Liham Mula sa Lupong Tagapamahala
Mahal Naming mga Kapatid:
Mahal natin ang Diyos at ang mga tao, kaya napapakilos tayo na “humayo . . . at gumawa ng mga alagad mula sa mga tao ng lahat ng bansa, na binabautismuhan sila.” (Mat. 28:19, 20; Mar. 12:28-31) Malaki ang magagawa ng mapagsakripisyong pag-ibig. Kung mayroon tayo nito, maaabot natin ang puso ng mga “nakaayon sa buhay na walang hanggan.”—Gawa 13:48.
Noon, nakapokus tayo sa pagsasaulo ng presentasyon at pag-iiwan ng literatura. Pero ngayon, kailangan nating pasulungin ang kakayahan nating makipag-usap. Gusto nating ipakita na mahal natin ang iba, at magagawa natin iyan kung ipapakipag-usap natin ang mga paksang gusto nila. Kaya kailangan nating maging handang makibagay at pag-isipan ang mga ikinababahala at interes ng mga tao. Paano makakatulong ang brosyur na ito?
Sa brosyur na ito, may 12 aralin tungkol sa mga katangiang kailangan natin para mahalin ang mga tao at gumawa ng mga alagad. Ang bawat aralin ay mula sa isang ulat sa Bibliya. Nakapokus ang ulat sa isang espesipikong katangian na ipinakita ni Jesus o ng isa pang ebanghelisador noong unang siglo habang nasa ministeryo. Ang tunguhin ay hindi para magsaulo ng presentasyon kundi humanap ng mga paraan para maipakitang mahal natin ang mga tao. Mahalaga ang bawat katangian sa iba’t ibang bahagi ng ministeryo natin. Pero aalamin natin kung paano makakatulong ang ilang espesipikong katangian kapag nagpapasimula ng pakikipag-usap, dumadalaw-muli, o nagba-Bible study.
Habang pinag-aaralan mo ang bawat aralin, pag-isipan kung paano mo maipapakita ang katangiang iyon kapag nakikipag-usap sa mga tao sa lugar ninyo. Sikaping mapalalim pa ang pag-ibig mo kay Jehova at sa mga tao. Maraming paraan para maabot ang tunguhin mo na gumawa ng mga alagad. Pero ang pag-ibig ang pinakamakakatulong sa iyo.
Isang pribilehiyo na maglingkod nang balikatan kasama mo. (Zef. 3:9) Pagpalain ka sana ni Jehova habang sinisikap mong mahalin ang mga tao at gumawa ng mga alagad!
Ang inyong mga kapatid,
Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova