KABANATA 25
“Umaapela Ako kay Cesar!”
Nag-iwan si Pablo ng halimbawa kung paano ipagtatanggol ang mabuting balita
Batay sa Gawa 25:1–26:32
1, 2. (a) Sa anong sitwasyon napapaharap si Pablo? (b) Anong tanong ang bumabangon may kinalaman sa pag-apela ni Pablo kay Cesar?
SI Pablo ay maingat pa ring binabantayan sa Cesarea. Nang bumalik siya sa Judea dalawang taon bago nito, di-kukulangin sa tatlong beses na pinagtangkaan ng mga Judio ang kaniyang buhay sa loob lamang ng ilang araw. (Gawa 21:27-36; 23:10, 12-15, 27) Hanggang ngayon, bigo pa rin ang kaniyang mga kaaway, pero hindi sila sumusuko. Nang makita ni Pablo na puwede pa rin siyang mahulog sa kanilang kamay, sinabi niya sa Romanong gobernador na si Festo: “Umaapela ako kay Cesar!”—Gawa 25:11.
2 Sinang-ayunan ba ni Jehova ang pag-apela ni Pablo sa emperador ng Roma? Ang sagot diyan ay mahalaga para sa atin na lubusang nagpapatotoo tungkol sa Kaharian sa panahon ng wakas. Kailangan nating malaman kung ang ginawang iyon ni Pablo ay dapat nating tularan “sa pagtatanggol at legal na pagtatatag ng mabuting balita.”—Fil. 1:7.
“Nakatayo . . . sa Harap ng Luklukan ng Paghatol” (Gawa 25:1-12)
3, 4. (a) Ano ang motibo ng mga Judio sa kahilingan nilang papuntahin si Pablo sa Jerusalem, at paano siya nakaligtas sa tiyak na kamatayan? (b) Paano inaalalayan ni Jehova ang kaniyang mga lingkod sa ngayon, gaya ng ginawa niya kay Pablo?
3 Tatlong araw matapos umupo bilang Romanong gobernador ng Judea, nagpunta si Festo sa Jerusalem. a Doon, pinakinggan niya ang mabibigat na akusasyon ng mga punong saserdote at ng mga prominenteng lalaking Judio laban kay Pablo. Alam nilang obligado ang bagong gobernador na makipagpayapaan sa kanila at sa lahat ng Judio. Kaya nakiusap sila kay Festo: Papuntahin si Pablo sa Jerusalem, at doon siya litisin. Pero ang totoo, may maitim silang balak. Plano ng mga kaaway na iyon na tambangan si Pablo sa daan papuntang Jerusalem mula sa Cesarea. Pero hindi pumayag si Festo, na sinasabi: “Sumama sa akin [sa Cesarea] ang mga may awtoridad sa inyo . . . at akusahan ang lalaking iyon kung may ginawa siyang mali.” (Gawa 25:5) Dahil dito, nakaligtas na naman si Pablo sa tiyak na kamatayan.
4 Sa lahat ng pagsubok na pinagdaanan ni Pablo, inalalayan siya ni Jehova sa pamamagitan ng Panginoong Jesu-Kristo. Kung matatandaan natin, sinabi ni Jesus sa apostol sa isang pangitain: “Lakasan mo ang loob mo!” (Gawa 23:11) Sa ngayon, ang mga lingkod ng Diyos ay dumaranas din ng mga problema at pagbabanta. Hindi tayo pinoprotektahan ni Jehova sa bawat problema, pero binibigyan niya tayo ng karunungan at lakas para makapagtiis. Lagi tayong makaaasa sa “lakas na higit sa karaniwan” na inilalaan ng ating maibiging Diyos.—2 Cor. 4:7.
5. Paano hinawakan ni Festo ang kaso ni Pablo?
5 Pagkalipas ng ilang araw, “umupo [si Festo] sa luklukan ng paghatol” sa Cesarea. b Nasa harapan niya si Pablo at ang mga nag-aakusa sa apostol. Bilang sagot sa kanilang walang-basehang mga paratang, sinabi ni Pablo: “Wala akong ginawang kasalanan laban sa Kautusan ng mga Judio, sa templo, o kay Cesar.” Inosente ang apostol at nararapat lamang siyang palayain. Ano kaya ang magiging pasiya ni Festo? Palibhasa’y gusto niyang makuha ang pabor ng mga Judio, tinanong niya si Pablo: “Gusto mo bang pumunta sa Jerusalem para doon kita hatulan may kinalaman sa mga bagay na ito?” (Gawa 25:6-9) Malaking kalokohan ito! Kung sa Jerusalem hahatulan si Pablo, tiyak na kamatayan ang naghihintay sa kaniya roon dahil ang mga nag-aakusa sa kaniya ang siya mismong hahatol sa kaniya. Hindi tunay na katarungan ang iniisip ni Festo kundi ang katayuan niya sa politika. Parang ganiyan din ang ginawa ng isang naunang gobernador, si Poncio Pilato, nang hawakan nito ang kaso ng isang mas mahalagang bilanggo. (Juan 19:12-16) May mga hukom sa ngayon na pinagbibigyan ang gusto ng mga tao para makuha ang loob ng mga ito. Kaya hindi tayo dapat magtaka kapag hindi nagiging patas ang desisyon ng mga hukuman sa mga kasong nagsasangkot sa bayan ng Diyos.
6, 7. Bakit umapela si Pablo kay Cesar, at anong halimbawa ang iniwan ni Pablo para sa mga tunay na Kristiyano sa ngayon?
6 Dahil sa kagustuhan ni Festo na bumango ang kaniyang pangalan sa mga Judio, nanganib tuloy ang buhay ni Pablo. Kaya ginamit ni Pablo ang karapatan niya bilang isang mamamayang Romano. Sinabi niya kay Festo: “Nakatayo ako sa harap ng luklukan ng paghatol ni Cesar, kung saan ako dapat hatulan. Wala akong ginawang masama sa mga Judio, gaya rin ng alam mo. . . . Umaapela ako kay Cesar!” Ang ganitong pag-apela ay karaniwan nang hindi puwedeng bawiin o baguhin. Alam ito ni Festo, kaya mariin niyang sinabi: “Kay Cesar ka umapela, kay Cesar ka pupunta.” (Gawa 25:10-12) Ang pag-apela ni Pablo sa isang nakatataas na awtoridad sa batas ay isang halimbawa para sa mga tunay na Kristiyano sa ngayon. Kapag tinatangka ng mga mananalansang na gumawa ng “kapahamakan sa ngalan ng batas,” ginagamit ng mga Saksi ni Jehova ang mga probisyon ng batas para ipagtanggol ang mabuting balita. c—Awit 94:20.
7 Kaya makalipas ang dalawang-taóng pagkakakulong sa krimeng hindi naman ginawa ni Pablo, nabigyan din siya ng pagkakataong ipagtanggol ang kaniyang sarili sa Roma. Pero bago siya umalis patungong Roma, gusto muna siyang makita ng isa pang tagapamahala.
‘Hindi Ako Sumuway’ (Gawa 25:13–26:23)
8, 9. Bakit pumunta sa Cesarea si Haring Agripa?
8 Mga ilang araw matapos dinggin ni Festo ang apela ni Pablo kay Cesar, si Haring Agripa at ang kaniyang kapatid na si Bernice ay “dumating . . . para magbigay-galang” sa bagong gobernador. d Noong panahon ng Roma, nakaugalian na ng mga opisyal na gumawa ng ganitong mga pagdalaw sa mga bagong-atas na gobernador. Sa pagbati kay Festo sa pagiging gobernador nito, tiyak na pinapatibay ni Agripa ang kaniyang politikal at personal na mga koneksiyon na magagamit niya sa hinaharap.—Gawa 25:13.
9 Naikuwento ni Festo kay Agripa ang tungkol kay Pablo, at naintriga naman ang hari. Kinabukasan, “napakaengrande ng pagpasok” ng dalawang tagapamahala para umupo sa luklukan ng paghatol. Pero walang sinabi ang pagpapasiklab na ito kung ikukumpara sa mga salitang bibitiwan ng bilanggong nasa harapan nila.—Gawa 25:22-27.
10, 11. Paano nagpakita ng paggalang si Pablo kay Agripa, at anong bagay hinggil sa nakaraan ni Pablo ang isiniwalat ng apostol sa hari?
10 Buong galang na pinasalamatan ni Pablo si Haring Agripa sa pagkakataong ibinigay sa kaniya para magtanggol sa harap nito, at kinilala rin niya na ang hari ay eksperto sa lahat ng kaugalian pati na sa mga usapin sa gitna ng mga Judio. Pagkatapos, isinalaysay ni Pablo ang nakaraan niya: “Namuhay akong isang Pariseo ayon sa pinakamahigpit na turo ng aming relihiyon.” (Gawa 26:5) Bilang Pariseo, inaasahan ni Pablo ang pagdating ng Mesiyas, gaya rin ng inaasahan ng mga nag-aakusa sa kaniya. Ngayon, bilang isang Kristiyano, buong tapang niyang ipinapakilala na si Jesu-Kristo ang Mesiyas na iyon na matagal na nilang hinihintay. Pero lumilitaw na ang pagdating ng Mesiyas na pare-pareho nilang pinaniniwalaan ang naging dahilan kung bakit nililitis si Pablo noong araw na iyon. Dahil dito, lalong naging interesado si Agripa sa sasabihin ni Pablo. e
11 Isinalaysay rin ni Pablo ang malupit niyang pagtrato noon sa mga Kristiyano, na sinasabi: “Ako mismo ay kumbinsido noon na dapat kong gawin ang lahat ng magagawa ko laban sa pangalan ni Jesus na Nazareno. . . . Dahil sukdulan ang galit ko sa kanila [sa mga tagasunod ni Kristo], pinag-usig ko maging ang mga alagad sa malalayong lunsod.” (Gawa 26:9-11) Hindi gumagawa ng kuwento si Pablo. Marami ang nakaaalam sa mga ginawa niya sa mga Kristiyano. (Gal. 1:13, 23) Malamang na iniisip ni Agripa, ‘Ano kaya ang nagpabago sa ganitong uri ng tao?’
12, 13. (a) Paano inilarawan ni Pablo ang kaniyang pagkakumberte? (b) Sa paanong paraan “sinisipa [ni Pablo] ang mga tungkod na panggabay”?
12 Makikita ang sagot sa mga sinabi ni Pablo: “Naglakbay ako papuntang Damasco na may awtoridad at atas mula sa mga punong saserdote. Pero nang katanghaliang-tapat, O hari, isang liwanag mula sa langit na mas maningning pa sa araw ang suminag sa akin at sa mga kasama ko sa paglalakbay. At nang mabuwal kaming lahat, sinabi sa akin ng isang tinig sa wikang Hebreo: ‘Saul, Saul, bakit mo ako inuusig? Ikaw rin ang nahihirapan dahil sinisipa mo ang mga tungkod na panggabay.’ Pero sinabi ko: ‘Sino ka, Panginoon?’ Sinabi ng Panginoon: ‘Ako si Jesus, ang inuusig mo.’” f—Gawa 26:12-15.
13 Bago ang makahimalang pangyayaring ito, para bang “sinisipa [ni Pablo] ang mga tungkod na panggabay.” Ibig sabihin, kung paanong nasasaktan ng isang hayop na pantrabaho ang sarili nito kapag sinisipa nito ang matulis na dulo ng tungkod na panggabay, nasasaktan din ni Pablo ang kaniyang sarili sa espirituwal kapag kinakalaban niya ang kalooban ng Diyos. Dahil sa pagpapakita ng binuhay-muling si Jesus kay Pablo sa daan patungong Damasco, binago ng taimtim pero nailigaw na lalaking ito ang kaniyang pag-iisip.—Juan 16:1, 2.
14, 15. Ano ang sinabi ni Pablo tungkol sa mga pagbabagong ginawa niya sa kaniyang buhay?
14 Talaga ngang gumawa si Pablo ng malalaking pagbabago sa kaniyang buhay. Sinabi niya kay Agripa: “Hindi ko sinuway ang pangitain mula sa langit, kundi dinala ko ang mensahe, una ay sa mga nasa Damasco, pagkatapos ay sa Jerusalem, sa buong Judea, pati sa ibang mga bansa, na dapat silang magsisi at manumbalik sa Diyos sa pamamagitan ng mga gawang nagpapatunay sa kanilang pagsisisi.” (Gawa 26:19, 20) Sa loob ng maraming taon, tinupad ni Pablo ang atas na ibinigay sa kaniya ni Jesu-Kristo sa pamamagitan ng pangitaing iyon. Ano ang naging resulta? Ang mga tumugon sa mabuting balita na ipinangaral ni Pablo ay nagsisi sa kanilang imoral at di-tapat na paggawi at bumaling sa Diyos. Ang mga taong ito ay naging mabubuting mamamayan, na sumusunod sa batas at namumuhay nang maayos.
15 Gayunman, bale-wala ang mga kapakinabangang iyon sa mga Judiong mananalansang ni Pablo. Sinabi niya: “Dahil diyan, sinunggaban ako ng mga Judio sa templo at tinangka akong patayin. Pero dahil sa tulong ng Diyos, patuloy akong nakapagpapatotoo hanggang sa araw na ito sa nakabababa at nakatataas.”—Gawa 26:21, 22.
16. Paano natin matutularan si Pablo kapag nagsasalita sa harap ng mga hukom at ng mga tagapamahala tungkol sa ating mga paniniwala?
16 Bilang mga tunay na Kristiyano, dapat na ‘lagi nating handang ipagtanggol’ ang ating pananampalataya. (1 Ped. 3:15) Kapag nagsasalita sa harap ng mga hukom at ng mga tagapamahala tungkol sa ating mga paniniwala, makatutulong kung tutularan natin ang pamamaraang ginamit ni Pablo sa pagsasalita sa harap nina Agripa at Festo. Kung buong galang nating isasalaysay sa kanila ang mabuting epekto ng mga katotohanan sa Bibliya sa buhay natin at niyaong mga nakikinig sa ating mensahe, maaari nating maabot ang puso ng matataas na opisyal na ito.
Gawa 26:24-32)
“Mahihikayat Mo Akong Maging Kristiyano” (17. Ano ang naging reaksiyon ni Festo sa pagtatanggol ni Pablo, at anong katulad na reaksiyon ang nakikita natin sa mga tao sa ngayon?
17 Malaki ang naging epekto ng mapuwersang testimonya ni Pablo sa dalawang tagapamahala. Pansinin kung ano ang nangyari: “Habang sinasabi ito ni Pablo bilang pagtatanggol, sumigaw si Festo: ‘Baliw ka na, Pablo! Nababaliw ka na dahil sa dami ng alam mo!’” (Gawa 26:24) Ang matinding reaksiyong ito ni Festo ay karaniwan ding reaksiyon ng mga tao sa ngayon. Para sa marami, ang mga nagtuturo kung ano talaga ang sinasabi ng Bibliya ay mga panatiko. Karaniwan nang hindi matanggap ng marurunong sa sanlibutan ang turo ng Bibliya tungkol sa pagkabuhay-muli ng mga patay.
18. Ano ang sagot ni Pablo kay Festo, at ano naman ang naging tugon ni Agripa?
18 Pero may sagot si Pablo sa gobernador: “Hindi ako nababaliw, Inyong Kamahalang Festo. Matino ang isip ko at nagsasabi lang ako ng totoo. Siguradong alam na alam ito ng hari na malaya kong kinakausap ngayon . . . Naniniwala ka ba sa sinasabi ng mga propeta, Haring Agripa? Alam kong naniniwala ka.” Sinabi ni Agripa: “Sa maikling panahon lang, mahihikayat mo akong maging Kristiyano.” (Gawa 26:25-28) Ipinapakita ng mga salitang ito, taimtim man o hindi, na malaki ang naging epekto sa hari ng pagpapatotoo ni Pablo.
19. Ano ang naging konklusyon nina Festo at Agripa tungkol kay Pablo?
19 Pagkatapos, tumayo na sina Agripa at Festo, na nagpapakitang tapos na ang pag-uusap. “Habang papaalis sila, sinasabi nila sa isa’t isa: ‘Ang taong ito ay walang ginawang anuman na nararapat sa kamatayan o pagkabilanggo.’ Sinabi pa ni Agripa kay Festo: ‘Napalaya na sana ang taong ito kung hindi siya umapela kay Cesar.’” (Gawa 26:31, 32) Alam nilang inosente si Pablo. Marahil ay magbabago na ngayon ang tingin nila sa mga Kristiyano.
20. Ano ang naging resulta ng pagpapatotoo ni Pablo sa matataas na opisyal?
20 Ayon sa ulat, lumilitaw na hindi tinanggap ng dalawang makapangyarihang tagapamahalang iyon ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. Tama kaya ang naging pasiya ni Pablo na humarap sa mga lalaking iyon? Oo. Dahil sa pagdadala kay Pablo “sa harap ng mga hari at mga gobernador” sa Judea, nabigyan ng patotoo ang mga opisyal ng pamahalaan ng Roma na mahirap mapaabutan noon ng mabuting balita. (Luc. 21:12, 13) Bukod diyan, ang mga karanasan niya at katapatan sa ilalim ng pagsubok ay nagpatibay sa mga kapananampalataya niya.—Fil. 1:12-14.
21. Kung magpapatuloy tayo sa gawaing pang-Kaharian, anong magagandang resulta ang maaari nitong ibunga?
21 Ganiyan din naman sa ngayon. Kung magpapatuloy tayo sa gawaing pang-Kaharian sa kabila ng mga pagsubok at pagsalansang, maaari itong magbunga ng magagandang resulta. Mabibigyan ng patotoo ang mga opisyal na mahirap mapaabutan ng mabuting balita. Ang ating katapatan at pagtitiis ay maaaring magpatibay sa ating mga kapatid na Kristiyano at mag-udyok sa kanila na buong tapang na makibahagi sa lubusang pagpapatotoo tungkol sa Kaharian ng Diyos.
a Tingnan ang kahong “ Ang Romanong Gobernador na si Porcio Festo.”
b Ang “luklukan ng paghatol” ay isang upuang nakalagay sa ibabaw ng isang mataas na plataporma. Ang mataas na posisyon nito ay nagpapakitang hindi na mababago ang desisyon ng hukom at dapat itong igalang. Nakaupo si Pilato sa isang “luklukan ng paghatol” nang pagtimbang-timbangin niya ang mga akusasyon kay Jesus.
c Tingnan ang kahong “ Pag-apela Para sa Tunay na Pagsamba sa Ngayon.”
d Tingnan ang kahong “ Si Haring Herodes Agripa II.”
e Bilang isang Kristiyano, tinanggap ni Pablo na si Jesus ang Mesiyas. Pero para sa mga Judiong ayaw tumanggap kay Jesus, si Pablo ay isang apostata.—Gawa 21:21, 27, 28.
f May kinalaman sa sinabi ni Pablo na siya ay naglalakbay “nang katanghaliang-tapat,” binanggit ng isang iskolar ng Bibliya: “Karaniwan nang nagpapahinga ang isang manlalakbay kapag katanghaliang-tapat, maliban na lamang kung talagang nagmamadali siya. Kaya nakita natin na talagang pursigido si Pablo sa misyong ito ng pag-uusig.”