ARALIN 27
Paano Tayo Maililigtas ng Kamatayan ni Jesus?
Nagkakasala tayo, nagdurusa, at namamatay dahil sa pagsuway nina Adan at Eva sa Diyos. a Pero hindi ibig sabihin nito na wala na tayong pag-asa. Gumawa si Jehova ng paraan! Ibinigay niya ang Anak niya, si Jesu-Kristo, para iligtas tayo mula sa kasalanan at kamatayan. Itinuturo ng Bibliya na nagsilbing pantubos ang kamatayan ni Jesus. Ang pantubos ay ang ibinabayad na halaga para mapalaya ang isang tao. Ibinigay ni Jesus ang perpektong buhay niya bilang kabayaran o pantubos. (Basahin ang Mateo 20:28.) Dahil perpekto si Jesus, puwede sana siyang mabuhay magpakailanman dito sa lupa. Pero kusa niyang ibinigay ang buhay niya para maibalik sa atin ang lahat ng naiwala nina Adan at Eva. Ipinapakita nito na mahal na mahal tayo ni Jehova at ni Jesus. Sa araling ito, mas mapapahalagahan mo ang kamatayan ni Jesus.
1. Ano ang epekto sa atin ngayon ng kamatayan ni Jesus?
Dahil makasalanan tayo, nakakagawa tayo ng mga bagay na nagpapalungkot kay Jehova. Pero magkakaroon tayo ng malapít na kaugnayan sa Diyos, kung talagang pagsisisihan natin ang mga nagawa natin. Kailangan din nating humingi ng kapatawaran kay Jehova sa pamamagitan ni Jesu-Kristo, at gawin ang makakaya natin para hindi na ito maulit. (1 Juan 2:1) Sinasabi ng Bibliya: “Si Kristo ay namatay nang minsanan para sa mga kasalanan, isang taong matuwid para sa mga di-matuwid, para maakay kayo sa Diyos.”—1 Pedro 3:18.
2. Ano ang epekto sa atin sa hinaharap ng kamatayan ni Jesus?
Ibinigay ni Jehova ang perpektong buhay ni Jesus “para ang bawat isa na nananampalataya [kay Jesus] ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.” (Juan 3:16) Malapit nang alisin ni Jehova ang lahat ng masamang epekto ng pagsuway ni Adan. Naging posible ito dahil sa sakripisyong ginawa ni Jesus. Kaya kung mananampalataya tayo rito, puwede tayong mabuhay magpakailanman sa paraisong lupa!—Isaias 65:21-23.
PAG-ARALAN
Alamin pa kung bakit isinakripisyo ni Jesus ang buhay niya, at kung ano ang magagawa nito para sa iyo.
3. Pinapalaya tayo ng kamatayan ni Jesus mula sa kasalanan at kamatayan
Panoorin ang VIDEO. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
-
Perpektong tao si Adan. Pero dahil sumuway siya sa Diyos, lahat ng tao ay nagkakasala at namamatay
-
Perpektong tao si Jesus. At dahil sinunod niya ang Diyos, posible nang mabuhay magpakailanman at maging perpekto ang mga tao
4. Ang nagawa ng kamatayan ni Jesus para sa lahat ng tao
Panoorin ang VIDEO. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
-
Paano makikinabang ang lahat ng tao sa kamatayan ng isang tao?
Basahin ang 1 Timoteo 2:5, 6. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
-
Perpektong tao si Adan. Pero dahil sa kasalanan niya, lahat tayo ay nagkakasala at namamatay. Dahil perpektong tao rin si Jesus, ano ang kaya niyang ibigay?
5. Regalo sa iyo ni Jehova ang pantubos
Para sa mga kaibigan ni Jehova, personal na regalo ang pantubos. Tingnan ang isang halimbawa. Basahin ang Galacia 2:20. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
-
Paano ipinakita ni apostol Pablo na itinuturing niyang regalo ang pantubos?
Nang magkasala si Adan, siya at ang lahat ng magiging anak niya ay nahatulan ng kamatayan. Pero isinugo ni Jehova ang Anak niya para mamatay kaya posible na tayong mabuhay magpakailanman.
Habang binabasa mo ang mga teksto, pag-isipan kung ano ang nararamdaman ni Jehova nang makita niyang nagdurusa ang Anak niya. Basahin ang Juan 19:1-7, 16-18. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
-
Ano ang nararamdaman mo sa sakripisyong ginawa ni Jehova at ni Jesus para sa iyo?
KUNG MAY MAGTANONG: “Paano maliligtas ang lahat ng tao dahil sa kamatayan ng isang tao?”
-
Ano ang isasagot mo?
SUMARYO
Dahil sa kamatayan ni Jesus, puwede nang mapatawad ni Jehova ang mga kasalanan natin at posible na tayong mabuhay magpakailanman.
Ano ang Natutuhan Mo?
-
Bakit namatay si Jesus?
-
Bakit natin masasabi na naibigay ni Jesus ang halaga na katumbas ng naiwala ni Adan?
-
Ano ang epekto sa iyo ng kamatayan ni Jesus?
TINGNAN DIN
Pag-aralan kung bakit tinawag na pantubos ang perpektong buhay ni Jesus.
“Paanong ang Hain ni Jesus ay Naging ‘Pantubos Para sa Marami’?” (Artikulo sa jw.org/tl)
Alamin kung ano ang dapat gawin para maligtas.
Mapapatawad ba ni Jehova ang malulubhang kasalanan?
“Sagot sa mga Tanong sa Bibliya” (Ang Bantayan, Mayo 1, 2013)
Alamin kung paano natulungan ang isang lalaki na baguhin ang ugali niya nang malaman niya ang sakripisyo ni Kristo.
a Ang kasalanan ay hindi lang tumutukoy sa mga maling gawain kundi pati na sa minanang kalagayan ng lahat ng tao, ang pagiging di-perpekto.