ARALIN 3
Talaga Bang Galing sa Diyos ang Magandang Balita?
1. Sino ang Awtor ng Bibliya?
Ang magandang balita na maninirahan magpakailanman sa lupa ang tao ay nasa Bibliya. (Awit 37:29) Ang Bibliya ay binubuo ng 66 na maliliit na aklat. Mga 40 tapat na lalaki ang ginamit ng Diyos para isulat ang mga ito. Ang unang limang aklat ay isinulat ni Moises mga 3,500 taon na ang nakalilipas. Ang huling aklat naman ay isinulat ni apostol Juan mahigit 1,900 taon na ang nakararaan. Kaninong kaisipan ang isinulat sa Bibliya? Ipinarating ng Diyos sa mga manunulat ng Bibliya ang salita niya sa pamamagitan ng kaniyang banal na espiritu. (2 Samuel 23:2) Kaisipan ng Diyos ang isinulat ng mga lalaking ito, hindi ang sa kanila. Kaya si Jehova ang Awtor ng Bibliya.—Basahin ang 2 Timoteo 3:16; 2 Pedro 1:20, 21.
Panoorin ang video na Sino ang Awtor ng Bibliya?
2. Paano tayo nakakasiguro na totoo ang sinasabi ng Bibliya?
Alam nating galing sa Diyos ang Bibliya dahil sinasabi nito nang eksakto at detalyado ang mangyayari sa hinaharap. Hindi kayang gawin iyan ng tao. (Josue 23:14) Tanging ang Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat ang makapagsasabi ng magiging kinabukasan ng sangkatauhan.—Basahin ang Isaias 42:9; 46:10.
Siyempre kung ang Bibliya ay galing sa Diyos, hindi ito ordinaryong aklat. Bilyon-bilyong kopya nito ang naipamahagi na sa daan-daang wika. Kahit isang sinaunang aklat ang Bibliya, kaayon ito ng mga napatunayang turo ng siyensiya. At hindi nagkakasalungatan ang sinasabi ng 40 manunulat nito. * Isa pa, kitang-kita sa nilalaman ng Bibliya ang pag-ibig ng Diyos, at kaya nitong baguhin ang buhay ng tao. Kaya naman milyon-milyon ang kumbinsido na ang Bibliya ay Salita ng Diyos.—Basahin ang 1 Tesalonica 2:13.
Panoorin ang video na Paano Tayo Nakakasiguro na Totoo ang Sinasabi ng Bibliya?
3. Ano ang nilalaman ng Bibliya?
Isa sa pangunahing mensahe ng Bibliya ang magandang balita na ang Diyos ay may napakagandang layunin para sa atin. Ipinapaliwanag nito kung paano naiwala noon ng tao ang pagkakataong mabuhay sa paraisong lupa at kung paano maibabalik ang paraiso.—Basahin ang Apocalipsis 21:4, 5.
Mayroon ding mga batas, simulain, at payo na mababasa sa Salita ng Diyos. Nakaulat din sa Bibliya kung paano nakitungo ang Diyos sa mga tao noon. Makakatulong ang mga ulat na ito para malaman mo ang mga katangian ng Diyos at makilala siya nang husto. Itinuturo din ng Bibliya kung paano ka magiging kaibigan ng Diyos.—Basahin ang Awit 19:7, 11; Santiago 2:23; 4:8.
4. Paano mo maiintindihan ang nilalaman ng Bibliya?
Matutulungan ka ng brosyur na ito na maintindihan ang Bibliya sa pamamagitan ng pagsunod sa pamamaraang ginamit ni Jesus. Tuwing bumabanggit siya ng teksto sa Bibliya, ipinapaliwanag niya ang “kahulugan ng Kasulatan.”—Basahin ang Lucas 24:27, 45.
Napakasayang malaman ang magandang balita mula sa Diyos. Pero may mga tao na hindi interesado rito, at may mga naiinis pa nga. Huwag kang magpaapekto sa kanila. Ang pag-asa mong mabuhay nang walang hanggan ay nakadepende sa pagkilala mo sa Diyos.—Basahin ang Juan 17:3.
^ par. 3 Tingnan ang brosyur na Isang Aklat Para sa Lahat ng Tao.