Pumunta sa nilalaman

Gusto Mo Bang Malaman ang Katotohanan?

Gusto Mo Bang Malaman ang Katotohanan?

ANONG katotohanan? Katotohanan tungkol sa ilan sa pinakamahahalagang tanong ng mga tao. Marahil ay naitanong mo na rin ang mga ito:

  • Talaga bang nagmamalasakit sa atin ang Diyos?

  • Matatapos pa kaya ang digmaan at pagdurusa?

  • Ano ang nangyayari sa atin kapag tayo’y namatay?

  • May pag-asa ba ang mga patay?

  • Anong panalangin ang pinakikinggan ng Diyos?

  • Paano kaya magiging maligaya ang buhay ko?

Saan mo makikita ang sagot sa mga tanong na ito? Kung pupunta ka sa mga aklatan o tindahan ng mga aklat, makakakita ka roon ng libu-libong aklat na nagsasabing nasa kanila ang mga sagot. Pero kadalasan nang nagkakasalungatan ang mga aklat na ito. May mga aklat naman na praktikal sa ngayon pero hindi na praktikal sa paglipas ng panahon kung kaya dapat nang baguhin o palitan ang mga ito.

Pero may isang aklat na naglalaman ng maaasahang mga sagot. Ito ang aklat ng katotohanan. Ganito ang sinabi ni Jesu-Kristo sa kaniyang panalangin sa Diyos: “Ang iyong salita ay katotohanan.” (Juan 17:17) Kilala natin ang Salitang iyon bilang ang Banal na Bibliya. Sa susunod na mga pahina, makikita mo ang maikli ngunit maliwanag at tapat na mga sagot ng Bibliya sa nabanggit na mga tanong.

Talaga Bang Nagmamalasakit sa Atin ang Diyos?

KUNG BAKIT ITO ITINATANONG: Nabubuhay tayo sa daigdig na punô ng kalupitan at kawalang-katarungan. Itinuturo ng maraming relihiyon na kalooban ng Diyos ang mga pagdurusang nararanasan natin.

KUNG ANO ANG ITINUTURO NG BIBLIYA: Hinding-hindi maaaring magmula sa Diyos ang kasamaan. “Malayong gumawi nang may kabalakyutan ang tunay na Diyos, at na gumawi nang di-makatarungan ang Makapangyarihan-sa-lahat!” ang sabi sa Job 34:10. May maibiging layunin ang Diyos para sa mga tao. Kaya naman tinuruan tayo ni Jesus na manalangin: “Ama namin na nasa langit . . . dumating nawa ang iyong kaharian. Mangyari nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.” (Mateo 6:9, 10) Gayon na lamang ang pagmamalasakit sa atin ng Diyos anupat napakalaki ng isinakripisyo niya para lamang matupad ang kaniyang layunin.​—Juan 3:16.

Tingnan din ang Genesis 1:26-28; Santiago 1:13; at 1 Pedro 5:6, 7.

Matatapos Pa Kaya ang Digmaan at Pagdurusa?

KUNG BAKIT ITO ITINATANONG: Napakaraming namamatay dahil sa digmaan. Tayong lahat ay dumaranas ng pagdurusa.

KUNG ANO ANG ITINUTURO NG BIBLIYA: Inihula ng Diyos na darating ang panahon na magkakaroon ng kapayapaan sa buong lupa. Sa ilalim ng kaniyang Kaharian, isang pamahalaan sa langit, ang mga tao ay hindi na ‘mag-aaral ng pakikipagdigma.’ Sa halip, “pupukpukin nila ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod.” (Isaias 2:4) Aalisin na ng Diyos ang lahat ng kawalang-katarungan at pagdurusa. Nangangako ang Bibliya: “Papahirin [ng Diyos] ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay [pati na ang kawalang-katarungan at pagdurusa sa ngayon] ay lumipas na.”​—Apocalipsis 21:3, 4.

Tingnan din ang Awit 37:10, 11; 46:9; at Mikas 4:1-4.

Ano ang Nangyayari sa Atin Kapag Tayo’y Namatay?

KUNG BAKIT ITO ITINATANONG: Karamihan sa mga relihiyon sa daigdig ay nagtuturo na kapag namatay ang isang tao, may isang bagay sa kaniyang katawan na hindi namamatay. Naniniwala naman ang ilan na puwedeng manakit ang mga patay sa mga buháy o na pinarurusahan ng Diyos ang masasama sa pamamagitan ng walang-katapusang pagpapahirap sa maapoy na impiyerno.

KUNG ANO ANG ITINUTURO NG BIBLIYA: Kapag namatay ang isang tao, hindi na siya umiiral. Ang “mga patay . . . ay walang anumang kabatiran,” ang sabi sa Eclesiastes 9:5. Yamang ang mga patay ay hindi na nakaaalam, nakakaramdam, o nakararanas ng anuman, hindi na sila makapananakit​—o makatutulong—​sa mga buháy.​—Awit 146:3, 4.

Tingnan din ang Genesis 3:19 at Eclesiastes 9:6, 10.

May Pag-asa ba ang mga Patay?

KUNG BAKIT ITO ITINATANONG: Gusto nating mabuhay, at gusto nating masiyahan sa buhay kapiling ng ating mga minamahal. Natural lamang na manabik tayong makitang muli ang ating namatay na mga minamahal.

KUNG ANO ANG ITINUTURO NG BIBLIYA: Karamihan sa mga namatay ay bubuhaying muli. Nangako si Jesus na ang “nasa mga alaalang libingan ay . . . lalabas.” (Juan 5:28, 29) Kaugnay ng orihinal na layunin ng Diyos, ang mga taong bubuhaying muli dito sa lupa ay magkakaroon ng pagkakataong mabuhay sa isang paraiso. (Lucas 23:43) Kabilang sa pangakong ito ang sakdal na kalusugan at walang-hanggang buhay para sa masunuring mga tao. Sinasabi ng Bibliya: “Ang mga matuwid ang magmamay-ari ng lupa, at tatahan sila roon magpakailanman.”​—Awit 37:29.

Tingnan din ang Job 14:14, 15; Lucas 7:11-17; at Gawa 24:15.

Anong Panalangin ang Pinakikinggan ng Diyos?

KUNG BAKIT ITO ITINATANONG: Ang mga tao sa halos lahat ng relihiyon ay nananalangin. Pero pakiramdam ng marami ay hindi sinasagot ang kanilang mga panalangin.

KUNG ANO ANG ITINUTURO NG BIBLIYA: Tinuruan tayo ni Jesus na huwag gumamit ng iyo’t iyon ding mga salita sa ating panalangin. “Kapag nananalangin,” ang sabi niya, “huwag ninyong sabihin ang gayunding mga bagay nang paulit-ulit.” (Mateo 6:7) Kung gusto nating pakinggan ng Diyos ang ating panalangin, dapat tayong manalangin ayon sa paraang gusto niya. Para magawa iyan, kailangan nating alamin ang kalooban ng Diyos at saka manalangin ayon dito. Ang 1 Juan 5:14 ay nagpapaliwanag: ‘Anumang bagay ang hingin natin ayon sa kalooban ng Diyos, tayo ay pinakikinggan niya.’

Tingnan din ang Awit 65:2; Juan 14:6, 14; at 1 Juan 3:22.

Paano Kaya Magiging Maligaya ang Buhay Ko?

KUNG BAKIT ITO ITINATANONG: Marami ang naniniwala na ang salapi, katanyagan, o kagandahan ang makapagpapaligaya sa kanila. Kaya naman pinagsisikapan nilang makuha ang mga ito​—pero hindi pa rin sila maligaya.

KUNG ANO ANG ITINUTURO NG BIBLIYA: Tinukoy ni Jesus ang susi sa kaligayahan nang sabihin niya: “Maligaya yaong mga palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan.” (Mateo 5:3) Makakamit lamang ang tunay na kaligayahan kung sisikapin nating masapatan ang ating pinakamahalagang pangangailangan sa buhay​—ang ating pagkagutom sa katotohanan tungkol sa Diyos at sa kaniyang layunin para sa atin. Ang katotohanang iyan ay nasa Bibliya. Kung malalaman natin ang katotohanang iyan, mauunawaan natin kung ano talaga ang mahalaga at hindi mahalaga. Kung hahayaan natin ang katotohanan mula sa Bibliya na siyang pumatnubay sa ating mga desisyon at mga pagkilos, magkakaroon tayo ng mas makabuluhang buhay.​—Lucas 11:28.

Tingnan din ang Kawikaan 3:5, 6, 13-18 at 1 Timoteo 6:9, 10.

Maiikling sagot lamang ito ng Bibliya sa anim na tanong. Gusto mo bang makaalam nang higit pa? Kung isa ka sa mga ‘palaisip sa espirituwal na pangangailangan,’ tiyak na oo ang isasagot mo. Baka may naiisip ka pang ibang mga tanong, gaya ng: ‘Kung nagmamalasakit sa atin ang Diyos, bakit niya pinapayagan ang kasamaan at pagdurusa? Paano ko mapabubuti ang buhay ng aking pamilya?’ Ang Bibliya ay nagbibigay ng detalyado at kasiya-siyang sagot sa mga tanong na ito at sa maraming iba pang tanong.

Pero marami sa ngayon ang nag-aatubiling magbasa ng Bibliya. Napakakapal daw nito at mahirap maintindihan. Gusto mo bang tulungan kang makita ang mga sagot sa Bibliya? Ang mga Saksi ni Jehova ay nag-aalok ng dalawang bagay na makatutulong sa iyo.

Una, ang aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? ay dinisenyo para tulungan ang mga abalang tao na suriin ang maliwanag na sagot ng Bibliya sa napakahahalagang tanong. Ang ikalawang bagay ay ang libreng programa ng pantahanang pag-aaral sa Bibliya. Sa loob ng ilang minuto linggu-linggo, isang Saksi ni Jehova na may kakayahang magturo ng Bibliya ang pupunta sa inyong bahay o sa ibang mas kumbinyenteng lugar para pag-usapan ninyo ang Bibliya. Milyun-milyon na sa buong daigdig ang nakinabang sa programang ito. Marami sa kanila ang nakapagsabi ng kasiya-siyang konklusyong ito: “Ito na ang katotohanan!”

Wala nang hihigit pa sa kayamanang ito. Ang katotohanan mula sa Bibliya ay nagpapalaya sa atin mula sa pamahiin, pagkalito, at matinding takot. Nagbibigay ito sa atin ng pag-asa, layunin sa buhay, at kagalakan. Sinabi ni Jesus: “Malalaman ninyo ang katotohanan, at ang katotohanan ay magpapalaya sa inyo.”​—Juan 8:32.