Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

KABANATA 22

Kung Bakit Hindi Tayo Dapat Magsinungaling

Kung Bakit Hindi Tayo Dapat Magsinungaling

HALIMBAWANG sinabi ng batang babae sa kaniyang nanay: “Opo, uuwi agad ako pagkatapos ng klase.” Pero hindi naman siya umuwi agad at nakipaglaro pa sa kaniyang mga kaibigan at pagkatapos ay sinabi sa kaniyang nanay: “Hindi po kasi ako pinauwi agad ng aming titser.” Tama bang sabihin iyon?

Anong pagkakamali ang nagawa ng batang lalaking ito?

O baka isang batang lalaki naman ang nagsabi sa kaniyang tatay: “Hindi po, hindi ko po sinipa ang bola sa loob ng bahay.” Pero paano kaya kung talagang sinipa niya ito? Mali bang sabihing hindi niya ginawa iyon?

Ipinakita sa atin ng Dakilang Guro ang nararapat nating gawin. Sinabi niya: ‘Ang inyo lamang salitang Oo ay mangahulugang Oo, at ang inyong Hindi, Hindi; sapagkat ang iba kaysa rito ay mula sa isa na balakyot.’ (Mateo 5:37) Ano ang ibig sabihin ni Jesus dito?— Ang ibig niyang sabihin ay na dapat nating gawin ang ating sinasabi.

May isang kuwento sa Bibliya na nagpapakita kung gaano kahalaga ang pagsasabi ng totoo. Ito’y tungkol sa dalawang tao na nagsasabing sila’y mga alagad ni Jesus. Tingnan natin kung ano ang nangyari.

Wala pang dalawang buwan pagkamatay ni Jesus, maraming tao mula sa malalayong lugar ang pumunta sa Jerusalem para sa isang mahalagang kapistahan ng mga Judio na tinatawag na Pentecostes. Nagbigay si apostol Pedro ng isang napakagandang pahayag na doo’y ibinalita niya sa mga tao ang tungkol kay Jesus, na binuhay ni Jehova mula sa mga patay. Ito ang unang pagkakataon na marami sa mga nagpupunta sa Jerusalem ang natuto ng tungkol kay Jesus. Ngayon ay gusto nilang makaalam nang higit pa. Kaya, ano ang ginawa nila?

Namalagi sila roon nang mas matagal kaysa sa kanilang inaasahan. Pero pagkaraan, ang ilan sa kanila ay naubusan na ng pera, at nangailangan sila ng tulong para makabili ng pagkain. Gusto ng mga alagad sa Jerusalem na tulungan ang mga bisita. Kaya naman, ipinagbili ng marami sa kanila ang mga pag-aari nila at dinala ang pinagbilhan sa mga apostol ni Jesus. Pagkatapos ay ibinigay naman ng mga apostol ang pinagbilhan sa mga nangangailangan nito.

Si Ananias at ang kaniyang asawang si Sapira, na mga miyembro ng kongregasyong Kristiyano sa Jerusalem, ay nagbenta ng bukid na kanilang pag-aari. Wala namang nag-utos sa kanila na ibenta iyon. Personal nilang desisyon iyon. Pero ginawa nila iyon hindi dahil sa mahal nila ang mga bagong alagad ni Jesus. Ang totoo, gusto lamang pahangain nina Ananias at Sapira ang mga tao. Kaya nagpasiya silang sabihin na ibibigay nila ang lahat ng pera upang makatulong sa iba. Ang totoo’y isang bahagi lamang naman nito ang ibibigay nila pero sinabi nilang ibibigay nila itong lahat. Ano ang masasabi mo rito?

Buweno, nakipagkita si Ananias sa mga apostol. Ibinigay niya ang pera sa kanila. Mangyari pa, alam ng Diyos na hindi niya ito ibinigay na lahat. Kaya ipinaalam ng Diyos kay apostol Pedro na si Ananias ay hindi nagsasabi ng totoo.

Anong kasinungalingan ang sinasabi ni Ananias kay Pedro?

Nang magkagayon ay sinabi ni Pedro: ‘Ananias, bakit ka nagpatukso kay Satanas na gawin ito? Ang bukid ay pag-aari mo. Hindi mo naman ito kailangang ipagbili. At kung ipinagbili mo man ang bukid, ikaw naman ang bahala kung ano ang gusto mong gawin sa pera. Pero bakit ka nagkukunwaring ibinibigay ang lahat ng pera gayong isang bahagi lamang naman nito ang ibinibigay mo? Dahil dito ay nagsisinungaling ka, hindi lamang sa amin, kundi pati sa Diyos.’

Delikado ito. Nagsisinungaling si Ananias! Hindi naman niya talaga ginagawa ang sinasabi niyang ginagawa niya. Nagkukunwari lamang siyang ginagawa niya ito. Sinasabi sa atin ng Bibliya ang sumunod na nangyari. Ang sabi nito: ‘Pagkarinig sa mga salitang ito ni Pedro, si Ananias ay bumagsak at namatay.’ Pinatay ng Diyos si Ananias! Pagkatapos, ang kaniyang bangkay ay dinala sa labas at inilibing.

Ano ang nangyari kay Ananias dahil sa pagsisinungaling niya?

Pagkalipas ng mga tatlong oras, pumasok naman si Sapira. Hindi niya alam ang nangyari sa kaniyang asawa. Kaya tinanong siya ni Pedro: ‘Ipinagbili ba ninyong dalawa ang bukid sa halagang ibinigay ninyo sa amin?’

Sumagot si Sapira: ‘Oo, ipinagbili namin ang bukid sa gayon ngang halaga.’ Pero iyon ay kasinungalingan! Itinago nila para sa kanilang sarili ang bahagi ng perang pinagbilhan sa bukid. Kaya pinatay rin ng Diyos si Sapira.Gawa 5:1-11.

Ano ang dapat nating matutuhan sa nangyari kina Ananias at Sapira?— Itinuturo nito sa atin na ayaw ng Diyos sa mga sinungaling. Gusto niya na palagi tayong magsabi ng totoo. Pero sinasabi naman ng marami na okey lang na magsinungaling. Sa palagay mo ba ay tama ang mga taong ito?— Alam mo ba na lahat ng sakit, kirot, at kamatayan sa lupa ay lumitaw dahil sa pagsisinungaling?

Sino ang sinabi ni Jesus na kauna-unahang nagsinungaling, at ano ang naging resulta?

Tandaan, ang Diyablo ay nagsinungaling sa unang babae, si Eva. Sinabi nito sa kaniya na hindi siya mamamatay kahit na sumuway siya sa Diyos at kumain ng prutas na sinabi ng Diyos na huwag niyang kakanin. Naniwala si Eva sa Diyablo at kinain niya ang prutas. Nahikayat din niya si Adan na kainin ito. Makasalanan na sila ngayon, at lahat ng kanilang anak ay isisilang na makasalanan. At dahil sa makasalanan sila, lahat ng mga anak ni Adan ay nagdurusa at namamatay. Paano nga nagsimula ang lahat ng problema?— Nagsimula ito dahil sa pagsisinungaling.

Hindi nga kataka-takang sabihin ni Jesus na ang Diyablo “ay isang sinungaling at ama ng kasinungalingan”! Siya ang kauna-unahang nagsinungaling. Kapag may nagsisinungaling, ginagawa niya ang unang ginawa ng Diyablo. Dapat natin itong alalahanin kapag natutukso tayong magsinungaling.Juan 8:44.

Kailan ka ba natutuksong magsinungaling?— Hindi ba’t kapag nakagagawa ka ng mali?— Kahit hindi mo naman sinasadya, baka makasira ka ng isang bagay. Kapag tinanong ka tungkol dito, sasabihin mo bang ang iyong kapatid ang gumawa nito? O magkukunwari ka bang hindi mo alam kung paano iyon nangyari?

Kailan ka maaaring matuksong magsinungaling?

Paano kung dapat mong gawin ang iyong araling-bahay pero hindi mo ito natapos? Sasabihin mo bang natapos mo ito, kahit hindi naman?— Dapat nating alalahanin sina Ananias at Sapira. Hindi nila sinabi ang buong katotohanan. At ipinakita ng Diyos kung gaano ito kasamâ sa pamamagitan ng pagpatay sa kanila.

Kaya anuman ang magawa natin, lalo lamang magkakaproblema kung magsisinungaling tayo, at ni hindi natin dapat ilihim ang ilang bahagi ng katotohanan. Ang Bibliya ay nagsasabi: ‘Magsalita ng katotohanan.’ Sinasabi rin nito: “Huwag kayong magsisinungaling sa isa’t isa.” Si Jehova ay palaging nagsasalita ng katotohanan, at umaasa siyang gayundin ang gagawin natin.Efeso 4:25; Colosas 3:9.

Dapat tayong palaging magsabi ng totoo. Iyan ang idiniriin sa Exodo 20:16; Kawikaan 6:16-19; 12:19; 14:5; 16:6; at Hebreo 4:13.