KABANATA 18
‘Hanapin ang Diyos at Talagang Makikita Siya’
Nagbangon si Pablo ng puntong mapagkakasunduan nila ng kaniyang mga tagapakinig at nakibagay siya sa kanila
Batay sa Gawa 17:16-34
1-3. (a) Bakit lubhang nabahala si Pablo noong nasa Atenas siya? (b) Ano ang matututuhan natin kay Pablo?
LUBHANG nababahala si Pablo. Siya ay nasa lunsod ng Atenas, sa Gresya, ang sentro ng edukasyon kung saan nagturo sina Socrates, Plato, at Aristotle. Napakarelihiyoso ng mga taga-Atenas. Saanman tumingin si Pablo—sa mga templo, liwasan, at lansangan—nagkalat ang mga idolo, palibhasa’y maraming sinasambang diyos ang mga taga-Atenas. Alam ni Pablo kung ano ang tingin ni Jehova, ang tunay na Diyos, sa idolatriya. (Ex. 20:4, 5) At gaya ni Jehova, kinasusuklaman din niya ang mga idolo!
2 Lalo nang nanindig ang balahibo ni Pablo sa nakita niya sa pamilihan. Nakahilera sa gawing hilagang-kanluran, malapit sa mismong pasukan, ang maraming estatuwa ng diyos na si Hermes na nagtatampok ng kaniyang ari. Punô ng dambana ang pamilihan. Paano kaya mangangaral ang masigasig na apostol sa napakaidolatrosong mga taga-Atenas? Makokontrol kaya niya ang kaniyang damdamin at makakahanap ng puntong mapagkakasunduan nila? Matutulungan kaya niya sila na hanapin ang tunay na Diyos at talagang makita Siya?
3 Ang pahayag ni Pablo sa mga edukadong lalaki ng Atenas, gaya ng nakaulat sa Gawa 17:22-31, ay magandang halimbawa ng kahusayan sa pagsasalita, pagiging mataktika, at pagkakaroon ng kaunawaan. Marami tayong matututuhan kay Pablo sa pagbabangon ng puntong mapagkakasunduan natin ng ating mga tagapakinig, anupat tinutulungan silang mangatuwiran.
Pagtuturo sa “Pamilihan” (Gawa 17:16-21)
4, 5. Saang lugar sa Atenas nangaral si Pablo, at bakit masasabing hindi madaling kumbinsihin ang kaniyang mga tagapakinig doon?
4 Dumalaw si Pablo sa Atenas noong mga 50 C.E. sa kaniyang ikalawang paglalakbay bilang misyonero. a Habang hinihintay ang pagdating nina Silas at Timoteo mula sa Berea, si Pablo ay ‘nakikipagkatuwiranan sa mga Judio’ gaya ng nakaugalian niya. Pumunta rin siya sa isang teritoryo kung saan matatagpuan ang mga di-Judiong mamamayan ng Atenas na “nasa pamilihan.” (Gawa 17:17) Ang pamilihan ng Atenas, na nasa hilagang-kanluran ng Akropolis, ay may lawak na mga limang ektarya. Hindi lang iyon isang lugar para mamilí at magbenta; nagsisilbi rin itong liwasan ng lunsod. Ayon sa isang reperensiya, ang lugar na iyon ang “sentro ng ekonomiya, politika, at kultura ng lunsod.” Gusto ng mga taga-Atenas na magtipon dito para pag-usapan ang intelektuwal na mga paksa.
5 Hindi madaling kumbinsihin ang mga tagapakinig ni Pablo. Kasama sa mga ito ang mga Epicureo at Estoico, na magkaribal na grupo ng mga pilosopo. b Naniniwala ang mga Epicureo na basta na lang umiral ang buhay. Sa maikli, ganito ang prinsipyo nila sa buhay: “Hindi dapat matakot sa Diyos; Hindi masakit mamatay; Puwedeng magpakabuti; Mapagtitiisan ang kasamaan.” Katuwiran at lohika naman ang itinataguyod ng mga Estoico at hindi sila naniniwalang isang Persona ang Diyos. Ang mga Epicureo at Estoico ay parehong hindi naniniwala sa pagkabuhay-muli na siyang itinuturo ng mga alagad ni Kristo. Maliwanag na ang mga pananaw ng dalawang grupong ito ng mga pilosopo ay hindi kaayon ng nakahihigit na katotohanan ng tunay na Kristiyanismo, na ipinangangaral ni Pablo.
6, 7. Ano ang naging reaksiyon ng ilang edukadong Griego sa turo ni Pablo, at anong nakakatulad na reaksiyon ang maaaring mapaharap sa atin sa ngayon?
6 Ano ang naging reaksiyon ng mga edukadong Griego sa turo ni Pablo? Gumamit ang ilan ng salitang nangangahulugang ‘daldalero,’ o “mamumulot ng binhi.” (Tingnan ang study note sa Gawa 17:18, nwtsty.) Ganito ang sabi ng isang iskolar tungkol sa terminong Griegong ito: “Ang salitang ito ay unang ginamit upang tumukoy sa isang maliit na ibon na namumulot ng butil sa pamamagitan ng pagtuka rito, at ikinapit nang maglaon sa mga taong namumulot ng tira-tirang pagkain at ng kung ano-ano pa sa pamilihan. Subalit sa bandang huli, ginamit na rin ito para tumukoy sa isang taong namumulot ng kung ano-anong impormasyon, at lalo na sa isa na hindi naman nakauunawa sa mga ito.” Sa diwa, sinasabi ng mga edukadong lalaking iyon na si Pablo ay isang ignoranteng nanggagaya lamang. Pero tulad ng makikita natin, hindi nagpaapekto si Pablo sa gayong pang-iinsulto.
7 Gayundin naman sa ngayon. Bilang mga Saksi ni Jehova, nagiging tampulan tayo ng pang-iinsulto dahil sa ating salig-Bibliyang mga paniniwala. Halimbawa, itinuturo ng ilang propesor na totoo ang ebolusyon at iginigiit nila na kung talagang matalino ka, tatanggapin mo ang turong ito. Para na rin nilang sinabing ignorante ang mga ayaw maniwala rito. Nais ng gayong mga edukadong tao na isipin ng iba na tayo ay mga “mamumulot ng binhi” kapag inihaharap natin kung ano ang sinasabi ng Bibliya at ipinapakita ang mga katibayan na may nagdisenyo sa kalikasan. Pero hindi tayo nagpapaapekto sa kanila. Sa kabaligtaran, may kumpiyansa nating ipinagtatanggol ang ating paniniwala na ang buhay sa lupa ay nilikha ng isang matalinong Disenyador, ang Diyos na Jehova.—Apoc. 4:11.
8. (a) Ano ang reaksiyon ng ilan sa mga nakarinig sa pangangaral ni Pablo? (b) Ano kaya ang kahulugan ng pagdadala kay Pablo sa Areopago? (Tingnan ang talababa.)
8 Iba naman ang naging reaksiyon ng ilang nakarinig sa pangangaral ni Pablo sa pamilihan. “Nangangaral yata siya tungkol sa mga bathala ng mga banyaga,” ang sabi nila. (Gawa 17:18) Talaga nga bang may ipinapakilala si Pablo na bagong mga diyos sa mga taga-Atenas? Maselang bagay ito, dahil halos ganito rin ang paratang kay Socrates mga ilang daang taon bago nito, na nauwi sa paglilitis at hatol na kamatayan sa kaniya. Kaya hindi kataka-takang dinala si Pablo sa Areopago at hinilingang ipaliwanag ang mga turong tila bago sa pandinig ng mga taga-Atenas. c Paano kaya ipagtatanggol ni Pablo ang kaniyang mensahe sa mga indibidwal na hindi pamilyar sa Kasulatan?
“Mga Lalaki ng Atenas, . . . Napansin Ko” (Gawa 17:22, 23)
9-11. (a) Paano sinikap ni Pablo na magbangon ng puntong mapagkakasunduan nila ng kaniyang mga tagapakinig? (b) Paano natin matutularan ang halimbawa ni Pablo sa ating ministeryo?
9 Tandaan na lubhang nabahala si Pablo sa lahat ng idolatrosong bagay na nakita niya. Pero sa halip na basta na lamang batikusin ang pagsamba sa idolo, nanatili siyang kalmado. Mataktika at buong sikap niyang kinuha ang interes ng kaniyang mga tagapakinig sa pamamagitan ng pagbabangon ng puntong mapagkakasunduan nila. Ganito ang kaniyang pasimula: “Mga lalaki ng Atenas, kumpara sa ibang tao, napansin ko na mas may takot kayo sa mga bathala.” (Gawa 17:22) Para bang sinasabi ni Pablo, ‘Napansin kong napakarelihiyoso ninyo.’ Tama ang ginawa ni Pablo nang papurihan niya ang mga taong iyon sa kanilang pagiging relihiyoso. Alam niyang posibleng maaamo naman ang ilang nabulag ng huwad na mga paniniwala. Batid ni Pablo na siya mismo ay dating ‘walang-alam at walang pananampalataya.’—1 Tim. 1:13.
10 Para makapagbangon ng isang puntong mapagkakasunduan nila, binanggit ni Pablo na may napansin siyang matibay na patotoong talagang relihiyoso ang mga taga-Atenas—isang altar na nakaalay “Sa Isang Di-kilalang Diyos.” Ayon sa isang reperensiya, “nakaugalian ng mga Griego at ng iba pa na gumawa ng mga altar para sa ‘mga di-kilalang diyos,’ dahil sa takot na baka may makaligtaan silang diyos at magalit ito.” Kaya aminado ang mga taga-Atenas na may umiiral na Diyos na hindi nila kilala. Ginamit ni Pablo ang altar na ito para maipasok niya ang mabuting balita. Ipinaliwanag niya: “Ang Diyos na ito na sinasamba ninyo pero hindi ninyo kilala, ito ang ipinahahayag ko sa inyo.” (Gawa 17:23) Maingat si Pablo sa kaniyang pangangatuwiran, pero naging mabisa ito. Wala siyang ipinapakilalang bago o kakaibang diyos, di-gaya ng ipinaparatang ng ilan. Ipinapaliwanag lamang niya ang tungkol sa Diyos na hindi nila kilala—ang tunay na Diyos.
11 Paano natin matutularan ang halimbawa ni Pablo sa ating ministeryo? Kung mapagmasid tayo, baka may makita tayong mga palatandaang deboto sa relihiyon ang kausap natin. Baka mapansin nating may suot siyang kuwintas na may krus, o mayroon siyang mga imahen sa bahay, o kaya’y groto sa bakuran. Puwede nating sabihin: ‘Napansin kong relihiyoso kayo. Gustong-gusto ko pong makipag-usap sa mga taong katulad ninyo.’ Kung mataktika nating kikilalanin ang pagiging relihiyoso ng isang tao, maaari tayong makapagpasimula ng pag-uusap. Tandaan, hindi natin layuning husgahan ang iba batay sa kanilang relihiyosong mga paniniwala. Marami tayong kapananampalataya na dating nanghahawakang mahigpit sa huwad na relihiyosong mga paniniwala.
‘Hindi Malayo ang Diyos sa Bawat Isa sa Atin’ (Gawa 17:24-28)
12. Ano-anong paraan ang ginamit ni Pablo upang makuha ang interes ng kaniyang mga tagapakinig?
12 Nakapagbangon na si Pablo ng puntong mapagkakasunduan nila ng kaniyang mga tagapakinig, pero magagamit niya kaya ito para tuluyang makapagpatotoo? Alam niyang nakapag-aral ng pilosopiyang Griego ang kaniyang mga tagapakinig at hindi sila pamilyar sa Kasulatan, kaya naman gumamit siya ng iba’t ibang paraan. Una, iniharap niya ang mga turo sa Bibliya nang hindi tuwirang sumisipi sa Kasulatan. Ikalawa, ipinadama niya sa kaniyang mga tagapakinig na siya ay katulad din nila, anupat gumamit pa nga siya ng mga salitang “atin” at “tayo.” Ikatlo, sumipi siya sa panitikang Griego upang ipakita na ang ilan sa mga bagay na itinuturo niya ay makikita rin sa kanilang sariling mga akda. Suriin natin ngayon ang mapuwersang pahayag ni Pablo. Anong mahahalagang katotohanan ang iniharap niya tungkol sa Diyos na hindi kilala ng mga taga-Atenas?
13. Ano ang ipinaliwanag ni Pablo tungkol sa pinagmulan ng uniberso, at ano ang mensahe niya?
13 Ang Diyos ang lumalang sa uniberso. Sinabi ni Pablo: “Ang Diyos na gumawa ng mundo at ng lahat ng narito, ang Panginoon ng langit at lupa, ay hindi naninirahan sa mga templong gawa ng tao.” d (Gawa 17:24) Hindi lang basta lumitaw ang uniberso. Ang tunay na Diyos ang Maylalang ng lahat. (Awit 146:6) Ang kaluwalhatian ni Athena o ng iba pang bathala ay nakadepende sa mga templo, dambana, at altar, samantalang ang Kataas-taasang Panginoon ng langit at lupa ay hindi man lang magkasya sa mga templong gawa ng tao. (1 Hari 8:27) Malinaw ang mensahe ni Pablo: Ang tunay na Diyos ay mas maluwalhati kaysa sa anumang idolong gawa ng tao na makikita sa mga templong gawa ng tao.—Isa. 40:18-26.
14. Paano ipinakita ni Pablo na hindi umaasa sa tao ang Diyos?
14 Hindi umaasa sa tao ang Diyos. Nakaugalian na ng mga mananamba ng idolo na bihisan ang kanilang mga imahen ng magagarbong damit, bigyan ang mga ito ng napakaraming mamahaling regalo, o alayan ng pagkain at inumin—na para bang kailangan ng mga idolong ito ang gayong mga bagay! Subalit posibleng ang ilan sa mga pilosopong Griego na tagapakinig ni Pablo ay naniniwala na walang kailangan mula sa tao ang isang diyos. Kung gayon, tiyak na sumang-ayon sila sa sinabi ni Pablo na ang Diyos ay hindi “pinagsisilbihan ng mga tao na para bang may kailangan siya.” Wala ngang anumang materyal na bagay na maibibigay ang tao sa Maylalang! Sa halip, siya ang nagbibigay sa mga tao ng kanilang kailangan—“buhay, hininga, at lahat ng bagay,” kasama na ang araw, ulan, at matabang lupa. (Gawa 17:25; Gen. 2:7) Kaya ang Diyos, ang Tagapagbigay, ay hindi umaasa sa mga tao, ang mga tagatanggap.
15. Paano ipinakita ni Pablo sa mga tagapakinig niyang taga-Atenas na hindi sila nakahihigit sa mga di-Griego, at anong mahalagang aral ang matututuhan natin sa kaniyang halimbawa?
15 Ginawa ng Diyos ang mga tao. Naniniwala ang mga taga-Atenas na nakahihigit sila sa mga di-Griego. Pero salungat sa turo ng Bibliya ang nasyonalismo. (Deut. 10:17) Mataktika at may kahusayang tinalakay ni Pablo ang maselang bagay na ito. Nang sabihin niyang “mula sa isang tao, ginawa [ng Diyos] ang lahat ng bansa,” tiyak na nag-isip ang kaniyang mga tagapakinig. (Gawa 17:26) Ang tinutukoy ni Pablo ay ang ulat ng Genesis tungkol kay Adan, ang pinagmulan ng lahat ng tao. (Gen. 1:26-28) Yamang iisa lamang ang pinagmulan ng lahat ng tao, walang lahi ni nasyonalidad ang nakahihigit sa iba. Imposibleng hindi makuha ng mga tagapakinig ni Pablo ang puntong ito. May matututuhan tayong mahalagang aral sa kaniyang halimbawa. Bagaman nais nating maging mataktika at makatuwiran sa ating pagpapatotoo, hindi natin dapat pagaanin ang katotohanan sa Bibliya para lamang mas matanggap ito ng iba.
16. Ano ang layunin ng Maylalang para sa mga tao?
16 Nilayon ng Diyos na mapalapít sa kaniya ang mga tao. Kahit matagal nang pinagtatalunan ng mga pilosopong tagapakinig ni Pablo ang layunin ng pag-iral ng tao, hindi pa rin nila ito maipaliwanag nang husto. Sa kabilang banda, malinaw na isiniwalat ni Pablo ang layunin ng Maylalang para sa mga tao, samakatuwid nga, ang “hanapin nila ang Diyos.” Kasi “kung sisikapin nilang hanapin siya, talagang makikita nila siya, dahil ang totoo, hindi siya malayo sa bawat isa sa atin.” (Gawa 17:27) Ang Diyos na di-kilala ng mga taga-Atenas ay hindi naman imposibleng makilala. Sa katunayan, hindi siya malayo sa mga tao na talagang gustong makahanap at matuto mula sa kaniya. (Awit 145:18) Pansinin na ginamit ni Pablo ang terminong “atin,” sa gayo’y isinama niya ang kaniyang sarili sa mga ‘nagsisikap humanap’ sa Diyos.
17, 18. Bakit dapat makadama ang mga tao ng pagnanais na mapalapít sa Diyos, at ano ang matututuhan natin sa paraang ginamit ni Pablo para makuha ang interes ng kaniyang mga tagapakinig?
17 Dapat makadama ang mga tao ng pagnanais na mapalapít sa Diyos. Sinabi ni Pablo na dahil sa Kaniya, “tayo ay may buhay at kumikilos at umiiral.” Sinasabi ng ilang iskolar na ang tinutukoy ni Pablo ay ang mga pananalita ni Epimenides, isang makatang taga-Creta na nabuhay noong mga ikaanim na siglo B.C.E. at “isang kilalang personalidad pagdating sa relihiyosong tradisyon ng mga taga-Atenas.” Nagbigay si Pablo ng isa pang dahilan kung bakit dapat makadama ang mga tao ng pagnanais na mapalapít sa Diyos: “Sinabi ng ilan sa mga makata ninyo, ‘Dahil tayo rin ay mga anak niya.’” (Gawa 17:28) Dapat makadama ang mga tao ng malapít na kaugnayan sa Diyos; siya ang lumalang sa taong pinagmulan ng lahat ng tao. Para makuha ni Pablo ang interes ng mga tagapakinig niya, tuwiran at may katalinuhan siyang sumipi sa mga akdang Griego na malamang na kinikilala nila. e Bilang pagtulad sa halimbawa ni Pablo, maaari tayong sumipi paminsan-minsan sa sekular na kasaysayan, encyclopedia, o iba pang kinikilalang reperensiyang akda. Halimbawa, ang isang angkop na pagsipi mula sa isang kinikilalang reperensiya ay maaaring makakumbinsi sa isang di-Saksi na tanggapin ang tunay na pinagmulan ng ilang huwad na relihiyosong kaugalian.
18 Nakapagharap na si Pablo ng pangunahing katotohanan tungkol sa Diyos, anupat buong kahusayang ibinagay sa kaniyang mga tagapakinig ang kaniyang pananalita. Ano kaya ang nais ng apostol na gawin ng mga taga-Atenas sa napakahalagang impormasyong ito? Karaka-raka niya itong sinabi sa pagpapatuloy ng kaniyang pahayag.
‘Lahat ng Tao ay Dapat Magsisi’ (Gawa 17:29-31)
19, 20. (a) Paano mataktikang inilantad ni Pablo ang kamangmangan ng pagsamba sa mga idolong gawa ng tao? (b) Anong pagkilos ang kailangang gawin ng mga tagapakinig ni Pablo?
19 Handa na si Pablo na pakilusin ang kaniyang mga tagapakinig. Hinggil sa sinipi niya sa mga akdang Griego, idinagdag niya: “Dahil tayo ay mga anak ng Diyos, hindi natin dapat isipin na ang Diyos ay gawa sa ginto o pilak o bato, gaya ng isang imahen na ginawa at dinisenyo ng mga tao.” (Gawa 17:29) Kung ang tao ay gawa ng Diyos, paano ngang magiging Diyos ang mga idolong gawa lamang ng tao? Dahil sa mataktikang pangangatuwiran ni Pablo, nalantad ang kamangmangan ng pagsamba sa mga idolong gawa ng tao. (Awit 115:4-8; Isa. 44:9-20) At sa pagsasabing “hindi natin dapat,” malamang na hindi ganoon kasakit ang naging epekto ng saway ni Pablo.
20 Niliwanag ng apostol na kailangan ang pagkilos: “Pinalampas noon ng Diyos ang gayong kawalang-alam [ng pag-aakalang nalulugod ang Diyos sa mga taong sumasamba sa idolo], pero ngayon, sinasabi niya sa lahat ng tao na dapat silang magsisi.” (Gawa 17:30) Malamang na nagulat ang ilan sa mga tagapakinig ni Pablo nang sabihin niyang dapat silang magsisi. Pero sapat na ang kaniyang mapuwersang pahayag para maipakitang utang nila ang kanilang buhay sa Diyos at dahil dito, mananagot sila sa Kaniya. Kailangan nilang hanapin ang Diyos, matuto ng katotohanan tungkol sa kaniya, at maiayon ang kanilang buhay sa katotohanang iyan. Ibig sabihin, kailangang makita ng mga taga-Atenas na mali ang idolatriya at dapat nilang talikuran ito.
21, 22. Ano ang mapuwersang konklusyon ni Pablo, at ano ang kahulugan nito para sa atin?
21 Ganito ang mapuwersang konklusyon ni Pablo: “Nagtakda [ang Diyos] ng isang araw kung kailan hahatulan niya ang lupa ayon sa katuwiran sa pamamagitan ng lalaking inatasan niya, at bilang garantiya sa lahat ng tao, binuhay niya siyang muli.” (Gawa 17:31) Nalalapit na ang Araw ng Paghuhukom—isa ngang matibay na dahilan para hanapin at masumpungan ang tunay na Diyos! Hindi pinanganlan ni Pablo ang hinirang na Hukom. Pero nakakagulat ang sinabi ni Pablo tungkol sa Hukom na ito: Nabuhay siya bilang tao, namatay, at binuhay-muli ng Diyos!
22 Ang mapuwersang konklusyong iyan ay punong-puno ng kahulugan para sa atin sa ngayon. Alam natin na ang binuhay-muling si Jesu-Kristo ang Hukom na inatasan ng Diyos. (Juan 5:22) Alam din natin na isang libong taon ang saklaw ng Araw ng Paghuhukom at malapit na itong dumating. (Apoc. 20:4, 6) Hindi natin kinatatakutan ang Araw ng Paghuhukom, dahil alam nating magdudulot ito ng di-mailarawang pagpapala para sa mga naging tapat. Ang katuparan ng ating pag-asa para sa isang maluwalhating hinaharap ay ginagarantiyahan ng pinakadakilang himala—ang pagkabuhay-muli ni Jesu-Kristo!
“May mga . . . Naging Mananampalataya” (Gawa 17:32-34)
23. Ano ang magkakaibang reaksiyon ng mga tao sa pahayag ni Pablo?
23 Magkakaiba ang naging reaksiyon ng mga tao sa pahayag ni Pablo. “Tinuya siya ng ilan” nang marinig nila ang tungkol sa pagkabuhay-muli. Ang iba ay naging magalang, pero wala namang ginawang pagkilos. Sinabi nila: “Makikinig ulit kami sa sasabihin mo tungkol dito.” (Gawa 17:32) Subalit maganda ang naging pagtugon ng ilan: “May mga sumama sa kaniya at naging mananampalataya. Kabilang sa kanila si Dionisio na hukom sa korte ng Areopago, ang babaeng si Damaris, at iba pa.” (Gawa 17:34) Ganiyan din ang nagiging pagtugon ng mga tao sa ating ministeryo. Baka tinutuya tayo ng ilan, samantalang ang iba ay magalang nga, pero wala namang ginagawang pagkilos. Gayunman, masayang-masaya tayo kapag may tumatanggap sa mensahe ng Kaharian at nagiging mananampalataya.
24. Ano ang matututuhan natin sa pahayag ni Pablo sa Areopago?
24 Habang binubulay-bulay natin ang pahayag ni Pablo, marami tayong matututuhan tungkol sa pagbuo ng sunod-sunod na mga ideya, paghaharap ng nakakukumbinsing pangangatuwiran, at pakikibagay sa ating mga tagapakinig. Bukod diyan, matututuhan nating maging matiisin at mataktika sa mga nabulag ng huwad na relihiyosong mga paniniwala. Matututuhan din natin ang mahalagang aral na ito: Hindi natin kailanman dapat pagaanin ang katotohanan sa Bibliya para lang makuha ang interes ng ating mga tagapakinig. Kung tutularan natin ang halimbawa ni apostol Pablo, maaari tayong maging mabisang mga guro sa ministeryo sa larangan. Ang mga tagapangasiwa naman ay maaaring maging mas mahusay na mga guro sa kongregasyon. Kung gayon, lalo tayong magiging handang tumulong sa iba na ‘hanapin ang Diyos at talagang makita siya.’—Gawa 17:27.
a Tingnan ang kahong “ Atenas—Sentro ng Kultura ng Sinaunang Daigdig.”
b Tingnan ang kahong “ Mga Epicureo at Estoico.”
c Ang Areopago ay nasa hilagang-kanluran ng Akropolis, at dito karaniwang nagtitipon ang pangunahing konseho ng Atenas. Ang terminong “Areopago” ay puwedeng tumukoy sa konseho o sa mismong burol. Kaya iba-iba ang palagay ng mga iskolar kung saan dinala si Pablo—kung sa mismong burol na iyon o malapit doon, o sa pulong ng konseho sa ibang lugar na posibleng sa pamilihan.
d Ang salitang Griego na isinaling “mundo” ay koʹsmos, na ginagamit ng mga Griego upang tumukoy sa pisikal na uniberso. Posibleng ginamit ni Pablo ang terminong ito sa ganitong diwa para magkaroon sila ng mapagkakasunduan ng mga tagapakinig niyang Griego.
e Sumipi si Pablo mula sa Phaenomena, isang tula tungkol sa astronomiya, na isinulat ng makatang Estoico na si Aratus. May kahawig din itong pananalita sa iba pang akdang Griego, gaya ng Hymn to Zeus ng manunulat na Estoico na si Cleanthes.