KABANATA 26
“Walang Mamamatay sa Inyo”
Kitang-kita ang malaking pananampalataya ni Pablo at ang pag-ibig niya sa mga tao nang mawasak ang barkong sinasakyan nila
Batay sa Gawa 27:1–28:10
1, 2. Ano ang naghihintay kay Pablo sa kaniyang paglalakbay patungong Roma, at ano ang ilan sa maaaring ikinababahala niya?
“KAY Cesar ka pupunta.” Hindi maalis ni Pablo sa isip ang pananalitang iyan ni Gobernador Festo dahil malaki ang magiging papel niyan sa mangyayari sa apostol. Dalawang taon na ring nakabilanggo si Pablo, kaya kahit paano, medyo mababago naman ang kaniyang paligid sa mahabang paglalakbay patungong Roma. (Gawa 25:12) Pero alam ni Pablo na hindi lang puro sariwang hangin at malawak na karagatan ang maaasahan niya. Maaaring may mabibigat na tanong na babangon sa isip ni Pablo sa paglalakbay na ito patungong Roma para humarap kay Cesar.
2 Maraming ulit na ring “nanganib . . . sa dagat” si Pablo. Sa katunayan, tatlong beses na siyang nakaranas ng pagkawasak ng barko, at inabot pa nga siya ng isang gabi’t isang araw sa gitna ng dagat. (2 Cor. 11:25, 26) Isa pa, ang paglalakbay na ito ay naiiba sa nauna niyang mga paglalakbay-misyonero bilang malayang tao. Si Pablo ay maglalakbay nang napakalayo—mahigit 3,000 kilometro mula sa Cesarea hanggang sa Roma—bilang isang bilanggo. Magiging ligtas kaya ang kaniyang paglalakbay? Kung makarating man siya nang ligtas, ’di kaya doon naman siya mapahamak? Tandaan, ang pinakamakapangyarihang tagapamahalang tao sa daigdig ni Satanas noong panahong iyon ang hahatol sa kaniya.
3. Ano ang determinadong gawin ni Pablo, at ano ang tatalakayin natin sa kabanatang ito?
3 Batay sa mga nabasa mo tungkol kay Pablo, sa tingin mo kaya’y mawawalan siya ng pag-asa at masisiraan ng loob dahil sa maaaring mangyari sa kaniya ngayon? Hinding-hindi! Alam niyang marami pa siyang hirap na daranasin. Ang hindi nga lang niya alam ay kung anong partikular na problema ang babangon. Kaya bakit niya hahayaang mawala ang kaniyang kagalakan sa ministeryo sa kaiisip sa mga bagay na hindi naman niya kayang kontrolin? (Mat. 6:27, 34) Alam ni Pablo na kalooban ni Jehova na gamitin niya ang bawat pagkakataon para ipangaral ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos, kahit sa mga tagapamahala. (Gawa 9:15) Determinado siyang gampanan ang kaniyang atas, anuman ang mangyari. Tayo rin ba? Sundan natin ngayon si Pablo sa makasaysayang paglalakbay na ito at tingnan kung paano tayo makikinabang sa kaniyang halimbawa.
Gawa 27:1-7a)
‘Pasalungat ang Hangin’ sa Amin (4. Anong uri ng barko ang sinakyan ni Pablo, at sino ang mga kasama niya?
4 Si Pablo at ang iba pang mga bilanggo ay ipinaubaya sa Romanong opisyal na si Julio, na nagpasiyang sumakay sa isang barkong pangkalakal na dumaong sa Cesarea. Galing ang barko sa Adrameto, isang daungan sa kanlurang baybayin ng Asia Minor, katapat ng lunsod ng Mitilene sa isla ng Lesbos. Ang barkong ito ay maglalayag muna pahilaga at pagkatapos ay pakanluran, habang tumitigil sa mga daungan para magdiskarga at magkarga ng mga kargamento. Ang gayong mga barko ay hindi dinisenyo para sa kaalwanan ng mga pasahero, lalo na ng mga bilanggo. (Tingnan ang kahong “ Ruta ng Paglalayag at Kalakalan.”) Buti na lang at hindi puro kriminal ang kasama ni Pablo. May kasama rin siyang dalawang kapananampalataya—si Aristarco at ang sumulat ng ulat na ito na si Lucas. Hindi lang natin alam kung ang dalawang tapat na kasamang ito ni Pablo ay nagbayad para makasakay sa barko o hindi na dahil nagsilbi silang mga tagapaglingkod ni Pablo.—Gawa 27:1, 2.
5. Paano tinanggap ng mga kapatid sa Sidon si Pablo, at ano ang matututuhan natin dito?
5 Kinabukasan, matapos maglayag nang mga 110 kilometro pahilaga, dumaong ang barko sa Sidon, sa baybayin ng Sirya. Lumilitaw na hindi gaya ng isang ordinaryong kriminal ang trato ni Julio kay Pablo, posibleng dahil mamamayang Romano si Pablo at hindi pa siya napapatunayang may-sala. (Gawa 22:27, 28; 26:31, 32) Pinayagan ni Julio si Pablo na bumaba sa barko at makipagkita sa mga kapuwa Kristiyano. Tiyak na tuwang-tuwa ang mga kapatid na asikasuhin ang apostol matapos ang kaniyang matagal na pagkabilanggo! May naiisip ka bang mga pagkakataon na puwede kang magpakita ng gayunding maibiging pagkamapagpatuloy at sa gayo’y mapatibay rin?—Gawa 27:3.
6-8. Paano nagpatuloy ang paglalakbay ni Pablo mula sa Sidon hanggang sa Cinido, at anong mga pagkakataon ang malamang na sinamantala ni Pablo para mangaral?
6 Mula sa Sidon, nagpatuloy sa paglalayag ang barko pahilaga at nadaanan nito ang Cilicia, na nakakasakop sa Tarso, kung saan ipinanganak si Pablo. Hindi na binanggit ni Lucas kung saan pa dumaong ang barko, pero isang nakakatakot na detalye ang iniulat niya—‘pasalungat ang hangin’ sa kanila. (Gawa 27:4, 5) Sa kabila nito, makikini-kinita nating ginagamit ni Pablo ang bawat pagkakataon para ibahagi ang mabuting balita. Tiyak na nagpatotoo siya sa mga kasama niyang bilanggo at sa iba pang sakay ng barko, pati na sa mga mandaragat at mga sundalo, gayundin sa mga taong nasa mga daungang hinintuan ng barko. Sinasamantala rin ba natin ang bawat pagkakataon para mangaral sa iba?
7 Nang makarating ang barko sa Mira, isang daungan sa timugang baybayin ng Asia Minor, si Pablo at ang iba pa ay pinalipat sa ibang barko na magdadala sa kanila sa Roma, ang kanilang destinasyon. (Gawa 27:6) Nang panahong iyon, ang Ehipto ay isang imbakan ng butil ng Roma. Ang mga barko ng mga Ehipsiyo na may kargang butil ay dumadaong sa Mira. Naghanap ng ganoong barko si Julio at pinasakay niya rito ang mga sundalo at bilanggo. Siguradong mas malaki ang barkong ito kaysa sa una nilang sinakyan. Marami itong kargang trigo at may sakay itong 276 katao—mga tripulante, sundalo, bilanggo, at malamang na iba pa na papunta rin ng Roma. Dahil sa paglipat ni Pablo ng barko, maliwanag na lumawak ang teritoryo niya, at tiyak na sinamantala niya ang pagkakataong iyon.
8 Pagkatapos, dumaong naman sila sa Cinido, na nasa gawing timog-kanluran ng Asia Minor. Kapag paayon sa direksiyon ng hangin, kayang makuha ng barko ang ganito kalayong distansiya nang mga isang araw lang. Pero iniulat ni Lucas: “Dahan-dahan kaming naglayag sa loob ng ilang araw hanggang sa Cinido, at hindi iyon naging madali.” (Gawa 27:7a) Naging mahirap na ang paglalayag. (Tingnan ang kahong “ Pasalungat na Hangin ng Mediteraneo.”) Isip-isipin na lang ang kaba ng mga tao sa barko habang sinasalubong nito ang malalakas na hangin at maalong dagat.
‘Hinahampas ng Unos’ (Gawa 27:7b-26)
9, 10. Anong mga hamon ang bumangon noong nasa may Creta na ang barko?
9 Plano sana ng kapitan ng barko na ituloy ang paglalayag pakanluran mula sa Cinido, pero ayon sa nakasaksing si Lucas, ‘pasalungat ang hangin’ sa kanila. (Gawa 27:7b) Habang papalayo ang barko sa baybayin, humihip ang malalakas na hangin mula sa hilagang-kanluran at mabilis nitong itinulak ang barko patimog. Kung paanong naglayag noon ang barkong sinasakyan ni Pablo malapit sa isla ng Ciprus para makapagkubli sa pasalungat na hangin, gayundin ang ginawa nila ngayon sa isla ng Creta. Nang makalampas ang barko sa Salmone sa may dulong-silangan ng Creta, medyo bumuti na ang paglalayag. Bakit? Ang barko ay napadpad sa gawing timog ng isla, kaya kahit paano ay nahaharangan na ito mula sa malalakas na hangin. Tiyak na nakahinga nang maluwag ang mga sakay ng barko—pero pansamantala lamang ito. Hangga’t nasa laot pa ang barko, alam ng mga mandaragat na nanganganib pa rin sila sa nalalapit na taglamig. Hindi pa tapos ang problema nila.
10 Detalyadong inilahad ni Lucas: “Pagkatapos ng mahirap na paglalayag sa may baybayin [sa Creta], nakarating kami sa Magagandang Daungan.” Kahit nahaharangan na ang malalakas na hangin, mahirap pa ring kontrolin ang barko. Pero sa wakas, nakakita sila ng isang look na puwedeng pagbabaan ng angkla. Gaano sila katagal doon? Sinabi ni Lucas na “mahabang panahon.” Dahil nagtagal na sila roon, mas mahihirapan na silang makaalis. Mas delikado na kasing maglayag kapag Setyembre/Oktubre.—Gawa 27:8, 9.
11. Ano ang iminungkahi ni Pablo sa mga kasama niya sa barko, pero ano ang napagpasiyahan ng karamihan?
11 Malamang na humingi ng payo kay Pablo ang ilang pasahero dahil ilang beses na rin siyang nakapaglayag sa Mediteraneo. Nagmungkahi siya na huwag na silang tumuloy sa paglalayag. Kung tutuloy sila, posibleng “mawasak ang barko [at] mawala ang kargamento,” at malamang na may mamatay pa nga. Subalit gusto ng kapitan at ng may-ari ng barko na magpatuloy sa paglalayag, dahil iniisip nila siguro na dapat silang makahanap agad ng isang mas ligtas na lugar. Nakumbinsi nila ang opisyal ng hukbo na si Julio, at naisip ng karamihan na dapat nilang piliting makarating sa Fenix, isang daungan sa gawi pa roon ng baybayin. Baka mas malaki ang daungan nito at mas magandang doon magpalipas ng taglamig. Kaya nang maging banayad ang ihip ng hangin mula sa timog, naglayag na sila.—Gawa 27:10-13.
12. Pagkaalis sa Creta, anong mga panganib ang napaharap sa barko, at ano ang ginawa ng mga tripulante?
12 Pero heto’t may panibago silang problema: isang “napakalakas na hangin,” o bagyo, mula sa hilagang-silangan. Pansamantala silang nakapagtago sa likod ng “isang maliit na isla na tinatawag na Cauda,” mga 65 kilometro mula sa Magagandang Daungan. Sa kabila nito, nanganganib pa ring mapadpad ang barko patimog hanggang sa sumadsad ito at mawasak sa baybayin ng Aprika. Nataranta ang mga mandaragat kaya dali-dali nilang isinampa sa kubyerta ang maliit na bangkang hila-hila ng barko. Nahirapan sila dahil malamang na punô na ng tubig ang bangka. Pagkatapos, sinikap nilang talian ang katawan ng barko sa pamamagitan ng mga lubid o kadena para hindi bumigay ang mga tabla nito. Ibinaba nila ang layag at ginawa ang lahat para makaligtas sa bagyo. Talagang nakakatakot! Sa kabila ng mga pagsisikap na iyon, ang barko ay patuloy na “hinahampas . . . ng unos.” Nang ikatlong araw, itinapon nila ang ilang kargamento ng barko, marahil para pagaanin ito.—Gawa 27:14-19.
13. Ano kaya ang pakiramdam ng mga nakasakay sa barkong sinasakyan ni Pablo habang bumabagyo?
13 Tiyak na naghari ang matinding takot. Pero tiwala si Pablo at ang kaniyang dalawang kasama na makaliligtas sila. Tiniyak ng Panginoon kay Pablo na makapagpapatotoo ang apostol sa Roma, at sa kalauna’y uulitin ng isang anghel ang pangakong iyon. (Gawa 19:21; 23:11) Pero gabi’t araw, sa loob ng dalawang linggo, hindi pa rin humuhupa ang bagyo. Dahil sa walang-tigil na pag-ulan at sa makapal na ulap na tumatakip sa araw at sa mga bituin, hindi matukoy ng kapitan kung nasaan na ang barko at kung saan ito patungo. Hindi na rin sila makakain. Sino ba naman ang makakakain, gayong lahat ay ginaw na ginaw, basang-basa, hilong-hilo, at takot na takot dahil sa patuloy na paghagupit ng bagyo?
14, 15. (a) Bakit inulit ni Pablo sa mga kasama niya sa barko ang nauna niyang babala? (b) Ano ang matututuhan natin sa mensahe ng pag-asa na ibinahagi ni Pablo?
14 Tumayo si Pablo at inulit niya ang nauna niyang babala, pero hindi sa paraan na para bang naninisi, ‘Sabi ko na sa inyo, eh.’ Sa halip, ang mga nangyaring iyon ay patunay lamang na mapagkakatiwalaan ang kaniyang sinabi. Pagkatapos, sinabi niya: “Lakasan ninyo ang loob ninyo, dahil walang mamamatay sa inyo; barko lang ang mawawasak.” (Gawa 27:21, 22) Tiyak na isang kaaliwan para sa mga nakikinig sa kaniya ang pananalitang iyon! Siguradong tuwang-tuwa rin si Pablo at nabigyan siya ni Jehova ng gayong mensahe ng pag-asa na maibabahagi niya sa mga kasama niya sa barko. Dapat nating tandaan na mahalaga kay Jehova ang buhay ng bawat tao. Nagmamalasakit siya sa bawat indibidwal. Isinulat ni apostol Pedro tungkol kay Jehova: “Hindi niya gustong mapuksa ang sinuman kundi gusto niya na ang lahat ay magsisi.” (2 Ped. 3:9) Kung gayon, dapat nating sikaping maipaabot agad sa mas maraming tao hangga’t maaari ang mensahe ng pag-asa mula kay Jehova! Buhay ang nakataya.
15 Malamang na nakapagpatotoo na si Pablo sa maraming kasama niya sa barko tungkol sa “pangako ng Diyos.” (Gawa 26:6; Col. 1:5) Ngayong nakikini-kinita na nilang mawawasak ang barko, napakagandang pagkakataon ito upang mabigyan sila ni Pablo ng matibay na dahilan para umasang makaliligtas sila. Sinabi niya: “Ngayong gabi, ang Diyos na nagmamay-ari sa akin . . . ay nagsugo ng isang anghel, at sinabi nito: ‘Huwag kang matakot, Pablo. Tatayo ka sa harap ni Cesar, at ililigtas ng Diyos ang lahat ng kasama mo sa barko.’” Pinasigla sila ni Pablo: “Kaya lakasan ninyo ang loob ninyo, mga lalaki, dahil naniniwala akong gagawin ng Diyos ang lahat ng sinabi sa akin ng anghel. Pero kailangan nating mapadpad sa baybayin ng isang isla.”—Gawa 27:23-26.
“Lahat Sila ay Ligtas na Nakarating sa Lupa” (Gawa 27:27-44)
16, 17. (a) Kailan nagkaroon ng pagkakataong manalangin si Pablo, at ano ang naging epekto nito? (b) Paano nagkatotoo ang hula ni Pablo?
16 Matapos ang dalawang linggong punô ng takot at mapadpad sa layong 870 kilometro, nabuhayan ng loob ang mga mandaragat, posibleng dahil nakarinig sila ng mga hampas ng alon sa isang kalapít na dalampasigan. Nagbaba sila ng mga angkla mula sa popa (likurang bahagi ng barko), upang hindi maanod ang barko palayo at upang maiharap ang proa (unahang bahagi ng barko) sa dalampasigan sakaling sumadsad sila rito. Sa puntong iyon, tinangka ng mga mandaragat na tumakas sa barko pero pinigilan sila ng mga sundalo. Sinabi ni Pablo sa opisyal ng hukbo at sa mga sundalo: “Kapag hinayaan ninyong tumakas ang mga taong ito, hindi kayo maliligtas.” Ngayong medyo nakapirmi na ang barko, hinimok ni Pablo ang lahat na kumain at tiniyak ulit sa kanila na makaliligtas sila. Pagkatapos, siya ay “nagpasalamat sa Diyos sa harap nilang lahat.” (Gawa 27:31, 35) Ang pananalanging ito ni Pablo ay isang halimbawa para kina Lucas, Aristarco, at sa mga Kristiyano sa ngayon. Ang mga pampublikong panalangin mo ba ay nagsisilbing pampatibay at kaaliwan sa iba?
17 Pagkatapos ng panalangin ni Pablo, “lumakas ang loob nilang lahat, at kumain na rin sila.” (Gawa 27:36) Itinapon nila ang mga trigong karga ng barko para lalo itong gumaan habang papalapit sa baybayin. Kinabukasan, pinutol ng mga mandaragat ang mga angkla, kinalag ang tali ng mga timon sa may popa, at itinaas ang layag sa unahan upang makontrol nila ang barko papuntang dalampasigan. Pagkatapos, sumadsad ang barko at bumaon ang proa nito, marahil sa buhangin o putik, at ang popa ay nawasak ng mga alon. Papatayin na sana ng ilang sundalo ang mga bilanggo para walang makatakas, pero pinigilan sila ni Julio. Sinabihan niya ang lahat na lumangoy o kaya’y magpaanod hanggang sa dalampasigan. Nagkatotoo ang hula ni Pablo—lahat ng 276 na sakay ng barko ay nakaligtas. Oo, “lahat sila ay ligtas na nakarating sa lupa.” Pero saang lugar kaya sila napadpad?—Gawa 27:44.
Gawa 28:1-10)
“Pambihirang Kabaitan” (18-20. Paano nagpakita ng “pambihirang kabaitan” ang mga taga-Malta, at anong himala ang ginawa ng Diyos sa pamamagitan ni Pablo?
18 Lumilitaw na sa isla ng Malta, sa timog ng Sicilia, napadpad ang mga nakaligtas. (Tingnan ang kahong “ Saang Malta Sila Napadpad?”) Bagaman iba ang wika ng mga naninirahan sa islang iyon, nagpakita sila ng “pambihirang kabaitan.” (Gawa 28:2) Nagpaningas sila ng apoy para mainitan ang mga estrangherong basang-basa at nangangatog sa ginaw. Sa pagkakataong ito, isang himala ang naganap.
19 Tumulong si Pablo sa pamumulot ng mga kahoy para ipanggatong. Habang inilalagay niya ang mga ito sa apoy, isang ulupong ang lumabas at kinagat siya nito sa kamay. Inakala ng mga taga-Malta na parusa ito ng mga diyos. a
20 Inakala ng mga tagaroon na “mamamaga ang katawan” ni Pablo. Ang orihinal na salitang ginamit para dito ay “isang termino sa medisina,” ayon sa isang reperensiyang akda. Hindi kataka-takang pumasok ang gayong pananalita sa isip ni “Lucas, ang minamahal na doktor.” (Gawa 28:6; Col. 4:14) Sa paanuman, naipagpag ni Pablo ang makamandag na ahas at walang masamang nangyari sa kaniya.
21. (a) Anong mga halimbawa ng pagiging eksakto, o tumpak, ang makikita natin sa ulat na ito ni Lucas? (b) Anong mga himala ang ginawa ni Pablo, at ano ang naging epekto nito sa mga taga-Malta?
21 Ang mayamang si Publio, na may mga lupain, ay nakatira doon. Maaaring siya ang pinakamataas na Romanong opisyal sa Malta. Ayon kay Lucas, si Publio “ang pinuno sa isla.” Ang titulong ginamit ng manunulat ang eksaktong makikita sa dalawang inskripsiyong nakita sa Malta. Pinatuloy at inasikaso ni Publio sa bahay niya si Pablo at ang mga kasama nito sa loob ng tatlong araw. Pero may sakit ang ama ni Publio. Isinulat ni Lucas na ang lalaki ay “may lagnat at disintirya.” Gumamit siya ng mga termino sa medisina para banggitin ang eksaktong sintomas ng sakit nito. Nanalangin si Pablo at ipinatong niya ang mga kamay niya sa lalaki, at ito’y gumaling. Namangha ang mga tagaroon sa himalang naganap, kaya dinala nila ang iba pang maysakit para mapagaling ang mga ito, at nagbigay sila ng mga regalo para matugunan ang mga pangangailangan ni Pablo at ng mga kasama niya.—Gawa 28:7-10.
22. (a) Paano pinuri ng isang propesor ang ulat ni Lucas tungkol sa paglalakbay patungong Roma? (b) Ano ang tatalakayin natin sa susunod na kabanata?
22 Gaya ng nakita natin, talagang eksakto at tumpak ang ulat tungkol sa bahaging ito ng paglalakbay ni Pablo. Sinabi ng isang propesor: “Ang ulat ni Lucas . . . ang isa sa pinakadetalyadong paglalarawan ng mga pangyayari sa Bibliya. Ang mga detalye nito tungkol sa paglalayag noong unang siglo ay eksaktong-eksakto at ang paglalarawan nito sa kondisyon sa silangang Mediteraneo ay tumpak na tumpak,” anupat masasabing galing talaga ito sa isang aktuwal na talaarawan. Malamang na isinulat ni Lucas ang gayong mga detalye noong kasama siya ng apostol sa paglalakbay. Kung gayon, tiyak na marami pa siyang naisulat sa pagpapatuloy ng kanilang paglalakbay. Ano kaya ang mangyayari kay Pablo pagdating nila sa Roma? Tingnan natin.
a Yamang pamilyar ang mga tagaroon sa gayong mga ahas, ipinahihiwatig nito na talagang may mga ulupong noon sa isla. Sa ngayon, wala nang mga ulupong sa Malta. Maaaring dahil ito sa mga pagbabago sa kapaligiran sa paglipas ng daan-daang taon o kaya naman ay sa pagdami ng mga nakatira sa islang iyon.