KABANATA 28
Kung Paano Malalaman Kung Sino ang Dapat Sundin
KUNG minsan, mahirap malaman kung sino ang dapat nating sundin. Maaaring inuutusan ka ng iyong nanay o tatay na gawin ang isang bagay. Pero baka salungat naman ito sa iniuutos sa iyo ng isang titser o pulis. Kapag nangyari ito, sino sa kanila ang susundin mo?
Sa naunang bahagi ng aklat na ito, sa Kabanata 7, binasa natin mula sa Bibliya ang Efeso 6:1-3. Sinasabi roon na ang mga anak ay dapat sumunod sa kanilang mga magulang. “Maging masunurin kayo sa inyong mga magulang kaisa ng Panginoon,” ang sabi ng teksto. Alam mo ba ang ibig sabihin ng maging “kaisa ng Panginoon”?
Pero may ilang nakatatanda na hindi naniniwala kay Jehova. Kaya, paano kung isa sa kanila ang magsabi na okey lang na mandaya sa iksamen o mangupit sa tindahan? Tama ba, kung gayon, na mandaya o magnakaw ang isang bata?
Tandaan, minsan ay inutusan ni Haring Nabucodonosor ang lahat na yumukod sa imaheng ginto na kaniyang ginawa. Pero ayaw yumukod nina Sadrac, Mesac, at Abednego. Alam mo ba kung bakit?
Pagkamatay ni Jesus, dinala ang kaniyang mga apostol sa harap ng Sanedrin, ang pangunahing relihiyosong korte ng mga Judio. Sinabi ng mataas na saserdoteng si Caifas: “Mahigpit namin kayong pinag-utusan na huwag nang magturo salig sa pangalang [Jesus], at gayunman, narito!
Noong panahong iyon, napakalakas ng impluwensiya ng mga Judiong lider ng relihiyon. Pero, ang bansa nila ay nasa ilalim ng pamamahala ng mga Romano. Ang pinuno ng pamahalaang ito ay tinatawag na Cesar. Bagaman ayaw ng mga Judio na si Cesar ang mamahala sa kanila, marami rin namang mabubuting bagay na nagawa ang pamahalaang Romano para sa mga tao. At ang mga pamahalaan sa ngayon ay gumagawa rin ng mabubuting bagay para sa mga mamamayan nito. Alam mo ba kung ano ang ilan sa mga bagay na ito?
Ang mga pamahalaan ay nagpapagawa ng mga kalye para sa paglalakbay at nagpapasuweldo sa mga pulis at mga bombero para protektahan tayo. Marahil ay pinaaaral din nila ang mga bata at ipinagagamot ang matatanda. Kailangan ang pera para magawa ng isang pamahalaan ang mga bagay na ito. Alam mo ba kung saan kumukuha ng pera ang pamahalaan?
Noong narito pa sa lupa ang Dakilang Guro, maraming Judio ang ayaw magbayad ng buwis sa pamahalaang Romano. Kaya isang araw, inupahan ng mga saserdote ang ilang lalaki upang magtanong kay Jesus para siya ipahamak. Ang tanong ay, ‘Dapat ba kaming magbayad ng buwis kay Cesar o hindi?’ Isa itong madayang tanong. Kung sasagot si Jesus ng, ‘Oo, dapat kayong magbayad ng buwis,’ hindi ito magugustuhan ng maraming Judio. Pero hindi rin naman puwedeng sabihin ni Jesus na, ‘Hindi, hindi kayo kailangang magbayad ng buwis.’ Maling sabihin iyan.
Kaya, ano ang ginawa ni Jesus? Buweno, ang sabi niya: ‘Ipakita ninyo sa akin ang isang barya.’ Nang dalhin ito sa kaniya, tinanong sila ni Jesus: ‘Kaninong larawan at pangalan ang nandito?’ Sumagot ang mga lalaki: “Kay Cesar.” Kaya sinabi ni Jesus: “Kung magkagayon nga, ibayad ninyo kay Cesar ang mga bagay na kay Cesar, ngunit sa Diyos ang mga bagay na sa Diyos.”
Buweno, walang makapagsasabing mali ang sagot na iyan. Kung gumagawa si Cesar ng mga bagay para sa mga tao, dapat lamang na gamiting pambayad sa kaniya para sa mga bagay na ito ang pera na ginawa ni Cesar. Kaya sa paraang ito, ipinakita ni Jesus na tama namang
magbayad ng buwis sa pamahalaan para sa mga bagay na tinatanggap natin.Maaaring bata ka pa ngayon para magbayad ng buwis. Pero may dapat kang ibigay sa pamahalaan. Alam mo ba kung ano iyon?
Maaaring may batas na huwag magtapon ng papel o iba pang bagay sa kalye. Dapat mo bang sundin ang batas na ito?
Kaya kung ikaw ay patawid sa daan at sinabi ng pulis na “Hintay!” ano ang gagawin mo?
Baka may kaguluhan sa komunidad, at marahil ay sasabihin ng isang pulis: “Walang lalabas ng bahay. Walang pupunta sa kalye.” Pero baka makarinig ka ng sigawan at gusto mong malaman kung ano ang nangyayari. Lalabas ka ba para mag-usyoso?
Sa maraming lugar, ang pamahalaan ay nagpapatayo rin ng mga paaralan, at nagpapasuweldo sa mga titser. Kung gayon, sa palagay mo kaya ay gusto ng Diyos na sumunod tayo sa titser?
Isang manunulat ng kasaysayan na ang pangalan ay Will Durant ang sumulat tungkol sa sinaunang mga Kristiyano at nagsabi na ang kanilang ‘sukdulang katapatan ay hindi para kay Cesar.’ Hindi, ito’y para kay Jehova! Kaya tandaan na ang Diyos muna ang dapat nating unahin sa ating buhay.
Sinusunod natin ang pamahalaan dahil ito ang gusto ng Diyos na gawin natin. Pero kung pagsasabihan tayo na gumawa ng isang bagay na sabi ng Diyos ay huwag nating gawin, ano ang sasabihin natin?
Itinuturo ng Bibliya ang paggalang sa batas. Basahin ang nakasulat sa Mateo 5:41; Tito 3:1; at 1 Pedro 2:12-14.