KABANATA 28
“Hanggang sa Pinakamalayong Bahagi ng Lupa”
Ipinagpapatuloy ng mga Saksi ni Jehova hanggang ngayon ang isang gawaing sinimulan ng mga tagasunod ni Jesu-Kristo noong unang siglo
1. Paano nagkakatulad ang mga Kristiyano noon at ang mga Saksi ni Jehova sa ngayon?
SILA ay masigasig na nagpatotoo. Buong puso nilang tinanggap ang tulong at patnubay ng banal na espiritu. Hindi naitikom ng pag-uusig ang kanilang mga labi. At sagana silang pinagpala ng Diyos. Totoo ang lahat ng ito sa mga Kristiyano noon, at totoo rin ito sa mga Saksi ni Jehova sa ngayon.
2, 3. Bakit natatangi ang aklat ng Mga Gawa?
2 Tiyak na napatibay ka at napalakas ng mga ulat sa Mga Gawa ng mga Apostol, isang aklat ng Bibliya na punong-puno ng aksiyon! Natatangi ito dahil ito lamang ang ulat na ginabayan ng Diyos tungkol sa kasaysayan ng mga Kristiyano noon.
3 Mababasa sa aklat ng Mga Gawa ang pangalan ng 95 indibidwal mula sa 32 lupain, 54 na lunsod, at 9 na isla. Isa itong kapana-panabik na kuwento tungkol sa mga tao—mga ordinaryong mamamayan, mapagmataas na panatiko sa relihiyon, mapagmalaking politiko, mararahas na mang-uusig. Pero higit sa lahat, tungkol ito sa iyong mga kapatid noong unang siglo, na hindi lamang napaharap sa mga hamon ng buhay kundi masigasig ding nangaral ng mabuting balita.
4. Ano ang nagbubuklod sa atin kina apostol Pablo, Tabita, at iba pang tapat na mga saksi noon?
4 Halos 2,000 taon na ang nakalilipas mula noong panahon ng masisigasig na apostol na sina Pedro at Pablo, ng minamahal na doktor na si Lucas, ng bukas-palad na si Bernabe, ng matapang na si Esteban, ng mabait na si Tabita, ng mapagpatuloy na si Lydia, at ng napakarami pang ibang tapat na saksi. Bagaman pinaghiwalay tayo ng panahon, pinagbuklod naman tayo ng isang gawain. Anong gawain? Ang paggawa ng mga alagad. (Mat. 28:19, 20) Isang napakalaking pribilehiyo na makibahagi sa gawaing ito!
5. Saan pinasimulan ng mga tagasunod ni Jesus ang kanilang atas na magpatotoo?
5 Balikan natin ang atas na ibinigay ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod. “Tatanggap kayo ng kapangyarihan kapag dumating sa inyo ang banal na espiritu,” ang sabi niya, “at magiging mga saksi ko kayo sa Jerusalem, sa buong Judea at Samaria, at hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa.” (Gawa 1:8) Una, binigyang-kapangyarihan ng banal na espiritu ang mga alagad na maging mga saksi “sa Jerusalem.” (Gawa 1:1–8:3) Sumunod, sa patnubay ng espiritu, nagpatotoo sila “sa buong Judea at Samaria.” (Gawa 8:4–13:3) Pagkatapos, dinala nila ang mabuting balita “sa pinakamalayong bahagi ng lupa.”—Gawa 13:4–28:31.
6, 7. Sa ating ministeryo, ano ang mayroon tayo na wala sa ating mga kapatid noong unang siglo?
6 Ang iyong mga kapatid noong unang siglo ay walang kumpletong Bibliya na nagamit sa pagpapatotoo nila. Naisulat ang aklat ng Mateo noon lang 41 C.E. Isinulat ang ilang liham ni Pablo bago natapos ang Mga Gawa, noong mga 61 C.E. Pero ang mga Kristiyano noon ay walang sariling kopya ng kumpletong Banal na Kasulatan o ng mga publikasyong maiiwan sa mga interesado. Bago naging mga alagad ni Jesus, napapakinggan na ng mga Judiong Kristiyano ang pagbasa sa Hebreong Kasulatan sa sinagoga. (2 Cor. 3:14-16) Pero kailangan pa rin nilang maging masisipag na estudyante at masaulo ang mga teksto para masipi ang mga ito.
7 Sa ngayon, karamihan sa atin ay may sariling kopya ng Bibliya at marami tayong literatura sa Bibliya. Gumagawa tayo ng mga alagad sa pamamagitan ng paghahayag ng mabuting balita sa 240 lupain at sa maraming wika.
Binigyang-Kapangyarihan ng Banal na Espiritu
8, 9. (a) Ano ang nagawa ng mga alagad ni Jesus dahil sa kapangyarihan ng banal na espiritu? (b) Ano ang nailalathala ng tapat na alipin sa tulong ng banal na espiritu?
8 Nang atasan ni Jesus ang kaniyang mga alagad na maging mga saksi, sinabi niya sa kanila: “Tatanggap kayo ng kapangyarihan kapag dumating sa inyo ang banal na espiritu.” Sa patnubay ng espiritu ng Diyos, o ng kaniyang aktibong puwersa, ang mga tagasunod ni Jesus ay magiging mga saksi sa buong lupa. Sa pamamagitan ng banal na espiritu, sina Pedro at Pablo ay nagpagaling ng maysakit, nagpalayas ng mga demonyo, at bumuhay pa nga ng patay! Gayunman, mayroon pang mas mahalagang layunin ang kapangyarihang tinanggap nila sa pamamagitan ng banal na espiritu. Tinulungan nito ang mga apostol at ang iba pang mga alagad na maibahagi ang tumpak na kaalaman sa mga tao para magkaroon ang mga ito ng buhay na walang hanggan.—Juan 17:3.
9 Noong Pentecostes 33 C.E., ang mga alagad ni Jesus ay nagsalita “ng iba’t ibang wika, ayon sa ipinagkaloob sa kanila ng espiritu.” Sa gayon ay nakapagpatotoo sila tungkol sa “makapangyarihang mga gawa ng Diyos.” (Gawa 2:1-4, 11) Hindi tayo makahimalang nakapagsasalita ng iba’t ibang wika sa ngayon. Pero sa tulong ng banal na espiritu, ang tapat na alipin ay nakapaglalathala ng mga literatura sa Bibliya sa maraming wika. Halimbawa, milyon-milyong kopya ng Bantayan at Gumising! ang iniimprenta bawat buwan, at ang ating website na jw.org ay naglalaman ng mga salig-Bibliyang publikasyon at video sa mahigit 1,000 wika. Nakatutulong ang lahat ng ito upang maihayag natin ang “makapangyarihang mga gawa ng Diyos” sa mga tao ng lahat ng bansa, tribo, at wika.—Apoc. 7:9.
10. Mula noong 1989, ano na ang naisagawa may kinalaman sa pagsasalin ng Bibliya?
10 Mula noong 1989, tinutukan na ng tapat na alipin ang paglalathala ng Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan sa maraming wika. Ang Bibliyang ito ay naisalin na sa mahigit 200 wika, at milyon-milyong kopya na ang naimprenta—at patuloy pang iniimprenta. Hindi ito magtatagumpay kung hindi dahil sa Diyos at sa kaniyang espiritu.
11. Ano na ang naisagawa may kinalaman sa pagsasalin ng mga publikasyon ng mga Saksi?
11 Libo-libong boluntaryong Kristiyano sa mahigit 150 bansa at lupain ang kasama sa gawaing pagsasalin. Hindi nga ito kataka-taka, dahil ito lamang ang tanging organisasyong ginagabayan ng banal na espiritu upang ‘lubusang magpatotoo’ sa buong daigdig tungkol sa Diyos na Jehova, sa kaniyang Mesiyanikong Hari, at sa nakatatag na Kaharian sa langit!—Gawa 28:23.
12. Bakit nakapagpatotoo si Pablo at ang iba pang mga Kristiyano?
12 Nang magpatotoo si Pablo sa mga Judio at mga Gentil sa Antioquia ng Pisidia, “naging mananampalataya ang lahat ng nakaayon sa buhay na walang hanggan.” (Gawa 13:48) Sa konklusyon ni Lucas sa aklat ng Mga Gawa, binanggit niya na “ipinangangaral [ni Pablo] ang Kaharian ng Diyos . . . nang may buong kalayaan sa pagsasalita, nang walang hadlang.” (Gawa 28:31) Saan ba nagpapatotoo ang apostol? Aba, sa Roma mismo—ang kabisera ng isang pandaigdig na kapangyarihan! Sa pamamagitan man ng mga pahayag o ng iba pang pamamaraan, nakapagpatotoo ang mga tagasunod ni Jesus noon sa tulong at patnubay ng banal na espiritu.
Tuloy Pa Rin Kahit Pinag-uusig
13. Bakit nararapat lamang na manalangin kapag pinag-uusig tayo?
13 Nang pag-usigin ang mga alagad ni Jesus noon, nagsumamo sila kay Jehova na sana’y tulungan silang maging matapang. Ang resulta? Napuspos sila ng banal na espiritu at naihayag nila ang salita ng Diyos nang walang takot. (Gawa 4:18-31) Tayo rin sa ngayon ay nananalangin na sana’y magkaroon tayo ng karunungan at lakas upang patuloy na makapagpatotoo kahit pinag-uusig. (Sant. 1:2-8) Dahil sa pagpapala ng Diyos at tulong ng banal na espiritu, patuloy tayong nakakapangaral. Walang makapipigil sa gawaing pagpapatotoo—kahit ang matinding pagsalansang ni ang brutal na pag-uusig man. Kapag pinag-uusig tayo, nararapat lamang na manalangin para sa banal na espiritu at para sa karunungan at lakas ng loob na maihayag ang mabuting balita.—Luc. 11:13.
14, 15. (a) Ano ang naging resulta ng “pag-uusig na nagsimula nang patayin si Esteban”? (b) Sa ating panahon, paano nalaman ng maraming mamamayan sa Siberia ang katotohanan?
14 Si Esteban ay lakas-loob na nagpatotoo bago namatay sa kamay ng kaniyang mga kaaway. (Gawa 6:5; 7:54-60) Dahil sa “matinding pag-uusig” noon, lahat ng alagad maliban sa mga apostol ay nangalat sa buong Judea at Samaria. Pero tuloy pa rin ang gawaing pagpapatotoo. Nagpunta si Felipe sa Samaria para ‘ipangaral ang Kristo’ at nagkaroon ito ng napakagandang resulta. (Gawa 8:1-8, 14, 15, 25) Bukod diyan, sinabi ng ulat: “Ang mga nangalat dahil sa pag-uusig na nagsimula nang patayin si Esteban ay nakarating hanggang sa Fenicia, Ciprus, at Antioquia, pero sa mga Judio lang nila ibinahagi ang mensahe. Pero ang ilan na mula sa Ciprus at Cirene ay pumunta sa Antioquia at inihayag sa mga taong nagsasalita ng Griego ang mabuting balita tungkol sa Panginoong Jesus.” (Gawa 11:19, 20) Noong panahong iyon, lumaganap ang mensahe ng Kaharian dahil sa pag-uusig.
15 Sa ating panahon, ganiyan din ang nangyari sa dating Soviet Union. Noong 1950’s, libo-libong Saksi ni Jehova ang ipinatapon sa Siberia. Dahil nangalat sila sa iba’t ibang pamayanan, patuloy na lumaganap ang mabuting balita sa malawak na lupaing iyon. Imposibleng makapaglakbay ang napakaraming Saksi noon nang 10,000 kilometro para maipangaral ang mabuting balita dahil sa laki ng pamasahe! Pero ang gobyerno mismo ang nagpadala sa kanila sa lugar na iyon. Sinabi ng isang brother, “Lumilitaw na ang mga awtoridad pa mismo ang nakatulong para malaman ng libo-libong tapat na mamamayan sa Siberia ang katotohanan.”
Saganang Pinagpala ni Jehova
16, 17. Anong katibayan ng pagpapala ni Jehova sa gawaing pagpapatotoo ang makikita sa aklat ng Mga Gawa?
16 Tiyak na pinagpala ni Jehova ang mga Kristiyano noon. Si Pablo at ang iba pa ang nagtanim at nagdilig, “pero ang Diyos ang patuloy na nagpapalago.” (1 Cor. 3:5, 6) Makikita sa mga ulat sa aklat ng Mga Gawa ang katibayan ng paglagong ito na resulta ng pagpapala ni Jehova sa gawaing pagpapatotoo. Halimbawa, “patuloy na lumaganap ang salita ng Diyos at tuloy-tuloy ang pagdami ng alagad sa Jerusalem.” (Gawa 6:7) Habang lumalaganap ang gawaing pagpapatotoo, “ang lahat ng alagad sa buong Judea, Galilea, at Samaria ay nakaranas ng isang yugto ng kapayapaan at napatibay; at habang namumuhay sila nang may takot kay Jehova at tumatanggap ng pampatibay mula sa banal na espiritu, patuloy silang dumarami.”—Gawa 9:31.
17 Sa Antioquia ng Sirya, narinig kapuwa ng mga Judio at ng mga mamamayang nagsasalita ng Griego ang katotohanan mula sa mga saksing may lakas ng loob. Ayon sa ulat, “sumakanila ang kamay ni Jehova; napakaraming naging mananampalataya at sumunod sa Panginoon.” (Gawa 11:21) Tungkol sa higit pang pagsulong sa lunsod na iyon, mababasa natin: “Ang salita ni Jehova ay patuloy na lumalaganap at marami ang nagiging mananampalataya.” (Gawa 12:24) At dahil sa puspusang pagpapatotoo ni Pablo at ng iba pa sa gitna ng mga Gentil, “sa makapangyarihang paraan, patuloy na lumaganap at nagtagumpay ang salita ni Jehova.”—Gawa 19:20.
18, 19. (a) Bakit tayo makakatiyak na sumasaatin “ang kamay ni Jehova”? (b) Magbigay ng halimbawa na nagpapakitang inaalalayan ni Jehova ang kaniyang mga lingkod.
18 “Ang kamay ni Jehova” ay tiyak na sumasaatin din sa ngayon. Kaya naman napakarami ang nananampalataya at nagpapabautismo bilang sagisag ng kanilang pag-aalay sa Diyos. Isa pa, sa pamamagitan lamang ng tulong at pagpapala ng Diyos kung kaya natitiis natin ang pagsalansang—kung minsan, ang matinding pag-uusig—at matagumpay na naisasagawa ang ating ministeryo, gaya ng ginawa ni Pablo at ng iba pang mga Kristiyano noon. (Gawa 14:19-21) Palaging nariyan ang Diyos na Jehova para sa atin. Sa lahat ng pinagdadaanan nating pagsubok, laging nakaalalay ang “walang-hanggang mga bisig niya.” (Deut. 33:27) Tandaan din natin na hinding-hindi pababayaan ni Jehova ang kaniyang mga lingkod, alang-alang sa kaniyang dakilang pangalan.—1 Sam. 12:22; Awit 94:14.
19 Halimbawa, dahil sa patuloy na pagpapatotoo ni Brother Harald Abt, ibinilanggo siya ng mga Nazi sa kampong piitan ng Sachsenhausen noong Digmaang Pandaigdig II. Noong Mayo 1942, pinuntahan ng Gestapo sa bahay ang kaniyang asawang si Elsa, kinuha ang kanilang anak na babae, at inaresto si Elsa. Ibinilanggo si Elsa sa iba’t ibang kampo. “Isang napakagandang aral ang natutuhan ko sa matagal kong pagkabilanggo sa mga kampong piitan sa Germany,” ang sabi ni Sister Abt. “Napatunayan kong kayang-kaya kang palakasin ng espiritu ni Jehova kapag nasa ilalim ng matinding pagsubok! Bago ako naaresto, may nabasa akong liham ng isang sister na nagsasabing kapag nasa ilalim ng matinding pagsubok, malaki ang nagagawa ng espiritu ni Jehova para manatili kang kalmado. Naisip kong parang sobra naman yata iyon. Pero nang ako na mismo ang dumanas ng pagsubok, napatunayan kong tama siya. Ganoon nga talaga ang nangyayari. Hindi mo iyon maiintindihan hangga’t hindi mo nararanasan. Pero iyon mismo ang naranasan ko.”
Patuloy na Lubusang Magpatotoo!
20. Ano ang ginawa ni Pablo noong nakabilanggo siya sa bahay, at paano nito mapapatibay ang ilan sa ating mga kapatid?
20 Nagtatapos ang aklat ng Mga Gawa sa pagsasabing si Pablo ay masigasig na ‘nangangaral ng Kaharian ng Diyos.’ (Gawa 28:31) Dahil nakabilanggo siya sa bahay, hindi siya makapangaral sa bahay-bahay sa Roma. Pero patuloy pa rin siyang nagpatotoo sa pamamagitan ng pangangaral sa mga pumupunta sa kaniya. Sa ngayon, ang ilan sa mahal nating mga kapatid ay ‘nakabilanggo’ rin sa bahay, marahil ay nakaratay sa higaan dahil sa sakit, o nakatira sa mga nursing home dahil sa katandaan, sakit, o kapansanan. Pero naroroon pa rin ang kanilang matinding pag-ibig sa Diyos at ang pagnanais na magpatotoo. Ipinapanalangin natin sila at hinihiling sa ating Ama sa langit na sana’y may makausap silang mga indibidwal na gustong matuto tungkol sa kaniya at sa kaniyang kamangha-manghang layunin.
21. Bakit ngayon na ang panahon para lubusang makibahagi sa gawaing pagpapatotoo?
21 Karamihan sa atin ay puwedeng makibahagi sa ministeryo sa bahay-bahay at sa iba pang aspekto ng paggawa ng alagad. Kaya gawin natin ang lahat para magampanan ang ating papel bilang mga tagapaghayag ng Kaharian, anupat nagpapatotoo “hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa.” Ngayon na ang panahon para lubusang makibahagi sa gawaing ito, yamang kitang-kita na natin ang “tanda” ng presensiya ni Kristo. (Mat. 24:3-14) Huwag nang mag-aksaya ng panahon. Sa ngayon, dapat na ‘lagi tayong maraming ginagawa para sa Panginoon.’—1 Cor. 15:58.
22. Ano ang dapat na maging determinasyon natin habang hinihintay ang araw ni Jehova?
22 Habang hinihintay nating “dumating ang dakila at kamangha-manghang araw ni Jehova,” maging determinado tayong patuloy na lubusang magpatotoo nang may lakas ng loob at katapatan. (Joel 2:31) Marami pa tayong makikitang mga tao na ‘buong pananabik na tatanggap sa salita,’ gaya ng mga taga-Berea. (Gawa 17:10, 11) Kung gayon, patuloy nawa tayong magpatotoo hanggang sa marinig na natin, wika nga, ang mga salitang: “Mahusay! Mabuti at tapat kang alipin!” (Mat. 25:23) Kung masigasig tayong makikibahagi sa paggawa ng mga alagad sa ngayon at mananatiling tapat kay Jehova, tiyak na hindi natin malilimutan kailanman ang kagalakang nadama natin sa pagkakaroon ng pribilehiyong ‘lubusang magpatotoo tungkol sa Kaharian ng Diyos’!