Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

KABANATA 13

“Ang Kautusan ni Jehova ay Perpekto”

“Ang Kautusan ni Jehova ay Perpekto”

1, 2. Bakit maraming tao ang halos walang paggalang sa kautusan, subalit ano ang maaaring madama natin hinggil sa mga kautusan ng Diyos?

 “ANG kautusan ay isang ubod-lalim na hukay, . . . nilalamon nito ang lahat ng bagay.” Ang mga katagang iyan ay lumitaw sa isang aklat na inilathala noon pang 1712. Tinuligsa ng awtor nito ang isang sistema ng batas na doon ang mga usapin ay tumatagal nang maraming taon sa korte, anupat namumulubi tuloy ang mga naghahanap ng katarungan. Sa maraming lupain, ang legal at hudisyal na mga sistema ay napakakomplikado at batbat ng kawalang-katarungan, pagtatangi, at pagkakasalungatan, anupat lumaganap tuloy ang paghamak sa batas.

2 Kabaligtaran naman, isaalang-alang ang mga salitang ito na isinulat mga 2,700 taon na ang nakalilipas: “Mahal na mahal ko ang kautusan mo!” (Awit 119:97) Bakit gayon na lamang kasidhi ang damdamin ng salmista? Sapagkat ang kautusang pinuri niya ay nagmula, hindi sa alinmang sekular na pamahalaan, kundi sa Diyos na Jehova. Habang pinag-aaralan mo ang mga kautusan ni Jehova, maaaring higit mo pang madama ang gaya ng nadama ng salmista. Ang gayong pag-aaral ay magbibigay sa iyo ng kaunawaan tungkol sa pinakadakilang hudisyal na kaisipan sa uniberso.

Ang Kataas-taasang Tagapagbigay-Batas

3, 4. Sa anong mga paraan naging Tagapagbigay-Batas si Jehova?

3 “Iisa lang ang Tagapagbigay-Batas at Hukom,” ang sabi sa atin ng Bibliya. (Santiago 4:12) Totoo, si Jehova ang tanging tunay na Tagapagbigay-Batas. Maging ang pagkilos ng mga bagay sa langit ay inuugitan ng kaniyang “mga kautusan ng kalangitan.” (Job 38:33, The New Jerusalem Bible) Ang napakaraming banal na mga anghel ni Jehova ay inuugitan din ng kautusan ng Diyos, sapagkat sila’y inorganisa ayon sa tiyak na mga ranggo at naglilingkod ayon sa ipinag-uutos ni Jehova.​—Awit 104:4; Hebreo 1:7, 14.

4 Nagbigay rin si Jehova ng mga kautusan sa sangkatauhan. Bawat isa sa atin ay may konsensiya, na doo’y masasalamin ang pananaw ni Jehova sa katarungan. Bilang isang uri ng panloob na kautusan, ang konsensiya ay makatutulong sa atin na makilala ang pagkakaiba ng tama sa mali. (Roma 2:14) Ang ating unang mga magulang ay biniyayaan ng isang perpektong konsensiya, kaya ilang kautusan lamang ang kailangan nila. (Genesis 2:15-17) Gayunman, ang di-perpektong tao ay nangangailangan ng mas maraming kautusan upang pumatnubay sa kaniya sa paggawa ng kalooban ng Diyos. Ang mga patriyarkang gaya nina Noe, Abraham, at Jacob ay tumanggap ng mga kautusan mula sa Diyos na Jehova at itinawid ang mga ito sa kani-kanilang pamilya. (Genesis 6:22; 9:3-6; 18:19; 26:4, 5) Si Jehova ay naging Tagapagbigay-Batas sa isang walang katulad na paraan nang ibigay niya sa bansang Israel ang isang kodigo ng Kautusan sa pamamagitan ni Moises. Ang kodigong ito ng batas ay nagbibigay sa atin ng malawak na unawa sa pananaw ni Jehova sa katarungan.

Ang Kautusang Mosaiko—Isang Sumaryo

5. Ang Kautusang Mosaiko ba ay isang mahirap at komplikadong kalipunan ng mga kautusan, at bakit iyan ang sagot mo?

5 Marami ang waring nag-aakala na ang Kautusang Mosaiko ay isang mahirap at komplikadong kalipunan ng mga kautusan. Malayong-malayo sa katotohanan ang gayong palagay. May mahigit na 600 kautusan sa buong kodigo. Wari ngang napakarami niyan, subalit isip-isipin lamang: Sa pagtatapos ng ika-20 siglo, mahigit sa 150,000 pahina ng mga aklat ukol sa batas ang kinailangan upang maisulat ang mga batas pederal ng Estados Unidos. Tuwing dalawang taon, mga 600 kautusan pa ang napaparagdag! Kaya kung dami pa lamang ang pag-uusapan, wala na sa kalingkingan ng gabundok na mga kautusan ng tao ang Kautusang Mosaiko. Gayunman, ang Kautusan ng Diyos ang umugit sa mga Israelita sa mga pitak ng buhay na hindi pa man naisasaalang-alang ng modernong mga kautusan. Tingnan natin ang isang sumaryo.

6, 7. (a) Ano ang pagkakaiba ng Kautusang Mosaiko sa iba pang mga kodigo ng batas, at ano ang pinakamahalagang utos ng Kautusang iyan? (b) Paano ipinakita ng mga Israelita na tinatanggap nila ang pamamahala ni Jehova?

6 Itinuro ng Kautusan sa mga Israelita na dapat nilang sundin si Jehova bilang Tagapamahala. Sa gayon, ang Kautusang Mosaiko ay hindi maihahambing sa iba pang mga kodigo ng batas. Ang pinakamahalaga sa mga kautusan nito ay: “Makinig kayo, O Israel: Si Jehova na Diyos natin ay nag-iisang Jehova. Dapat ninyong ibigin ang Diyos ninyong si Jehova nang inyong buong puso, buong kaluluwa, at buong lakas.” Paano maipapakita ng bayan ng Diyos ang pag-ibig sa kaniya? Dapat silang maglingkod sa kaniya, anupat nagpapasakop sa kaniyang pamamahala.​—Deuteronomio 6:4, 5; 11:13.

7 Ipinakita ng bawat Israelita na tinatanggap niya ang pamamahala ni Jehova sa pamamagitan ng pagpapasakop sa mga binigyan niya ng awtoridad. Ang mga magulang, pinuno, hukom, saserdote at, sa dakong huli, ang hari ay pawang kumakatawan sa awtoridad ng Diyos. Anumang paghihimagsik laban sa mga may awtoridad ay itinuring ni Jehova na paghihimagsik laban sa kaniya. Sa kabilang dako naman, nanganganib na kapootan ni Jehova ang mga nasa awtoridad kung pakikitunguhan nila ang kaniyang bayan sa paraang di-makatarungan o may pagkaarogante. (Exodo 20:12; 22:28; Deuteronomio 1:16, 17; 17:8-20; 19:16, 17) Kung gayon, ang magkabilang panig ay may pananagutang magtaguyod ng pamamahala ng Diyos.

8. Paano itinaguyod ng Kautusan ang pamantayan ni Jehova tungkol sa kabanalan?

8 Itinaguyod ng Kautusan ang pamantayan ni Jehova tungkol sa kabanalan. Ang mga salitang “banal” at “kabanalan” ay lumilitaw nang mahigit sa 280 ulit sa Kautusang Mosaiko. Sa tulong ng Kautusan ay nakilala ng bayan ng Diyos ang pagkakaiba ng malinis at ng di-malinis, ng dalisay at ng di-dalisay, anupat bumabanggit ng mga 70 iba’t ibang bagay na maaaring maging dahilan upang ang isang Israelita ay maging marumi sa seremonyal na paraan. Ang mga kautusang ito ay tumutukoy sa kalinisan ng katawan, pagkain, at pagtatapon pa nga ng dumi. Ang mga kautusang ito ay naglaan ng kamangha-manghang mga pakinabang sa kalusugan. a Subalit ang mga ito ay may mas mahalagang layunin—ang mapanatiling kalugod-lugod ang mga tao sa paningin ni Jehova, na hiwalay sa makasalanang mga gawa ng masasamang bansa na nakapalibot sa kanila. Isaalang-alang ang isang halimbawa.

9, 10. Kalakip sa tipang Kautusan ang anong mga batas hinggil sa pagtatalik at panganganak, at anong mga pakinabang ang inilaan ng mga kautusang iyan?

9 Binanggit sa mga batas ng tipang Kautusan na ang pagtatalik—kahit sa mga may-asawa—at panganganak ay nagdudulot ng isang panahon ng pagiging marumi. (Levitico 12:2-4; 15:16-18) Hindi naman sa hinahamak ng gayong mga batas ang malilinis na kaloob na ito mula sa Diyos. (Genesis 1:28; 2:18-25) Sa halip, itinataguyod ng mga kautusang iyon ang kabanalan ni Jehova, anupat pinananatiling ligtas ang kaniyang mga mananamba mula sa pagkahawa. Kapansin-pansin na mahilig ang mga bansang nakapalibot sa Israel na isama sa pagsamba ang sekso at mga ritwal sa pag-aanak. Kalakip sa relihiyon ng mga Canaanita ang prostitusyon sa mga lalaki at babae. Dahil dito ay lumaganap ang napakasamang kalagayan. Sa kabaligtaran naman, pinangyari ng Kautusan na ang pagsamba kay Jehova ay maging lubusang hiwalay sa seksuwal na mga bagay. b Mayroon pa ring ibang mga pakinabang.

10 Ang mga kautusang iyon ay nagturo ng isang mahalagang katotohanan. c Sa katunayan, paano nga ba napasalin ang batik ng kasalanan ni Adan sa sunod-sunod na mga henerasyon? Hindi ba’t dahil sa pagtatalik at panganganak? (Roma 5:12) Oo, ang Kautusan ng Diyos ay nagpaalaala sa kaniyang bayan tungkol sa di-maikakailang patuloy na pag-iral ng kasalanan. Sa katunayan, tayong lahat ay ipinanganak sa kasalanan. (Awit 51:5) Kailangan natin ang pagpapatawad at pantubos upang mapalapít sa ating banal na Diyos.

11, 12. (a) Anong mahalagang simulain ng katarungan ang ipinagtanggol ng Kautusan? (b) Anong mga pag-iingat laban sa pagpilipit sa katarungan ang kalakip sa Kautusan?

11 Itinaguyod ng Kautusan ang perpektong katarungan ni Jehova. Ipinagtanggol ng Kautusang Mosaiko ang simulain ng pagkakapantay-pantay, o pagkabalanse, may kinalaman sa katarungan. Kaya nga, ang Kautusan ay nagsabi: “Buhay para sa buhay, mata para sa mata, ngipin para sa ngipin, kamay para sa kamay, paa para sa paa.” (Deuteronomio 19:21) Kung gayon, sa mga kasong kriminal, ang parusa ay dapat na katumbas ng krimen. Ang aspektong ito ng katarungan ng Diyos ay nakikita sa buong Kautusan at hanggang sa ngayon ay mahalaga pa rin upang maunawaan ang haing pantubos ni Kristo Jesus, gaya ng ipapakita sa Kabanata 14.​—1 Timoteo 2:5, 6.

12 Kalakip din sa Kautusan ang mga pag-iingat laban sa pagpilipit sa katarungan. Halimbawa, kailangan ang di-kukulangin sa dalawang testigo upang patunayan ang pagiging totoo ng isang akusasyon. Mabigat ang parusa sa pagsisinungaling. (Deuteronomio 19:15, 18, 19) Ang katiwalian at panunuhol ay mahigpit ding ipinagbabawal. (Exodo 23:8; Deuteronomio 27:25) Maging sa kanilang pagnenegosyo, dapat na itaguyod ng bayan ng Diyos ang matayog na pamantayan ni Jehova tungkol sa katarungan. (Levitico 19:35, 36; Deuteronomio 23:19, 20) Ang marangal at makatarungang kodigong iyan ng batas ay isang napakalaking pagpapala sa Israel!

Mga Kautusan na Nagtatampok ng Hudisyal na Awa at Pantay na Pakikitungo

13, 14. Paano itinaguyod ng Kautusan ang pantay at makatarungang pakikitungo sa magnanakaw at sa kaniyang biktima?

13 Ang Kautusang Mosaiko ba ay isang mahigpit at walang-awang kalipunan ng mga tuntunin? Hinding-hindi! Si Haring David ay ginabayang sumulat: “Ang kautusan ni Jehova ay perpekto.” (Awit 19:7) Gaya ng alam na alam niya, itinaguyod ng Kautusan ang awa at pantay na pakikitungo. Paano ito nagawa ng Kautusan?

14 Sa ilang lupain sa ngayon, ang batas ay waring higit na nagpapakita ng kabaitan at pabor sa mga kriminal sa halip na magmalasakit sa mga biktima. Halimbawa, ang mga magnanakaw ay maaaring gumugol ng panahon sa bilangguan. Samantala, dinaramdam na nga ng mga biktima ang pagkawala ng kanilang ari-arian, pero kailangan pa rin nilang magbayad ng buwis na ginagamit sa pagkupkop at pagpapakain sa mga kriminal na ito. Sa sinaunang Israel, walang mga bilangguan na gaya sa ngayon. May mahihigpit na restriksiyon hinggil sa paglalapat ng bigat ng parusa. (Deuteronomio 25:1-3) Dapat na bayaran ng magnanakaw ang biktima kung ano ang ninakaw. Bukod diyan, may babayaran pa ang magnanakaw. Pero hindi iyon pare-pareho. Maliwanag na ang mga hukom ay binigyan ng kalayaang timbangin ang ilang salik, gaya ng pagsisisi ng nagkasala. Iyan ang magpapaliwanag kung bakit ang kabayarang hinihiling sa isang magnanakaw ayon sa Levitico 6:1-7 ay higit na mas mababa kaysa sa binanggit sa Exodo 22:7.

15. Paano tiniyak ng Kautusan ang pagpapakita ng kapuwa awa at katarungan kapag may isang nakapatay ng tao nang di-sinasadya?

15 May kaawaang kinilala ng Kautusan na hindi naman lahat ng kamalian ay sinasadya. Halimbawa, kapag nakapatay ang isang lalaki nang di-sinasadya, hindi niya kailangang magbayad ng buhay para sa buhay kapag ginawa niya ang tamang hakbang na pagtakbo sa isa sa mga kanlungang lunsod na nakakalat sa buong Israel. Matapos na masuri ng mga kuwalipikadong hukom ang kaso, kailangan siyang manirahan sa kanlungang lunsod hanggang sa mamatay ang mataas na saserdote. Pagkatapos ay malaya na siyang tumira kung saan niya gusto. Sa gayon ay nakinabang siya sa awa ng Diyos. Gayundin naman, idiniin ng kautusang ito ang napakalaking halaga ng buhay ng tao.​—Bilang 15:30, 31; 35:12-25.

16. Paano iningatan ng Kautusan ang ilang personal na mga karapatan?

16 Iningatan ng Kautusan ang personal na mga karapatan. Tingnan ang mga paraan ng pagbibigay-proteksiyon nito sa mga may utang. Ipinagbawal ng Kautusan ang pagpasok sa tahanan ng isang may utang upang sumamsam ng mga ari-arian bilang prenda sa utang. Sa halip, ang nagpautang ay dapat na manatili sa labas at hayaang ang may utang ang magdala ng prenda sa kaniya. Sa gayon ay hindi nalalapastangan ang tahanan ng isang tao. Kapag kinuha ng nagpautang ang damit ng may utang bilang panagot, kailangan niyang ibalik ito pagsapit ng gabi, sapagkat malamang na kakailanganin ito ng may utang upang huwag ginawin sa gabi.​—Deuteronomio 24:10-14.

17, 18. Sa mga bagay na nagsasangkot sa pakikidigma, paano naiiba ang mga Israelita sa ibang mga bansa, at bakit?

17 Inugitan din ng Kautusan maging ang pakikidigma. Ang bayan ng Diyos ay nakikidigma, hindi upang bigyan lamang ng kasiyahan ang pagnanasa sa kapangyarihan o pananakop, kundi upang gumanap bilang mga tauhan ng Diyos sa “Mga Digmaan ni Jehova.” (Bilang 21:14) Sa maraming kaso, nag-aalok muna ang mga Israelita ng kasunduan ng pagsuko. Kapag tumanggi ang isang lunsod sa alok, maaari na itong palibutan ng Israel—ngunit ayon sa mga tuntunin ng Diyos. Di-gaya ng maraming sundalo sa nagdaang kasaysayan, ang mga lalaki sa hukbo ng Israel ay hindi pinahihintulutang manghalay ng mga kababaihan o magsagawa ng walang-patumanggang pagpatay. Dapat pa nga nilang igalang ang kapaligiran, anupat hindi itinutumba ang mga namumungang puno ng kaaway. d Ang ibang hukbo ay walang gayong mga pagbabawal.​—Deuteronomio 20:10-15, 19, 20; 21:10-13.

18 Nangingilabot ka ba kapag nababalitaan mo na sa ilang lupain, kahit mga bata pa ay sinasanay nang magsundalo? Sa sinaunang Israel, walang sinumang lalaki na wala pang 20 anyos ang itinatala sa hukbo. (Bilang 1:2, 3) Maging ang mga adultong lalaki ay binibigyan ng eksemsiyon kung siya’y sobrang matatakutin. Ang isang bagong kasal na lalaki ay may eksemsiyon sa loob ng isang buong taon nang sa gayon ay maaaring makita muna niya ang pagsisilang sa isang tagapagmana bago sumuong sa gayong mapanganib na serbisyo. Sa ganitong paraan, ipinaliwanag ng Kautusan na ang kabataang asawang lalaki ay may pagkakataong “manatili sa bahay at pasayahin ang asawa niya.”​—Deuteronomio 20:5, 6, 8; 24:5.

19. Anong mga paglalaan ang kalakip sa Kautusan para sa proteksiyon ng mga babae, mga bata, mga pamilya, mga biyuda, at mga ulila?

19 Iningatan din ng Kautusan ang mga babae, mga bata, at mga pamilya, anupat inalagaan sila. Ipinag-utos nito sa mga magulang na bigyan ang kanilang mga anak ng palagiang atensiyon at pagtuturo hinggil sa espirituwal na mga bagay. (Deuteronomio 6:6, 7) Ipinagbawal nito ang lahat ng anyo ng insesto, na may parusang kamatayan. (Levitico, kabanata 18) Ipinagbawal din nito ang pangangalunya, na madalas na nagwawasak ng mga pamilya at sumisira sa kanilang seguridad at dignidad. Ang Kautusan ay naglaan para sa mga biyuda at mga ulila, at buong diin nitong ipinagbawal ang pagmamalupit sa mga ito.​—Exodo 20:14; 22:22-24.

20, 21. (a) Bakit ipinahintulot ng Kautusang Mosaiko ang poligamya sa gitna ng mga Israelita? (b) Sa pagdidiborsiyo, bakit naiiba ang Kautusan sa pamantayang ibinalik ni Jesus nang dakong huli?

20 Gayunman, may kaugnayan dito, ang ilan ay baka magtanong, ‘Bakit kaya ipinahintulot ng Kautusan ang poligamya?’ (Deuteronomio 21:15-17) Kailangan nating isaalang-alang ang mga kautusang ito ayon sa sitwasyon ng mga panahong iyon. Ang mga humahatol sa Kautusang Mosaiko batay sa pananaw ng makabagong panahon at kultura ay tiyak na di-makauunawa nito. (Kawikaan 18:13) Isinaayos ng pamantayan ni Jehova, na itinakda noon pa man sa Eden, na ang pag-aasawa ay maging isang panghabambuhay na pagsasama ng isang asawang lalaki at isang asawang babae. (Genesis 2:18, 20-24) Gayunman, noong panahong ibigay ni Jehova ang Kautusan sa Israel, ang mga gawaing gaya ng poligamya ay maraming siglo nang nakaugat. Alam na alam ni Jehova na “matigas ang ulo” ng bayan niya at palaging sumusuway kahit sa pinakasimpleng mga utos, gaya ng mga pagbabawal sa idolatriya. (Exodo 32:9) Sa gayon, isang katalinuhan na hindi niya pinili ang panahong iyon upang baguhin ang lahat ng kanilang kaugalian sa pag-aasawa. Subalit tandaan na hindi si Jehova ang nagtatag ng poligamya. Gayunman, talagang ginamit niya ang Kautusang Mosaiko upang ugitan ang poligamya sa gitna ng kaniyang bayan at upang huwag magmalabis sa kaugaliang ito.

21 Sa katulad na paraan, ipinahintulot ng Kautusang Mosaiko na diborsiyuhin ng isang lalaki ang kaniyang asawa sa iba’t ibang mabibigat na dahilan. (Deuteronomio 24:1-4) Sinabi ni Jesus na ipinahintulot iyon ng Diyos sa mga Judio “dahil sa katigasan ng puso [nila].” Gayunman, ang pagpapahintulot na iyon ay pansamantala lamang. Para sa kaniyang mga tagasunod, ibinalik ni Jesus ang orihinal na pamantayan sa pag-aasawa.​—Mateo 19:8.

Itinaguyod ng Kautusan ang Pag-ibig

22. Sa anong mga paraan pinasigla ng Kautusang Mosaiko ang pag-ibig, at para kanino?

22 May maiisip ka bang makabagong-panahong sistema ng batas na nagpapasigla sa pag-ibig? Itinaguyod ng Kautusang Mosaiko ang pag-ibig nang higit sa lahat. Aba, sa aklat lamang ng Deuteronomio, ang salita para sa “pag-ibig” ay lumilitaw sa iba’t ibang anyo nang mahigit na 20 ulit. Ang utos na “dapat mong mahalin ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili” ay pangalawa sa pinakamahalagang utos sa buong Kautusan. (Levitico 19:18; Mateo 22:37-40) Ang bayan ng Diyos ay dapat magpakita ng gayong pag-ibig hindi lamang sa isa’t isa kundi sa mga dayuhang naninirahang kasama nila, anupat inaalaala na ang mga Israelita ay minsan na ring nanirahan bilang mga dayuhan. Dapat silang magpakita ng pag-ibig sa mahihirap at napipighati, anupat tinutulungan sila sa materyal at hindi pinagsasamantalahan ang kanilang kagipitan. Tinagubilinan pa nga sila na pakitunguhan ang mga hayop na pantrabaho nang may kabaitan at konsiderasyon.​—Exodo 23:6; Levitico 19:14, 33, 34; Deuteronomio 22:4, 10; 24:17, 18.

23. Ano ang naudyukang gawin ng manunulat ng Awit 119, at ano ang maaaring ipasiya nating gawin?

23 Wala nang iba pang bansa ang biniyayaan ng gayong kodigo ng batas! Hindi nga kataka-taka na sumulat ang salmista: “Mahal na mahal ko ang kautusan mo!” Gayunman, ang kaniyang pag-ibig ay hindi lamang sa damdamin. Pinakilos siya nito, sapagkat nagsikap siyang sumunod sa kautusang iyan at mamuhay ayon doon. Nagpatuloy pa siya: “Binubulay-bulay ko ito buong araw.” (Awit 119:11, 97) Oo, regular siyang gumugol ng panahon sa pag-aaral ng mga kautusan ni Jehova. Walang alinlangan na sa paggawa niya nito, lalong sumidhi ang kaniyang pag-ibig sa mga ito. Kasabay nito, ang kaniyang pag-ibig sa Tagapagbigay-Batas, ang Diyos na Jehova, ay sumidhi rin. Habang nagpapatuloy ka sa pag-aaral ng kautusan ng Diyos, sana’y lalo ka ring mapalapít kay Jehova, ang Dakilang Tagapagbigay-Batas at Diyos ng katarungan.

a Halimbawa, ang mga kautusan na humihiling na ibaon ang dumi ng tao, ibukod ang maysakit, at paghugasin ang sinumang humipo sa isang bangkay ay isang napakamodernong kaalaman para sa panahong iyon.​—Levitico 13:4-8; Bilang 19:11-13, 17-19; Deuteronomio 23:13, 14.

b Ang mga templo ng mga Canaanita ay may mga silid na inilaan para sa seksuwal na gawain, pero ang Kautusang Mosaiko ay nagsasabi na yaong mga nasa maruming kalagayan ay hindi maaaring makapasok man lamang sa templo. Sa gayon, yamang ang pagtatalik ay nagdudulot ng isang panahon ng pagiging marumi, walang karapatan ang sinuman na gawing bahagi ng pagsamba sa bahay ni Jehova ang sekso.

c Ang pagtuturo ay isang pangunahing layunin ng Kautusan. Sa katunayan, sinasabi sa Encyclopaedia Judaica na ang salitang Hebreo para sa “kautusan,” ang toh·rahʹ, ay nangangahulugang “pagtuturo.”

d Ang Kautusan ay mariing nagtanong: “Kailangan ba ninyong salakayin ang mga puno sa parang gaya ng ginagawa ninyo sa mga tao?” (Deuteronomio 20:19) Sinipi ni Philo, isang iskolar na Judio noong unang siglo, ang kautusang ito, anupat ipinaliwanag na sa tingin ng Diyos ay “di-makatuwiran na ang nagpupuyos na galit sa mga tao ay ibunton sa mga bagay na walang anumang ginagawang masama.”