Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

BAHAGI 5

Manumbalik sa “Pastol at Tagapangasiwa ng Inyong mga Buhay”

Manumbalik sa “Pastol at Tagapangasiwa ng Inyong mga Buhay”

Pinagdaanan mo na rin ba ang isa o higit pang hamon na tinalakay sa brosyur na ito? Kung oo, hindi ka nag-iisa. Maraming tapat na lingkod ng Diyos—noon at ngayon—ang napaharap sa gayong mga hamon. Kung paanong tinulungan sila ni Jehova, tutulungan ka rin niya.

Tatanggapin ka ni Jehova kung manunumbalik ka sa kaniya

MAKAKAASA kang tatanggapin ka ni Jehova kung manunumbalik ka sa kaniya. Tutulungan ka niyang harapin ang kabalisahan, limutin ang sama ng loob, at maging payapa ang isip at puso sa pagkakaroon ng malinis na konsensiya. Sa gayon, mapapakilos kang maglingkod ulit kay Jehova kasama ng iyong mga kapuwa mananamba. Magiging gaya ka ng ilang Kristiyano noong unang siglo na sinulatan ni apostol Pedro: “Tulad kayo ng mga tupang naliligaw, pero ngayon ay nagbalik na kayo sa pastol at tagapangasiwa ng inyong mga buhay.”​—1 Pedro 2:25.

Ang panunumbalik kay Jehova ang pinakamabuting magagawa mo. Bakit? Dahil mapapasaya mo ang puso ni Jehova. (Kawikaan 27:11) Gaya ng alam mo, may damdamin si Jehova, kaya apektado siya ng mga ginagawa natin. Siyempre pa, hindi naman tayo pinipilit ni Jehova na ibigin at paglingkuran siya. (Deuteronomio 30:19, 20) Ganito ang sabi ng isang iskolar ng Bibliya: “Walang ibang makakapagbukas ng puso mo kundi ikaw.” Mabubuksan natin ang ating puso kung sasambahin natin si Jehova dahil mahal na mahal natin siya. Kapag ginawa natin iyan, binibigyan natin siya ng isang mahalagang regalo—ang ating katapatan—at talagang mapapasaya natin ang puso niya. Oo, hindi matutumbasan ang kaligayahang dulot ng pagbibigay kay Jehova ng pagsambang karapat-dapat sa kaniya.​—Gawa 20:35; Apocalipsis 4:11.

Bukod diyan, kapag nanumbalik ka sa pagsambang Kristiyano, masasapatan ang iyong espirituwal na pangangailangan. (Mateo 5:3) Paano? Ang mga tao ay nagtatanong, ‘Bakit tayo naririto?’ Gustong-gusto nilang malaman ang sagot sa mga tanong tungkol sa layunin ng buhay. Likas sa mga tao na maging palaisip na kailangan nila ang Diyos dahil ganiyan ang pagkakalalang niya sa atin. Dinisenyo niya tayo na masiyahan sa paglilingkod sa kaniya. Wala nang hihigit pa sa kasiyahang sambahin si Jehova dahil mahal natin siya.​—Awit 63:1-5.

Gusto ni Jehova na manumbalik ka sa kaniya. Paano ka makakatiyak na gusto nga iyan ni Jehova? Pag-isipan ito: Sa tulong ng maraming panalangin, maingat na inihanda ang brosyur na ito. Itinawag-pansin ito sa iyo, marahil ng isang elder o ng isang kapananampalataya. Pagkatapos, napakilos kang basahin ito at tumugon sa mensahe nito. Ang lahat ng ito ay katibayan na hindi ka nalilimutan ni Jehova, kundi magiliw ka niyang inilalapit sa kaniya.​—Juan 6:44.

Nakakaginhawang malaman na hindi kailanman nalilimutan ni Jehova ang mga lingkod niyang naligaw ng landas. Napahalagahan iyan ni Donna. Sinabi niya: “Unti-unti akong napalayo sa katotohanan, pero lagi kong naiisip ang Awit 139:23, 24, na nagsasabi: ‘Siyasatin mo ako, O Diyos, at alamin mo ang laman ng puso ko. Suriin mo ako, at alamin mo ang mga ikinababahala ko. Tingnan mo kung mayroon akong anumang masamang saloobin, at akayin mo ako sa landas ng walang hanggan.’ Alam kong hindi ako bahagi ng sanlibutan—hinding-hindi ako naging bagay do’n—at alam kong dapat ay nasa loob ako ng organisasyon ni Jehova. Nakita kong hindi ako pinabayaan ni Jehova; kailangan ko lang makita ang daang pabalik sa kaniya. Napakasaya ko nang makita ko ’yon!”

“Nakita kong hindi ako pinabayaan ni Jehova; kailangan ko lang makita ang daang pabalik sa kaniya”

Ipinapanalangin namin na sana’y madama mong muli ang “kagalakang nagmumula kay Jehova.” (Nehemias 8:10) Hinding-hindi mo pagsisisihan ang panunumbalik kay Jehova.