KABANATA 6
Pinaglingkuran ng Dakilang Guro ang Ibang Tao
GUSTO mo bang may gumagawa ng mabuti sa iyo?
Kaya kung gusto nating maging katulad ng Dakilang Guro, ano ang dapat nating gawin?
Isang araw, naglalakbay si Jesus kasama ang kaniyang mga alagad, na mga tagasunod niya. Pagdating nila sa lunsod ng Capernaum, malapit sa Dagat ng Galilea, silang lahat ay pumasok sa isang bahay. Doon ay tinanong sila ni Jesus: “Ano ang pinagtatalunan ninyo sa daan?” Hindi sila kumibo sapagkat pinagtatalunan nila sa daan kung sino sa kanila ang mas dakila.
unang kabanata ng aklat na ito, pinatayo niya ang isang maliit na bata sa gitna nila at sinabi sa kanila na dapat silang maging mapagpakumbabang gaya ng musmos na iyon. Pero hindi pa rin sila natuto. Kaya nang malapit na ang kaniyang kamatayan, tinuruan sila ni Jesus ng isang aral na hinding-hindi nila malilimutan. Ano kaya ang ginawa niya?
Buweno, habang silang lahat ay sama-samang kumakain, tumayo si Jesus mula sa mesa at hinubad ang kaniyang panlabas na kasuutan. Pagkakuha ng isang tuwalya, ibinalot niya ito sa kaniyang baywang. Pagkatapos ay kumuha siya ng isang palanggana at nilagyan ito ng tubig. Tiyak na nagtataka ang kaniyang mga tagasunod kung ano ang gagawin niya. Habang sila’y nagmamasid, isa-isa silang nilapitan ni Jesus, yumuko, at hinugasan ang kanilang mga paa. Pagkatapos ay tinuyo niya ng tuwalya ang kanilang mga paa. Isip-isipin na lamang iyon! Ano kaya kung naroroon ka? Ano kaya ang madarama mo?
Nadama ng kaniyang mga alagad na hindi tamang paglingkuran sila ng Dakilang Guro sa gayong paraan. Napahiya sila. Sa katunayan, hindi pumayag si Pedro na gawin ni Jesus sa kaniya ang mapagpakumbabang paglilingkod na ito. Pero sinabi ni Jesus na mahalaga para sa kaniya na gawin ito.
Hindi natin karaniwang hinuhugasan ang mga paa ng isa’t isa sa ngayon. Pero ginagawa ito noong si Jesus ay nasa lupa. Alam mo ba kung bakit?
Pero sa pagkakataong ito ay wala ni isa man sa mga alagad ni Jesus ang nagkusang maghugas sa mga paa ng iba. Kaya si Jesus na mismo ang gumawa nito. Sa paggawa nito, tinuruan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod ng isang mahalagang aral. Kailangan nilang matutuhan ang aral na ito. At ito ang aral na kailangan nating matutuhan sa ngayon.
Ipinakita rito ng Dakilang Guro na gusto niyang ang kaniyang mga tagasunod ay maglingkod sa isa’t isa. Ayaw niya na sila ay maging makasarili. Ayaw niyang ipalagay nila na sila ay napakaimportante anupat dapat na palaging pinaglilingkuran sila ng iba. Gusto niyang magkusa sila na maglingkod sa iba.
Hindi ba’t isang mainam na aral iyan?
Hindi naman mahirap maglingkod sa iba. Kung magmamasid ka, makikita mo ang maraming bagay na magagawa mo para sa iba. Mag-isip ka ngayon: May maitutulong ka ba sa iyong nanay? Alam mong maraming bagay
Baka puwedeng ihanda mo ang mesa bago kumain ang pamilya. O baka naman puwedeng ikaw na ang magligpit ng maruruming pinggan na nasa mesa pagkatapos kumain ang pamilya. Ang ilang bata ay nagtatapon ng basura araw-araw. Anumang bagay na magagawa mo, makapaglilingkod ka sa iba, gaya nga ng ginawa ni Jesus.
May nakababata ka bang mga kapatid na maaari mong paglingkuran? Tandaan, ang Dakilang Guro na si Jesus ay naglingkod kahit sa kaniyang mga tagasunod. Kapag pinaglilingkuran mo ang iyong nakababatang mga kapatid, tinutularan mo si Jesus. Ano ba ang magagawa mo para sa kanila?
Sa paaralan din ay makapaglilingkod ka sa ibang tao. Maaaring sa iyong mga kaklase o sa iyong guro. Kung ang mga aklat ng isa ay mahulog, isang kabaitan para sa iyo na tulungan siyang damputin ang mga ito. Baka puwedeng ikaw na ang kusang magpunas ng pisara o gumawa ng iba pang bagay para sa iyong guro. Maging ang pagbubukas ng pinto para sa iba ay isa ring mabait na paglilingkod.
Kung minsan, mapapansin natin na hindi nagpapasalamat ang mga taong pinaglilingkuran natin. Sa palagay mo kaya ay dahilan na ito para tumigil na tayo sa paggawa ng mabuti?
Kaya huwag sana tayong mag-atubiling maglingkod sa ibang tao kailanman. Alalahanin natin ang Dakilang Guro na si Jesus, at palagi nating sikapin na matularan ang kaniyang halimbawa.
Para sa higit pang mga teksto tungkol sa pagtulong sa ibang tao, basahin ang Kawikaan 3:27, 28; Roma 15:1, 2; at Galacia 6:2.