KABANATA 7
Pagbibigay ng Proteksiyon—“Ang Diyos ang Ating Kanlungan”
1, 2. Nasa anong panganib ang mga Israelita sa kanilang pagpasok sa rehiyon ng Sinai noong 1513 B.C.E., at paano pinalakas ni Jehova ang kanilang loob?
ANG mga Israelita ay nanganib nang pumasok sila sa rehiyon ng Sinai sa pagsisimula ng 1513 B.C.E. Isang kakila-kilabot na paglalakbay ang naghihintay sa kanila noon, paglalakad sa “pagkalawak-lawak at nakakatakot na ilang na pinamumugaran ng makamandag na mga ahas at alakdan.” (Deuteronomio 8:15, The New English Bible) Napaharap din sila sa banta ng pagsalakay ng kaaway na mga bansa. Si Jehova ang nagdala sa kaniyang bayan sa sitwasyong ito. Bilang kanilang Diyos, mapoprotektahan niya kaya sila?
2 Kay laking pampalakas-loob ang mga salita ni Jehova: “Nakita ninyo mismo kung ano ang ginawa ko sa mga Ehipsiyo, para madala ko kayo sa mga pakpak ng mga agila at mailapit kayo sa akin.” (Exodo 19:4) Ipinaalaala ni Jehova sa kaniyang bayan na nailigtas na niya sila noon mula sa mga Ehipsiyo, na ginagamit ang mga agila, wika nga, upang madala sila tungo sa kaligtasan. Subalit may iba pang dahilan kung bakit ang “mga pakpak ng mga agila” ay angkop na lumalarawan sa proteksiyon ng Diyos.
3. Bakit ang “mga pakpak ng mga agila” ay angkop na lumalarawan sa proteksiyon ng Diyos?
3 Hindi lamang ginagamit ng mga agila ang kanilang malalapad at malalakas na pakpak sa pagpapailanlang. Sa kainitan ng araw, inilulukob ng isang inang agila ang kaniyang mga pakpak—na umaabot nang mahigit sa dalawang metro—upang magmistulang proteksiyon, na tumatabing sa kaniyang mahihina pa at maliliit na inakáy mula sa nakapapasong init ng araw. Kung minsan naman, iniyayakap niya ang kaniyang mga pakpak sa kaniyang mga inakáy upang protektahan ang mga ito sa malamig na hangin. Kung paanong iniingatan ng agila ang kaniyang mga inakáy, gayundin ikinubli at pinrotektahan ni Jehova ang bagong-silang na bansang Israel. Ngayong nasa ilang, ang kaniyang bayan ay patuloy na manganganlong sa lilim ng kaniyang makapangyarihang mga pakpak habang sila’y nananatiling tapat. (Deuteronomio 32:9-11; Awit 36:7) Subalit makatuwiran ba tayong makaaasa sa ngayon na poprotektahan tayo ng Diyos?
Ang Pangako na Magbibigay ng Proteksiyon ang Diyos
4, 5. Bakit tayo lubusang makapagtitiwala sa pangako ng Diyos na poprotektahan niya tayo?
4 Talagang may kakayahan si Jehova na protektahan ang kaniyang mga lingkod. Siya ang “Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat”—isang titulo na nagpapahiwatig na taglay niya ang di-malalabanang kapangyarihan. (Genesis 17:1) Gaya ng di-masasawatang paglaki at pagliit ng tubig sa dagat, ang aktibong kapangyarihan ni Jehova ay hindi mahahadlangan. Yamang kaya niyang gawin ang anumang gustuhin niya, maitatanong natin, ‘Kalooban ba ni Jehova na gamitin ang kaniyang kapangyarihan upang protektahan ang kaniyang bayan?’
5 Ang sagot, sa isang salita, ay oo! Tinitiyak sa atin ni Jehova na poprotektahan niya ang kaniyang bayan. “Ang Diyos ang ating kanlungan at lakas, handa siyang tumulong kapag may mga problema,” ang sabi sa Awit 46:1. Yamang ang Diyos ay “hindi makapagsisinungaling,” lubusan tayong makapagtitiwala sa kaniyang pangako na poprotektahan niya tayo. (Tito 1:2) Isaalang-alang natin ang ilang matitingkad na ilustrasyon na ginagamit ni Jehova upang ilarawan ang kaniyang pangangalaga.
6, 7. (a) Ang pastol noong panahon ng Bibliya ay naglalaan ng anong proteksiyon para sa kaniyang mga tupa? (b) Paano inilalarawan ng Bibliya ang taos-pusong pagnanais ni Jehova na protektahan at pangalagaan ang kaniyang mga tupa?
6 Si Jehova ang ating Pastol, at “tayo ang bayan niya at ang mga tupa sa pastulan niya.” (Awit 23:1; 100:3) Bibihirang hayop ang walang kalaban-laban na tulad ng inaalagaang tupa. Ang pastol noong panahon ng Bibliya ay dapat na maging matapang upang maprotektahan ang kaniyang mga tupa mula sa mga leon, lobo, at mga oso, gayundin mula sa mga magnanakaw. (1 Samuel 17:34, 35; Juan 10:12, 13) Subalit may mga panahon na kailangang maging malumanay sa pagprotekta sa mga tupa. Kapag nagsilang ang isang tupa na malayo sa kulungan, binabantayan ng mapagkalingang pastol ang ina habang ito’y mahina pa at pagkatapos ay binubuhat niya ang walang kalaban-labang kordero at dinadala ito sa kulungan.
7 Sa paghahalintulad ng kaniyang sarili sa isang pastol, tinitiyak sa atin ni Jehova ang kaniyang taos-pusong pagnanais na protektahan tayo. (Ezekiel 34:11-16) Alalahanin ang paglalarawan kay Jehova na masusumpungan sa Isaias 40:11, na tinalakay sa Kabanata 2 ng aklat na ito: “Gaya ng isang pastol, aalagaan niya ang kawan niya. Titipunin ng kaniyang bisig ang mga kordero, at bubuhatin niya sila sa kaniyang dibdib.” Paano mapupunta ang maliit na kordero sa “dibdib” ng pastol—sa mga tupi sa bandang itaas ng damit niya? Ang kordero ay maaaring lumapit sa pastol at marahan pa ngang dumampi sa kaniyang binti. Gayunman, ang pastol ang siyang kailangang yumuko, bumuhat sa kordero, at marahang maglagay nito sa kaniyang dibdib. Isa ngang tunay na mapagmahal na larawan ng pagnanais ng ating Dakilang Pastol na ikubli at protektahan tayo!
8. (a) Kanino ipinagkakaloob ang pangakong proteksiyon ng Diyos, at paano ito ipinahihiwatig sa Kawikaan 18:10? (b) Ano ang nasasangkot sa panganganlong sa pangalan ng Diyos?
8 Ang pangako ng Diyos na proteksiyon ay may pasubali —mararanasan lamang ito niyaong mga lumalapit sa kaniya. Ang Kawikaan 18:10 ay nagsasabi: “Ang pangalan ni Jehova ay matibay na tore. Doon tumatakbo ang matuwid at tumatanggap ng proteksiyon.” Noong panahon ng Bibliya, ang mga tore kung minsan ay itinatayo sa ilang bilang mga ligtas na dakong kanlungan. Subalit pananagutan na ng isang nanganganib na tumakas patungo sa gayong tore upang makaligtas. Katulad din ito ng panganganlong sa pangalan ng Diyos. Hindi lamang ang pag-uulit ng pangalan ng Diyos ang sangkot dito; ang pangalan ng Diyos sa ganang sarili nito ay hindi isang mahiwagang anting-anting. Sa halip, kailangan nating makilala at pagtiwalaan ang Maytaglay ng pangalang iyan at mamuhay ayon sa kaniyang matuwid na mga pamantayan. Kay bait talaga ni Jehova na tiyakin sa atin na kung tayo’y babaling sa kaniya taglay ang pananampalataya, siya’y magiging isang toreng nagbibigay ng proteksiyon sa atin!
‘Kaya Kaming Iligtas ng Diyos Namin’
9. Paanong si Jehova ay hindi lamang nangangako ng proteksiyon?
9 Hindi lamang basta nangangako si Jehova ng proteksiyon. Noong panahon ng Bibliya, ipinamalas niya sa makahimalang mga paraan na naprotektahan niya ang kaniyang bayan. Noong panahon ng kasaysayan ng Israel, kadalasan nang nasusugpo ng makapangyarihang “kamay” ni Jehova ang malalakas na kaaway. (Exodo 7:4) Gayunman, ginamit din ni Jehova ang kaniyang kapangyarihang magbigay ng proteksiyon alang-alang sa mga indibidwal.
10, 11. Anong mga halimbawa sa Bibliya ang nagpapakita kung paano ginamit ni Jehova ang kaniyang kapangyarihang magbigay ng proteksiyon alang-alang sa mga indibidwal?
10 Nang ang tatlong kabataang Hebreo—na kilala bilang sina Sadrac, Mesac, at Abednego—ay tumangging yumukod sa gintong imahen ni Haring Nabucodonosor, nagbabala ang galit na galit na hari na ihahagis sila sa isang pagkainit-init na hurno. “Sinong diyos ang makapagliligtas sa inyo mula sa kamay ko?” ang panunuya ni Nabucodonosor, ang pinakamakapangyarihang monarka sa lupa. (Daniel 3:15) Ang tatlong kabataang lalaki ay may lubos na pagtitiwala sa kapangyarihan ng kanilang Diyos na protektahan sila, subalit hindi sila umasa na tiyak na gagawin niya iyon. Sa gayon, sila’y sumagot: “Kung ihahagis kami sa nagniningas na hurno, kaya kaming iligtas ng Diyos na pinaglilingkuran namin.” (Daniel 3:17) Sa katunayan, ang nagniningas na hurnong iyon, kahit na pinainit pa nang pitong ulit kaysa sa normal, ay hindi naman talaga naging hamon sa kanilang Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat. Pinrotektahan nga niya sila, at napilitan ang hari na aminin: “Walang ibang diyos na makapagliligtas na gaya ng isang ito.”—Daniel 3:29.
11 Nagbigay pa rin si Jehova ng isang tunay na kahanga-hangang pagtatanghal ng kaniyang kapangyarihang magbigay ng proteksiyon nang ilipat niya ang buhay ng kaniyang kaisa-isang Anak sa sinapupunan ng Judiong birhen na si Maria. Sinabi ng anghel kay Maria na siya’y “magdadalang-tao . . . at magkakaanak ng isang lalaki.” Sinabi pa ng anghel: “Sasaiyo ang banal na espiritu, at lililiman ka ng kapangyarihan ng Kataas-taasan.” (Lucas 1:31, 35) Sa wari, ang Anak ng Diyos ay hindi pa kailanman napasa ganitong kapanganib na kalagayan. Mababahiran kaya ng kasalanan at pagiging di-perpekto ng taong ina ang binhi? Masasaktan kaya o mapapatay ni Satanas ang Anak na iyan bago siya isilang? Imposible! Sa diwa, si Jehova ay naglagay ng isang pader sa palibot ni Maria upang walang anumang bagay—pagiging di-perpekto, anumang nakapananakit na puwersa, mapamaslang na tao, o demonyo—ang makapipinsala sa lumalaking binhi, mula sa panahon ng paglilihi patuloy. Nagpatuloy si Jehova sa pagprotekta kay Jesus sa panahon ng kabataan nito. (Mateo 2:1-15) Hanggang hindi pa sumasapit ang itinakdang panahon ng Diyos, ang kaniyang mahal na Anak ay hindi maaaring salakayin.
12. Bakit makahimalang pinrotektahan ni Jehova ang ilang indibidwal noong panahon ng Bibliya?
12 Bakit pinrotektahan ni Jehova ang ilang indibidwal sa gayong makahimalang mga paraan? Sa maraming pagkakataon ay pinrotektahan ni Jehova ang mga indibidwal upang maingatan ang lalo pang higit na mahalaga: ang pagsasakatuparan ng kaniyang layunin. Halimbawa, ang kaligtasan ng sanggol na si Jesus ay napakahalaga sa ikatutupad ng layunin ng Diyos, na sa dakong huli ay pakikinabangan ng buong sangkatauhan. Ang ulat ng maraming pagtatanghal ng kapangyarihang magbigay ng proteksiyon ay bahagi ng Kasulatan, na “isinulat para matuto tayo, at may pag-asa tayo dahil ang Kasulatan ay nagbibigay sa atin ng lakas at tumutulong sa atin na magtiis.” (Roma 15:4) Oo, ang mga halimbawang ito ay nakapagpapatibay ng ating pananampalataya sa ating Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat. Subalit anong proteksiyon ang maaasahan natin mula sa Diyos sa ngayon?
Kung Ano ang Hindi Kahulugan ng Proteksiyon ng Diyos
13. Obligado ba si Jehova na gumawa ng mga himala alang-alang sa atin? Ipaliwanag.
13 Ang pangakong proteksiyon ng Diyos ay hindi nangangahulugang si Jehova ay obligadong gumawa ng mga himala alang-alang sa atin. Hindi, hindi tayo ginagarantiyahan ng ating Diyos ng isang buhay na walang problema sa lumang sistemang ito. Maraming tapat na lingkod ni Jehova ang napapaharap sa matitinding problema, lakip na ang kahirapan, digmaan, sakit, at kamatayan. Maliwanag na sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad na bilang mga indibidwal, sila’y maaaring patayin dahil sa kanilang pananampalataya. Iyan ang dahilan kung bakit idiniin ni Jesus na kailangang magtiis hanggang sa wakas. (Mateo 24:9, 13) Kung gagamitin ni Jehova ang kaniyang kapangyarihang gumawa ng makahimalang pagliligtas sa lahat ng pagkakataon, siguradong tutuyain ni Satanas si Jehova at pagdududahan ang pagiging tunay ng ating debosyon sa Diyos.—Job 1:9, 10.
14. Anong mga halimbawa ang nagpapakita na hindi palaging pinoprotektahan ni Jehova ang lahat ng kaniyang lingkod sa magkakatulad na paraan?
14 Kahit noong panahon ng Bibliya, hindi ginamit ni Jehova ang kaniyang kapangyarihang magbigay ng proteksiyon upang iligtas ang bawat isa sa kaniyang mga lingkod mula sa di-napapanahong kamatayan. Halimbawa, pinatay ni Herodes si apostol Santiago noong mga 44 C.E.; ngunit hindi pa natatagalan pagkaraan nito, iniligtas naman si Pedro “mula sa kamay ni Herodes.” (Gawa 12:1-11) At si Juan, kapatid ni Santiago, ay nabuhay nang mas matagal kaysa kina Pedro at Santiago. Maliwanag na hindi natin maaasahan na poprotektahan ng ating Diyos ang lahat ng kaniyang lingkod sa magkakatulad na paraan. Bukod diyan, lahat tayo ay naaapektuhan ng “panahon at di-inaasahang pangyayari.” (Eclesiastes 9:11) Kung gayon, paano tayo pinoprotektahan ni Jehova sa ngayon?
Naglalaan si Jehova ng Pisikal na Proteksiyon
15, 16. (a) Anong katibayan mayroon na si Jehova ay nagbibigay ng pisikal na proteksiyon para sa kaniyang mga mananamba bilang isang grupo? (b) Bakit tayo makapagtitiwala na poprotektahan ni Jehova ang kaniyang mga lingkod sa ngayon at sa panahon ng “malaking kapighatian”?
15 Isaalang-alang muna natin ang tungkol sa pisikal na proteksiyon. Bilang mga mananamba ni Jehova, maaasahan natin ang gayong proteksiyon bilang isang grupo. Kung hindi, wala tayong kalaban-laban kay Satanas. Pag-isipan ito: Wala nang ibang gusto si Satanas, “ang tagapamahala ng mundong ito,” kundi ang pawiin ang tunay na pagsamba. (Juan 12:31; Apocalipsis 12:17) Ipinagbawal ng ilan sa pinakamakapangyarihang mga pamahalaan sa lupa ang ating pangangaral at sinikap na pawiin tayo nang lubusan. Gayunman, ang bayan ni Jehova ay nananatiling matatag at nagpapatuloy sa pangangaral nang walang humpay! Bakit kaya hindi mapahinto ng makapangyarihang mga bansa ang gawain ng maituturing na maliit at sa wari’y walang kalaban-labang grupong ito ng mga Kristiyano? Sapagkat ikinubli tayo ni Jehova sa ilalim ng kaniyang makapangyarihang mga pakpak!—Awit 17:7, 8.
16 Kumusta naman ang pisikal na proteksiyon sa dumarating na “malaking kapighatian”? Hindi natin dapat ikatakot ang paglalapat ng mga kahatulan ng Diyos. Tutal, “alam ni Jehova kung paano iligtas ang mga taong may makadiyos na debosyon mula sa pagsubok at italaga sa pagkapuksa ang mga taong di-matuwid sa araw ng paghuhukom.” (Apocalipsis 7:14; 2 Pedro 2:9) Samantala, dalawang bagay ang palaging matitiyak natin. Una, hindi kailanman pahihintulutan ni Jehova na mapawi sa lupa ang kaniyang tapat na mga lingkod. Ikalawa, gagantimpalaan niya ng buhay na walang hanggan sa kaniyang matuwid na bagong sanlibutan ang mga nag-iingat ng katapatan—kung kinakailangan, sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli. Para sa mga namatay, wala nang mas ligtas na dako kundi ang pagiging nasa alaala ng Diyos.—Juan 5:28, 29.
17. Paano tayo iniingatan ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang Salita?
17 Maging sa ngayon, iniingatan tayo ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang buháy na “salita,” na may kapangyarihang magpakilos upang mapagaling ang mga puso at mabago ang mga buhay. (Hebreo 4:12) Sa pagkakapit ng mga simulain nito, sa ilang paraan ay mapoprotektahan tayo mula sa pisikal na kapinsalaan. “Ako, si Jehova, . . . ang nagtuturo sa iyo para makinabang ka,” ang sabi sa Isaias 48:17. Walang alinlangan, ang pamumuhay na kasuwato ng Salita ng Diyos ay makapagpapabuti ng ating kalusugan at makapagpapahaba ng ating buhay. Halimbawa, dahil sa ikinakapit natin ang payo ng Bibliya na umiwas sa seksuwal na imoralidad at maglinis ng ating sarili mula sa karumihan, naiiwasan natin ang maruruming gawain at nakapipinsalang mga paggawi na nagdudulot ng pagkapariwara sa buhay ng maraming di-makadiyos na mga tao. (Gawa 15:29; 2 Corinto 7:1) Kay laking pasasalamat natin sa proteksiyon ng Salita ng Diyos!
Pinoprotektahan Tayo ni Jehova sa Espirituwal
18. Anong espirituwal na proteksiyon ang ibinibigay sa atin ni Jehova?
18 Pinakamahalaga sa lahat, si Jehova ay nagbibigay ng espirituwal na proteksiyon. Pinoprotektahan tayo ng ating maibiging Diyos mula sa espirituwal na pamiminsala sa pamamagitan ng pagsasangkap sa atin ng kailangan natin upang matiis ang mga pagsubok at upang maingatan ang ating kaugnayan sa kaniya. Sa gayon ay kumikilos si Jehova upang maingatan ang ating buhay, hindi lamang sa ilang maiikling taon kundi magpakailanman. Tingnan ang ilang paglalaan ng Diyos para protektahan tayo sa espirituwal.
19. Paanong ang espiritu ni Jehova ay tutulong sa atin na makayanan ang anumang pagsubok na mapapaharap sa atin?
19 Si Jehova ang “Dumirinig ng panalangin.” (Awit 65:2) Kapag sa wari’y hindi na makayanan ang mga panggigipit sa buhay, ang pagbubuhos sa kaniya ng nilalaman ng ating puso ay makapagdudulot sa atin ng malaking ginhawa. (Filipos 4:6, 7) Maaaring hindi niya alisin ang mga pagsubok sa atin sa makahimalang paraan, subalit bilang tugon sa ating taos-pusong pananalangin, maipagkakaloob niya sa atin ang karunungan upang maharap ang mga ito. (Santiago 1:5, 6) Higit pa riyan, si Jehova ay nagbibigay ng banal na espiritu sa mga humihingi sa kaniya. (Lucas 11:13) Ang makapangyarihang espiritung iyan ay makatutulong sa atin na makayanan ang anumang pagsubok o suliranin na mapapaharap sa atin. Mapupuspos tayo nito ng “lakas na higit sa karaniwan” upang makapagtiis hanggang sa alisin ni Jehova ang lahat ng nakapipighating suliranin sa bagong sanlibutan na napakalapit na.—2 Corinto 4:7.
20. Paanong ang kapangyarihang magbigay ng proteksiyon ni Jehova ay maaaring ipakita sa pamamagitan ng ating kapuwa mga mananamba?
20 Kung minsan, ang kapangyarihang magbigay ng proteksiyon ni Jehova ay maaaring ipakita sa pamamagitan ng ating kapuwa mga mananamba. Inilapit tayo ni Jehova sa kaniya para maging bahagi ng isang pandaigdig na “samahan ng mga kapatid.” (1 Pedro 2:17; Juan 6:44) Sa maibiging kapatirang iyan, nakikita natin ang buháy na patotoo ng kapangyarihan ng banal na espiritu ng Diyos na makaimpluwensiya sa mga tao sa ikabubuti. Ang espiritung iyan ay nagluluwal sa atin ng bunga—magaganda at mahahalagang katangian lakip na rito ang pag-ibig, kabaitan, at kabutihan. (Galacia 5:22, 23) Kaya naman, kapag tayo’y nababagabag at ang isang kapananampalataya ay napakilos na mag-alok ng nakatutulong na payo o magbigay ng lubhang-kinakailangang mga salitang pampatibay, makapagpapasalamat tayo kay Jehova sa gayong mga kapahayagan ng kaniyang pangangalaga.
21. (a) Anong napapanahong espirituwal na pagkain ang inilalaan ni Jehova sa pamamagitan ng “tapat at matalinong alipin”? (b) Paano ka personal na nakinabang mula sa mga paglalaan ni Jehova upang maprotektahan tayo sa espirituwal?
21 May isa pang bagay na ibinibigay si Jehova upang protektahan tayo: napapanahong espirituwal na pagkain. Upang matulungan tayong makakuha ng lakas mula sa kaniyang Salita, inatasan ni Jehova ang “tapat at matalinong alipin” na mamahagi ng espirituwal na pagkain. Ang tapat na aliping iyan ay gumagamit ng mga nakalathalang publikasyon, kabilang na ang mga babasahing Bantayan at Gumising!, pati na ang website natin na jw.org, mga pulong, asamblea, at kombensiyon upang bigyan tayo ng “pagkain sa tamang panahon”—kung ano ang kailangan natin at kung kailan natin ito kailangan. (Mateo 24:45) May narinig ka na ba sa Kristiyanong pagpupulong—sa komento, sa pahayag, o maging sa panalangin—na naglalaan ng lakas at pampatibay-loob na sadyang kinakailangan? Naapektuhan na ba ang iyong buhay ng isang espesipikong artikulo na inilathala sa isa sa ating mga babasahin? Tandaan, si Jehova ang nagsusuplay ng lahat ng paglalaang ito upang maprotektahan tayo sa espirituwal.
22. Sa anong paraan palaging ginagamit ni Jehova ang kaniyang kapangyarihan, at bakit ang paggawa niya nito ang pinakamabuti para sa ating kapakanan?
22 Si Jehova ay talagang isang kalasag “sa lahat ng nanganganlong sa kaniya.” (Awit 18:30) Batid natin na hindi niya ginagamit ang kaniyang kapangyarihan upang protektahan tayo mula sa lahat ng kalamidad sa ngayon. Gayunman, palagi nga niyang ginagamit ang kaniyang kapangyarihang magbigay ng proteksiyon upang matiyak ang pagsasakatuparan ng kaniyang layunin. Sa dakong huli, ang paggawa niya nito ang pinakamabuti para sa kapakanan ng kaniyang bayan. Kung tayo’y magiging malapít sa kaniya at mananatili sa kaniyang pag-ibig, si Jehova ay magbibigay sa atin ng perpektong buhay magpakailanman. Taglay sa isip ang pag-asang iyan, tunay ngang maaari nating ituring na ang anumang paghihirap sa sistemang ito ay “panandalian at magaan.”—2 Corinto 4:17.