Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

KABANATA 7

Proteksiyon sa Iyo ang Pagkamasunurin

Proteksiyon sa Iyo ang Pagkamasunurin

GUSTO mo bang lahat ng bagay na maibigan mo ay nagagawa mo? May mga pagkakataon ba na hinahangad mong sana ay wala nang magsabi sa iyo kung ano ang dapat mong gawin? O sige nga, tapatin mo ako at sabihin mo sa akin ang nasa isip mo.

Bakit dapat kang makinig sa mga mas nakatatanda?

Pero ano kaya ang mas mabuti para sa iyo? Isang katalinuhan nga kaya na gawin mo ang lahat ng maibigan mo? O bumubuti ang mga bagay-bagay kapag sinusunod mo ang iyong tatay at nanay?— Sinasabi ng Diyos na dapat mong sundin ang iyong mga magulang, kaya tiyak na may mabuting dahilan para gawin iyan. Tingnan natin kung mauunawaan natin ito.

Ilang taon ka na ba?— Alam mo ba kung ilang taon na ang tatay mo?— Ilang taon na ang nanay mo o ang lola o lolo mo?— Mas matagal na silang nabubuhay kaysa sa iyo. At habang nagtatagal ang buhay ng isang tao, mas marami siyang panahong matuto ng mga bagay-bagay. Nakaririnig siya ng mas maraming bagay at nakakakita ng mas maraming bagay at nakagagawa ng mas maraming bagay taun-taon. Kaya naman ang mga kabataan ay matututo mula sa nakatatanda.

May kilala ka bang mas bata kaysa sa iyo?— Mas marami ka bang alam kaysa sa kaniya?— Bakit mas marami kang alam?— Kasi, mas matagal ka nang nabubuhay. Nagkaroon ka na ng mas mahabang panahon na matutuhan ang mga bagay-bagay kaysa sa isang nakababata.

Sino ang mas matagal nang nabubuhay kaysa sa iyo o sa akin o sa sinumang tao?— Ang Diyos na Jehova. Mas marami siyang alam kaysa sa iyo, at mas marami siyang alam kaysa sa akin. Kapag may ipinagagawa siya sa atin, makatitiyak tayong iyon nga ang nararapat gawin, kahit na parang mahirap itong gawin. Alam mo bang pati ang Dakilang Guro ay minsan nang nahirapang sumunod?

Minsan ay hiniling ng Diyos kay Jesus na gawin ang isang napakahirap na bagay. Nanalangin si Jesus tungkol dito, gaya ng makikita natin dito. Nanalangin siya: “Kung nais mo, alisin mo sa akin ang kopang ito.” Sa panalanging ito, ipinakita ni Jesus na hindi palaging madaling gawin ang kalooban ng Diyos. Pero paano kaya tinapos ni Jesus ang kaniyang panalangin? Alam mo ba?

Ano ang matututuhan natin sa panalangin ni Jesus?

Tinapos ito ni Jesus sa pagsasabing: “Maganap nawa, hindi ang kalooban ko, kundi ang sa iyo.” (Lucas 22:41, 42) Oo, gusto niyang ang kalooban ng Diyos ang maganap, hindi ang sa kaniya. At sumunod siya at ginawa ang gusto ng Diyos sa halip na yaong sa akala niya’y pinakamainam.

Ano ang matututuhan natin dito?— Matututuhan natin na ang pagsunod sa sinasabi ng Diyos ay palaging tama, kahit na parang mahirap itong gawin. Pero may iba pa tayong matututuhan. Alam mo ba kung ano iyon?— Matututuhan natin na ang Diyos at si Jesus ay hindi iisang persona, gaya ng sinasabi ng ilang tao. Mas matanda ang Diyos na Jehova at mas maraming alam kaysa sa kaniyang Anak na si Jesus.

Kapag sinusunod natin ang Diyos, ipinakikita nating iniibig natin siya. Ang Bibliya ay nagsasabi: “Ito ang kahulugan ng pag-ibig sa Diyos, na tuparin natin ang kaniyang mga utos.” (1 Juan 5:3) Kaya nga, kailangang sumunod tayong lahat sa Diyos. Gusto mong sumunod sa kaniya, hindi ba?

Buksan natin ang ating Bibliya at tingnan kung ano ang ipinagagawa ng Diyos sa mga bata. Babasahin natin ang sinasabi ng Bibliya sa Efeso kabanata 6, talata 1, 2, at 3. Ito ay nagsasabi: “Mga anak, maging masunurin kayo sa inyong mga magulang kaisa ng Panginoon, sapagkat ito ay matuwid: ‘Parangalan mo ang iyong ama at ang iyong ina’; na siyang unang utos na may pangako: ‘Upang mapabuti ka at mamalagi ka nang mahabang panahon sa lupa.’ ”

Kaya nga, ang Diyos na Jehova mismo ang nagsasabi sa iyo na maging masunurin ka sa iyong tatay at nanay. Ano ang ibig sabihin ng “parangalan” sila? Nangangahulugan iyon na magpapakita ka sa kanila ng paggalang. At nangangako ang Diyos na kapag sinunod mo ang iyong mga magulang, ‘mapapabuti ka.’

May ikukuwento ako sa iyo tungkol sa ilang tao na naligtas ang buhay dahil sa kanilang pagkamasunurin. Ang mga taong ito ay nakatira sa malaking lunsod ng Jerusalem noong unang panahon. Karamihan sa mga tao sa lunsod na iyon ay hindi nakikinig sa Diyos, kaya binabalaan sila ni Jesus na wawasakin ng Diyos ang kanilang lunsod. Sinabi rin sa kanila ni Jesus kung paano sila makaliligtas kapag inibig nila ang tama. Ang sabi niya: ‘Kapag nakita ninyong nakapalibot na ang mga hukbo sa Jerusalem, malalaman ninyo na ang pagkawasak nito ay malapit na. Kung magkagayon, oras na para umalis sa Jerusalem at tumakas patungo sa mga bundok.’Lucas 21:20-22.

Paanong ang pagkamasunurin sa utos ni Jesus ay nagligtas sa mga taong ito?

Buweno, gaya ng sinabi ni Jesus, dumating nga ang mga hukbo para salakayin ang Jerusalem. Nagkampo sa paligid nito ang mga hukbo ng Roma. Pero, sa di-maipaliwanag na dahilan, umalis ang mga sundalo. Ang akala ng karamihan ay wala nang panganib. Kaya nanatili sila sa lunsod. Pero ano ba ang sabi ni Jesus na dapat nilang gawin?— Ano kaya ang gagawin mo kung ikaw ay nakatira sa Jerusalem?— Yaong mga talagang naniwala kay Jesus ay umalis sa kanilang mga bahay at tumakas patungo sa mga bundok na malayo sa Jerusalem.

Sa loob ng isang taon, walang nangyari sa Jerusalem. Noong ikalawang taon, walang nangyari. At noong ikatlong taon, walang nangyari. Maaaring inisip ng ilang tao na ang mga umalis sa lunsod ay mga hangal. Pero noong ikaapat na taon, bumalik ang mga hukbong Romano. Nagkampo na naman sila sa paligid ng Jerusalem. Huli na ngayon para tumakas. Sa pagkakataong ito ay winasak ng mga hukbo ang lunsod. Ang karamihan sa mga taong naroroon ay namatay, at ang iba naman ay dinalang bihag.

Pero ano kaya ang nangyari sa mga sumunod kay Jesus?— Sila ay nakaligtas. Napakalayo nila sa Jerusalem. Kaya hindi sila napahamak. Naging proteksiyon sa kanila ang pagkamasunurin.

Kung ikaw ay masunurin, mapoproteksiyonan ka rin kaya nito?— Baka pinagsasabihan ka ng iyong mga magulang na huwag na huwag kang maglalaro sa kalye. Bakit kaya nila sinasabi ito?— Kasi, baka mabunggo ka ng sasakyan. Pero kung minsan ay maaaring isipin mo: ‘Wala namang mga sasakyan ngayon. Hindi ako masasaktan. Ang ibang bata ay naglalaro sa kalye, at wala pa naman akong nakitang may nasaktan sa kanila.’

Bakit dapat kang sumunod kahit wala kang nakikitang panganib?

Ganiyan din ang inakala ng karamihan ng mga tao sa Jerusalem. Nang umalis ang mga hukbong Romano, sa tingin nila ay ligtas na sila. Ang iba ay nanatili sa lunsod. Kaya nanatili rin sila. Sila ay binabalaan, pero hindi sila nakinig. Bunga nito, sila ay namatay.

Tingnan natin ang isa pang halimbawa. Nakapaglaro ka na ba ng posporo?— Para ngang nakatutuwang panoorin ang apoy kapag nagsindi ka ng posporo. Pero mapanganib ang paglalaro ng posporo. Maaaring masunog ang buong bahay ninyo, at maaaring mamatay ka!

Tandaan, ang paminsan-minsang pagsunod ay hindi sapat. Pero kung palagi kang susunod, iyan ang talagang magiging proteksiyon sa iyo. At sino nga ang nagsasabi sa inyo, “Mga anak, maging masunurin kayo sa inyong mga magulang”?— Ang Diyos. At, tandaan, sinasabi niya ito dahil iniibig niya kayo.

Basahin mo ngayon ang mga tekstong ito na nagpapakita sa kahalagahan ng pagkamasunurin: Kawikaan 23:22; Eclesiastes 12:13; Isaias 48:17, 18; at Colosas 3:20.