ARALIN 22
Paano Mo Ipapangaral ang Mabuting Balita?
Habang natututo ka tungkol sa Bibliya, baka maisip mo, ‘Dapat malaman ’to ng lahat!’ At tama iyon! Pero baka nag-aalangan kang sabihin sa iba ang natututuhan mo. Talakayin natin kung paano mo maaalis ang takot o kaba para maging masaya ka sa pangangaral ng mabuting balita.
1. Paano mo sasabihin sa mga kakilala mo ang mga natututuhan mo?
Sinabi ng mga alagad ni Jesus: “Hindi namin kayang tumigil sa pagsasalita tungkol sa mga bagay na nakita namin at narinig.” (Gawa 4:20) Napakahalaga sa kanila ng katotohanan kaya gustong-gusto nila itong sabihin sa lahat ng tao. Iyan din ba ang nararamdaman mo? Kung oo, maghanap ng pagkakataon para masabi sa mga kapamilya at kaibigan mo ang mga natututuhan mo sa magalang na paraan.—Basahin ang Colosas 4:6.
Ang puwede mong gawin
-
Kapag nakikipag-usap ka sa kapamilya mo, puwede mong maipasok ang mga paksa sa Bibliya kung sasabihin mo: “Nagustuhan ko y’ong natutuhan ko ngayong linggo, tungkol ’yon sa . . . ”
-
Mag-share ng isang teksto sa isang kaibigan mo na may sakit o nadedepres.
-
Kapag kinumusta ka ng katrabaho mo, sabihin mo sa kaniya ang mga natutuhan mo sa Bible study o sa pulong.
-
Ipakita ang website na jw.org sa mga kaibigan mo.
-
Yayain mo ang iba na sumama sa Bible study mo, o turuan sila kung paano magre-request ng pag-aaral sa jw.org.
2. Bakit magandang gawing goal ang pagsama sa kongregasyon sa pangangaral?
Hindi lang sa mga kakilala nila nangaral ang mga alagad ni Jesus. “Isinugo sila [ni Jesus] nang dala-dalawa para mauna sa kaniya sa bawat lunsod.” (Lucas 10:1) Dahil sa organisadong pangangaral na iyon, maraming tao ang nakarinig ng mabuting balita. At dahil may kasama silang nangangaral, naging mas masaya sila. (Lucas 10:17) Puwede mo bang gawing goal na sumama sa kongregasyon para mangaral?
PAG-ARALAN
Alamin kung paano mababawasan ang kaba mo sa pangangaral at maging masaya sa gawaing ito.
3. Kasama mo si Jehova
Kinakabahan ang ilan sa sasabihin ng iba o magiging reaksiyon ng makakausap nila.
-
Kinakabahan ka bang sabihin sa iba ang mga natututuhan mo? Bakit?
Panoorin ang VIDEO. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
-
Ano ang ginawa ng mga kabataang Saksi para mawala ang takot o kaba nila?
Basahin ang Isaias 41:10. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
-
Kapag natatakot kang mangaral, paano makakatulong sa iyo ang panalangin?
Alam mo ba?
Maraming Saksi ni Jehova ang nag-iisip noon na hindi nila kayang mangaral. Tingnan ang halimbawa ni Sergey. Mababa ang tingin niya sa sarili at hiráp siyang makipag-usap sa iba. Pero nang mag-aral siya ng Bibliya, sinabi niya: “Kahit kinakabahan ako, sinasabi ko pa rin sa iba ang mga natututuhan ko. Nagulat ako kasi habang sinasabi ko iyon sa iba, mas nagiging confident ako. At mas nagiging totoo sa akin ang mga paniniwala ko.”
4. Maging magalang
Kapag sinasabi mo sa iba ang mabuting balita, huwag mo lang isipin kung ano ang sasabihin mo, isipin mo rin kung paano mo iyon sasabihin. Basahin ang 2 Timoteo 2:24 at 1 Pedro 3:15. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:
-
Paano mo magagamit ang mga tekstong ito kapag nangangaral ka?
-
Baka hindi interesado sa mga sinasabi mo ang mga kapamilya at kaibigan mo. Ano ang puwede mong gawin? At ano ang hindi mo dapat gawin?
-
Bakit mas magandang gumamit ng pinag-isipang tanong kaysa sa basta ipilit sa kanila ang mga paniniwala mo?
5. Magiging masaya ka kapag ipinapangaral mo ang mabuting balita
Ibinigay ni Jehova kay Jesus ang atas na mangaral ng mabuting balita. Ano ang pananaw o tingin ni Jesus sa atas na ito? Basahin ang Juan 4:34. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:
-
Nakakatulong ang pagkain para manatili tayong buháy at masaya. Bakit ikinumpara ni Jesus sa pagkain ang paggawa ng kalooban ng Diyos, kasama na ang pangangaral ng mabuting balita?
-
Sa tingin mo, anong mga pagpapala ang matatanggap mo sa pangangaral ng mabuting balita?
Mga Tip
-
Habang nasa pulong sa gitnang sanlinggo, tingnan kung paano nagpapasimula ng mga pag-uusap at kung ano ang matututuhan mo rito.
-
Kausapin ang nagtuturo sa iyo kung puwede ka nang maging estudyante sa Pulong Para sa Buhay at Ministeryo. Kapag nagkakabahagi ka na, mas magiging handa ka nang ipakipag-usap sa iba ang mga natututuhan mo.
-
Gamitin ang seksiyong “May Nagsasabi” o “Kung May Magtanong” sa mga aralin para makapagpraktis ng isasagot sa mga karaniwang tanong o pagtutol.
KUNG MAY MAGTANONG: “Kumusta ka na?”
-
Paano mo gagamitin ang pagkakataong ito para sabihin ang mga natututuhan mo sa Bibliya?
SUMARYO
Magiging masaya ka kapag ipinapangaral mo ang mabuting balita sa iba, at ang totoo, kaya mo itong gawin.
Ano ang Natutuhan Mo?
-
Bakit dapat mong sabihin sa iba ang mabuting balita?
-
Paano mo ito magagawa nang may paggalang?
-
Ano ang puwede mong gawin para mabawasan ang kaba mo sa pangangaral?
TINGNAN DIN
Tingnan ang apat na paraan para makapangaral ka gamit ang jw.org contact card.
Alamin ang apat na katangian na makakatulong sa iyo na ipangaral ang mabuting balita.
“Handa Ka Na Bang Maging Mangingisda ng Tao?” (Ang Bantayan, Setyembre 2020)
Panoorin kung paano makakatulong ang mga halimbawa sa Bibliya para magkaroon tayong lahat, kahit ang mga bata, ng lakas ng loob sa pangangaral.
Alamin kung paano mo ipapakipag-usap sa mga kapamilya mo ang tungkol sa Bibliya.
“Pag-abot sa Puso ng mga Kamag-anak na Di-kapananampalataya” (Ang Bantayan, Marso 15, 2014)