Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

KABANATA 29

Natutuwa ba ang Diyos sa Lahat ng Party?

Natutuwa ba ang Diyos sa Lahat ng Party?

Bakit natuwa ang Diyos sa ganitong party?

MAHILIG ka ba sa mga party?— Napakasaya nito. Gusto kaya ng Dakilang Guro na dumalo tayo sa mga party?— Buweno, dumalo siya sa isang matatawag na party noong may ikinasal, at sumama sa kaniya ang ilan sa kaniyang mga alagad. Si Jehova ay “maligayang Diyos,” kaya natutuwa siya kapag nasasayahan tayo sa mabubuting party.1 Timoteo 1:11; Juan 2:1-11.

Sinasabi sa atin sa pahina 29 ng aklat na ito na hinati ni Jehova ang Dagat na Pula para makaraan ang mga Israelita. Natatandaan mo ba iyon?— Pagkatapos, ang mga tao ay nag-awitan at nagsayawan at nagpasalamat kay Jehova. Para itong isang party. Masayang-masaya ang mga tao, at natitiyak nating masaya rin ang Diyos.Exodo 15:1, 20, 21.

Pagkalipas ng halos 40 taon, dumalo ang mga Israelita sa isa na namang malaking party. Ang nag-anyaya naman sa kanila rito ay yaong hindi man lamang sumasamba kay Jehova. Sa katunayan, ang mga taong ito na nag-anyaya sa kanila ay yumuyukod pa nga upang sumamba sa ibang mga diyos at nakikipagtalik sa hindi nila asawa. Tama bang pumunta sa ganitong klase ng party?— Buweno, hindi natuwa si Jehova, at pinarusahan niya ang mga Israelita.Bilang 25:1-9; 1 Corinto 10:8.

May binabanggit din ang Bibliya tungkol sa dalawang birthday party. Ang isa ba rito ay para ipagdiwang ang birthday ng Dakilang Guro?— Hindi. Ang dalawang birthday party na ito ay para sa mga lalaking hindi naglilingkod kay Jehova. Ang isa ay ang birthday party ni Haring Herodes Antipas. Siya ang tagapamahala ng distrito ng Galilea noong nakatira pa si Jesus doon.

Si Haring Herodes ay gumawa ng maraming masasamang bagay. Inagaw niya ang asawa ng kaniyang kapatid. Ang pangalan ng babae ay Herodias. Sinabi kay Herodes ng lingkod ng Diyos na si Juan Bautista na mali ang kaniyang ginawa. Hindi ito nagustuhan ni Herodes. Kaya ipinabilanggo niya si Juan.Lucas 3:19, 20.

Habang nakabilanggo si Juan, dumating ang panahon para ipagdiwang ang birthday ni Herodes. Naghanda si Herodes ng isang malaking party. Nag-anyaya siya ng maraming importanteng tao. Silang lahat ay nagkainan at nag-inuman at nagpakasaya. Mayamaya ay dumating ang anak na babae ni Herodias at sumayaw para sa kanila. Tuwang-tuwa ang lahat sa kaniyang pagsasayaw anupat gusto ni Haring Herodes na bigyan siya ng isang espesyal na regalo. Sinabi niya sa kaniya: “Anuman ang hingin mo sa akin, ibibigay ko sa iyo, hanggang sa kalahati ng aking kaharian.”

Ano kaya ang hihingin niya? Pera kaya? magagandang damit? sariling palasyo? Hindi malaman ng dalagita kung ano ang sasabihin niya. Kaya pumunta siya sa kaniyang inang si Herodias, at nagsabi: “Ano ang hihingin ko?”

Buweno, galit na galit si Herodias kay Juan Bautista. Kaya sinabi niya sa kaniyang anak na hingin ang ulo nito. Nagbalik ang dalagita sa hari at nagsabi: “Ibig kong ibigay mo sa akin ngayon din sa isang bandehado ang ulo ni Juan Bautista.”

Ayaw sanang ipapatay ni Haring Herodes si Juan dahil alam niyang mabuting tao si Juan. Pero nakapangako na si Herodes, at natakot siya sa sasabihin ng ibang nasa party kung babaguhin niya ang kaniyang isip. Kaya nagpapunta siya ng isang lalaki sa bilangguan para pugutan ng ulo si Juan. Di-nagtagal ay nagbalik ang lalaki. Dala niya sa isang bandehado ang ulo ni Juan, at ibinigay niya ito sa dalagita. Pagkatapos ay ibinigay naman ito ng dalagita sa kaniyang ina.Marcos 6:17-29.

Walang ipinagkaiba ang isa pang birthday party na binabanggit sa Bibliya. Para naman ito sa isang hari ng Ehipto. Sa party rin na ito, may pinapugutan ng ulo ang hari. Pagkatapos nito, ipinabitin niya ang lalaki para kainin ng mga ibon! (Genesis 40:19-22) Sa palagay mo, sang-ayon ba ang Diyos sa dalawang party na ito?— Gugustuhin mo bang dumalo sa mga ito?

Ano ang nangyari sa birthday party ni Herodes?

Alam natin na may dahilan kung bakit isinulat ang lahat ng nasa Bibliya. Dalawang birthday party lamang ang binabanggit nito. At sa dalawang ito, may masasamang ginawa bilang bahagi ng pagdiriwang. Kaya, ano sa palagay mo ang gustong sabihin ng Diyos sa atin tungkol sa mga birthday party? Gusto ba ng Diyos na magdiwang tayo ng birthday?

Oo nga’t wala namang pinupugutan ng ulo sa gayong mga party sa ngayon. Pero ang pagdiriwang ng birthday ay nagmula sa mga taong hindi sumasamba sa tunay na Diyos. Ganito ang sabi ng The Catholic Encyclopedia tungkol sa mga pagdiriwang ng birthday na binabanggit sa Bibliya: “Mga makasalanan lamang . . . ang nagpapakasaya sa araw ng kanilang kapanganakan.” Gusto ba nating tumulad sa kanila?

Kumusta naman ang Dakilang Guro? Nagdiwang ba siya ng kaniyang birthday?— Hindi, walang binabanggit sa Bibliya na may birthday party si Jesus. Sa katunayan, ni hindi nga ipinagdiwang ng sinaunang mga tagasunod ni Jesus ang kaniyang birthday. Alam mo ba kung bakit nang bandang huli ay ipinagdiriwang na ng mga tao ang birthday ni Jesus tuwing Disyembre 25?

Ang petsang ito ay pinili dahil, gaya ng sabi ng The World Book Encyclopedia, “tinatandaan na ito ng mga Romano bilang Kapistahan ni Saturno, anupat ipinagdiriwang ang birthday ng araw.” Kaya gusto ng mga tao na ipagdiwang ang birthday ni Jesus sa isang petsang ipinagdiriwang na ng mga pagano!

Alam mo ba kung bakit hindi puwedeng ipinanganak si Jesus nang Disyembre?— Dahil sinasabi ng Bibliya na noong ipanganak si Jesus, ang mga pastol ay nasa bukirin pa nang gabing iyon. (Lucas 2:8-12) At hindi naman maaaring sila ay nasa labas sa malamig at maulang buwan ng Disyembre.

Bakit hindi puwedeng Disyembre 25 ang kapanganakan ni Jesus?

Marami ang nakaaalam na ang Pasko ay hindi birthday ni Jesus. Alam pa nga nila na sa araw na iyon, ang mga pagano ay may selebrasyon na hindi gusto ng Diyos. Pero marami pa ring nagdiriwang ng Pasko. Mas mahalaga sa kanila ang pagpaparty kaysa sa alamin kung ano talaga ang tingin ng Diyos dito. Pero gusto nating matuwa si Jehova, hindi ba?

Kaya kapag nagpaparty tayo, dapat nating tiyakin na ang mga ito ay mabuti sa paningin ni Jehova. Puwede nating gawin ito anumang araw sa buong taon. Hindi na tayo kailangang maghintay pa ng isang espesyal na araw. Puwede tayong kumain ng espesyal na pagkain at magkatuwaan sa paglalaro. Gusto mo bang gawin ito?— Puwede mong kausapin ang iyong mga magulang at magplano ng isang party sa tulong nila. Okey iyan, hindi ba?— Pero bago kayo magplano ng isang party, tiyakin muna ninyo na ito ay sinasang-ayunan ng Diyos.

Paano natin matitiyak na natutuwa ang Diyos sa ating mga party?

Ang kahalagahan ng palaging paggawa ng mga bagay na sinasang-ayunan ng Diyos ay ipinakikita rin sa Kawikaan 12:2; Juan 8:29; Roma 12:2; at 1 Juan 3:22.