Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALIN 14

Paano Tatanggapin ng Diyos ang Pagsamba Natin?

Paano Tatanggapin ng Diyos ang Pagsamba Natin?

Sa naunang aralin, nakita natin na hindi lahat ng relihiyon ay katanggap-tanggap sa Diyos. Pero puwede nating sambahin ang ating Maylalang sa paraang tinatanggap niya. Ano kayang “uri ng pagsamba [o, relihiyon]” ang tinatanggap niya? (Santiago 1:​27, talababa) Tingnan ang itinuturo ng Bibliya.

1. Saan dapat nakabase ang pagsamba natin?

Dapat nakabase sa Bibliya ang pagsamba natin. Sinabi ni Jesus sa Diyos: “Ang iyong salita ay katotohanan.” (Juan 17:17) Alam ng ilang relihiyon ang katotohanang makikita sa Salita ng Diyos, ang Bibliya. Pero pinalitan nila ito ng mga turo at tradisyon ng tao. Hindi natutuwa si Jehova sa mga ‘gumagawa ng paraan para malusutan ang utos ng Diyos.’ (Basahin ang Marcos 7:9.) Pero natutuwa siya kapag nakabase sa Bibliya ang ating pagsamba, at sinusunod natin ang mga utos niya.

2. Paano natin dapat sambahin si Jehova?

Si Jehova lang ang dapat nating sambahin kasi siya ang lumalang sa atin. (Apocalipsis 4:11) Ibig sabihin, siya lang ang mamahalin at sasambahin natin. At hindi tayo gagamit ng mga idolo, imahen, o rebulto sa pagsamba sa kaniya.​—Basahin ang Isaias 42:8.

Dapat na “banal” at “katanggap-tanggap” ang pagsamba natin kay Jehova. (Roma 12:1) Ibig sabihin, dapat nating sundin ang mga utos niya. Halimbawa, sinusunod ng mga nagmamahal kay Jehova ang mga pamantayan niya sa pag-aasawa. Wala silang mga bisyo, gaya ng paninigarilyo, pag-abuso sa droga, o sobrang pag-inom ng alak. a

3. Bakit dapat tayong sumamba kay Jehova kasama ng iba?

Linggo-linggo, may pagkakataon tayong ‘purihin si Jehova sa kongregasyon’ sa ating mga pulong. (Awit 111:​1, 2) Nagagawa natin ito kapag umaawit tayo ng papuri sa Diyos. (Basahin ang Awit 104:33.) Gusto ni Jehova na dumalo tayo sa mga pulong kasi mahal niya tayo. Alam din niya na matutulungan tayo nito na maging masaya magpakailanman. Kapag dumadalo tayo, napapatibay natin ang isa’t isa.

PAG-ARALAN

Alamin kung bakit ayaw ni Jehova na gumamit tayo ng mga imahen sa pagsamba, at kung paano natin siya dapat sambahin.

4. Hindi tayo dapat gumamit ng imahen sa pagsamba

Paano natin nalaman na hindi tinatanggap ng Diyos ang paggamit ng imahen sa pagsamba? Panoorin ang VIDEO. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:

  • Noong panahon ng Bibliya, gumamit ang bayan ng Diyos ng imahen sa pagsamba. Ano ang nangyari sa kanila?

Iniisip ng ilan na mas napapalapít sila sa Diyos kapag gumagamit sila ng mga imahen sa pagsamba. Pero ang totoo, mas napapalayo sila sa kaniya. Basahin ang Exodo 20:​4-6 at Awit 106:​35, 36. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:

  • Anong mga bagay ang nakikita mong ginagamit ng mga tao sa pagsamba?

  • Ano kaya ang nararamdaman ni Jehova tungkol dito?

  • Ano naman ang pananaw mo sa paggamit ng imahen?

5. Kapag si Jehova lang ang sinasamba natin, napapalaya tayo sa maling mga turo

Napapalaya tayo mula sa maling mga turo kapag sinasamba natin si Jehova sa tamang paraan. Panoorin ang VIDEO.

Basahin ang Awit 91:14. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:

  • Kapag si Jehova lang ang minamahal at sinasamba natin, ano ang ipinapangako niya sa atin?

6. Sinasamba natin ang Diyos sa mga pulong sa kongregasyon

Pinupuri natin si Jehova at pinapatibay ang iba kapag kumakanta at nagkokomento tayo sa mga pulong sa kongregasyon. Basahin ang Awit 22:22. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:

  • Masaya ka ba kapag naririnig mo ang mga komento sa pulong?

  • Gusto mo bang maghanda ng komento sa pulong?

7. Natutuwa si Jehova kapag sinasabi natin sa iba ang mga natututuhan natin

Maraming paraan para masabi natin sa iba ang mga natututuhan natin sa Bibliya. Basahin ang Awit 9:1 at 34:1. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:

  • Alin sa mga natutuhan mo sa Bibliya ang gusto mong sabihin sa iba?

MAY NAGSASABI: “Basta may pananampalataya ka sa Diyos, ’di na mahalaga kung paano mo siya sasambahin.”

  • Ano ang isasagot mo?

SUMARYO

Napapasaya natin ang ating Maylalang kapag siya lang ang sinasamba natin, kapag pinupuri natin siya sa mga pulong sa kongregasyon, at sinasabi natin sa iba ang mga natututuhan natin.

Ano ang Natutuhan Mo?

  • Paano natin malalaman kung ano ang pagsambang tinatanggap ng Diyos?

  • Bakit si Jehova lang ang dapat nating sambahin?

  • Bakit dapat tayong sumamba sa Diyos kasama ng mga lingkod niya?

Subukan Ito

TINGNAN DIN

Sa kuwentong “Hindi Na Ako Alipin ng mga Idolo,” tingnan kung paano naihinto ng isang babae ang pagsamba sa mga idolo.

“Binago ng Bibliya ang Kanilang Buhay” (Ang Bantayan, Hulyo 1, 2011)

Paano ka makakapagkomento sa mga pulong sa kongregasyon?

“Purihin si Jehova sa Kongregasyon” (Ang Bantayan, Enero 2019)

Tingnan kung paano natulungan ng mga pulong ang isang kabataan kahit nahihirapan siyang dumalo.

Nagmamalasakit sa Akin si Jehova (3:07)

Marami ang naniniwala na ang krus ay simbolo ng pagiging Kristiyano, pero dapat ba itong gamitin sa pagsamba?

“Bakit Hindi Gumagamit ang mga Saksi ni Jehova ng Krus sa Pagsamba?” (Artikulo sa jw.org/tl)

a Tatalakayin ang mga paksang ito sa susunod na mga aralin.