jesus.” At yamang alam ni Pablo na imoral, malupit, at di-makatarungan ang mag-asawa, nilinaw niya kung ano ang kahilingan sa lahat ng gustong maging tagasunod ni Jesus. Ipinapakita ng sinabi ni Pablo na malayong-malayo ang paraan ng pamumuhay ni Felix at ng asawa nito sa matuwid na mga pamantayan ng Diyos. Malamang na nakita nilang anuman ang iniisip, sinasabi, at ginagawa ng isang tao, mananagot siya sa Diyos. Malamang na napag-isip-isip din nilang mas mabigat ang magiging hatol ng Diyos sa kanila kaysa sa anumang hatol na igagawad kay Pablo. Hindi nga kataka-takang “natakot” si Felix!

19, 20. (a) Sa ating ministeryo, paano natin dapat pakitunguhan ang mga taong mukhang interesado sa umpisa pero iba pala ang motibo? (b) Bakit masasabing hindi kumampi si Felix kay Pablo?

19 Baka makasumpong tayo ng mga taong tulad ni Felix sa ating ministeryo. Sa umpisa, baka mukha silang interesado, pero iba pala ang motibo nila. Dapat tayong maging maingat sa gayong mga tao. Pero gaya ni Pablo, puwede nating mataktikang sabihin sa kanila ang matuwid na pamantayan ng Diyos. Baka maantig ng katotohanan ang kanilang puso. Gayunman, kung wala rin lang silang intensiyong magbago, hindi natin sila pag-aaksayahan ng panahon, kundi sa halip ay hahanap na lang tayo ng mga taong talagang interesado sa katotohanan.

20 Lumitaw ang tunay na kulay ni Felix, gaya ng ipinapakita ng ulat: “Pagkalipas ng dalawang taon, si Felix ay hinalinhan ni Porcio Festo; at dahil gusto ni Felix na makuha ang pabor ng mga Judio, hinayaan niya sa bilangguan si Pablo.” (Gawa 24:27) Hindi naman talaga kumampi si Felix kay Pablo. Alam ni Felix na ang mga tagasunod ng “Daan” ay hindi naman nagrerebelde o nanunulsol sa iba na magrebelde. (Gawa 19:23) Alam din niyang si Pablo ay walang nilabag na batas ng Roma. Pero para “makuha ang pabor ng mga Judio,” hindi pinalaya ni Felix ang apostol.

21. Ano ang nangyari kay Pablo mula nang maging gobernador si Porcio Festo, at ano ang tiyak na nagpatibay kay Pablo?

21 Gaya ng ipinapakita sa huling talata ng Gawa kabanata 24, nakabilanggo pa rin si Pablo nang pumalit si Porcio Festo kay Felix bilang gobernador. Dito na nagsimula ang sunod-sunod na paglilitis kay Pablo at pagharap sa iba’t ibang opisyal. Ang apostol na ito na may lakas ng loob ay talaga ngang ‘dinala sa harap ng mga hari at mga gobernador.’ (Luc. 21:12) Tulad ng makikita natin, magkakaroon siya ng pagkakataong magpatotoo sa pinakamakapangyarihang tagapamahala noong panahon niya. Sa kabila ng lahat ng pinagdaanan ni Pablo, hindi nanghina ang pananampalataya niya. Tiyak na napatibay siya ng pananalita ni Jesus: “Lakasan mo ang loob mo!”

a Tingnan ang kahong “ Si Felix—Gobernador ng Judea.”

b Pinasalamatan ni Tertulo si Felix dahil sa “kapayapaan” na naibigay nito sa bansa. Pero ang totoo, mas magulo ang Judea noong nanunungkulan si Felix kaysa noong nanunungkulan ang ibang gobernador bago ang paghihimagsik laban sa Roma. Wala ring katotohanan ang sinabi ng mga Judio na “ipinagpapasalamat” nila ang mga reporma ni Felix. Ang totoo, kinasusuklaman siya ng maraming Judio dahil sa malupit niyang pagsugpo sa mga rebelde at dahil ginawa niyang miserable ang buhay nila.​—Gawa 24:2, 3.