Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

KABANATA 43

Sino ang Ating mga Kapatid?

Sino ang Ating mga Kapatid?

MINSAN ay nagbangon ng isang nakagugulat na tanong ang Dakilang Guro. Ito ay: “Sino ang aking ina, at sino ang aking mga kapatid?” (Mateo 12:48) Masasagot mo ba ang tanong na iyan?— Malamang na alam mong Maria ang pangalan ng nanay ni Jesus. Pero alam mo ba ang mga pangalan ng kaniyang mga kapatid?— Mayroon ba rin siyang kapatid na babae?

Binabanggit ng Bibliya na ang pangalan ng mga kapatid ni Jesus ay “Santiago at Jose at Simon at Hudas.” At si Jesus ay may mga kapatid na babae na buháy nang siya’y nangangaral. Yamang si Jesus ang panganay, lahat sila ay mas bata sa kaniya.Mateo 13:55, 56; Lucas 1:34, 35.

Ang mga kapatid ba ni Jesus ay mga alagad din niya?— Binabanggit ng Bibliya na sa simula, sila ay “hindi nananampalataya sa kaniya.” (Juan 7:5) Pero nang maglaon, sina Santiago at Hudas (na tinatawag ding Judas) ay naging mga alagad niya, at sumulat pa nga sila ng mga aklat ng Bibliya. Alam mo ba kung aling mga aklat ang isinulat nila?— Oo, Santiago at Judas.

Bagaman wala sa Bibliya ang pangalan ng mga kapatid na babae ni Jesus, alam natin na mayroon siyang di-kukulangin sa dalawa. Pero, posibleng higit pa roon. Naging mga tagasunod ba niya ang mga kapatid na babaing ito?— Hindi ito binabanggit sa Bibliya, kaya hindi natin alam. Pero alam mo ba kung bakit nagtanong si Jesus, “Sino ang aking ina, at sino ang aking mga kapatid?”— Tingnan natin.

Tinuturuan noon ni Jesus ang kaniyang mga alagad nang biglang may magsabi sa kaniya: “Ang iyong ina at ang iyong mga kapatid ay nakatayo sa labas, na nais makipag-usap sa iyo.” Kaya sinamantala ni Jesus ang pagkakataong iyon para ituro ang isang mahalagang aral sa pamamagitan ng pagbabangon ng nakagugulat na tanong na iyon: “Sino ang aking ina, at sino ang aking mga kapatid?” Iniunat niya ang kaniyang kamay sa kaniyang mga alagad at sinagot ito, sa malakas na tinig: “Narito! Ang aking ina at ang aking mga kapatid!”

Pagkatapos ay ipinaliwanag ni Jesus ang ibig niyang sabihin, na sinasabi: “Ang sinumang gumagawa ng kalooban ng aking Ama na nasa langit, siya rin ang aking kapatid na lalaki, at kapatid na babae, at ina.” (Mateo 12:47-50) Ipinakikita nito kung gaano kalapít si Jesus sa kaniyang mga alagad. Itinuturo niya sa atin na ang kaniyang mga alagad ay parang tunay niyang mga kapatid at mga ina.

Sino ang ipinaliwanag ni Jesus na kaniyang mga kapatid?

Nang pagkakataong iyon, ang sariling mga kapatid ni Jesus—sina Santiago, Jose, Simon, at Hudasay hindi naniniwalang Anak ng Diyos si Jesus. Hindi nila marahil pinaniwalaan ang sinabi ng anghel na si Gabriel sa kanilang ina. (Lucas 1:30-33) Kaya maaaring naging malupit sila kay Jesus. Sinumang kumikilos nang ganiyan ay hindi isang tunay na kapatid. May kilala ka bang naging malupit sa kaniyang kapatid?

Binabanggit ng Bibliya sina Esau at Jacob at kung paanong galít na galít si Esau kung kaya sinabi niya: “Papatayin ko si Jacob na aking kapatid.” Takot na takot ang kanilang nanay na si Rebeka kung kaya pinaalis niya si Jacob para hindi siya mapatay ni Esau. (Genesis 27:41-46) Pero, nagbago si Esau pagkalipas ng maraming taon, at niyakap niya at hinagkan si Jacob.Genesis 33:4.

Nang maglaon, si Jacob ay nagkaroon ng 12 anak na lalaki. Pero hindi mahal ng nakatatandang mga anak ni Jacob ang kanilang nakababatang kapatid na si Jose. Naiinggit sila sa kaniya dahil siya ang paboritong anak ng kanilang tatay. Kaya ipinagbili nila siya sa mga bumibili ng mga alipin na noon ay papunta sa Ehipto. Pagkatapos ay sinabi nila sa kanilang tatay na si Jose ay napatay ng isang mabangis na hayop. (Genesis 37:23-36) Hindi ba’t napakasama nito?

Nang maglaon, nagsisi ang mga kapatid ni Jose sa kanilang ginawa. Kaya pinatawad sila ni Jose. Nakikita mo ba kung paanong si Jose ay naging kagaya ni Jesus?— Iniwan ng mga apostol si Jesus nang siya’y nasa kagipitan, at ikinaila pa nga siya ni Pedro. Pero, gaya ni Jose, silang lahat ay pinatawad ni Jesus.

Anong aral ang dapat nating matutuhan sa ginawa ni Cain kay Abel?

Binanggit din ang magkapatid na Cain at Abel. May matututuhan din tayong aral mula sa kanila. Nakita ng Diyos sa puso ni Cain na talagang hindi niya iniibig ang kaniyang kapatid. Kaya sinabi ng Diyos kay Cain na baguhin ang kaniyang ugali. Kung talagang iniibig ni Cain ang Diyos, nakinig sana siya. Pero hindi niya iniibig ang Diyos. Isang araw ay sinabi ni Cain kay Abel: “Pumaroon tayo sa parang.” Sumama naman si Abel kay Cain. Nang nagsosolo na sila sa parang, ubod-lakas na pinalo ni Cain ang kaniyang kapatid at ito’y namatay.Genesis 4:2-8.

Binabanggit sa atin ng Bibliya na may pantanging aral na dapat nating matutuhan mula rito. Alam mo ba kung ano iyon?— ‘Ito ang mensahe na inyong narinig buhat pa nang pasimula: Dapat tayong magkaroon ng pag-ibig sa isa’t isa; hindi tulad ni Cain, na nagmula sa isa na balakyot.’ Kaya dapat mag-ibigan ang magkakapatid. Hindi sila dapat makatulad ni Cain.1 Juan 3:11, 12.

Bakit masamang maging katulad ni Cain?— Kasi, sinasabi ng Bibliya na siya ay ‘nagmula sa isa na balakyot,’ si Satanas na Diyablo. Yamang si Cain ay kumilos na parang Diyablo, para na ring ang Diyablo ang tatay niya.

Nakikita mo ba kung bakit mahalagang ibigin ang iyong mga kapatid?— Kung hindi mo sila iniibig, kaninong mga anak ang tinutularan mo?— Mga anak ng Diyablo. Hindi mo gugustuhing maging ganoon, hindi ba?— Kaya paano mo mapatutunayang gusto mong maging anak ng Diyos?— Iyon ay kung talagang iibigin mo ang iyong mga kapatid.

Pero ano ba ang pag-ibig?— Ang pag-ibig ay isang taimtim na damdamin na nagpapakilos sa atin upang gustuhin nating gumawa ng mabuti sa ibang tao. Ipinakikita nating iniibig natin ang iba kapag mahal natin sila at kapag gumagawa tayo ng mabuti para sa kanila. At sino ang ating mga kapatid na dapat nating ibigin?— Tandaan, itinuro ni Jesus na sila ang bumubuo ng malaking pamilyang Kristiyano.

Paano mo maipakikitang iniibig mo ang iyong kapatid?

Gaano ba kaimportante na ibigin natin ang mga Kristiyanong kapatid na ito?— Sinasabi ng Bibliya: “Siya na hindi umiibig sa kaniyang kapatid, na nakita niya, ay hindi makaiibig sa Diyos, na hindi niya nakita.” (1 Juan 4:20) Kaya hindi puwedeng ilan lamang ang ating iibigin sa Kristiyanong pamilya. Dapat nating ibigin silang lahat. Ang sabi ni Jesus: “Sa ganito malalaman ng lahat na kayo ay aking mga alagad, kung kayo ay may pag-ibig sa isa’t isa.” (Juan 13:35) Iniibig mo ba ang lahat ng kapatid?— Tandaan, kung hindi mo sila iniibig, hindi mo talaga iniibig ang Diyos.

Paano natin maipakikita na talagang iniibig natin ang ating mga kapatid?— Buweno, kung iniibig natin sila, hindi natin sila iiwasan dahil ayaw natin silang kausapin. Magiging palakaibigan tayo sa kanilang lahat. Palagi tayong gagawa ng mabuti sa kanila at magiging handang bahaginan sila. At kapag sila’y may problema, tutulungan natin sila dahil talagang isa tayong malaking pamilya.

Kapag talagang iniibig natin ang lahat ng ating mga kapatid, ano ang pinatutunayan nito?— Pinatutunayan nito na mga alagad tayo ni Jesus, ang Dakilang Guro. At hindi ba’t iyan ang gusto nating mangyari?

Ang pagpapakita ng pag-ibig sa ating mga kapatid ay binabanggit din sa Galacia 6:10 at 1 Juan 4:8, 21. Bakit hindi mo buksan ang iyong Bibliya at basahin ang mga tekstong ito?