Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

KABANATA 15

Isang Aral sa Pagiging Mabait

Isang Aral sa Pagiging Mabait

ALAM mo ba ang ibig sabihin ng pagtatangi?— Buweno, ang pagtatangi ay ang pag-ayaw sa isang tao dahil lamang sa iba ang hitsura niya o kaya ay baka nagsasalita siya ng ibang wika. Kaya ang pagtatangi ay ang pagkakaroon ng masamang damdamin o palagay sa isang taong hindi mo pa naman nakikilalang lubos.

Sa palagay mo, tama kayang ayawan agad ang isang tao gayong hindi mo pa naman talaga nakikilala ang tunay niyang pagkatao o dahil lamang sa naiiba siya?— Hindi, ang pagtatangi ay mali, at hindi rin ito isang kabaitan. Hindi tayo dapat magpakita ng masama sa isang tao dahil lamang sa maaaring naiiba siya sa atin.

Pag-isipan ito. May kilala ka ba na ang kulay ng balat ay iba sa iyo o nagsasalita ng wikang iba sa iyo?— Baka may kilala ka pa ngang mga tao na iba ang hitsura dahil sa aksidente o sakit. Mabait ka ba at mapagmahal sa mga taong naiiba sa iyo?

Paano natin dapat pakitunguhan yaong naiiba sa atin?

Kung nakikinig tayo sa Dakilang Guro, si Jesu-Kristo, tayo ay magiging mabait sa lahat. Hindi mahalaga sa atin kung saanmang bansa nagmula ang isang tao o kung anuman ang kulay ng kaniyang balat. Dapat tayong maging mabait sa kaniya. Bagaman hindi lahat ay naniniwala rito, ito ang aral na itinuro ni Jesus. Pag-usapan natin ito.

Isang Judio na may pagtatangi sa iba ang lumapit kay Jesus at nagtanong, ‘Ano ang dapat kong gawin para mabuhay magpakailanman?’ Alam ni Jesus na gusto lamang ng lalaki na sabihin niyang dapat tayong maging mabait doon lamang sa ating mga kalahi o kababayan. Kaya sa halip na siya mismo ang sumagot sa tanong, tinanong ni Jesus ang lalaki: ‘Ano ba ang sabi ng Kautusan ng Diyos na dapat nating gawin?’

Sumagot ang lalaki: ‘Dapat mong ibigin si Jehova na iyong Diyos nang iyong buong puso, at dapat mong ibigin ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.’ Sinabi ni Jesus: ‘Tama ang sagot mo. Patuloy mong gawin ito at magkakaroon ka ng buhay na walang hanggan.’

Gayunman, ayaw ng lalaki na maging mabait o mapagmahal sa mga taong naiiba sa kaniya. Kaya sinikap niyang magdahilan. Tinanong niya si Jesus: “Sino ba talaga ang aking kapuwa?” Maaaring gusto niyang sabihin ni Jesus na: “Ang iyong kapuwa ay yaong mga kaibigan mo” o, “Sila yaong mga taong kapareho mo ang hitsura.” Para masagot ang tanong, nagkuwento si Jesus tungkol sa isang Judio at isang Samaritano. Ganito iyon.

May isang lalaki na bumababa mula sa lunsod ng Jerusalem papuntang Jerico. Ang lalaking ito ay isang Judio. Habang siya’y naglalakad, sinunggaban siya ng mga magnanakaw. Pinaghahampas nila siya hanggang sa matumba at kinuha ang kaniyang pera at mga damit. Binugbog siya ng mga magnanakaw at iniwan siya sa tabi ng daan na halos patay na.

Mayamaya, may dumaan na isang saserdote. Nakita niya ang lalaki na lubhang sugatan. Kung ikaw iyon, ano kaya ang gagawin mo?— Buweno, ang saserdote ay basta dumaan lamang sa kabilang tabi ng daan. Ni hindi man lamang siya tumigil. Ni wala man lamang siyang ginawa para tulungan ang lalaki.

Pagkatapos ay may dumaan namang isang napakarelihiyosong lalaki. Isa siyang Levita na naglilingkod sa templo sa Jerusalem. Titigil kaya siya para tumulong?— Hindi. Ginawa rin niya ang ginawa ng saserdote.

Nang dakong huli, isang Samaritano naman ang dumaan. Nakikita mo ba siyang dumarating mula sa papalikong daan?— Nakita niya ang Judio na nakahiga at lubhang sugatan. Alam mo, karamihan sa mga Samaritano at mga Judio ay magkagalit. (Juan 4:9) Kung gayon, pababayaan kaya ng Samaritano ang lalaki? Sasabihin kaya niya sa kaniyang sarili: ‘At bakit ko tutulungan ang Judiong ito? Tiyak na hindi naman niya ako tutulungan kung ako ang nasaktan’?

Bakit ang Samaritano ang naging mabuting kapuwa?

Buweno, tiningnan ng Samaritano ang lalaking nakahiga sa tabi ng daan, at naawa siya sa kaniya. Hindi niya kayang iwan siya roon at hayaang mamatay. Kaya bumaba siya mula sa kaniyang hayop, lumapit sa lalaki, at ginamot ang mga sugat nito. Binuhusan niya ang mga ito ng langis at alak. Makatutulong ito para gumaling ang mga sugat. Saka niya binalutan ng tela ang mga sugat.

Maingat na isinakay ng Samaritano ang sugatang lalaki sa kaniyang hayop. Pagkatapos ay dahan-dahan silang nagpatuloy hanggang sa makarating sa isang bahay-tuluyan, o maliit na otel. Doon ay umupa ang Samaritano ng matutuluyan ng lalaki, at kaniyang inalagaan siyang mabuti.

Sa gayon ay tinanong ni Jesus ang kausap niyang lalaki: ‘Sa palagay mo, sino sa tatlong lalaking ito ang naging mabuting kapuwa?’ Ano ang masasabi mo? Ang saserdote ba, ang Levita, o ang Samaritano?

Sumagot ang lalaki: ‘Ang lalaking tumigil at nag-alaga sa sugatang lalaki ang naging mabuting kapuwa.’ Sinabi ni Jesus: ‘Tama ka. Humayo ka at gayundin ang gawin mo.’Lucas 10:25-37.

Hindi ba’t napakaganda ng kuwentong ito? Nililiwanag nito kung sino ang ating mga kapuwa. Hindi lamang yaong malalapít nating kaibigan. At hindi lamang yaong mga taong katulad natin ang kulay ng balat o nagsasalita ng ating wika. Tinuruan tayo ni Jesus na maging mabait sa mga tao saanman sila nagmula, anuman ang kanilang hitsura, o anuman ang kanilang wika.

Ganito ang Diyos na Jehova. Hindi siya nagtatangi. ‘Pinasisikat ng inyong Ama na nasa langit ang kaniyang araw sa mga taong masasama at mabubuti,’ ang sabi ni Jesus. ‘At nagpapaulan siya sa mabubuting tao at sa hindi mabubuti.’ Kaya naman, dapat tayong maging mabait sa lahat, gaya rin ng Diyos.Mateo 5:44-48.

Paano ka magiging isang mabuting kapuwa?

Kaya kapag may nakita kang nasaktan, ano ang gagawin mo?— Paano kung ang taong iyon ay mula sa ibang bansa o iba ang kulay ng kaniyang balat kaysa sa iyo? Kapuwa mo pa rin siya, at dapat mo siyang tulungan. Kung sa palagay mo’y napakaliit mo pa para tumulong, puwede kang magpatulong sa isang nakatatanda. O puwede kang magpatulong sa isang pulis o sa isang guro sa paaralan. Ganiyan ang mabait, gaya ng Samaritano.

Gusto ng Dakilang Guro na tayo ay maging mabait. Gusto niyang tulungan natin ang iba, sinuman sila. Iyan ang dahilan kung bakit niya ikinuwento ang tungkol sa mabait na Samaritano.

Tungkol sa aral na ito ng pagiging mabait sa mga tao anuman ang kanilang lahi o nasyonalidad, basahin ang Kawikaan 19:22; Gawa 10:34, 35; at 17:26.