KABANATA 1
“Siya ang Ating Diyos!”
1, 2. (a) Ano-anong tanong ang nais mong iharap sa Diyos? (b) Ano ang itinanong ni Moises sa Diyos?
MAGUGUNIGUNI mo bang ikaw ay nakikipag-usap sa Diyos? Ang isipin man lamang ito ay nakapangingilabot na—ang Kataas-taasan ng uniberso ay nakikipag-usap sa iyo! Sa pasimula’y atubili ka, subalit mayamaya’y nakasagot ka rin. Nakinig siya, tumugon, at ipinadama niya sa iyo na malaya kang magharap ng anumang tanong na gusto mo. Ano ang gusto mong itanong?
2 Noon, may isang lalaki na ganiyan din ang kalagayan. Ang pangalan niya ay Moises. Gayunman, baka magulat ka sa tanong na pinili niyang iharap sa Diyos. Hindi siya nagtanong tungkol sa kaniyang sarili, sa kaniyang kinabukasan, o maging sa malungkot na kalagayan ng sangkatauhan. Sa halip, itinanong niya ang pangalan ng Diyos. Maaaring ipagtaka mo iyan, dahil alam naman ni Moises ang personal na pangalan ng Diyos. Kung gayon, tiyak na may mas malalim na kahulugan ang kaniyang tanong. Sa katunayan, iyon ang pinakamahalagang tanong na maaaring iharap ni Moises. Apektado tayong lahat ng sagot. Makatutulong ito sa iyo na gumawa ng isang napakahalagang hakbang upang mapalapít sa Diyos. Paano? Tingnan natin ang pambihirang pag-uusap na iyon.
3, 4. Anong mga pangyayari ang umakay sa pakikipag-usap ni Moises sa Diyos, at ano ang buod ng pag-uusap na iyon?
3 Si Moises ay 80 taóng gulang noon. Apat na dekada siyang napalayo sa kaniyang bayan, ang Israel, na naging alipin ng Ehipto. Isang araw, habang inaalagaan niya ang kawan ng kaniyang biyenan, may nakita siyang kakaiba. Nagliliyab ang isang matinik na halaman, subalit hindi ito natutupok. Patuloy lamang itong nagliliyab, nagniningning na parang isang parola sa gilid ng bundok. Lumapit si Moises upang magsiyasat. Tiyak na nagulat siya nang makipag-usap sa kaniya ang isang tinig mula sa gitna ng apoy! Sa pamamagitan ng isang tagapagsalitang anghel, ang Diyos at si Moises ay nag-usap na mabuti. At, gaya marahil ng alam mo, doon ay inatasan ng Diyos ang nag-aatubiling si Moises na iwan ang kaniyang mapayapang buhay at bumalik sa Ehipto upang iligtas ang mga Israelita mula sa pagkaalipin.—Exodo 3:1-12.
4 Puwede sanang tanungin ni Moises ang Diyos ng kahit ano. Gayunman, pansinin ang kaniyang piniling tanong: “Kung puntahan ko ang mga Israelita at sabihin kong ‘Isinugo ako sa inyo ng Diyos ng inyong mga ninuno,’ at sabihin nila sa akin, ‘Ano ang pangalan niya?’ ano ang isasagot ko sa kanila?”—Exodo 3:13.
5, 6. (a) Ang tanong ni Moises ay nagtuturo sa atin ng anong simple at mahalagang katotohanan? (b) Anong mabigat na pagkakasala ang ginawa sa personal na pangalan ng Diyos? (c) Bakit napakahalaga na isiniwalat ng Diyos ang kaniyang pangalan sa sangkatauhan?
5 Una sa lahat, itinuturo sa atin ng tanong na iyan na ang Diyos ay may pangalan. Hindi natin dapat ipagwalang-bahala ang simpleng katotohanang ito. Subalit marami ang gumagawa nito. Ang personal na pangalan ng Diyos ay inalis sa di-mabilang na mga salin ng Bibliya at pinalitan ng mga titulo, gaya ng “Panginoon” at “Diyos.” Ito ang isa sa mga pinakamasaklap at pinakamabigat na pagkakasalang ginawa ng mga relihiyon. Isipin ito: Ano ba ang una mong ginagawa kapag may nakilala ka? Hindi ba’t itinatanong mo ang pangalan niya? Ganiyan din sa pagkilala sa Diyos. May pangalan siya at hindi malayo sa atin kaya maaari natin siyang makilala o maunawaan. Bagaman di-nakikita, siya’y isang tunay na Persona, at siya’y may pangalan—Jehova.
6 Bukod diyan, kapag isinisiwalat ng Diyos ang kaniyang personal na pangalan, isang pambihira at kapana-panabik na bagay ang nangyayari. Inaanyayahan niya tayong makilala siya. Nais niyang piliin natin ang pinakamagaling na mapipili natin sa buhay—ang maging malapít sa kaniya. Subalit higit pa ang ginawa ni Jehova kaysa sabihin lamang sa atin ang kaniyang pangalan. Itinuro din niya sa atin ang mga katangian ng Personang nagtataglay ng pangalang ito.
Ang Kahulugan ng Pangalan ng Diyos
7. (a) Ano ang nauunawaan natin tungkol sa kahulugan ng pangalan ng Diyos? (b) Ano ang talagang nais malaman ni Moises nang itanong niya sa Diyos ang Kaniyang pangalan?
7 Si Jehova ang pumili ng kaniyang sariling pangalan, isa na punong-puno ng kahulugan. Nauunawaan natin na ang pangalang “Jehova” ay nangangahulugang “Pinangyayari Niyang Maging Gayon.” Wala siyang katulad sa buong uniberso dahil siya ang lumikha sa lahat ng bagay. Pinangyayari din niyang matupad ang lahat ng kaniyang layunin, at puwede pa nga niyang pangyarihin ang kaniyang di-perpektong mga lingkod na maging anuman na piliin niya. Lubhang kamangha-mangha iyan! Pero may iba pa bang kahulugan ang pangalan ng Diyos? Maliwanag na nais ni Moises na matuto pa nang higit. Ang totoo, alam na niya na si Jehova ang Maylalang, at alam niya ang pangalan ng Diyos. Ang pangalan ng Diyos ay hindi na bago noon. Maraming siglo nang ginagamit ito ng mga tao. Sa katunayan, nang itanong ang pangalan ng Diyos, ang talagang itinatanong ni Moises ay ang tungkol sa Personang kinakatawan ng pangalan. Sa diwa, sinasabi niya: ‘Ano ang sasabihin ko sa iyong bayang Israel tungkol sa iyo na magpapatibay ng kanilang pananampalataya sa iyo, na makakakumbinsi sa kanila na talagang ililigtas mo sila?’
8, 9. (a) Paano sinagot ni Jehova ang tanong ni Moises, at ano ang kadalasang mali sa paraan ng pagsasalin sa Kaniyang tugon? (b) Ano ang kahulugan ng pangungusap na “Ako ay Magiging Anuman na Piliin Ko”?
8 Bilang tugon ay isiniwalat ni Jehova ang isang kapana-panabik na aspekto ng kaniyang personalidad, na nauugnay sa kahulugan ng kaniyang pangalan. Sinabi niya kay Moises: “Ako ay Magiging Anuman na Piliin Ko.” (Exodo 3:14) Sa maraming ibang bersiyon ng Bibliya, ganito ang pagkakasalin dito: “Ako yaong ako nga.” Pero ipinapakita ng maingat na mga salin dito na hindi lamang pinatutunayan ng Diyos ang kaniyang pag-iral. Sa halip, itinuturo Niya kay Moises—at pati na rin sa ating lahat—na ‘pipiliin Niyang maging’ anuman na kinakailangan para maisakatuparan ang Kaniyang mga pangako. Ganito tuwirang isinalin ni J. B. Rotherham ang talatang ito: “Ako ay Magiging anuman na kalugdan ko.” Ganito ipinaliwanag ng isang awtoridad sa Bibliyang Hebreo ang parirala: “Anuman ang kalagayan o pangangailangan . . . , ang Diyos ang ‘magiging’ solusyon sa pangangailangang iyon.”
9 Ano ang naging kahulugan niyan para sa mga Israelita? Anumang hadlang ang mapaharap sa kanila, anumang hirap ang kasadlakan nila, si Jehova ay magiging anuman na kinakailangan upang iligtas sila mula sa pagkaalipin at dalhin sila sa Lupang Pangako. Tiyak na pumukaw ng pagtitiwala sa Diyos ang pangalang iyan. Ganoon din ang magagawa niyan sa atin sa ngayon. (Awit 9:10) Bakit?
10, 11. Paanong ang pangalan ni Jehova ay nag-aanyaya sa atin na alalahanin siya bilang ang pinakamahusay sa lahat ng bagay at pinakamagaling na Ama na mailalarawan sa isip? Ipaghalimbawa.
10 Halimbawa, batid ng mga magulang na kailangang sila’y mahusay sa lahat ng bagay at marunong makibagay sa pangangalaga sa kanilang mga anak. Sa maghapon, ang magulang ay maaaring maging nars, tagapagluto, guro, tagadisiplina, hukom, at marami pa. Marami ang nabibigatan dahil sa napakaraming papel na inaasahang gagampanan nila. Napapansin nila ang lubos na pagtitiwala sa kanila ng kanilang mga anak, na hinding-hindi nag-aalinlangan na kayang pagalingin nina Tatay at Nanay ang sugat, lutasin ang lahat ng pag-aaway, ayusin ang anumang nasirang laruan, at sagutin ang anumang tanong na sumasagi sa kanilang mausisang isip. Ang ilang magulang ay nakadaramang hindi sila karapat-dapat at minsan ay nasisiraan ng loob dahil sa kanilang sariling mga limitasyon. Nadarama nilang sila’y labis na nagkukulang sa pagganap ng marami sa mga papel na ito.
11 Si Jehova rin ay isang maibiging magulang. Subalit, sa nasasaklaw ng kaniyang perpektong mga pamantayan, walang anumang papel ang hindi niya kayang gampanan upang mapangalagaan ang kaniyang mga anak sa lupa sa pinakamabuting paraang magagawa. Kaya ang kaniyang pangalang Jehova ay nag-aanyaya sa atin na alalahanin siya bilang ang pinakamagaling na Ama na mailalarawan sa isip. (Santiago 1:17) Di-nagtagal at naranasan ni Moises at ng lahat ng iba pang tapat na mga Israelita na si Jehova ay totoo sa kaniyang pangalan. Buong panggigilalas silang nagmasid habang pinangyayari niyang siya’y maging isang di-nagagaping Kumandante ng Militar, ang Panginoon ng lahat ng likas na elemento, walang-kapantay na Tagapagbigay-Batas, Hukom, Arkitekto, Tagapaglaan ng pagkain at tubig, Tagapag-ingat ng damit at sandalyas—at marami pa.
12. Paanong ang saloobin ng Paraon kay Jehova ay naiiba sa saloobin ni Moises?
12 Sa ganitong paraan ipinakilala ni Jehova ang kaniyang personal na pangalan, isiniwalat ang kapana-panabik na mga bagay tungkol sa Personang nagtataglay ng pangalang iyan, at pinatunayan pa nga na totoo ang sinasabi niya tungkol sa kaniyang sarili. Walang alinlangan, nais ng Diyos na makilala natin siya. Paano tayo tumutugon? Ninais ni Moises na makilala ang Diyos. Ang matinding hangaring iyan ang humubog sa buong landasin ng buhay ni Moises at umakay sa kaniya na maging napakalapít sa kaniyang Ama sa langit. (Bilang 12:6-8; Hebreo 11:27) Nakalulungkot, iilan lamang sa mga kapanahon ni Moises ang may ganiyang hangarin. Nang banggitin ni Moises ang pangalan ni Jehova sa Paraon, ang palalong Ehipsiyong monarkang iyon ay dagling tumugon: “Sino si Jehova?” (Exodo 5:2) Hindi ninais ng Paraon na matuto pa nang higit tungkol kay Jehova. Sa halip, buong pangungutyang binale-wala niya ang Diyos ng Israel bilang walang halaga o walang kabuluhan. Ang ganiyang pananaw ay lubhang karaniwan sa ngayon. Binubulag nito ang mga tao sa isa sa pinakamahalagang katotohanan—si Jehova ang Kataas-taasang Panginoon.
Ang Kataas-taasang Panginoong Jehova
13, 14. (a) Bakit binigyan si Jehova ng maraming titulo sa Bibliya, at ano ang ilan sa mga ito? (Tingnan ang kahon sa pahina 16.) (b) Bakit tanging si Jehova lamang ang karapat-dapat na tawaging ‘Kataas-taasang Panginoon’?
13 Si Jehova ay napakahusay sa lahat ng bagay at napakagaling makibagay anupat nararapat lamang na taglayin niya ang maraming titulo sa Kasulatan. Ang mga ito’y hindi kaagaw ng kaniyang personal na pangalan. Sa halip, may itinuturo ito tungkol sa kaniyang pangalan. Halimbawa, tinatawag siyang “Kataas-taasang Panginoong Jehova.” (2 Samuel 7:22) Ang matayog na titulong iyan, na daan-daang ulit na lumitaw sa Bibliya, ay nagsasabi sa atin ng posisyon ni Jehova. Tanging siya lamang ang may karapatang maging Tagapamahala sa buong uniberso. Isaalang-alang kung bakit.
14 Si Jehova ay namumukod-tangi bilang Maylalang. Ang Apocalipsis 4:11 ay nagsasabi: “O Jehova na Diyos namin, ikaw ang karapat-dapat sa kaluwalhatian at karangalan at kapangyarihan, dahil nilalang mo ang lahat ng bagay, at dahil sa kalooban mo ay umiral sila at nalalang.” Ang mariringal na salitang ito ay hindi maikakapit sa sino pa mang persona. Utang kay Jehova ng lahat ng bagay sa uniberso ang pag-iral nito! Walang alinlangan na si Jehova ay karapat-dapat sa karangalan, kapangyarihan, at kaluwalhatian na kaakibat ng pagiging Kataas-taasang Panginoon at Maylalang ng lahat ng bagay.
15. Bakit tinawag si Jehova na “Haring walang hanggan”?
15 Ang isa pang titulo na ikinapit lamang kay Jehova ay “Haring walang hanggan.” (1 Timoteo 1:17; Apocalipsis 15:3) Ano ang kahulugan nito? Mahirap para sa ating limitadong kaisipan na maunawaan ito, subalit si Jehova ay walang hanggan sa magkabilang direksiyon—sa nakaraan at sa hinaharap. Ang Awit 90:2 ay nagsasabi: “Mula sa panahong walang pasimula hanggang sa panahong walang wakas, ikaw ang Diyos.” Kaya si Jehova ay hindi kailanman nagkaroon ng pasimula; lagi siyang umiiral. Nararapat lamang na tawagin siyang “ang Sinauna sa mga Araw”—walang hanggan na siyang umiiral bago pa man umiral ang sinuman o anuman sa uniberso! (Daniel 7:9, 13, 22) Sino kaya ang may katuwirang makatututol sa kaniyang karapatan na maging Kataas-taasang Panginoon?
16, 17. (a) Bakit hindi natin nakikita si Jehova, at bakit hindi natin dapat pagtakhan iyan? (b) Sa anong diwa higit na totoo si Jehova kaysa sa anumang bagay na ating nakikita o nahihipo?
16 Gayunman, tinututulan nga ng ilan ang karapatang iyan, gaya ng Paraon. Bahagi ng suliranin ang sobrang pagtitiwala ng di-perpektong mga tao sa nakikita ng kanilang mga mata. Hindi natin nakikita ang Kataas-taasang Panginoon. Siya’y isang espiritung Persona, di-nakikita ng mga mata ng tao. (Juan 4:24) Bukod diyan, kung ang isang taong may laman at dugo ay tatayo sa mismong presensiya ng Diyos na Jehova, ang karanasang ito ay totoong makamamatay. Sinabi mismo ni Jehova kay Moises: “Hindi mo puwedeng makita ang aking mukha, dahil walang tao ang makakakita sa akin at mabubuhay pa.”—Exodo 33:20; Juan 1:18.
17 Hindi natin dapat pagtakhan iyan. Nakita ni Moises ang isang bahagi lamang ng kaluwalhatian ni Jehova, malamang na sa pamamagitan ng isang kinatawang anghel. Ano ang naging epekto? Ang mukha ni Moises ay ‘nagliwanag’ nang mahaba-habang panahon pagkaraan nito. Natakot ang mga Israelita na tumingin man lamang nang deretso sa mukha ni Moises. (Exodo 33:21-23; 34:5-7, 29, 30) Kung gayon, tiyak na walang hamak na tao ang makatitingin sa mismong Kataas-taasang Panginoon sa kaniyang buong kaluwalhatian! Nangangahulugan ba ito na siya’y hindi kasintunay ng mga bagay na ating nakikita at nahihipo? Hindi, agad nating tinatanggap na totoo ang maraming bagay na hindi natin nakikita—halimbawa ang hangin, mga radio wave, at mga ideya. Isa pa, si Jehova ay namamalagi at di-apektado ng paglipas ng panahon, kahit ng di-mabilang na bilyon-bilyong taon! Sa diwang iyan, siya’y lalong higit na totoo kaysa sa anumang nahihipo o nakikita natin, sapagkat ang pisikal na daigdig ay tumatanda at nabubulok. (Mateo 6:19) Pero isa lang ba siyang makapangyarihan at di-nakikitang Persona na malayo at walang pakialam sa atin?
Isang Diyos na May Personalidad
18. Anong pangitain ang ibinigay kay Ezekiel, at ano ang isinasagisag ng apat na mukha ng mga “buháy na nilalang” na malapit kay Jehova?
18 Bagaman hindi natin nakikita ang Diyos, may kapana-panabik na mga talata sa Bibliya na tumutulong sa atin upang masilayan ang mismong langit. Isang halimbawa ang unang kabanata ng Ezekiel. Si Ezekiel ay binigyan ng isang pangitain tungkol sa makalangit na bahagi ng organisasyon ni Jehova sa buong uniberso, na nakita niya bilang isang pagkalaki-laking makalangit na karo. Ang lalo nang kahanga-hanga ay ang pagkakalarawan sa mga makapangyarihang espiritung nilalang na nakapalibot kay Jehova. (Ezekiel 1:4-10) Ang mga “buháy na nilalang” na ito ay may malapit na kaugnayan kay Jehova, at ang kanilang anyo ay nagsasabi sa atin ng isang bagay na mahalaga tungkol sa Diyos na kanilang pinaglilingkuran. Bawat isa ay may apat na mukha—yaong sa toro, sa leon, sa agila, at sa tao. Maliwanag na sumasagisag ito sa apat na katangian na pinakabatayan ng kamangha-manghang personalidad ni Jehova.—Apocalipsis 4:6-8, 10.
19. Anong katangian ang kinakatawan ng (a) mukha ng toro? (b) mukha ng leon? (c) mukha ng agila? (d) mukha ng tao?
19 Sa Bibliya, ang toro ay karaniwan nang kumakatawan sa kapangyarihan, at angkop naman, sapagkat ito’y talagang napakalakas na hayop. Sa kabilang dako naman, ang leon ay karaniwan nang lumalarawan sa katarungan, sapagkat ang tunay na katarungan ay nangangailangan ng tapang, isang bantog na katangian ng mga leon. Ang mga agila ay kilalang-kilala sa kanilang napakatalas na paningin, anupat nakikita kahit na ang napakaliliit na bagay na kilo-kilometro ang layo. Kaya ang mukha ng agila ay angkop na lumalarawan sa malayong pananaw ng karunungan ng Diyos. At ang mukha ng tao? Buweno, ang tao na nilalang sa larawan ng Diyos ay walang katulad sa kaniyang kakayahang ipakita ang nangingibabaw na katangian ng Diyos—ang pag-ibig. (Genesis 1:26) Ang mga pitak na ito ng personalidad ni Jehova—kapangyarihan, katarungan, karunungan, at pag-ibig—ay napakadalas itampok sa Kasulatan anupat ang mga ito’y maaaring tukuyin bilang pangunahing mga katangian ng Diyos.
20. Dapat ba tayong mag-alala na baka nagbago na ang personalidad ni Jehova, at bakit iyan ang sagot mo?
20 Dapat ba tayong mag-alala na baka nagbago na ang Diyos sa paglipas ng libo-libong taon mula nang siya’y ilarawan sa Bibliya? Hindi, ang personalidad ng Diyos ay hindi nagbabago. Sinasabi niya sa atin: “Ako si Jehova; hindi ako nagbabago.” (Malakias 3:6) Sa halip na biglang magbago dahil sa bugso ng damdamin, pinatutunayan ni Jehova na siya’y isang huwarang Ama, dahil sa bawat sitwasyon, ipinamamalas niya ang mga katangian na talagang kailangan natin. Sa lahat ng katangian ng Diyos, ang nangingibabaw ay ang pag-ibig. Ito’y nakikita sa lahat ng ginagawa ng Diyos. Ginagamit niya ang kaniyang kapangyarihan, katarungan, at karunungan sa maibiging paraan. Sa katunayan, may di-pangkaraniwang bagay na sinasabi ang Bibliya hinggil sa Diyos at sa katangiang ito. Ito’y nagsasabi: “Ang Diyos ay pag-ibig.” (1 Juan 4:8) Pansinin na hindi nito sinasabing ang Diyos ay may pag-ibig o na ang Diyos ay maibigin. Sa halip, sinasabi nito na ang Diyos ay pag-ibig. Ang pag-ibig, na siyang buod ng kaniyang personalidad, ang gumaganyak sa kaniya sa lahat ng kaniyang ginagawa.
“Siya ang Ating Diyos!”
21. Ano ang ating madarama habang higit nating napag-uunawa ang mga katangian ni Jehova?
21 Nakakita ka na ba ng isang bata na itinuturo ang kaniyang ama sa kaniyang mga kaibigan at pagkatapos ay tuwang-tuwa at buong pagmamalaking nagsasabi, “Iyan ang tatay ko”? Taglay ng mga mananamba ng Diyos ang lahat ng dahilan upang madama ang gayundin kay Jehova. Inihula ng Bibliya na darating ang panahon na ang tapat na mga tao ay magsasabi: “Siya ang ating Diyos!” (Isaias 25:8, 9) Habang nagtatamo ka ng higit na kaunawaan sa mga katangian ni Jehova, lalo mong madarama na ikaw ay may pinakamahusay na Ama na mailalarawan sa isip.
22, 23. Paano inilalarawan ng Bibliya ang ating Ama sa langit, at paano natin nalalaman na nais niya tayong maging malapít sa kaniya?
22 Ang Amang ito ay hindi malamig makitungo, walang malasakit, o malayo—di-gaya ng itinuturo ng ilang relihiyon at pilosopo. Malayong mapalapít tayo sa isang malamig-makitungong Diyos, at hindi ganoon ang pagkakalarawan ng Bibliya sa ating Ama sa langit. Sa kabaligtaran, ang tawag nito sa kaniya ay “maligayang Diyos.” (1 Timoteo 1:11) Taglay niya kapuwa ang mga damdaming masidhi at malumanay. Noong suwayin ng kaniyang matatalinong nilalang ang mga tagubiling ibinigay niya para sa kapakanan nila, mababasa natin: “Nasaktan ang puso niya.” (Genesis 6:6; Awit 78:41) Subalit kapag tayo’y kumikilos nang may karunungan ayon sa kaniyang Salita, ‘pinasasaya natin ang puso niya.’—Kawikaan 27:11.
23 Nais ng ating Ama na tayo’y maging malapít sa kaniya. Hinihimok tayo ng kaniyang Salita na ‘hanapin siya at talagang makikita natin siya, dahil ang totoo, hindi siya malayo sa bawat isa sa atin.’ (Gawa 17:27) Kung gayon, paano magiging posible para sa hamak na mga tao na mapalapít sa Kataas-taasang Panginoon ng uniberso?