Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

SEKSIYON 5

Kung Paano Makakasundo ang mga Kapamilya

Kung Paano Makakasundo ang mga Kapamilya

“Damtan ninyo ang inyong sarili ng . . . kabaitan, kababaan ng pag-iisip, kahinahunan, at mahabang pagtitiis.”​—Colosas 3:12

Nang magpakasal kayo, naging isang bagong pamilya kayo. Bagaman hindi mawawala ang pagmamahal at paggalang mo sa iyong mga magulang, ang asawa mo na ngayon ang pinakaimportanteng tao sa iyo. Baka mahirapan ang mga magulang mo na tanggapin ito. Pero makatutulong ang mga simulain sa Bibliya para maging timbang, at makasundo mo ang iyong mga kapamilya, pati na ang mga kamag-anak, habang bumubuo kayong mag-asawa ng sarili ninyong pamilya.

1 TAMANG PANANAW SA IYONG MGA KAPAMILYA

ANG SABI NG BIBLIYA: “Parangalan mo ang iyong ama at ang iyong ina.” (Efeso 6:2) Anuman ang edad mo, kailangan mo pa ring igalang ang iyong mga magulang. Huwag kalimutan na anak din ang asawa mo, at kailangan niyang bigyan ng atensiyon ang mga magulang niya. “Ang pag-ibig ay hindi mapanibughuin,” kaya huwag isiping kaagaw mo sila sa iyong asawa.​—1 Corinto 13:4; Galacia 5:26.

ANG PUWEDE MONG GAWIN:

  • Iwasan ang mga salitang gaya ng “Lagi na lang akong minamaliit ng pamilya mo” o “Kahit kailan, wala na ‘kong ginawang tama sa nanay mo”

  • Tingnan ang mga bagay-bagay ayon sa pananaw ng iyong asawa

2 MANINDIGAN KAPAG KAILANGAN

ANG SABI NG BIBLIYA: “Iiwan ng lalaki ang kaniyang ama at ang kaniyang ina at pipisan siya sa kaniyang asawa at sila ay magiging isang laman.” (Genesis 2:24) Kapag nag-asawa ka, baka maisip ng mga magulang mo na pananagutan ka pa rin nila, at baka gusto nilang magkaroon ng mas malaking papel sa inyong pagsasama kaysa sa kinakailangan.

Kayong mag-asawa ang magpapasiya kung ano ang limitasyon nila sa inyong pagsasama. Puwede mo itong sabihin sa kanila nang prangkahan, pero sa magalang na paraan. (Kawikaan 15:1) Ang kapakumbabaan, kahinahunan, at pagkamatiisin ay makatutulong para magkaroon kayo ng magandang kaugnayan sa inyong mga kapamilya. Sa gayon, patuloy ninyong ‘mapagtitiisan ang isa’t isa sa pag-ibig.’​—Efeso 4:2.

ANG PUWEDE MONG GAWIN:

  • Kung pakiramdam mo ay medyo nanghihimasok na ang inyong mga kapamilya, pag-usapan ninyo itong mag-asawa kapag kalmado kayo

  • Pagkasunduan kung paano ninyo haharapin ang bagay na ito