Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

KABANATA 32

Kung Paano Iningatan si Jesus

Kung Paano Iningatan si Jesus

KUNG minsan, si Jehova ay gumagawa ng mga kahanga-hangang paraan upang ingatan ang mga bata at ang mga walang kakayahang ingatan ang sarili. Kung mamamasyal ka sa probinsiya, posibleng makita mo ang isang paraan ni Jehova ng paggawa nito. Pero maaaring sa simula ay hindi mo muna maintindihan ang nangyayari.

Makikita mo ang isang ibon na papalapag sa lugar na malapit sa iyo. Parang may sugat ito. Hihilahin nito ang isa niyang pakpak at lalayo kapag lumapit ka. Habang sinusundan mo ang ibon, patuloy ito sa paglayo. Pagkatapos, ang ibon ay bigla na lamang lilipad. Wala naman palang sugat ang pakpak nito! Alam mo ba kung bakit ito ginawa ng ibon?

Kasi, di-kalayuan sa pinaglapagan ng ibon malapit sa iyo, ang mga inakay nito ay nakatago sa palumpong. Natakot ang inang ibon na baka makita mo at saktan ang mga ito. Kaya kunwari’y may sugat ito at inakay kang palayo. Alam mo ba kung sino ang makapag-iingat sa atin na gaya ng pag-iingat ng inang ibon sa kaniyang mga inakay?— Sa Bibliya, si Jehova ay itinulad sa isang ibong tinatawag na agila, na tumutulong sa kaniyang mga inakay.Deuteronomio 32:11, 12.

Paano iniingatan ng inang ibong ito ang kaniyang mga inakay?

Ang pinakamahalagang supling ni Jehova ay ang kaniyang mahal na Anak, si Jesus. Nang si Jesus ay nasa langit, siya ay isang makapangyarihang espiritung persona na katulad ng kaniyang Ama. Kaya niyang pangalagaan ang kaniyang sarili. Pero nang si Jesus ay ipanganak bilang isang sanggol sa lupa, wala siyang kalaban-laban. Kailangan niya ng proteksiyon.

Upang matupad ang kalooban ng Diyos para sa kaniya dito sa lupa, si Jesus ay kailangang lumaki at maging isang sakdal at ganap na lalaki. Pero, pinagsikapang patayin ni Satanas si Jesus bago mangyari ito. Ang pagtatangkang patayin si Jesus nang siya ay bata pa at ang mga paraan ni Jehova ng pag-iingat sa kaniya ay isang kapana-panabik na kuwento. Gusto mo ba itong marinig?

Ilang sandali pagkatapos ipanganak si Jesus, pinasikat ni Satanas ang kunwari’y isang bituin sa langit sa Silangan. Ang bituin ay sinundan hanggang Jerusalem, daan-daang kilometro ang layo, ng mga lalaking tinatawag na mga astrologo, ang mga nag-aaral tungkol sa mga bituin. Ipinagtanong nila roon kung saan ipanganganak ang magiging hari ng mga Judio. Nang tanungin ang mga lalaking nakaaalam ng sinasabi ng Bibliya tungkol dito, sila ay sumagot: “Sa Betlehem.”Mateo 2:1-6.

Matapos dalawin ng mga astrologo si Jesus, ano ang babala ng Diyos sa kanila na nagligtas kay Jesus?

Nang marinig ni Herodes, ang masamang hari ng Jerusalem, ang tungkol sa bagong haring ito na kapapanganak pa lamang sa karatig na bayan ng Betlehem, sinabi niya sa mga astrologo: ‘Hanapin ang bata, at kapag nakita ninyo ay bumalik kayo rito at sabihin sa akin.’ Alam mo ba kung bakit gustong malaman ni Herodes kung nasaan si Jesus?— Kasi, naiinggit si Herodes at gusto niyang patayin si Jesus!

Paano iningatan ng Diyos ang kaniyang Anak?— Buweno, nang makita ng mga astrologo si Jesus, nagbigay sila ng mga regalo sa kaniya. Pagkaraan ay nagbabala ang Diyos sa mga astrologo sa isang panaginip na huwag bumalik kay Herodes. Kaya sa ibang lugar sila dumaan at hindi na bumalik sa Jerusalem. Nang malaman ni Herodes na nakaalis na ang mga astrologo, galit na galit siya. Para mapatay si Jesus, ipinapatay ni Herodes ang lahat ng batang lalaki sa Betlehem na wala pang dalawang taóng gulang! Pero wala na roon si Jesus.

Alam mo ba kung paano nakatakas si Jesus?— Pag-uwi ng mga astrologo, nagbabala si Jehova kay Jose na asawa ni Maria, na bumangon at tumakas patungong Ehipto. Doon ay ligtas si Jesus mula sa masamang si Herodes. Pagkalipas ng ilang taon, nang magbalik sina Maria at Jose mula sa Ehipto kasama si Jesus, nagbabala uli ang Diyos kay Jose. Sinabi niya sa kaniya sa panaginip na lumipat sa Nazaret, kung saan magiging ligtas si Jesus.Mateo 2:7-23.

Paano nailigtas uli ang batang si Jesus?

Nakita mo ba kung paano iningatan ni Jehova ang kaniyang Anak?— Sino ang masasabi mong katulad ng mga inakay na itinago ng kanilang ina sa palumpong o katulad ni Jesus noong siya ay bata pa? Hindi ba’t ikaw ang katulad nila?— May mga gusto ring manakit sa iyo. Alam mo ba kung sino?

Ang Bibliya ay nagsasabi na si Satanas ay tulad ng isang umuungal na leon at gusto tayong kainin. At kung paanong tinatarget ng mga leon ang maliliit na hayop, tinatarget din ni Satanas at ng kaniyang mga demonyo ang mga bata. (1 Pedro 5:8) Pero mas malakas si Jehova kaysa kay Satanas. Kayang ingatan ni Jehova ang kaniyang mga anak o ayusin ang anumang masamang ginawa ni Satanas sa kanila.

Natatandaan mo ba mula sa Kabanata 10 ng aklat na ito kung ano ang pilit na ipinagagawa sa atin ng Diyablo at ng kaniyang mga demonyo?— Oo, pinipilit nilang ipagawa sa atin ang uri ng pakikipagtalik na sinabi ng Diyos na masama. Pero sino ba lamang ang puwedeng magtalik?— Oo, ang lalaki at babae na mag-asawa at nasa edad na.

Pero, nakalulungkot sabihin, may ilang matanda na gustong makipagtalik sa mga bata. Kapag ganito, ang mga batang lalaki at babae ay baka magsimula nang gumawa ng masasamang bagay na natututuhan nila sa matatandang ito. Sinisimulan na rin nilang gamitin sa maling paraan ang kanilang mga ari. Ganiyan ang nangyari sa lunsod ng Sodoma noon. Sinasabi ng Bibliya na ang mga tao roon, “mula sa batang lalaki hanggang sa matandang lalaki,” ay gustong makipagtalik sa mga lalaking dumalaw kay Lot.Genesis 19:4, 5.

Kaya kung paanong kinailangan ni Jesus ang proteksiyon, kailangan mo rin ang proteksiyon laban sa mga may-edad na—at maging sa ibang mga batana gustong makipagtalik sa iyo. Madalas na magkukunwari silang mga kaibigan mo. Baka may ialok pa nga sila kung mangangako kang hindi mo sasabihin sa iba ang gusto nilang gawin sa iyo. Pero ang mga taong ito ay makasarili, na gaya ni Satanas at ng kaniyang mga demonyo, at gusto lamang nilang bigyan ng kasiyahan ang kanilang sarili. At pinipilit nilang makuha ang kasiyahang ito sa pamamagitan ng pakikipagtalik sa mga bata. Maling-mali ito!

Alam mo ba kung ano ang maaari nilang gawin para bigyan ng kasiyahan ang kanilang sarili?— Buweno, baka subukin nilang himasin ang iyong ari. O ikiskis pa nga nila ang kanilang ari sa iyong ari. Pero huwag na huwag kang papayag na laruin ng sinuman ang iyong penis o vulva. Kahit ng iyong sariling kapatid na lalaki o babae o ng iyong nanay o tatay. Ang mga bahaging ito ng iyong katawan ay pribado.

Ano ang dapat mong sabihin at gawin kapag may gustong humipo sa iyo sa maling paraan?

Paano mo maiingatan ang iyong katawan mula sa mga taong gumagawa ng masasamang bagay na gaya nito?— Una sa lahat, huwag kang papayag na laruin ng sinuman ang iyong ari. Kapag may gustong gumawa nito, matatag mong sabihin sa malakas na boses: “Tumigil ka! Isusumbong kita!” At kung sabihin ng taong iyon na ikaw ang may kasalanan sa nangyari, huwag kang maniniwala. Hindi totoo iyon. Basta magsumbong ka kahit sino pa siya! Dapat mong gawin ito kahit sabihin pa niyang ang ginagawa ninyo ay sekreto ninyong dalawa. Kahit na pangakuan ka pa ng taong iyon ng magagandang regalo o kaya naman ay takutin ka, lumayo ka sa kaniya at isumbong mo pa rin siya.

Hindi ka kailangang matakot, pero dapat kang mag-ingat. Kapag pinag-iingat ka ng iyong mga magulang sa mga tao o lugar na mapanganib para sa iyo, kailangang makinig ka sa kanila. Kung makikinig ka, hindi mo mabibigyan ng pagkakataon ang masamang tao na saktan ka.

Basahin ang tungkol sa pag-iingat ng iyong sarili mula sa maling gawain sa sekso sa Genesis 39:7-12; Kawikaan 4:14-16; 14:15, 16; 1 Corinto 6:18; at 2 Pedro 2:14.