Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

BAHAGI 4

Panunumbat ng Budhi—“Linisin Mo Ako sa Kasalanan Ko”

Panunumbat ng Budhi—“Linisin Mo Ako sa Kasalanan Ko”

“Gumanda ang buhay ng aming pamilya dahil sa bago kong trabaho, pero ito rin ang naging dahilan kaya nakagawa ako ng mga bagay na kuwestiyunable. Sumasali na ako sa mga selebrasyon ng sanlibutan, sa politika, at nagsisimba pa nga. Saksi ako, pero 40 taon akong naging inactive. Habang tumatagal, lalo kong naiisip na hindi na ako mapapatawad ni Jehova. Parang hindi ko na rin mapapatawad ang sarili ko. Alam ko na kasi ang katotohanan, pero lumihis pa ako.”​—Martha.

NAPAKABIGAT na pasanin ang panunumbat ng budhi. “Lampas-ulo na ang mga pagkakamali ko,” ang isinulat ni Haring David. “Gaya ng mabigat na pasan, hindi ko na kayang dalhin ang mga ito.” (Awit 38:4) Ang ilang Kristiyano ay nadaraig ng sobrang kalungkutan, kaya kumbinsido silang hindi na sila mapapatawad ni Jehova. (2 Corinto 2:7) Totoo kaya iyon? Kapag nakagawa ka ng malulubhang kasalanan, totoo bang napakalayo mo na kay Jehova kaya hindi ka na niya mapapatawad? Hindi!

“Ituwid Natin ang mga Bagay-bagay sa Pagitan Natin”

Hindi pinababayaan ni Jehova ang mga nagkasalang nagsisisi. Sa katunayan, siya pa nga ang lumalapit sa kanila! Sa ilustrasyon tungkol sa alibughang anak, inihambing ni Jesus si Jehova sa isang mapagmahal na ama na may anak na lumayas at napariwara. Nang maglaon, nagpasiyang bumalik ang anak. “Malayo pa, natanaw na siya ng kaniyang ama at naawa ito sa kaniya; tumakbo ito at niyakap at hinalikan siya.” (Lucas 15:11-20) Gusto mo bang mapalapit kay Jehova pero pakiramdam mo, “malayo [ka] pa” rin sa kaniya? Gaya ng ama sa ilustrasyon ni Jesus, nahahabag sa iyo si Jehova. Sabik na sabik siyang salubungin ka.

Pero paano kung iniisip mong napakabigat o napakarami ng kasalanan mo para mapatawad ni Jehova? Tingnan ang paanyaya ni Jehova sa Isaias 1:18: “‘Halikayo ngayon at ituwid natin ang mga bagay-bagay sa pagitan natin,’ ang sabi ni Jehova. ‘Kahit na ang mga kasalanan ninyo ay gaya ng iskarlata, mapapuputi ang mga ito na gaya ng niyebe.’” Oo, kahit ang mga kasalanan natin ay gaya ng iskarlatang tina na mahirap alisin sa puting damit, mapapatawad pa rin iyon ni Jehova.

Ayaw ni Jehova na patuloy kang pahirapan ng panunumbat ng budhi. Kung gayon, paano mo madarama ang ginhawang dulot ng kapatawaran ng Diyos at ng malinis na budhi? Isaalang-alang ang dalawang bagay na ginawa ni Haring David. Una, sinabi niya: “Ipagtatapat ko kay Jehova ang mga kasalanan ko.” (Awit 32:5) Tandaan, inaanyayahan ka na ni Jehova na lumapit sa kaniya sa panalangin at ‘ituwid ang mga bagay-bagay.’ Tanggapin mo ang paanyayang iyan. Ipagtapat mo kay Jehova ang iyong mga kasalanan, at sabihin sa kaniya ang nadarama mo. Mula sa sariling karanasan, buong-pagtitiwalang nanalangin si David: “Linisin mo ako sa kasalanan ko. . . . Ang pusong wasak at durog, O Diyos, ay hindi mo itatakwil.”​—Awit 51:2, 17.

Ikalawa, tinanggap ni David ang tulong mula sa inatasang kinatawan ng Diyos na si propeta Natan. (2 Samuel 12:13) Sa ngayon, naglaan si Jehova ng mga elder sa kongregasyon na sinanay para tulungan ang mga nagsisisi na maibalik ang pakikipagkaibigan nila kay Jehova. Kapag lumapit ka sa mga elder, gagamitin nila ang Bibliya at ipapanalangin ka para gumaan ang loob mo, mabawasan o alisin ang mga negatibong damdamin, at tulungan kang gumaling sa espirituwal.​—Santiago 5:14-16.

Gusto ni Jehova na madama mo ang ginhawa ng pagkakaroon ng malinis na konsensiya

“Maligaya ang Taong Pinagpaumanhinan sa Pagkakamali Niya”

Totoo, baka napakahirap sa iyo na ipagtapat sa Diyos na Jehova ang iyong kasalanan at ilapit ito sa mga elder. Ganiyan din ang nadama ni David. Noong una, ‘nanahimik’ siya tungkol sa kaniyang mga kasalanan. (Awit 32:3) Pero nakinabang siya nang ipagtapat niya ang kaniyang mga kasalanan at ituwid ang kaniyang landas.

Isang malaking pakinabang kay David nang manumbalik ang kagalakan niya. Isinulat niya: “Maligaya ang taong pinagpaumanhinan sa pagkakamali niya, na ang kasalanan ay pinatawad.” (Awit 32:1, talababa) Nanalangin din siya: “O Jehova, buksan mo ang mga labi ko, para maihayag ko ang mga papuri sa iyo.” (Awit 51:15) Dahil malaya na siya sa panunumbat ng budhi at bilang pasasalamat sa pagpapatawad ng Diyos, napakilos si David na sabihin sa iba ang tungkol kay Jehova.

Gusto ni Jehova na madama mo ang ginhawa ng pagkakaroon ng malinis na konsensiya. At gusto niyang sabihin mo sa iba ang tungkol sa kaniya at sa kaniyang mga layunin nang bukal sa puso at masayang-masaya, at hindi nabibigatan ng panunumbat ng budhi. (Awit 65:1-4) Tandaan, inaanyayahan ka ni Jehova na “mapatawad ang [iyong] mga kasalanan, para dumating ang mga panahon ng pagpapaginhawa mula mismo kay Jehova.”​—Gawa 3:19.

Ganiyan ang nangyari kay Martha. Sinabi niya: “Palagi akong pinapadalhan ng anak ko ng Bantayan at Gumising! Unti-unting bumalik ang kaugnayan ko kay Jehova. Ang pinakamahirap na bahagi ng panunumbalik ay ang paghingi ng tawad sa lahat ng nagawa kong kasalanan. Pero sa wakas, nakapanalangin din ako sa Diyos at nakahingi ng tawad. Mahirap paniwalaan na lumipas pa ang 40 taon bago ako nakabalik kay Jehova. Pinapatunayan ng nangyari sa akin na kahit maraming taon na ang lumipas, may pagkakataon pa rin ang isa na muling maglingkod sa Diyos at mahalin niya.”