BAHAGI 3
Sama ng Loob—Kapag May ‘Dahilan Para Magreklamo’
“Pinagbintangan ako ng isang sister sa kongregasyon na ninakaw ko ang pera niya. Nalaman ito ng ibang kapatid at nagkaroon na ng kampihan. Nang bandang huli, sinabi sa akin ng sister na napatunayan niyang hindi pala ako ang kumuha ng pera niya. Kahit nag-sorry na siya, parang hindi ko pa rin siya mapatawad.”—Linda.
NASAKTAN ka na ba ng isang kapananampalataya gaya ng nangyari kay Linda? Nakakalungkot, talagang nasasaktan ang ilan dahil sa paggawi ng iba, at apektado nito ang espirituwalidad nila. Totoo ba iyan sa iyo?
Mayroon Bang “Makapaghihiwalay sa Atin sa Pag-ibig ng Diyos”?
Totoo, baka mahirapan tayong patawarin ang isang kapananampalatayang nakasakit sa atin. Kaya lang, dapat ibigin ng mga Kristiyano ang isa’t isa. (Juan 13:34, 35) Kapag nagawan tayo ng mali ng isang kapatid, baka hindi natin ito matanggap at masaktan tayo nang husto.—Awit 55:12.
Sabihin pa, binabanggit ng Bibliya na kung minsan, ang mga Kristiyano ay “may dahilan . . . para magreklamo” sa isa’t isa. (Colosas 3:13) Pero kapag sa atin na mismo ito nangyari, baka mahirapan tayong harapin ito. May makakatulong ba sa atin? Pag-usapan natin ang tatlong simulain sa Bibliya:
Alam ng ating Ama sa langit ang lahat ng bagay. Nakikita ni Jehova ang lahat ng nangyayari, pati na ang anumang kawalang-katarungang nararanasan natin at ang pagdurusang dulot nito. (Hebreo 4:13) Isa pa, nasasaktan din si Jehova kapag nagdurusa tayo. (Isaias 63:9) Hinding-hindi niya hahayaang maging dahilan ang ‘kapighatian o pagdurusa’ o anupaman—kahit pa nga ang ibang lingkod niya— para ‘mahiwalay tayo sa pag-ibig ng Diyos.’ (Roma 8:35, 38, 39) Hindi ba’t nauudyukan tayo nito na huwag ding hayaan ang anuman o ang sinuman na maging dahilan para mahiwalay tayo kay Jehova?
Ang pagpapatawad ay hindi pagkunsinti. Kapag pinapatawad natin ang mga nakagawa sa atin ng mali, hindi ibig sabihin nito na minamaliit, ipinagmamatuwid, ipinagdadahilan, o kinukunsinti natin ang ginawa nila. Tandaan, hindi kailanman sinasang-ayunan ni Jehova ang kasalanan, pero pinapatawad niya ito kung may basehan. (Awit 103:12, 13; Habakuk 1:13) Kapag hinihimok tayo ni Jehova na magpatawad, hinihiling niyang tularan natin siya. Hindi siya ‘naghihinanakit magpakailanman.’—Awit 103:9; Mateo 6:14.
Tayo rin ang nakikinabang kapag hindi tayo nagkikimkim ng sama ng loob. Paano? Halimbawa, dumampot ka ng isang malaking bato at hawak mo ito habang nakaunat ang braso mo. Malamang na hindi ka mahirapan kung sandali lang naman. Pero paano kung mas matagal mo na itong hawak? Kaya mo ba itong gawin nang ilang minuto? isang oras? o higit pa? Siguradong mangangawit ka! Siyempre pa, hindi naman nagbabago ang timbang ng bato. Pero habang tumatagal ito sa iyong kamay, pakiramdam mo’y pabigat ito nang pabigat. Ganiyan din pagdating sa pagkikimkim ng sama ng loob. Habang nagkikimkim tayo ng sama ng loob—kahit maliit na bagay lang ang dahilan— lalo lang tayong nasasaktan. Kaya hinihimok Kawikaan 11:17.
tayo ni Jehova na kalimutan ang sama ng loob. Oo, tayo rin ang makikinabang kung gagawin natin iyan.—“Parang si Jehova Mismo ang Kumakausap sa Akin”
Ano ang nakatulong kay Linda para huwag na siyang magkimkim ng sama ng loob sa ginawa sa kaniya ng isang kapatid? Isa na rito ang pagbubulay-bulay sa mga dahilang binanggit ng Bibliya kung bakit dapat magpatawad. (Awit 130:3, 4) Naantig si Linda sa katotohanang kapag nagpatawad tayo, patatawarin din tayo ni Jehova. (Efeso 4:32–5:2) Kaya nasabi niya: “Parang si Jehova mismo ang kumakausap sa akin.”
Nang maglaon, kinalimutan na ni Linda ang kaniyang sama ng loob. Pinatawad niya ang sister at ngayon, malapít na magkaibigan na sila. Nagpatuloy si Linda sa paglilingkod kay Jehova. Makakatiyak kang tutulungan ka ni Jehova na magawa rin iyan.