Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

KABANATA 23

“Pakinggan Ninyo ang Pagtatanggol Ko”

“Pakinggan Ninyo ang Pagtatanggol Ko”

Ipinagtanggol ni Pablo ang katotohanan sa harap ng galit na mga mang-uumog at ng Sanedrin

Batay sa Gawa 21:18–23:10

1, 2. Bakit bumalik si apostol Pablo sa Jerusalem, at ano-ano kayang hamon ang mapapaharap sa kaniya roon?

 JERUSALEM! Muling naglalakad si Pablo sa makitid at mataong mga lansangan nito. Napakahalaga ng lunsod na ito sa kasaysayan ng bayan ni Jehova. Ipinagmamalaki ng mga taga-Jerusalem ang maringal na kasaysayan nito. Alam ni Pablo na maraming Kristiyano rito ang taling-tali pa rin sa nakaraan, anupat hindi sila makasabay sa mga pagbabagong ginagawa ni Jehova para sa kaniyang bayan. Kaya nakita ni Pablo na hindi lamang materyal na tulong ang kailangan nila—na siyang pangunahing dahilan kung bakit siya bumalik sa dakilang lunsod na ito mula sa Efeso. (Gawa 19:21) Kailangan nila ng espirituwal na tulong. Kaya kahit manganib ang kaniyang buhay, hindi siya nagdalawang-isip na bumalik sa lunsod na ito.

2 Ano-ano kayang hamon ang mapapaharap kay Pablo ngayong nasa Jerusalem na siya? Isa na rito ang mga tagasunod ni Kristo na binabagabag ng mga usap-usapan tungkol kay Pablo. Pero ang mas malaking hamon ay ang mga kaaway ni Kristo. Magbabangon sila ng maling paratang laban kay Pablo, bubugbugin siya, at tatangkaing patayin. Ipagtatanggol ni Pablo ang katotohanan sa mahihirap na sitwasyong ito. Ang kaniyang kapakumbabaan, lakas ng loob, at pananampalataya sa pagharap sa mga hamong ito ay naglalaan ng napakainam na halimbawa para sa mga Kristiyano sa ngayon. Tingnan natin kung paano.

“Niluwalhati Nila ang Diyos” (Gawa 21:18-20a)

3-5. (a) Kanino nakipagpulong si Pablo sa Jerusalem, at ano ang pinag-usapan nila? (b) Ano-anong aral ang makukuha natin sa pakikipagpulong ni Pablo sa matatandang lalaki sa Jerusalem?

3 Nang sumunod na araw, si Pablo at ang kaniyang mga kasama ay nakipagpulong sa matatandang lalaki ng kongregasyon sa Jerusalem. Walang nabanggit na apostol sa ulat; posibleng naglilingkod na sa ibang lupain ang natitirang mga apostol noon. Pero naroroon pa ang kapatid ni Jesus na si Santiago. (Gal. 2:9) Malamang na si Santiago ang nangasiwa sa pulong na iyon kasama si Pablo at “ang lahat ng matatandang lalaki” na naroon.​—Gawa 21:18.

4 Binati ni Pablo ang matatandang lalaki “at inilahad nang detalyado ang lahat ng ginawa ng Diyos sa ibang mga bansa sa pamamagitan ng ministeryo niya.” (Gawa 21:19) Tiyak na napatibay sila nito. Sa ngayon, nakapagpapatibay ring mabalitaan ang pagsulong ng gawain sa ibang lupain.​—Kaw. 25:25.

5 Sa ulat ni Pablo, malamang na nabanggit niya ang mga abuloy na dala niya mula sa Europa. Tiyak na naantig ang mga tagapakinig niya dahil sa pagmamalasakit ng mga kapatid mula sa malalayong lupain. Sa katunayan, dahil sa ulat na ito ni Pablo, “niluwalhati nila [ng matatandang lalaki] ang Diyos”! (Gawa 21:20a) Sa ngayon, naaantig din ang mga biktima ng sakuna at malulubhang sakit kapag tinutulungan sila at pinapatibay ng mga kapatid.

Marami Pa Rin ang “Mahigpit na Sumusunod sa Kautusan” (Gawa 21:20b, 21)

6. Anong problema ang isiniwalat kay Pablo?

6 Isiniwalat ngayon ng matatandang lalaki ang problemang bumangon sa Judea dahil sa mga usap-usapan tungkol kay Pablo. Sinabi nila sa kaniya: “Kapatid, alam mong libo-libo sa mga mananampalataya ay Judio, at lahat sila ay mahigpit na sumusunod sa Kautusan. At narinig nila ang usap-usapan tungkol sa iyo na tinuturuan mong tumalikod sa Kautusan ni Moises ang lahat ng Judio na nasa ibang mga bansa. Sinasabi mo raw sa mga ito na huwag tuliin ang mga anak nila at huwag nang sundin ang mga kaugalian.” aGawa 21:20b, 21.

7, 8. (a) Ano ang maling pagkaunawa ng maraming Kristiyano sa Judea? (b) Bakit hindi matatawag na apostasya ang maling akala ng ilang Kristiyanong Judio?

7 Bakit kaya napakarami pa ring Kristiyano ang mahigpit na sumusunod sa Kautusang Mosaiko gayong mahigit 20 taon na ang nakalipas matapos itong mapawalang-bisa? (Col. 2:14) Noong 49 C.E., nang sumulat sa mga kongregasyon ang mga apostol at matatandang lalaki na nagpupulong sa Jerusalem, ipinaliwanag nilang hindi na kailangan pang magpatuli ang mga di-Judio ni sumunod man sa Kautusang Mosaiko. (Gawa 15:23-29) Pero hindi espesipikong nabanggit sa liham ang mga mananampalatayang Judio, na karamihan ay nag-aakalang nasa ilalim pa rin sila ng Kautusang Mosaiko.

8 Kahit mali ang pagkaunawa ng mga mananampalatayang Judiong iyon, kuwalipikado pa rin silang maging Kristiyano. Kasi hindi naman sila mga dating pagano na tuloy pa rin sa pagsunod sa dati nilang paniniwala. Mula mismo kay Jehova ang Kautusan na pinanghahawakan nila. Hindi ito mali o makademonyo. Pero ang Kautusan ay kapit lang sa lumang tipan, samantalang ang mga Kristiyano ay nasa ilalim na ng bagong tipan. Kung dalisay na pagsamba ang pag-uusapan, lipas na ang mga kaugalian sa tipang Kautusan. Hindi ito maunawaan ng mga Hebreong Kristiyano na mahigpit pa ring sumusunod sa Kautusan at wala pa ring gaanong tiwala sa kongregasyong Kristiyano. Kailangan nilang iayon ang pag-iisip nila sa mga bagong liwanag na isinisiwalat ng Diyos hinggil sa tipang Kautusan. bJer. 31:31-34; Luc. 22:20.

“Hindi Totoo ang Usap-usapan” (Gawa 21:22-26)

9. Ano ang itinuro ni Pablo hinggil sa Kautusang Mosaiko?

9 Kumusta naman ang mga usap-usapang si Pablo raw ay nagtuturo sa mga Judio na nasa ibang mga bansa na “huwag tuliin ang mga anak nila at huwag nang sundin ang mga kaugalian”? Si Pablo ay isang apostol sa mga Gentil, at sa mga Gentil niya idiniin na hindi na sila kailangang sumunod sa Kautusan. Ipinakita rin niyang maling hikayatin ang mga mananampalatayang Gentil na magpatuli bilang pagsunod sa Kautusang Mosaiko. (Gal. 5:1-7) Ipinangaral din ni Pablo ang mabuting balita sa mga Judiong nasa mga lunsod na dinalaw niya. Siguradong ipinaliwanag niya sa mga tumutugon sa kaniyang mensahe na pinawi na ng kamatayan ni Jesus ang Kautusan at na maipahahayag na matuwid ang isa dahil sa kaniyang pananampalataya, hindi dahil sa pagtupad niya sa Kautusan.​—Roma 2:28, 29; 3:21-26.

10. Paano naging makonsiderasyon si Pablo sa iba pagdating sa Kautusan at pagtutuli?

10 Gayunpaman, naging makonsiderasyon si Pablo sa mga indibidwal na nagsasagawa pa rin ng ilang kaugaliang Judio, gaya ng hindi pagtatrabaho kapag Sabbath o kaya’y pag-iwas sa ilang uri ng pagkain. (Roma 14:1-6) Hindi rin naman niya ipinagbawal ang pagtutuli. Sa katunayan, ipinatuli ni Pablo si Timoteo, na anak ng isang Griego, para hindi makatisod sa mga Judio. (Gawa 16:3) Ang pagtutuli ay personal na pagpapasiya ng isa. Sinabi ni Pablo sa mga taga-Galacia: “Walang halaga ang pagiging tuli o di-tuli; ang mahalaga ay ang pananampalatayang naipapakita sa pamamagitan ng pag-ibig.” (Gal. 5:6) Pero kung itinuturing ng isa ang pagtutuli bilang pagtupad sa Kautusan o bilang kahilingan para matamo ang pagsang-ayon ni Jehova, ipinapakita niyang wala siyang pananampalataya.

11. Anong tagubilin ang ibinigay ng matatandang lalaki kay Pablo, at ano ang nasasangkot sa pagsunod dito? (Tingnan din ang talababa.)

11 Bagaman walang katotohanan ang mga usap-usapan, naligalig pa rin ang mga mananampalatayang Judio. Kaya naman tinagubilinan ng matatandang lalaki si Pablo: “May apat na lalaki sa amin na nasa ilalim ng panata. Isama mo ang mga lalaking ito at linisin mo ang iyong sarili sa seremonyal na paraan kasama nila at sagutin mo ang mga gastusin nila, para mapaahitan nila ang kanilang ulo. At malalaman ng lahat na hindi totoo ang usap-usapan tungkol sa iyo, kundi namumuhay ka kaayon ng Kautusan.” cGawa 21:23, 24.

12. Paano ipinakita ni Pablo na marunong siyang makibagay at makipagtulungan sa matatanda sa Jerusalem?

12 Puwede sanang sabihin ni Pablo na ang talagang problema ay ang pagkapanatiko ng mga mananampalatayang Judio sa Kautusang Mosaiko, at hindi ang mga usap-usapan tungkol sa kaniya. Pero handa siyang makibagay, hangga’t walang nalalabag na mga simulain ng Diyos. Hindi pa natatagalan, sumulat siya: “Sa mga nasa ilalim ng kautusan, ako ay naging gaya ng nasa ilalim ng kautusan, kahit na wala ako sa ilalim ng kautusan, para maakay ko ang mga nasa ilalim ng kautusan.” (1 Cor. 9:20) Sa pagkakataong ito, nakipagtulungan si Pablo sa matatanda sa Jerusalem at naging “nasa ilalim ng kautusan.” Mainam na halimbawa para sa atin ang ginawa ni Pablo. Matutularan natin siya kung makikipagtulungan tayo sa mga elder at hindi ipagpipilitan ang gusto natin.​—Heb. 13:17.

Dahil wala namang nalalabag na simulain, nagpasakop si Pablo. Ikaw rin ba?

“Hindi Siya Dapat Mabuhay!” (Gawa 21:27–22:30)

13. (a) Bakit nagpasimuno ng kaguluhan sa templo ang ilang Judio? (b) Paano nakaligtas si Pablo?

13 Hindi maganda ang nangyari kina Pablo sa templo. Malapit nang matapos ang panata ng mga lalaki nang makita si Pablo ng mga Judio mula sa Asia. Pinaratangan nila siyang nagpapasok ng mga Gentil sa templo. Pagkatapos, nagpasimula sila ng gulo. Kung hindi umawat ang kumandante ng mga sundalong Romano, tiyak na napatay na sa bugbog si Pablo. Nakaligtas nga siya sa pambubugbog, pero dinakip naman siya ng kumandante. Mula nang araw iyon, mahigit apat na taon pa ang lilipas bago siya makalaya. At hindi pa rin siya ligtas sa kapahamakan. Nang tanungin ng kumandante ang mga Judio kung bakit nila sinasalakay si Pablo, iba’t ibang akusasyon ang isinigaw nila. Sa gitna ng gulo, walang naintindihan ang kumandante. At dahil umiigting na ang sitwasyon, kinailangang dalhin si Pablo palayo sa kaguluhan. Nang ipapasok na si Pablo sa kuwartel ng mga sundalong Romano, nakiusap siya sa kumandante: “Pakiusap, payagan mo akong magsalita sa mga tao.” (Gawa 21:39) Pumayag ang kumandante. Maipagtatanggol na ngayon ni Pablo ang pananampalataya niya.

14, 15. (a) Ano ang ipinaliwanag ni Pablo sa mga Judio? (b) Anong mga hakbang ang ginawa ng kumandanteng Romano para malaman kung bakit galit na galit ang mga Judio?

14 “Pakinggan ninyo ang pagtatanggol ko,” ang sabi ni Pablo. (Gawa 22:1) Kinausap niya ang mga tao sa wikang Hebreo, kaya nanahimik ang mga ito. Tuwiran niyang ipinaliwanag kung bakit tagasunod na siya ni Kristo ngayon. Buong husay siyang bumanggit ng mga impormasyong puwedeng kumpirmahin ng mga Judio kung gusto nila. Nag-aral si Pablo sa paanan ni Gamaliel at pinag-usig niya ang mga tagasunod ni Kristo, gaya ng alam marahil ng ilang naroroon. Pero habang nasa daan papunta sa Damasco, nakipag-usap sa kaniya sa pangitain ang binuhay-muling si Kristo. Nakita ng mga kasama noon ni Pablo ang nakasisilaw na liwanag at may narinig silang tinig, pero hindi nila ito naintindihan. (Tingnan ang study note sa Gawa 9:7; 22:9, nwtsty.) Pagkatapos, inakay ang nabulag na si Pablo ng mga kasama niya papuntang Damasco. Doon, makahimalang ibinalik ni Ananias, isang lalaking kilala ng mga Judio sa rehiyong iyon, ang paningin ni Pablo.

15 Isinalaysay pa ni Pablo na nang makabalik na siya sa Jerusalem, nagpakita sa kaniya si Jesus sa templo. Sa puntong ito, nagalit nang husto ang mga Judio at nagsigawan: “Dapat mawala ang taong iyan sa ibabaw ng lupa, dahil hindi siya dapat mabuhay!” (Gawa 22:22) Para iligtas si Pablo, ipinag-utos ng kumandante na ipasok na siya sa kuwartel ng mga sundalo. Gusto talagang malaman ng kumandante ang dahilan kung bakit galit na galit ang mga Judio kay Pablo, kaya ipinag-utos niyang pagtatanungin ito habang hinahagupit. Pero ginamit ni Pablo ang kaniyang legal na karapatan at sinabing isa siyang mamamayang Romano. Ginagamit din ngayon ng mga mananamba ni Jehova ang kanilang legal na mga karapatan para ipagtanggol ang kanilang pananampalataya. (Tingnan ang mga kahong “ Batas ng Roma at Pagkamamamayang Romano” at “ Pagharap sa mga Usapin sa Batas sa Ngayon.”) Nang malaman ng kumandante na isa palang mamamayang Romano si Pablo, naisip niyang kailangan niyang gumawa ng ibang paraan para makakuha ng higit pang impormasyon. Kinabukasan, nagpatawag siya ng pagpupulong ng Sanedrin, ang korte suprema ng mga Judio, at iniharap niya roon si Pablo.

“Ako ay Isang Pariseo” (Gawa 23:1-10)

16, 17. (a) Ilarawan ang nangyari nang magsalita si Pablo sa harap ng Sanedrin. (b) Nang sampalin si Pablo, paano siya nagpakita ng kapakumbabaan?

16 Sinimulan ni Pablo ang pagtatanggol niya sa harap ng Sanedrin sa pagsasabi: “Mga kapatid, alam ng Diyos na hanggang sa araw na ito ay malinis ang konsensiya ko.” (Gawa 23:1) Bago pa man niya maituloy ang sinasabi niya, binabanggit ng ulat: “Dahil dito, iniutos ng mataas na saserdoteng si Ananias sa mga nakatayo sa tabi ni Pablo na sampalin ito sa bibig.” (Gawa 23:2) Ang laking insulto! Para na rin niyang sinabing sinungaling si Pablo bago pa man maiharap ang anumang ebidensiya! Kaya ganito ang naging tugon ni Pablo: “Sasaktan ka ng Diyos, ikaw na pinaputing pader. Tama bang hatulan mo ako ayon sa Kautusan, pero nilalabag mo naman ang Kautusan sa pag-uutos na saktan ako?”—Gawa 23:3.

17 Nabigla ang ilang naroroon—hindi sa pagkakasampal kay Pablo, kundi sa kaniyang reaksiyon! Sinabi nila: “Iniinsulto mo ba ang mataas na saserdote ng Diyos?” Sa kaniyang sagot, nagpakita si Pablo ng halimbawa ng kapakumbabaan at paggalang sa Kautusan. Sinabi niya: “Mga kapatid, hindi ko alam na siya ay mataas na saserdote. Dahil nasusulat, ‘Huwag kang magsasalita ng masama sa isang tagapamahala ng iyong bayan.’” d (Gawa 23:4, 5; Ex. 22:28) Iniba ngayon ni Pablo ang kaniyang pamamaraan. Palibhasa’y alam niyang ang Sanedrin ay binubuo ng mga Pariseo at mga Saduceo, sinabi niya: “Mga kapatid, ako ay isang Pariseo, isang anak ng mga Pariseo. Hinahatulan ako dahil naniniwala ako sa pag-asang mabubuhay-muli ang mga patay.”​—Gawa 23:6.

Gaya ni Pablo, humahanap tayo ng mga puntong mapagkakasunduan natin ng ating kausap kapag nangangaral sa mga taong iba ang relihiyon

18. Bakit tinawag ni Pablo ang kaniyang sarili na isang Pariseo, at paano natin magagamit ang ganitong paraan ng pangangatuwiran?

18 Bakit tinawag ni Pablo ang kaniyang sarili na isang Pariseo? Sapagkat siya ay “anak ng mga Pariseo”—nagmula sa isang pamilyang miyembro ng sektang iyan. Kaya Pariseo pa rin siya sa tingin ng marami. e Paano ngayon magagamit ni Pablo ang paniniwala ng mga Pariseo sa pagkabuhay-muli? Diumano, ang mga Pariseo ay naniniwala na may kaluluwang humihiwalay kapag namatay ang isang tao at na ang kaluluwa ng matuwid ay mabubuhay-muli sa ibang katawan. Hindi naniniwala si Pablo sa turong iyon. Ang pinaniniwalaan niya ay ang pagkabuhay-muli na itinuro ni Jesus. (Juan 5:25-29) Subalit sang-ayon si Pablo sa paniniwala ng mga Pariseo na may pag-asang mabuhay-muli ang mga patay—kabaligtaran ng mga Saduceo, na hindi naniniwalang may kinabukasan pa ang mga patay. Puwede rin nating gamitin ang ganitong paraan ng pangangatuwiran kapag nakikipag-usap sa mga Katoliko o sa iba pang mga tao na nagsasabing naniniwala sila kay Kristo. Puwede nating sabihing naniniwala tayo sa Diyos na gaya nila. Bagaman maaaring naniniwala sila sa Trinidad at tayo naman ay sa tunay na Diyos na sinasabi ng Bibliya, pare-pareho pa rin tayong naniniwala na may Diyos.

19. Bakit nauwi sa kaguluhan ang pagpupulong ng Sanedrin?

19 Dahil sa sinabi ni Pablo, nahati ang Sanedrin. Sinasabi ng ulat: “Nagsigawan ang mga tao, at ilang eskriba mula sa grupo ng mga Pariseo ang tumayo at nakipagtalo at nagsabi: ‘Wala kaming makitang mali sa taong ito, pero kung isang espiritu o anghel ang nagsalita sa kaniya—.’” (Gawa 23:9) Yamang hindi naniniwala sa mga anghel ang mga Saduceo, tiyak na ikinagalit nila ang pahiwatig na nakipag-usap kay Pablo ang isang anghel! (Tingnan ang kahong “ Mga Saduceo at mga Pariseo.”) Lumala ang kaguluhan kung kaya iniligtas ulit ng kumandante ang apostol. (Gawa 23:10) Pero delikado pa rin ang buhay ni Pablo. Ano na kaya ang mangyayari sa apostol? Malalaman natin sa susunod na kabanata.

a Posibleng maraming kongregasyon ang nagpupulong sa mga bahay para mapangalagaan ang espirituwalidad ng maraming Judiong Kristiyano.

b Pagkalipas ng ilang taon, isinulat ni apostol Pablo ang liham niya sa Mga Hebreo, kung saan ipinakita niya ang kahigitan ng bagong tipan. Sa liham na iyan, ipinakita niyang pinawalang-bisa na ng bagong tipan ang lumang tipan. Dahil sa mapuwersang pangangatuwiran ni Pablo, tumibay ang pananampalataya ng mga Judiong Kristiyano, at naging nakakukumbinsing argumento ito na maisasagot sa mga nagpupumilit na may bisa pa rin ang Kautusang Mosaiko.​—Heb. 8:7-13.

c Ipinahihiwatig ng mga iskolar na ang mga lalaki ay nanata ng pagka-Nazareo, na isinasagawa sa ilalim ng Kautusang Mosaiko. (Bil. 6:1-21) Bagaman alam ni Pablo na lipas na ang Kautusan, malamang na ikinatuwiran niyang hindi maling tuparin ng mga lalaki ang kanilang panata kay Jehova. Kaya hindi naman maling samahan niya sila at bayaran ang kanilang gastusin. Hindi natin alam kung anong uri iyon ng panata, pero anuman iyon, tiyak na hindi sumang-ayon si Pablo sa paghahandog ng hayop (gaya ng ginagawa ng mga Nazareo) para mahugasan ang kasalanan ng mga lalaki. Dahil sa perpektong hain ni Kristo, ang gayong mga handog ay hindi na makapagbabayad-sala. Anuman ang ginawa ni Pablo, makakatiyak tayong hindi siya sumang-ayon sa anumang bagay na labag sa kaniyang konsensiya.

d Sinasabi ng ilan na malabo ang mata ni Pablo kung kaya hindi niya nakilala ang mataas na saserdote. O marahil ay napakatagal na niyang wala sa Jerusalem, kaya hindi niya kilala kung sino ang kasalukuyang mataas na saserdote. O baka dahil sa dami ng tao, hindi makita ni Pablo kung sino ang nag-utos na sampalin siya.

e Noong 49 C.E., nang pag-usapan ng mga apostol at ng matatandang lalaki kung kailangang sundin ng mga Gentil ang Kautusang Mosaiko, ang ilan sa mga Kristiyanong naroroon ay “dating miyembro ng sekta ng mga Pariseo na naging mananampalataya.” (Gawa 15:5) Lumilitaw na sa paanuman, Pariseo pa rin ang pagkakilala sa mga mananampalatayang iyon.