Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

KABANATA 23

“Siya ang Unang Umibig sa Atin”

“Siya ang Unang Umibig sa Atin”

1-3. Ano-ano ang ilang dahilan kung kaya ang kamatayan ni Jesus ay naiiba sa lahat sa kasaysayan?

 ISANG araw ng tagsibol noon halos 2,000 taon na ang nakalilipas, isang walang-kasalanang tao ang nilitis, hinatulan ng mga krimeng hindi niya kailanman ginawa, at pagkatapos ay pinahirapan hanggang sa mamatay. Hindi ito ang unang malupit at di-makatarungang pagpatay na nangyari sa kasaysayan; nakalulungkot, hindi rin ito ang huli. Gayunman, ang kamatayang iyon ay naiiba sa lahat.

2 Habang ang lalaking iyon ay naghihirap sa kaniyang huling mga oras ng pag-aagaw-buhay, kitang-kita sa kaanyuan mismo ng langit ang kahalagahan ng pangyayaring iyon. Bagaman katanghaliang tapat noon, ang kadiliman ay biglang lumukob sa lupain. Gaya ng pagkasabi ng isang istoryador, “naglaho ang liwanag ng araw.” (Lucas 23:44, 45) Pagkatapos, bago malagutan ng hininga ang lalaki, sinabi niya ang di-malilimot na mga salitang ito: “Naganap na!” Tunay ngang sa paghahandog ng kaniyang buhay, isinagawa niya ang isang kahanga-hangang bagay. Ang kaniyang sakripisyo ang pinakadakilang gawa ng pag-ibig na nagawa kailanman ng sinumang tao.​—Juan 15:13; 19:30.

3 Mangyari pa, ang taong iyon ay si Jesu-Kristo. Balitang-balita ang kaniyang pagdurusa at kamatayan noong malagim na araw na iyon ng Nisan 14, 33 C.E. Gayunman, isang mahalagang katotohanan ang madalas na di-napapansin. Bagaman si Jesus ay dumanas ng matinding hirap, may isa pang higit na naghirap. Sa katunayan, may isa pang gumawa ng mas malaking sakripisyo nang araw na iyon—ang pinakadakilang gawa ng pag-ibig na nagawa kailanman ng sinuman sa buong uniberso. Ano kayang gawa iyon? Ang sagot ay naglalaan ng angkop na pambungad sa pinakamahalagang paksa sa lahat: ang pag-ibig ni Jehova.

Ang Pinakadakilang Gawa ng Pag-ibig

4. Paano napatunayan ng isang sundalong Romano na si Jesus ay hindi nga isang ordinaryong tao, at ano ang naging konklusyon ng sundalong iyon?

4 Ang Romanong senturyon na nangasiwa sa pagpatay kay Jesus ay nanggilalas dahil sa nangyaring kadiliman bago mamatay si Jesus at sa napakalakas na lindol na kasunod nito. “Tiyak na ito ang Anak ng Diyos,” ang sabi niya. (Mateo 27:54) Maliwanag na hindi ordinaryong tao si Jesus. Ang sundalong iyon ay tumulong sa pagpatay sa kaisa-isang Anak ng Kataas-taasang Diyos! Gaano nga ba kahalaga ang Anak na ito sa kaniyang Ama?

5. Paano mailalarawan ang pagkahaba-habang panahong pinagsamahan ni Jehova at ng kaniyang Anak sa langit?

5 Si Jesus ay tinatawag sa Bibliya na “ang panganay sa lahat ng nilalang.” (Colosas 1:15) Isip-isipin na lamang—ang Anak ni Jehova ay umiiral na bago pa man lumitaw ang pisikal na uniberso. Kung gayon, gaano na katagal magkasama ang Ama at ang Anak? Tinatantiya ng ilang siyentipiko na ang uniberso ay 13 bilyong taon na ang edad. Kaya mo bang arukin kahit sa isip man lamang ang pagkahaba-habang panahong iyon? Upang matulungan ang mga tao na maunawaan ang edad ng uniberso ayon sa pagtantiya ng mga siyentipiko, isang planetarium ang naglagay ng isang time line na may 110 metro ang haba. Habang lumalakad ang mga bisita sa kahabaan ng time line na iyon, bawat hakbang nila ay kumakatawan sa mga 75 milyong taon sa buong pag-iral ng uniberso. Sa dulo ng time line, ang buong kasaysayan ng tao ay kinakatawanan ng isang markang singkapal lamang ng isang hibla ng buhok! Subalit, tama man ang pagtantiyang ito, hindi pa rin sasapat ang kabuoang time line na iyon upang kumatawan sa haba ng buhay ng Anak ni Jehova! Ano kaya ang kaniyang ginawa sa loob ng pagkahaba-habang panahong iyon?

6. (a) Ano ang ginawa ng Anak ni Jehova sa panahon ng kaniyang pag-iral bago naging tao? (b) Anong uri ng kaugnayan ang umiral sa pagitan ni Jehova at ng kaniyang Anak?

6 Ang Anak ay maligayang naglingkod bilang isang “dalubhasang manggagawa” ng kaniyang Ama. (Kawikaan 8:30) Ang Bibliya ay nagsasabi: “Walang bagay na ginawa ang Diyos nang hindi siya [ang Anak] katulong.” (Juan 1:3) Kaya si Jehova at ang kaniyang Anak ay magkasamang gumawa upang pairalin ang lahat ng iba pang bagay. Tunay ngang kapana-panabik at maliligayang panahon ang tinamasa nila! Ngayon, marami ang sasang-ayon na ang pag-ibig ng magulang at ng anak sa isa’t isa ay napakatibay. Talagang pinagkakaisa ng pag-ibig ang mga tao. (Colosas 3:14) Dahil napakatagal nang magkasama si Jehova at ang kaniyang Anak, tiyak na hindi natin maaarok ang lalim ng pag-ibig nila sa isa’t isa. Maliwanag, ang Diyos na Jehova at ang kaniyang Anak ay lubusang pinagkaisa ng pag-ibig.

7. Nang mabautismuhan si Jesus, paano ipinahayag ni Jehova ang kaniyang nadarama tungkol sa kaniyang Anak?

7 Sa kabila nito, isinugo ng Ama ang kaniyang Anak sa lupa upang isilang bilang isang sanggol. Ang paggawa nito ay nangangahulugang sa loob ng ilang dekada, kailangang ipagkait ni Jehova sa kaniyang sarili ang matalik na pakikipagsamahan sa kaniyang minamahal na Anak sa langit. Taglay ang matinding interes, pinagmasdan niya mula sa langit ang paglaki ni Jesus hanggang sa maging isang perpektong tao. Si Jesus ay nabautismuhan nang siya’y mga 30 taóng gulang. Hindi na natin kailangan pang hulaan kung ano ang nadama ni Jehova tungkol sa kaniya. Nagsalita mismo ang Ama mula sa langit: “Ito ang Anak ko, ang minamahal ko at kinalulugdan.” (Mateo 3:17) Nang makita na buong katapatang tinupad ni Jesus ang lahat ng inihula at ang lahat ng kahilingan sa kaniya, tiyak na tuwang-tuwa ang kaniyang Ama!—Juan 5:36; 17:4.

8, 9. (a) Ano ang dinanas ni Jesus noong Nisan 14, 33 C.E., at paano naapektuhan ang kaniyang Ama sa langit? (b) Bakit pinahintulutan ni Jehova na ang kaniyang Anak ay magdusa at mamatay?

8 Subalit, ano kaya ang nadama ni Jehova noong Nisan 14, 33 C.E.? Ano kaya ang kaniyang nadama nang si Jesus ay traidurin at arestuhin ng isang grupo ng mang-uumog kinagabihan? Nang si Jesus ay pabayaan ng kaniyang mga kaibigan at mapasailalim sa isang ilegal na paglilitis? Nang siya’y tuyain, duraan, at suntukin? Nang siya’y hagupitin, anupat halos madurog ang kaniyang likod? Nang ipako ang kaniyang mga kamay at paa sa isang posteng kahoy at iniwang nakabitin doon habang nilalait siya ng mga tao? Ano kaya ang nadama ng Ama nang ang kaniyang minamahal na Anak ay dumaing sa kaniya habang nag-aagaw-buhay? Ano kaya ang nadama ni Jehova nang hugutin ni Jesus ang kaniyang huling hininga, at sa kauna-unahang pagkakataon mula sa pasimula ng lahat ng nilalang, ang Kaniyang pinakamamahal na Anak ay hindi na umiral?​—Mateo 26:14-16, 46, 47, 56, 59, 67; 27:38-44, 46; Juan 19:1.

9 Kulang ang mga salita upang masagot natin ito. Yamang si Jehova ay may damdamin, ang kirot na dinanas niya sa pagkamatay ng kaniyang Anak ay hindi kayang ilarawan ng mga salita. Ang maaaring ipaliwanag ay ang dahilan ni Jehova sa pagpapahintulot na ito’y maganap. Bakit kaya pumayag ang Ama na sumailalim siya sa gayong mga damdamin? Isinisiwalat ni Jehova sa atin ang isang kahanga-hangang bagay sa Juan 3:16—isang talata sa Bibliya na napakahalaga anupat tinawag itong munting Ebanghelyo. Ito’y nagsasabi: “Gayon na lang ang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan kaya ibinigay niya ang kaniyang kaisa-isang Anak para ang bawat isa na nananampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.” Kaya ang dahilan ni Jehova sa kabuoan ay ito: pag-ibig. Ang kaloob ni Jehova—ang pagsusugo niya sa kaniyang Anak upang magdusa at mamatay para sa atin—ang pinakadakilang gawa ng pag-ibig kailanman.

“Ibinigay [ng Diyos] ang kaniyang kaisa-isang Anak”

Binigyang-Kahulugan ang Pag-ibig ng Diyos

10. Ano ang pangangailangan ng mga tao, at ano ang nangyari sa kahulugan ng salitang “pag-ibig”?

10 Ano ang kahulugan ng salitang “pag-ibig”? Ang pag-ibig ay inilarawan bilang ang pinakamahalagang pangangailangan ng tao. Mula sa pagsilang hanggang sa kamatayan, ang mga tao ay naghahangad ng pag-ibig, sumisigla sa init nito, nananamlay at namamatay pa nga dahil sa kawalan nito. Sa kabila nito, nakapagtataka na mahirap itong bigyan ng katuturan. Mangyari pa, napakadalas pag-usapan ng mga tao ang tungkol sa pag-ibig. Walang katapusan ang pagdagsa ng mga aklat, awitin, at mga tula tungkol dito. Hindi pa rin malinaw ang kahulugan ng pag-ibig. Sa katunayan, sobra na ang paggamit sa salitang ito anupat lalo nang hindi matukoy ang tunay na kahulugan nito.

11, 12. (a) Saan natin makikita ang malinaw na turo tungkol sa pag-ibig, at bakit doon? (b) Anong mga uri ng pag-ibig ang ginamit sa sinaunang wikang Griego, at anong salita para sa “pag-ibig” ang pinakamadalas na ginagamit sa Kristiyanong Griegong Kasulatan? (Tingnan din ang talababa.) (c) Ano ang madalas na kahulugan ng a·gaʹpe batay sa pagkakagamit nito sa Bibliya?

11 Gayunman, malinaw ang turo ng Bibliya hinggil sa pag-ibig. Ang Expository Dictionary of New Testament Words ni Vine ay nagsasabi: “Ang pag-ibig ay makikilala lamang sa mga kilos na iniuudyok nito.” Ang mga nakaulat sa Bibliya na mga pagkilos ni Jehova ay napakaraming itinuturo sa atin tungkol sa kaniyang pag-ibig—ang magiliw na pagmamahal na taglay niya para sa kaniyang mga nilalang. Halimbawa, ano pa nga ba ang higit na makapagsisiwalat sa katangiang ito kaysa sa pinakadakilang gawa ng pag-ibig ni Jehova mismo na inilarawan kanina? Sa susunod na mga kabanata, makikita natin ang marami pang mga halimbawa ng pagpapakita ni Jehova ng pag-ibig. Karagdagan pa, may makukuha tayong unawa mula sa orihinal na mga salita para sa “pag-ibig” na ginamit sa Bibliya. Sa sinaunang wikang Griego, may apat na salita para sa “pag-ibig.” a Sa mga ito, ang pinakamadalas gamitin sa Kristiyanong Griegong Kasulatan ay ang a·gaʹpe. Ang tawag dito ng isang diksyunaryo sa Bibliya ay “ang pinakamabisang salita na maiisip para sa pag-ibig.” Bakit?

12 Gaya ng pagkakagamit sa Bibliya, ang a·gaʹpe ay madalas na tumutukoy sa pag-ibig na inuugitan ng simulain. Kaya ito’y hindi lamang isang bugso ng damdamin para sa ibang tao. Mas malawak ang saklaw nito, mas pinag-iisipan at pinag-aaralang mabuti ang saligan nito. Higit sa lahat, ang Kristiyanong pag-ibig ay hindi makasarili. Halimbawa, tingnan muli ang Juan 3:16. Anong “sangkatauhan” ang inibig ng Diyos nang gayon na lamang kaya ibinigay niya ang kaniyang kaisa-isang Anak? Iyon ay ang sangkatauhan na binubuo ng mga tao na maaaring tubusin. Kalakip dito ang maraming tao na tumatahak sa makasalanang landasin sa buhay. Iniibig ba ni Jehova ang bawat isa bilang isang personal na kaibigan, gaya ng pag-ibig niya sa tapat na si Abraham? (Santiago 2:23) Hindi, ngunit ang lahat ay maibiging pinagpapakitaan ni Jehova ng kabutihan, mangahulugan man ito ng napakalaking sakripisyo para sa kaniya. Nais niyang lahat ay magsisi at magbago ng kanilang landas. (2 Pedro 3:9) Marami ang gumawa nito. Ang mga ito’y masaya niyang tinatanggap bilang kaniyang mga kaibigan.

13, 14. Ano ang nagpapakitang kalakip sa Kristiyanong pag-ibig ang pagkagiliw?

13 Gayunman, ang ilan ay may maling ideya sa pagkakagamit ng Bibliya sa a·gaʹpe. Ipinalalagay nilang ito’y nangangahulugan ng isang malamig at intelektuwal na uri ng pag-ibig. Ang totoo, karaniwan nang kalakip sa Kristiyanong pag-ibig ang pagkagiliw. Halimbawa, nang isulat ni Juan na “mahal ng Ama ang Anak,” gumamit siya ng isang anyo ng salitang a·gaʹpe. (Juan 3:35) Ang pag-ibig bang iyan ay salat sa mainit na pagmamahal? Hindi. Nang isulat ni Juan ang sinabi ni Jesus, “Mahal ng Ama ang Anak,” sa Juan 5:20, gumamit si Juan ng isang anyo ng salitang phi·leʹo, ang pag-ibig na may paggiliw. Karaniwan nang kalakip sa pag-ibig ni Jehova ang magiliw na pagmamahal. Gayunman, ang kaniyang pag-ibig ay hindi kailanman basta nadadala lamang ng damdamin. Ito’y palaging inuugitan ng kaniyang magaganda at makatarungang mga simulain.

14 Gaya ng nakita na natin, lahat ng katangian ni Jehova ay napakagaling, perpekto, at kaakit-akit. Subalit ang pinakakaakit-akit sa lahat ay ang pag-ibig. Walang ibang may gayong puwersa na makapaglalapít sa atin kay Jehova. Nakatutuwa, pag-ibig ang siya ring nangingibabaw na katangian niya. Paano natin ito nalaman?

“Ang Diyos ay Pag-ibig”

15. Anong pangungusap ang binabanggit ng Bibliya tungkol sa katangian ni Jehova na pag-ibig, at sa anong paraan naiiba ang pangungusap na ito? (Tingnan din ang talababa.)

15 Ang Bibliya ay may binabanggit tungkol sa pag-ibig na hindi nito kailanman binabanggit tungkol sa iba pang pangunahing mga katangian ni Jehova. Hindi sinasabi sa Kasulatan na ang Diyos ay kapangyarihan o na ang Diyos ay katarungan o na ang Diyos ay karunungan pa nga. Siya ay nagtataglay ng mga katangiang ito, ang tanging Bukal ng mga ito, at walang katulad kung tungkol sa lahat ng tatlong ito. Gayunman, tungkol sa ikaapat na katangian, isang bagay na mas malalim ang sinasabi: “Ang Diyos ay pag-ibig.” b (1 Juan 4:8) Ano ang kahulugan niyan?

16-18. (a) Bakit sinasabi sa Bibliya na “ang Diyos ay pag-ibig”? (b) Sa lahat ng nilalang sa lupa, bakit ang tao ay isang angkop na sagisag ng katangian ni Jehova na pag-ibig?

16 Ang pangungusap na “ang Diyos ay pag-ibig” ay hindi isang simpleng pagtutumbas na gaya ng pagsasabing “ang Diyos ay katumbas ng pag-ibig.” Hindi tama na baligtarin natin ang pangungusap at sabihing “ang pag-ibig ay Diyos.” Si Jehova ay hindi lang basta isang katangian. Siya’y isang Persona na may napakaraming iba’t ibang katangian at emosyon. Pero ang pag-ibig ay nasa kaibuturan mismo ng puso ni Jehova. Kaya naman isang reperensiya ang nagsabi tungkol sa talatang ito: “Ang likas na katangian ng Diyos ay pag-ibig.” Karaniwan na, maaari natin itong ilarawan nang ganito: Ang kapangyarihan ni Jehova ang nagpapangyari sa kaniya na kumilos. Ang kaniyang katarungan at karunungan ang umuugit sa kaniyang pagkilos. Subalit ang pag-ibig ni Jehova ang nag-uudyok sa kaniya na kumilos. At palaging kaakibat ang kaniyang pag-ibig sa kaniyang paggamit ng iba pa niyang mga katangian.

17 Madalas sabihing si Jehova ang mismong personipikasyon ng pag-ibig. Kaya naman, kung nais nating matuto tungkol sa may-simulaing pag-ibig, dapat tayong matuto tungkol kay Jehova. Mangyari pa, maaari din naman nating makita ang magandang katangiang ito sa mga tao. Ngunit bakit may kakayahan silang magpakita ng katangiang iyon? Noong panahon ng paglalang, sinabi ni Jehova ang mga salitang ito, malamang na sa kaniyang Anak: “Gawin natin ang tao ayon sa ating larawan, ayon sa ating wangis.” (Genesis 1:26) Sa lahat ng nilalang dito sa lupa, mga tao lamang ang makapagpapasiyang umibig at sa gayon ay matularan ang kanilang Ama sa langit. Alalahanin na si Jehova ay gumamit ng iba’t ibang nilalang upang sumagisag sa kaniyang pangunahing mga katangian. Gayunman, pinili ni Jehova ang kaniyang pinakamataas na uring nilalang sa lupa, ang tao, bilang sagisag ng Kaniyang nangingibabaw na katangian, ang pag-ibig.​—Ezekiel 1:10.

18 Kapag tayo’y umiibig sa paraang di-makasarili at may simulain, nasasalamin sa atin ang nangingibabaw na katangian ni Jehova. Kagaya ito ng isinulat ni apostol Juan: “Umiibig tayo, dahil siya ang unang umibig sa atin.” (1 Juan 4:19) Subalit sa anong mga paraan una tayong inibig ni Jehova?

Unang Kumilos si Jehova

19. Bakit masasabing ang pag-ibig ay gumanap ng mahalagang papel sa gawang paglalang ni Jehova?

19 Ang pag-ibig ay hindi bago. Tutal, ano ba ang nagpakilos kay Jehova upang lumalang? Hindi dahil sa siya’y nalulungkot at nangangailangan ng kasama. Si Jehova ay kumpleto at sapat na sa ganang sarili, anupat wala nang kakailanganin pa mula sa sinuman. Pero dahil sa kaniyang pag-ibig, isang aktibong katangian, gusto rin niyang maging masaya ang buhay ng matatalinong nilalang niya. “Ang pasimula ng paglalang ng Diyos” ay ang kaniyang kaisa-isang Anak. (Apocalipsis 3:14) Pagkatapos ay ginamit ni Jehova ang Dalubhasang Manggagawang ito upang pairalin ang lahat ng iba pang bagay, na pinasimulan sa mga anghel. (Job 38:4, 7; Colosas 1:16) Yamang biniyayaan ng kalayaan, katalinuhan, at damdamin, ang makapangyarihang mga espiritung ito ay nagkaroon din ng pagkakataong magpakita ng pagmamahal—sa isa’t isa at higit sa lahat, sa Diyos na Jehova. (2 Corinto 3:17) Samakatuwid, sila’y umibig sapagkat sila’y inibig muna.

20, 21. Ano ang natamasa nina Adan at Eva bilang katibayan na iniibig sila ni Jehova, ngunit ano ang iginanti nila?

20 Gayundin naman sa sangkatauhan. Mula nang lalangin ni Jehova sina Adan at Eva, pinagpakitaan na niya sila ng pag-ibig sa maraming paraan. Saanman sila tumingin sa kanilang Paraisong tahanan sa Eden, nakikita nila ang katibayan ng pag-ibig ng Ama sa kanila. Pansinin ang sinasabi sa Bibliya: “Ang Diyos na Jehova ay gumawa ng isang hardin sa Eden, na nasa silangan; doon niya inilagay ang tao na inanyuan niya.” (Genesis 2:8) Nakapunta ka na ba sa isang napakagandang hardin o parke? Ano ang pinakanagustuhan mo? Ang pagtagos ba ng liwanag sa mga dahon sa isang liblib na lugar? Ang napakagagandang kulay ba ng nakahanay na mga bulaklak? Ang mahinang himig ba ng aliw-iw ng batis, huni ng mga ibon, at higing ng mga kulisap? Kumusta naman ang samyo ng mga puno, prutas, at mga bulaklak? Mangyari pa, walang parke sa ngayon ang makapapantay sa isa na nasa Eden. Bakit?

21 Ang harding iyon ay ginawa mismo ni Jehova! Tiyak na hindi kayang ilarawan ang kagandahan niyaon. Bawat puno ay napakaganda at namumunga ng masasarap na prutas. Ang hardin ay nadidiligang mabuti, maluwang, at punong-puno ng sari-saring hayop. Taglay na nina Adan at Eva ang lahat ng kinakailangan upang ang kanilang buhay ay maging maligaya at kawili-wili, lakip na ang kasiya-siyang gawain at perpektong pagsasamahan. Si Jehova ang unang umibig sa kanila, at taglay nila ang lahat ng dahilan upang suklian iyon ng pag-ibig din. Subalit, hindi nila ito nagawa. Sa halip na maibiging sumunod sa kanilang Ama sa langit, naging makasarili sila at naging mapaghimagsik laban sa kaniya.​—Genesis, kabanata 2.

22. Paano pinatunayan ng tugon ni Jehova sa paghihimagsik sa Eden na tapat ang kaniyang pag-ibig?

22 Tunay ngang pagkasakit-sakit niyaon sa damdamin ni Jehova! Subalit pumait ba ang kaniyang maibiging puso dahil sa paghihimagsik na ito? Hindi! “Ang kaniyang tapat na pag-ibig ay walang hanggan.” (Awit 136:1) Kaya naman agad siyang gumawa ng maibiging mga paglalaan upang tubusin ang sinumang supling nina Adan at Eva na gusto siyang makilala at magmahal sa kaniya. Gaya ng nakita na natin, kalakip sa mga paglalaang iyon ang haing pantubos ng kaniyang minamahal na Anak, na nagdulot ng napakalaking sakripisyo para sa Ama.​—1 Juan 4:10.

23. Ano ang isa sa mga dahilan kung bakit si Jehova ay “maligayang Diyos,” at anong mahalagang tanong ang tatalakayin sa susunod na kabanata?

23 Oo, mula pa sa pasimula ay una nang nagpakita si Jehova ng pag-ibig sa sangkatauhan. Sa di-mabilang na paraan, “siya ang unang umibig sa atin.” Ang pag-ibig ay nagtataguyod ng pagkakaisa at kagalakan, kaya nga hindi kataka-taka na ilarawan si Jehova bilang ang “maligayang Diyos.” (1 Timoteo 1:11) Gayunman, isang mahalagang tanong ang bumabangon. Talaga nga bang iniibig tayo ni Jehova bilang mga indibidwal? Tatalakayin sa susunod na kabanata ang bagay na iyan.

a Ang pandiwang phi·leʹo, na ang ibig sabihin ay “mahalin, kagiliwan, o maibigan (gaya ng maaaring madama ng isa sa kaniyang matalik na kaibigan o kapatid),” ay madalas na ginagamit sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Ang isang anyo ng salitang stor·geʹ, o malapít na pag-ibig pampamilya, ay ginamit sa 2 Timoteo 3:3 upang ipakita na ang gayong pag-ibig ay magiging salat na salat sa mga huling araw. Ang eʹros, o romantikong pag-iibigan ng magkaibang sekso, ay hindi ginamit sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, bagaman ang uring iyan ng pag-ibig ay tinalakay sa Bibliya.​—Kawikaan 5:15-20.

b Ang ibang mga pangungusap sa Kasulatan ay may katulad na pagkakasabi. Halimbawa, “ang Diyos ay liwanag” at “ang Diyos . . . ay isang apoy na tumutupok.” (1 Juan 1:5; Hebreo 12:29) Subalit ang mga ito ay dapat unawain bilang mga metapora, sapagkat itinulad ng mga ito si Jehova sa pisikal na mga bagay. Si Jehova ay tulad ng liwanag, sapagkat siya’y banal at matuwid. Walang “kadiliman,” o karumihan, sa kaniya. At siya’y maitutulad sa apoy sa paggamit niya ng kapangyarihang pumuksa.