BAHAGI 2
Kabalisahan—“Kabi-kabila ang Panggigipit”
“Matapos ang 25-taóng pagsasama, nagdiborsiyo kaming mag-asawa. Iniwan ng mga anak ko ang katotohanan. Nagkaroon ako ng malulubhang sakit. Pagkatapos, nadepres ako. Pakiramdam ko, pinagsakluban ako ng langit at lupa at hindi ko na ito makayanan. Huminto ako sa pagdalo sa pulong, at naging inactive.”—June.
LAHAT tayo ay dumaranas ng kabalisahan—kahit mga lingkod ng Diyos. “Maraming gumugulo sa isip ko,” ang isinulat ng salmista. (Awit 94:19) At sinabi ni Jesus na sa panahon ng kawakasan, lalong magiging hamon ang paglilingkod kay Jehova dahil sa “mga álalahanín sa buhay.” (Lucas 21:34) Ikaw? Pakiramdam mo ba, hindi mo na kaya ang mga problema sa pinansiyal, pamilya, o kalusugan? Paano ka matutulungan ni Jehova?
“Lakas na Higit sa Karaniwan”
Hindi natin mahaharap ang mga kabalisahan kung sa sarili lang natin. “Kabi-kabila ang panggigipit sa amin,” ang sabi ni apostol Pablo. “Hindi namin alam ang gagawin . . . ; ibinabagsak kami.” Pero sinabi rin niyang tayo ay “hindi . . . nasusukol,” “may nalalabasan pa rin,” at “nakakabangon.” Ano ang makakatulong sa atin para makapagbata? Ang “lakas na higit sa karaniwan”—lakas na nagmumula sa ating makapangyarihang Diyos, si Jehova.—2 Corinto 4:7-9.
Pag-isipan kung paano ka tumanggap noon ng “lakas na higit sa karaniwan.” Naaalaala mo ba kung paano napalalim ng isang nakakapagpatibay na pahayag ang pagpapahalaga mo sa tapat na pag-ibig ni Jehova? Mas tumibay ba ang pananampalataya mo sa mga pangako ni Jehova nang ituro mo sa iba ang tungkol sa pag-asang mabuhay sa Paraiso? Kapag dumadalo tayo sa pulong at ibinabahagi sa iba ang pananampalataya natin, lumalakas tayo at nakakayanan ang mga kabalisahan sa buhay. Nagkakaroon din tayo ng kapayapaan ng isip para mapaglingkuran si Jehova nang may kagalakan.
“Subukin Ninyo si Jehova at Makikita Ninyong Mabuti Siya”
Sa totoo lang, baka nalilito ka kung ano ang uunahin mo. Halimbawa, hinihiling ni Jehova na unahin natin ang Kaharian at panatilihin ang regular na iskedyul ng espirituwal na mga gawain. (Mateo 6:33; Lucas 13:24) Pero paano kung nalilimitahan ka ng pagsalansang, mahinang kalusugan, o mga problema sa pamilya? O paano kung naaagaw na ng sekular na trabaho ang oras at lakas mo na para sana sa kongregasyon? Dahil sa dami ng dapat mong gawin—sa iyong kaunting oras at lakas—baka isipin mong hindi mo ito kaya. Baka nga iniisip mong masyadong malaki ang inaasahan sa iyo ni Jehova.
Maunawain si Jehova. Hindi siya kailanman humihingi ng higit sa kaya nating ibigay. At alam niyang kailangan ang panahon para makabawi tayo mula sa stress.—Awit 103:13, 14.
Halimbawa, tingnan natin kung paano nagmalasakit si Jehova kay propeta Elias. Nang matakot at masiraan ng loob si Elias, tumakbo siya papunta sa ilang. Pinagalitan ba siya ni Jehova at pinabalik sa kaniyang atas? Hindi. Dalawang beses na nagsugo si Jehova ng anghel para dahan-dahang gisingin si Elias at bigyan ng pagkain. Pero lumipas na ang 40 araw, balisa at takót pa rin si Elias. Ano pa ang ginawa ni Jehova para tulungan siya? Una, ipinakita ni Jehova na kaya niya siyang protektahan. 1 Hari 19:1-19) Ang aral? Nang madaig ng kabalisahan si Elias, si Jehova ay naging matiisin at mahabagin sa kaniya. Hindi nagbabago si Jehova. Ganiyan din ang pagmamalasakit niya sa atin ngayon.
Ikalawa, inaliw ni Jehova si Elias sa pamamagitan ng “kalmado at mahinang tinig.” Pinakahuli, sinabi ni Jehova na may libo-libong iba pa na tapat na sumasamba sa Diyos. Di-nagtagal, naging masigasig na propeta ulit si Elias. (Kapag iniisip mo kung ano ang maibibigay mo kay Jehova, maging makatotohanan. Huwag mong ikumpara ang nagagawa mo ngayon sa mga nagagawa mo noon. Para ilarawan: Ang isang mananakbong ilang buwan o taon nang hindi nagsasanay ay hindi agad makakabalik sa dati niyang rutin. Sa halip, unti-unti niyang kinokondisyon ang kaniyang katawan para lumakas ang resistensiya niya. Ang mga Kristiyano ay parang mananakbo. May tunguhin sila sa kanilang pagsasanay. (1 Corinto 9:24-27) Baka gusto mong magtakda ng isang espirituwal na tunguhin na madali mong maaabot sa ngayon. Halimbawa, baka gusto mong gawing tunguhin ang pagdalo sa pulong. Hilingin kay Jehova na tulungan kang maabot ang iyong tunguhin. Habang nanunumbalik ang lakas mo sa espirituwal, ‘makikita mong mabuti si Jehova.’ (Awit 34:8) Tandaan na anuman ang ginagawa mo para maipakita ang iyong pag-ibig kay Jehova—gaano man ito kaliit—ay mahalaga sa kaniya.—Lucas 21:1-4.
“Ang Pampatibay na Matagal Ko Nang Hinihintay”
Paano pinalakas ni Jehova si June para makapanumbalik sa kaniya? Sinabi ni June: “Patuloy akong nanalangin kay Jehova, at hiniling na tulungan niya ako. Pagkatapos, sinabi sa akin ng manugang kong babae ang tungkol sa isang asambleang gaganapin sa aming bayan. Nagdesisyon akong dumalo nang isang araw. Ang sarap ng pakiramdam na makapiling muli ang bayan ni Jehova! Ang asambleang iyon ang pampatibay na matagal ko nang hinihintay. Ngayon, masaya akong naglilingkod ulit kay Jehova. Mas makabuluhan na ngayon ang buhay ko. Ngayon ko lalong nakita na kailangan ko ang mga kapatid at ang tulong nila. Buti na lang at may panahon pa para makabalik ako.”