KABANATA 24
Walang “Makapaghihiwalay sa Atin sa Pag-ibig ng Diyos”
1. Anong negatibong saloobin ang bumabagabag sa maraming tao, pati na sa ilang tunay na Kristiyano?
INIIBIG ka ba ng Diyos na Jehova bilang indibidwal? Ang ilan ay sang-ayon na iniibig ng Diyos ang sangkatauhan sa pangkalahatan, gaya ng sinasabi sa Juan 3:16. Subalit sa wari’y ganito ang nadarama nila: ‘Hindi ako kailanman maaaring ibigin ng Diyos bilang indibidwal.’ Maging ang tunay na mga Kristiyano ay baka nag-aalinlangan din sa bagay na iyan kung minsan. Palibhasa’y pinanghihinaan ng loob, isang lalaki ang nagsabi: “Napakahirap paniwalaan na nagmamalasakit sa akin ang Diyos.” Binabagabag ka ba ng ganiyang pag-aalinlangan kung minsan?
2, 3. Sino ang nagnanais na mapaniwala tayo na hindi tayo mahalaga o di-kaibig-ibig sa paningin ni Jehova, at paano natin malalabanan ang ideyang iyan?
2 Gustong-gusto ni Satanas na mapaniwala tayong hindi tayo iniibig ni pinahahalagahan ng Diyos na Jehova. Totoo, madalas na dinadaya ni Satanas ang mga tao sa pamamagitan ng pagsasamantala sa kanilang kayabangan. (2 Corinto 11:3) Ngunit gusto rin niyang paniwalain ang iba na hindi sila mahalaga. (Juan 7:47-49; 8:13, 44) Lalo na ngang totoo ito sa mapanganib na “mga huling araw” na ito. Marami sa ngayon ang lumalaki sa mga pamilyang “walang likas na pagmamahal.” Ang iba naman ay palaging napapaharap sa mga taong mabangis, makasarili, at matigas ang ulo. (2 Timoteo 3:1-5) Dahil sa maraming taóng pagdanas ng kalupitan, pagtatangi ng lahi, o pagkapoot, maaaring makumbinsi ang gayong mga tao na sila’y walang halaga o di-kaibig-ibig.
3 Kapag nakadarama ka ng gayong negatibong saloobin, huwag kang mawalan ng pag-asa. Marami sa atin ang di-makatuwirang nanunumbat sa sarili paminsan-minsan. Subalit alalahanin, ang Salita ng Diyos ay dinisenyo para sa “pagtutuwid” at “para pabagsakin ang mga bagay na matibay ang pagkakatatag.” (2 Timoteo 3:16; 2 Corinto 10:4) Ang Bibliya ay nagsasabi: “Makukumbinsi natin ang puso natin sa harap niya sa anumang bagay tayo hatulan ng puso natin, dahil ang Diyos ay mas dakila kaysa sa puso natin at alam niya ang lahat ng bagay.” (1 Juan 3:19, 20) Isaalang-alang natin ang apat na paraan na doo’y tinutulungan tayo ng Kasulatan na ‘makumbinsi ang puso natin’ ng pag-ibig ni Jehova.
Pinahahalagahan Ka ni Jehova
4, 5. Paanong ang ilustrasyon ni Jesus tungkol sa mga maya ay nagpapakitang may halaga tayo sa paningin ni Jehova?
4 Una, tuwirang itinuturo ng Bibliya na nakikita ng Diyos ang halaga ng bawat lingkod niya. Halimbawa, sinabi ni Jesus: “Hindi ba ang dalawang maya ay ipinagbibili sa isang barya na maliit ang halaga? Pero walang isa man sa mga ito ang nahuhulog sa lupa nang hindi nalalaman ng inyong Ama. At kayo, biláng niya kahit ang mga buhok ninyo sa ulo. Kaya huwag kayong matakot; mas mahalaga kayo kaysa sa maraming maya.” (Mateo 10:29-31) Isaalang-alang ang kahulugan ng mga salitang iyan sa mga tagapakinig ni Jesus noong unang siglo.
5 Maaaring magtaka tayo kung bakit may bumibili pa ng maya. Buweno, noong kapanahunan ni Jesus, ang maya ang pinakamura sa mga ibong ipinagbibili bilang pagkain. Pansinin na sa isang barya na maliit ang halaga, ang nakabili ay nagkaroon ng dalawang maya. Subalit sa ibang pagkakataon ay sinabi ni Jesus na kung handang gumugol ang isang tao ng dalawang barya, magkakaroon siya, hindi ng apat na maya, kundi lima. Ang isa pang ibon ay idinagdag na para bang wala itong anumang halaga. Marahil ay wala ngang halaga ang gayong mga nilalang sa paningin ng mga tao, subalit ano naman kaya ang pananaw ng Maylalang sa kanila? Sinabi ni Jesus: “Walang isa man sa mga ito [kahit na ang isa na idinagdag] ang nalilimutan ng Diyos.” (Lucas 12:6, 7) Maaaring maunawaan na natin ngayon ang punto ni Jesus. Kung si Jehova ay nagpapahalaga sa isang maya, lalo pa ngang higit na mahalaga ang isang tao! Gaya ng ipinaliwanag ni Jesus, alam ni Jehova ang bawat detalye tungkol sa atin. Aba, ang mismong mga buhok natin sa ulo ay biláng!
6. Bakit tayo nakatitiyak na kapani-paniwala ang sinabi ni Jesus tungkol sa pagiging biláng ng buhok natin sa ulo?
6 Biláng ang ating buhok? Maaaring isipin ng ilan na hindi kapani-paniwala ang sinabing ito ni Jesus. Gayunman, isip-isipin na lamang ang tungkol sa pag-asa ng pagkabuhay-muli. Tiyak na kilalang-kilala tayo ni Jehova upang magawa niyang lalangin tayong muli! Gayon na lamang ang pagpapahalaga niya sa atin anupat natatandaan niya ang bawat detalye, lakip na ang ating genetic code at lahat ng ating mga taon ng alaala at mga karanasan. a Ang pagbilang ng ating buhok—na sa karaniwang ulo ay umaabot sa mga 100,000—ay napakadali lamang kung ihahambing dito.
Ano ang Nakikita ni Jehova sa Atin?
7, 8. (a) Ano ang ilang katangian na ikinatutuwa ni Jehova na makita habang sinusuri niya ang puso ng mga tao? (b) Ano ang ilan sa mga ginagawa natin na pinahahalagahan ni Jehova?
7 Ikalawa, itinuturo sa atin ng Bibliya kung ano ang pinahahalagahan ni Jehova sa kaniyang mga lingkod. Sa madaling salita, natutuwa siya sa ating mabubuting katangian at sa ating mga pagsisikap. Sinabi ni Haring David sa kaniyang anak na si Solomon: “Sinusuri ni Jehova ang lahat ng puso, at nalalaman niya ang takbo ng pag-iisip ng bawat isa.” (1 Cronica 28:9) Habang sinusuri ng Diyos ang bilyon-bilyong puso ng tao sa marahas at punô-ng-pagkapoot na daigdig na ito, tiyak na tuwang-tuwa siya kapag nakasusumpong ng pusong umiibig sa kapayapaan, katotohanan, at katuwiran! Ano kaya ang nangyayari kapag nakakakita ang Diyos ng pusong lipos ng pag-ibig sa kaniya, na naghahangad na matuto tungkol sa kaniya at maibahagi ang gayong kaalaman sa iba? Sinasabi sa atin ni Jehova na pinagtutuunan niya ng pansin yaong mga nagsasabi sa iba ng tungkol sa kaniya. Mayroon pa nga siyang “isang aklat ng alaala” para sa lahat ng “natatakot kay Jehova at para sa mga nagbubulay-bulay sa pangalan niya.” (Malakias 3:16) Ang gayong mga katangian ay mahalaga sa kaniya.
8 Ano ang ilang mabubuting gawa na pinahahalagahan ni Jehova? Tiyak na isa diyan ang ating mga pagsisikap na matularan ang kaniyang Anak, si Jesu-Kristo. (1 Pedro 2:21) Ang isang mahalagang gawa na pinahahalagahan ng Diyos ay ang pagpapalaganap ng mabuting balita tungkol sa kaniyang Kaharian. Sa Roma 10:15, mababasa natin: “Napakaganda ng mga paa ng mga naghahayag ng mabuting balita ng mabubuting bagay!” Maaaring hindi natin karaniwang iniisip na ang ating hamak na mga paa ay “napakaganda,” o kaakit-akit. Subalit dito ay kumakatawan ang mga ito sa mga pagsisikap na ginagawa ng mga lingkod ni Jehova sa pangangaral ng mabuting balita. Lahat ng pagsisikap na ito ay kaakit-akit at mahalaga sa kaniyang paningin.—Mateo 24:14; 28:19, 20.
9, 10. (a) Bakit tayo maaaring makatiyak na pinahahalagahan ni Jehova ang ating pagtitiis sa harap ng iba’t ibang paghihirap? (b) Hindi kailanman nagpapakita si Jehova ng anong negatibong pananaw sa kaniyang tapat na mga lingkod?
9 Pinahahalagahan din ni Jehova ang ating pagtitiis. (Mateo 24:13) Tandaan, gusto ni Satanas na talikuran mo si Jehova. Kaya bawat araw na nananatili kang tapat ay panibagong araw na nakatutulong ka para may maisagot si Jehova sa mga panunuya ni Satanas. (Kawikaan 27:11) Hindi laging madali ang magtiis. Ang mga problema sa kalusugan, pinansiyal na kagipitan, emosyonal na kabagabagan, at iba pang balakid ay nagiging dahilan upang ang bawat araw na magdaan ay maging isang pagsubok. Ang inaasahan na hindi nangyayari ay nakapagpapahina rin ng loob. (Kawikaan 13:12) Ang pagtitiis sa harap ng gayong mga hamon ay lalong mahalaga kay Jehova. Iyan ang dahilan kung bakit hiniling ni Haring David kay Jehova na tipunin ang kaniyang mga luha sa isang “sisidlang balat,” na may pagtitiwalang idinagdag: “Hindi ba nakasulat ang mga iyon sa aklat mo?” (Awit 56:8) Oo, pinahahalagahan at inaalaala ni Jehova ang lahat ng luha at pagdurusang tinitiis natin habang pinananatili natin ang ating katapatan sa kaniya. Ang mga ito’y mahalaga rin sa kaniyang paningin.
Pinahahalagahan ni Jehova ang ating pagtitiis sa harap ng mga pagsubok
10 Ngayon, baka tutulan ng mapanghatol nating puso ang gayong katibayan ng ating halaga sa paningin ng Diyos. Baka ito’y pilit na bumubulong: ‘Ngunit napakarami pang mas karapat-dapat kaysa sa akin. Tiyak na hindi nasisiyahan si Jehova kapag ikinukumpara niya ako sa kanila!’ Si Jehova ay hindi nagkukumpara; ni siya’y matigas o mahigpit sa kaniyang pag-iisip. (Galacia 6:4) Totoong maingat niyang sinusuri ang ating puso, at pinahahalagahan niya ang mabuti—gaano man kaliit ito.
Inihihiwalay ni Jehova ang Mabuti sa Masama
11. Ano ang maaari nating matutuhan sa paraan ng paghawak ni Jehova sa kaso ni Abias?
11 Ikatlo, habang sinusuri tayo ni Jehova, maingat ang kaniyang pagsala upang hanapin ang mabuti. Halimbawa, nang ipasiya ni Jehova na patayin ang buong apostatang dinastiya ni Haring Jeroboam, iniutos Niyang bigyan ng disenteng libing ang isa sa mga anak na lalaki ng hari, si Abias. Bakit? Dahil “may nakitang mabuti si Jehova na Diyos ng Israel” sa kaniya. (1 Hari 14:1, 10-13) Sa diwa, sinala ni Jehova ang puso ng lalaking iyon at “may nakitang mabuti” roon. Gaano man kaliit o kahamak ang kaunting kabutihang iyon, nakita ni Jehova na mahalagang itala iyon sa kaniyang Salita. Ginantimpalaan pa nga niya ito, anupat nagpakita ng naaangkop na antas ng awa sa isang miyembrong iyon ng apostatang sambahayan.
12, 13. (a) Paano ipinapakita ng kaso ni Haring Jehosapat na ang hinahanap ni Jehova ay ang mabubuting bagay sa atin kahit na tayo’y nagkakasala? (b) May kinalaman sa ating mabubuting gawa at mga katangian, paano kumikilos si Jehova bilang isang mapagmahal na Magulang?
12 Isa pa ngang mas positibong halimbawa ang maaaring makita sa mabuting haring si Jehosapat. Nang makagawa ang hari ng isang hangal na pagkilos, sinabi sa kaniya ng propeta ni Jehova: “Dahil sa ginawa mo, nagalit sa iyo si Jehova.” Seryosong mensahe iyan! Subalit ang mensahe ni Jehova ay hindi natapos doon. Nagpatuloy ito: “Pero may mabubuting bagay na nakita sa iyo.” (2 Cronica 19:1-3) Kaya naman ang matuwid na galit ni Jehova ay hindi bumulag sa kaniya sa mabubuting katangian ni Jehosapat. Talaga ngang ibang-iba sa di-perpektong mga tao! Kapag tayo’y may kinasasamaan ng loob, malamang na hindi natin makita ang mabubuting bagay sa kanila. At kapag tayo’y nagkakasala, ang kabiguan, kahihiyan, at pagkakonsensiya na ating nadarama ay maaaring bumulag sa atin sa mabubuting bagay na taglay natin. Gayunman, alalahanin na kung pagsisisihan natin ang ating mga kasalanan at pagsisikapang huwag nang maulit ang mga iyon, patatawarin tayo ni Jehova.
13 Habang sinasala ka ni Jehova, inaalis niya ang gayong mga kasalanan, kung paanong inaalis ng naghahanap ng ginto ang mga walang-halagang graba. Kumusta naman ang iyong mabubuting katangian at mga gawa? Oo, ito ang “mga piraso ng ginto” na kaniyang iniingatan! Napapansin mo ba kung paano pinakaiingatan ng mapagmahal na mga magulang ang mga drowing o mga proyekto sa paaralan ng kanilang mga anak, kung minsan sa loob ng mahabang panahon anupat limót na iyon ng mga anak? Si Jehova ang pinakamapagmahal na Magulang. Habang tayo’y nananatiling tapat sa kaniya, hindi niya kinalilimutan kailanman ang ating mabubuting gawa at mga katangian. Sa katunayan, para sa kaniya, siya ay magiging di-matuwid kung kalilimutan niya ang mga iyon. (Hebreo 6:10) Sinasala rin niya tayo sa iba pang paraan.
14, 15. (a) Bakit ang pagiging di-perpekto natin ay hindi kailanman bumubulag kay Jehova sa mabubuting bagay na taglay natin? Ipaghalimbawa. (b) Ano ang gagawin ni Jehova sa mabubuting bagay na nasusumpungan niya sa atin, at paano niya itinuturing ang kaniyang tapat na bayan?
14 Higit na tinitingnan ni Jehova ang ating potensiyal kaysa sa ating pagiging di-perpekto. Bilang paghahalimbawa: Ginagawa ng mga taong mahihilig sa mga likhang sining ang lahat ng kanilang makakaya upang maibalik sa dati ang mga iginuhit na larawan o iba pang mga likha na napinsala nang husto. Halimbawa, sa National Gallery sa London, England, nang pinsalain ng isang taong may baril ang drowing ni Leonardo da Vinci na nagkakahalaga ng $30 milyon, walang nagmungkahi na yamang sira na ang drowing, dapat na itong itapon. Agad na pinasimulan ang paggawa upang ibalik sa dati ang halos 500-taóng-gulang na obra maestra. Bakit? Sapagkat mahalaga ito sa paningin ng mahihilig sa likhang sining. Hindi ba’t mas mahalaga ka pa kaysa sa drowing na ginamitan ng chalk at charcoal? Tiyak na gayon ka nga sa paningin ng Diyos—gaano man ang iyong pinsala dahil sa minanang kasalanan. (Awit 72:12-14) Gagawin ng Diyos na Jehova, ang dalubhasang Maylalang ng pamilya ng tao, ang lahat ng kailangang gawin upang maibalik sa pagiging perpekto ang lahat ng tutugon sa kaniyang maibiging pangangalaga.—Gawa 3:21; Roma 8:20-22.
15 Oo, nakikita ni Jehova ang mabubuting bagay sa atin na maaaring hindi natin nakikita sa ating sarili. At habang naglilingkod tayo sa kaniya, pasusulungin niya ang mabubuti nating katangian hanggang sa tayo’y maging perpekto. Anuman ang pakikitungo sa atin ng sanlibutan ni Satanas, itinuturing ni Jehova ang kaniyang tapat na mga lingkod bilang kayamanan.—Hagai 2:7.
Aktibong Ipinamamalas ni Jehova ang Kaniyang Pag-ibig
16. Ano ang pinakadakilang katunayan ng pag-ibig ni Jehova sa atin, at paano natin nalalaman na ang kaloob na ito ay para sa atin bilang indibidwal?
16 Ikaapat, napakalaki ng ginagawa ni Jehova upang patunayan ang kaniyang pag-ibig sa atin. Tiyak na ang haing pantubos ni Kristo ang pinakamabisang sagot sa kasinungalingan ni Satanas na tayo’y walang halaga o di-kaibig-ibig. Hindi natin dapat kalimutan kailanman na ang napakasakit na kamatayang dinanas ni Jesus sa pahirapang tulos at ang mas matindi pa ngang paghihirap na tiniis ni Jehova na makitang namatay ang kaniyang minamahal na Anak ay katunayan ng kanilang pag-ibig sa atin. Nakalulungkot nga na maraming tao ang hindi makapaniwala na ang kaloob na ito ay para sa kanila bilang indibidwal. Pakiramdam nila’y wala silang halaga. Subalit, alalahanin na si apostol Pablo ay dating mang-uusig ng mga tagasunod ni Kristo. Gayunman, isinulat niya: ‘Ang Anak ng Diyos ay nagmahal sa akin at nagbigay ng sarili niya para sa akin.’—Galacia 1:13; 2:20.
17. Sa pamamagitan ng ano inilalapit tayo ni Jehova sa kaniya at sa kaniyang Anak?
17 Pinatutunayan ni Jehova ang kaniyang pag-ibig sa atin sa pamamagitan ng pagtulong sa atin bilang indibidwal na samantalahin ang mga kapakinabangan ng hain ni Kristo. Sinabi ni Jesus: “Walang taong makalalapit sa akin malibang ilapit siya ng Ama, na nagsugo sa akin.” (Juan 6:44) Oo, si Jehova mismo ang naglalapit sa atin sa kaniyang Anak at sa pag-asang buhay na walang hanggan. Paano? Sa pamamagitan ng gawaing pangangaral, na nakakarating sa atin bilang indibidwal, at sa pamamagitan ng kaniyang banal na espiritu, na ginagamit ni Jehova upang tulungan tayong maunawaan at maikapit ang espirituwal na mga katotohanan sa kabila ng ating mga limitasyon at pagiging di-perpekto. Kung gayon ay masasabi ni Jehova sa atin ang sinabi niya sa Israel: “Minahal kita, at walang hanggan ang pagmamahal ko sa iyo. Kaya inilapit kita sa akin sa pamamagitan ng tapat na pag-ibig.”—Jeremias 31:3.
18, 19. (a) Ano ang pinakapersonal na paraan na doo’y ipinamamalas ni Jehova ang kaniyang pag-ibig sa atin, at ano ang nagpapakitang personal niyang ginagampanan ito? (b) Paano tinitiyak sa atin ng Salita ng Diyos na si Jehova ay isang tagapakinig na may empatiya?
18 Maaaring ang pinakapersonal na paraan upang madama natin ang pag-ibig ni Jehova ay sa pamamagitan ng pribilehiyo ng panalangin. Inaanyayahan ng Bibliya ang bawat isa sa atin na ‘laging manalangin’ sa Diyos. (1 Tesalonica 5:17) Siya’y nakikinig. Tinawag pa nga siyang “Dumirinig ng panalangin.” (Awit 65:2) Ang posisyong ito ay hindi niya iniatas kaninuman, maging sa kaniyang sariling Anak. Isip-isipin na lamang: Ang Maylalang ng uniberso ay humihimok sa atin na lumapit sa kaniya sa panalangin, taglay ang kalayaan sa pagsasalita. At anong uri siya ng tagapakinig? Wala ba siyang pakialam, walang pakiramdam, walang malasakit? Hindi.
19 Si Jehova ay may empatiya. Ano ba ang empatiya? Isang tapat na Kristiyanong may-edad ang nagsabi: “Ang empatiya ay ang kirot mo sa puso ko.” Talaga nga bang apektado si Jehova ng nararamdaman nating kirot? Mababasa natin tungkol sa mga pagdurusa ng kaniyang bayang Israel: “Sa lahat ng paghihirap nila ay nahihirapan siya.” (Isaias 63:9) Hindi lamang nakikita ni Jehova ang kanilang mga problema; nadarama rin niya ang nadarama ng kaniyang bayan. Ang tindi ng kaniyang nadarama ay inilalarawan ng sariling pananalita ni Jehova sa kaniyang mga lingkod: “Sinumang humihipo sa inyo ay humihipo sa itim ng aking mata.” b (Zacarias 2:8) Tiyak na napakasakit niyaon! Oo, nadarama ni Jehova ang ating nadarama. Kapag tayo’y nasasaktan, siya rin ay nasasaktan.
20. Anong di-timbang na pag-iisip ang dapat nating iwasan kung nais nating masunod ang payo sa Roma 12:3?
20 Walang timbang na Kristiyano ang gagamit sa gayong ebidensiya ng pag-ibig at pagpapahalaga ng Diyos bilang dahilan para sa pagmamapuri o egotismo. Sumulat si apostol Pablo: “Sa pamamagitan ng walang-kapantay na kabaitan na ibinigay sa akin, sinasabi ko sa inyong lahat na huwag mag-isip nang higit tungkol sa sarili kaysa sa nararapat, kundi ipakita ninyo ang katinuan ng inyong pag-iisip ayon sa pananampalataya na ibinigay ng Diyos sa bawat isa sa inyo.” (Roma 12:3) Ganito naman ang sabi rito ng isa pang salin: “Sasabihin ko sa bawat isa sa inyo na huwag mag-isip sa kaniyang sarili nang higit sa kaniyang tunay na halaga, kundi magkaroon ng matinong palagay sa kaniyang sarili.” (A Translation in the Language of the People, ni Charles B. Williams) Kaya habang nasisiyahan tayo sa init ng pag-ibig ng ating Ama sa langit, magkaroon tayo ng matinong pag-iisip at alalahanin na hindi tayo karapat-dapat sa pag-ibig ng Diyos.—Lucas 17:10.
21. Anong mga kasinungalingan ni Satanas ang dapat nating patuloy na tanggihan, at anong katotohanan sa Bibliya ang magagamit upang patuloy nating mapatibay ang ating puso?
21 Gawin sana ng bawat isa sa atin ang lahat ng ating magagawa upang matanggihan ang mga kasinungalingan ni Satanas, pati na ang kasinungalingan na tayo’y walang halaga o di-kaibig-ibig. Kung dahil sa mga naranasan mo sa buhay ay itinuturing mong napakasama mong tao anupat hindi ka kayang mahalin kahit ng Diyos, o ang iyong mabubuting gawa ay napakaliit anupat hindi mapansin maging ng kaniyang mga matang nakakakita ng lahat, o ang iyong mga kasalanan ay napakalaki anupat hindi matubos maging ng kamatayan ng kaniyang pinakamamahal na Anak, ikaw ay naturuan ng kasinungalingan. Tanggihan mo ang mga kasinungalingang iyan sa kaibuturan ng iyong puso! Patuloy nating patibayin ang ating mga puso ng katotohanang inihahayag sa pananalitang ipinasulat ni Jehova kay Pablo: “Kumbinsido ako na kahit ang kamatayan o buhay o mga anghel o mga pamahalaan o mga bagay na narito ngayon o mga bagay na darating o mga kapangyarihan o taas o lalim o anupamang nilalang ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos na ipinapakita rin ni Kristo Jesus na ating Panginoon.”—Roma 8:38, 39.
a Paulit-ulit na iniuugnay ng Bibliya ang pag-asa ng pagkabuhay-muli sa alaala ni Jehova. Sinabi ng tapat na lalaking si Job kay Jehova: “O . . . magtakda ka nawa ng panahon at alalahanin mo ako!” (Job 14:13) Tinukoy ni Jesus ang pagkabuhay-muli ng “lahat ng nasa mga libingan [o, “alaalang libingan,” talababa].” Angkop lamang ito sapagkat ganap na naaalaala ni Jehova ang mga patay na nais niyang buhaying muli.—Juan 5:28, 29.
b Ipinahihiwatig dito ng ilang tagapagsalin na ang humihipo sa bayan ng Diyos ay humihipo sa kaniyang sariling mata o sa mata ng Israel, at hindi sa mata ng Diyos. Ang pagkakamaling ito ay ipinasok ng ilang tagakopya na may pananaw na ang talatang ito ay walang galang kung kaya iwinasto ito. Ang kanilang maling pagsisikap ay nagpalabo sa sidhi ng personal na empatiya ni Jehova.