Liham Mula sa Lupong Tagapamahala
Mahal naming kapananampalataya:
Gaya ng alam mo, ang Bibliya ay isang aklat na pangunahin nang tungkol sa mga tao. Karamihan sa kanila ay mga tapat na babae’t lalaki na napaharap sa mga hamon na gaya ng sa atin. Sila ay “may damdaming tulad ng sa atin.” (Santiago 5:17) Ang ilan ay napabigatan ng mga problema at kabalisahan. Ang iba ay labis na nasaktan ng kanilang kapamilya o kapananampalataya. Mayroon ding mga binagabag ng kanilang konsensiya dahil sa nagawa nilang pagkakamali.
Tuluyan na ba nilang iniwan si Jehova? Hindi naman. Marami ang gaya ng salmista na nanalangin: “Naligaw akong gaya ng nawawalang tupa. Hanapin mo nawa ang lingkod mo, dahil hindi ko nililimot ang mga utos mo.” (Awit 119:176) Ganiyan din ba ang nadarama mo?
Hindi kailanman nalilimutan ni Jehova ang kaniyang mga mananamba na napalayo sa kawan. Sa halip, tinutulungan niya sila—kadalasan nang sa pamamagitan ng kanilang kapananampalataya. Halimbawa, tingnan natin kung paano tinulungan ni Jehova ang lingkod niyang si Job, na dumanas ng maraming trahedya sa buhay—kabilang na ang problema sa pinansiyal, pagkamatay ng mga mahal sa buhay, at malubhang sakit. Tiniis din ni Job ang masasakit na salita ng mga taong dapat sana ay tumulong sa kaniya. Pero hinding-hindi niya tinalikuran si Jehova, bagaman nakapag-isip siya ng mali. (Job 1:22; 2:10) Paano siya tinulungan ni Jehova?
Ginamit ni Jehova ang kapananampalataya ni Job na si Elihu. Nang sabihin ni Job ang mga hinaing niya, nakinig si Elihu at napakilos na magsalita. Ano kaya ang sasabihin niya? Pupunahin ba niya si Job o kokonsensiyahin o hihiyain? Inisip ba ni Elihu na nakakahigit siya kay Job? Hinding-hindi! Udyok ng banal na espiritu ng Diyos, sinabi ni Elihu: “Ako ay gaya mo rin sa harap ng tunay na Diyos; hinubog din ako mula sa putik.” Pagkatapos, tiniyak niya kay Job: “Huwag kang matakot sa akin; hindi ka madudurog dahil sa bigat ng mga salita ko.” (Job 33:6, 7) Sa halip na pabigatan pa si Job, maibigin siyang pinayuhan at pinatibay ni Elihu.
Ganiyan din ang aming nadarama, kaya inihanda namin ang brosyur na ito. Nakinig muna kami, at maingat na isinaalang-alang ang mga kalagayan at hinaing ng ilang napalayo. (Kawikaan 18:13) Pagkatapos, kumonsulta kami sa Kasulatan, at may-pananalanging sinuri ang mga ulat tungkol sa pagtulong ni Jehova sa kaniyang sinaunang mga lingkod nang mapaharap sila sa katulad na mga sitwasyon. Saka namin pinagsama ang mga ulat na iyon sa Bibliya at ang makabagong-panahong mga karanasan para mabuo ang brosyur na ito. Inaanyayahan ka naming suriin ito. Mahal na mahal ka namin.
Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova